Ako'y nagtataka! Aywan ko kung bakit
nagbabago yaring damdamin ko't isip,
ganyan na ng̃a yata sa silong ng̃ lang̃it
ang gawang mamuhay sa laot ng̃ hapis.
Aywan ko kung bakit! Sa aki'y pumanaw
ang lahat ng̃ tamis nitong kabuhayan,
sa aki'y nag-iba ang lahat ng̃ kulay,
sa aki'y pag-api ang lahat ng̃ bagay!...
Talaga ng̃a yatang balot ng̃ hiwaga,
balot ng̃ pang̃arap at pagdadalita
ang palad ng̃ tao kung magkabisala!
Pawang agam-agam ang laman ng̃ lupa...!
Walang kilos na di paghamak sa akin,
walang bagay na di anyaya ng̃ lagim,
walang dulot na di sa aking paning̃i'y
aninong malungkot ng̃ mg̃a hilahil.
Aywan ko kung bakit nagbago ang lahat
sa kabuhayan ko't matimtimang palad;
Samantalang ako'y inaalapaap
ay masasabi kong: ¡Lahat ay pang̃arap!...
Puso ko'y malungkot! Malungkot na tila
Ibong walang laya't lagas na sampaga,
Sa pasan-pasan kong mabigat na sala'y
Lason at patalim ang magpapabawa.
Ang ayos ng̃ mundo ay isang kabaong,
Nagtayong kalansay ang puno ng̃ kahoy,
Dila ng̃ halimaw iyang mg̃a dahon
At sigaw ng̃ api ang ing̃ay ng̃ alon.
¡Ano't ganito na ang pasan kong hirap!
¡Ano't ganito na ang aking pang̃arap!
Ang lahat ng̃ bagay ay napatatawad,
¿Patawarin kaya ang imbi kong palad?
Gabi-gabi ako'y hindi matahimik
Na parang sa aki'y mayrong nagagalit,
Ang pasan kong
sala'y
laging umuusig
Sa kabuhayan kong di man managinip.
Ayun, tumatang̃is! Ayun, lumuluha't
tumataghoy-taghoy na nakaaawa.
Malasin ang hibang, ang sira ang diwa,
ang taong nanang̃is sa gabing payapa
na minsa'y maiyak, at minsa'y matuwa.
Malasin ang ayos ng̃ kahabaghabag
ng̃ pusong dinusta ng̃ kanyang pang̃arap;
malasin ang luha, ang luha ng̃ palad,
ang luhang nagmula sa kanyang pagliyag
na pinagkaitan ng̃ tamis ng̃ ling̃ap.
Tumang̃is na muli! At saka humibik
na mandi'y puputok ang latok na dibdib;
kanyang ipinukol ang mata sa lang̃it
kasabay ang sabing:—"¿Kailan pa sasapit
ang mithing ligaya ng̃ aking pag-ibig"?
"¡Oh! Diosa ng̃ aking yaman ng̃ pag-asa,
¿kailan mo tutubsin ang puso sa dusa?
¿kailan papalitan ng̃ tunay na saya
ang nagluluksa kong ulilang pagsinta
na nananambitan...!"—at saka tumawa.
Ha! ha! ha! oh! irog! Aking paraluman,
hantung̃an ng̃ aking buong kabuhayan!
kung hinihiling mo'y tulang tula lamang
Páhiná 16
ng̃ upang ang dusa'y minsang mabawasan,
naito't dinggin mo ang tula ng̃ buhay.
"Halika! halika! Tangapin mo ng̃ayon
ang tula ng̃ aking pusong lumalang̃oy;
basahing madali't dingging mahinahon
ang hibik ng̃ bawa't talatang nanaghoy,
ang awit ng̃ palad, ang sigaw, ang tutol.
"Oh! pusong maramot! Pusong mapang-api,
walang awang tala sa pagkaduhagi,
halika! ha! ha! ha! ang dilim ng̃ gabi,
ang halík ng̃ hang̃in ay pawa kong saksí
sa panunumpa kong kita'y kinakasi.
Halika't sinagin sa luha ng̃ puso
ang kulay ng̃ aking sinimpang pagsamo,
halika't basahin sa pamimintuho
ang gintong pang̃arap ng̃ aking pagsuyo
na nananawagan hanggang masiphayo",
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Dito na natapos yaóng panambitan,
dito na naputol ang pananawagan
ng̃ sira ang bait, ng̃ ulól, ng̃ hibang,
ng̃ pusong ginahís at pinagkaitan
niyang luwalhating katumbas ng̃ buhay.
¡Anóng hirap pala ng̃ gawang humibik
sa isang ayaw mang tumugo't makiníg!
¡Anóng hirap pala ng̃ gawang umibig
lalo't aapihín sa silong ng̃ lang̃it
ng̃ hiníhibikang pinapanaginip.....!
(Irog: Kung ang kalungkutan
ko'y tinutugon ng̃ iyong
damdamin ay pamuli't muling
basahin mo lamang ang
awit na ito. At ako'y talagang
may ugali na
matapang
sa
likod, at
duwag
sa harap.)
Sabihin na ninyong ako'y nang̃ang̃arap
ó nananaginip sa Sangmaliwanag
ay di babawiin itong pag-uulat
sa isang dalagang may magandang palad.
May tikas-bayani at tindig Sultana,
may hinhing kaagaw ng̃ mg̃a sampaga,
may samyong kundimang hindi magbabawa
datnan ma't panawan ng̃ gabi't umaga.
Ang matáng katalo ng̃ mayuming tala'y
sapat nang bumihis sa pusong naluha,
ang ng̃iting animo'y kaban ng̃ biyaya'y
makaliligaya sa mg̃a kawawa.
Si
José Vendido'y
subukang buhayi't
sa diwatang ito'y pilit na gigiliw,
paano'y may gandang batis ng̃ tulain,
paano'y may yuming aklat ng̃ damdamin.
Noon, ikaw'y aking minamalasmalas
sa pusod ng̃ gayong tahimik na gubat,
ang iyong larawan noo'y nasisinag
sa linaw ng̃ batis na awit ng̃ palad.
Ikaw'y namimili ng̃ batong mainam
at nilalaro mo ang mg̃a halaman,
sa damdam ko baga'y ang bawa't hawakan
ng̃ mg̃a kamay mo'y nagtataglay buhay.
Yaong "makahiyang" mahinhi't mayumi
ng̃ iyong hawaka'y hindi man nang̃imi,
paano'y may galing ang iyong daliri't
ang mg̃a kamay mo'y banal, tang̃ing tang̃i.
Sa puso'y tumubo ang isang paghang̃a,
naguhit sa pitak ang isang diwata,
aywan ko kung ikaw! At tila ikaw ng̃a!
Subali't Mayumi, ¿ikaw'y maaawa?
Magsabi ang aklat na iyong binasa
kundi ang buhay ko'y siniklot ng̃ dusa,
Páhiná 24
magsabi ang gubat kung hindi natayang
ang tulog kong puso'y iyong binalisa.
Mayumi, buhayin ang yumaong araw
sa tabi ng̃ batis at lilim ng̃ parang,
kung magunita na'y dapat mong malamang
naririto akong tigib kalumbayan.
Pang̃alang sing-bang̃o ng̃ mg̃a sampaga,
laman ng̃ tulain, hamog sa umaga,
awitan ng̃ ibong kahalihalina,
bulong ng̃ batisang badha ng̃ ligaya.
Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas,
upang magkadiwa ang aking panulat,
sa aki'y sukat na ang bang̃o mong ing̃at
upang ikabuhay ng̃ imbi kong palad.
Ikaw ang may sala! Bulaang makata
ang hindi sa iyo'y mahibang na kusa,
bulaang damdamin ang di magtiwala
sa ganda mong iyan, ng̃ lahat ng̃ nasa.
Yamang ginulo mo ang aking isipan
at naging ng̃iti ka sa aking kundiman,
bayaan mo ng̃ayong sa iyo'y ialay
ang buong palad kong tang̃ing iyo lamang.
Napakatagal nang ikaw'y natatago
sa pitak ng̃ aking lumuluhang puso,
ang iyong larawa'y talang walang labo
at siyang handugan ng̃ aking pagsuyo.
Kung nagbabasa ka'y tapunan ng̃ malay
ang kabuhayan kong walang kasayahan,
kung masasamid ka'y iyo nang asahan
na ikaw ang aking laging gunamgunam.
Sa paminsanminsa'y tapunan ng̃ titig
ang isang makatang hibang sa pagibig,
bago ka mahiga'y tuming̃in sa lang̃it
at mababakas mong ako'y umaawit.
Huwág mong isiping kita'y linilimot,
huwag mong asahang ang aking pag-irog
ay wala't kupas na
sa kimkim mong ganda,
huwag, aking kasi. Walang pagkatapos
ang tibok ng̃ pusong napabubusabos.
Ikaw'y nagmalaki! Ako'y di binati
at parang hindi na kakilalang tang̃i,
ganyan ng̃ang talaga
ang taong maganda,
mapagmalakihin sapagka't may uri
na lubhang mataas kay sa isang Hari.
Ako'y linimot mo. Kahit magkakita'y
hindi man ng̃itian, gayong kakilala,
hindi ba't diwata
ikaw nitong diwa?
Hindi ba't batisan ikaw ng̃ pag-asa
at ikaw'y may bang̃ong sipi sa sampaga?
Tapunan ng̃ malas ang masayang araw
na ako'y busabos niyang kagandahang
pumukaw na muli
sa aking kudyapi,
doo'y mababakas ang isang larawang
ako'y nakaluhod at nananambitan.
Páhiná 28
Iyan ang larawan ng̃ isang makata
na uhaw na uhaw sa kimkim mong awa,
Iyan ang umawit
sa lahat ng̃ sakit
na taglay ng̃ pusong laging lumuluha
at sabik na sabik sa iyong kaling̃a.
Ng̃ayo'y naririto't muling umaawit
ang iyong makatang inapi't hinapis,
habang inaapi'y
lalong lumalaki
sa dilag mong iyan, ang aking pag-ibig
pagka't ang puso ko'y singlawak ng̃ lang̃it.
Dalagang butihin: Huwag kang humang̃a
kung iyong makitang ang mata'y may luha,
ang kabuhayan ko'y hindi maapula
sa ikatatamo ng̃ tang̃ing biyaya.
Ang luha sa mata'y laging bumabalong,
ang aking damdamin ay linilingatong,
ang kulay ng̃ madla'y malamlam na hapon,
ang ayos ng̃ lahat ay parang kabaong.
Sa aking paghiga'y laging nakikita
ang iyong larawan, dakilang dalaga
ikaw'y maniwalang ako'y umaasa
na di aabutin ako ng̃ umaga.
Kaya't kung sakaling ikaw'y may pagling̃ap
kung may pagting̃in ka sa imbi kong palad,
ay mangyari mo ng̃ang iligtas sa hirap
ang kabuhayan kong sawa sa pang̃arap.
Bago ka umalis at naglakbay baya'y
may naging pang̃akong sa aki'y iniwan
pang̃akong sa aki'y naging bagong araw
na nikat sa gitna ng̃ katanghalian,
paano'y pang̃akong sa katotohana'y
nagbukas ng̃ pinto ng̃ kaligayahan.
Ikaw'y napalayo. Ako'y ilinagak
sa lang̃it ng̃ isang masung̃it na palad
napatulad ako sa kimpal ng̃ ulap
na walang bituwing magarang ninikat,
ang kabuhayan ko'y naging isang dagat
na di matatawid kahit sa pang̃arap.
Pinag-aralan kong lumang̃oy sa sakit
at buong lakas ko ang siyang ginamit
ang iyong pang̃ako sa aking pang̃anib
ay siyang timbulang kawáy ng̃ pagibig,
noon ko nalamang ang taglay kong hapis
ay di magbabawa't singlawak ng̃ lang̃it.
Pinagtiisan kong labanan ang aking
pasanpasang hirap at mg̃a damdamin,
ang kawikaan ko'y ang gabing malalim
na napakasung̃it ay natatapos din.
Ang taglay kong dusa kung ako'y palarin
ay magiging sayáng hindi magmamaliw.
Walang saglit na di ang iyong pang̃ako
ang napapasulat sa aklat ng̃ puso,
walang araw na di ang aking pagsuyo
ay sabik sa tuwang kapintupintuho
kaya't nangyayaring madalas maligo
itong aking palad sa luhang nunulo.
Páhiná 32
Isinulit mo pang sa iyong pagdating
ang iyong pang̃ako'y sadyang tutuparin,
ang aking pagasang puyapos ng̃ dilim
ay kinabakasan ng̃ bahagyang aliw,
paano'y umasang iyong tutubusin
ang kunis ng̃ buhay sa guhit ng̃ libing.
Magmula na noo'y naging maliwanag
ang lang̃it ng̃ pusong nagaalapaap,
ang kurus na aking laging namamalas
sa mg̃a libing̃an ng̃ nang̃apahamak,
sa aking paning̃in ay naging watawat
na kulay lungtiang kapang̃apang̃arap!
Ikaw'y napabalik, at tayo'y nagkita!
ang lamang palagi nitong alaala'y
ang iyong pang̃akong hindi magbabawa
na ng̃ayo'y ibig kong tuparin mo sana,
ng̃unit hinding hindi. Ang aking pagasa'y
iyong ipinako sa kurus ng̃ dusa.
Sa ganyang paraa'y di kaya manglambot
ang kabuhayan kong puyapos ng̃ lungkot?
At sa pagkabigo'y hindi ba himutok
ang sa damdamin ko'y minsang maglalagos?
Ang mukha ng̃ araw ay biglang lumubog
sa likod ng̃ isang mapanglaw na bundok.
Sulyapan mo ng̃ayon itong kalagaya't
balisang balisa sa kapighatian,
at hanggang hindi mo binibigyang tibay
ang naging pang̃ako sa dusta kong buhay
ang kaluluwa ko'y magiging larawan
ng̃ nakalulumong kurus at libing̃an.
Ayu't lumalakad. Magarang magarang
animo'y bituing nahulog sa lupa,
kung minsa'y nagiging hibang itong diwa
at kung magkaminsa'y para akong bata,
paano'y hindi ko masukat sa haka
ang nararapat kong ihaing paghang̃a.
Kung kita'y itulad sa dakilang araw
at ako ang lupa, ang lupang tuntung̃an,
ay masasabi mong ako'y walang galang
at ako ay bihag niyong gunam-gunam.
Subali't butihin! Ang aking tinuran
ay tibok at utos ng̃ katotohanan.
Kung ikaw'y Reyna man sa ganda't ugali,
naman sa pang̃arap, ako'y isang Hari;
kaya't kung sabihi'y tala kang mayumi,
hamog sa umaga, bang̃ong walang pawi,
ikaw ay manalig, manalig kang tang̃i
at ang nagsasabi'y nabatu-balani.
Hanggang tumataas iyang kalagayan
nama'y naiingit itong kapalaran,
ang gunitain ko ay baka mawalay
sa puso mo't diwa ang aking pang̃alan,
kung magkakagayon, irog ay asahang
sa aki'y babagsak ang Sangkatauhan.
Páhiná 34
Sa iyo'y bagay ng̃a yaong pagka-Reyna,
pagka't sa ayos mo'y isa kang Zenobia,
may puso kang Judith, may ng̃iting Ofelia,
may diwang de Arco't may samyo kang Portia,
samantalang ako, akong umaasa'y
isa lamang kawal na lunód sa dusa.
Sa paminsan-minsa'y maanong kuruing
wala nang itagal ang aking damdamin,
kung magdaramot ka, Reyna kong butihin
at di mahahabag sa pagkahilahil
ay iyong asahang ang aking paggiliw
ay magkakalbaryong walang págmamaliw.
Ibig kong hulaan sa silong ng̃ Lang̃it
ang lihim na saklaw niyang mg̃a titig,
isang suliraning nagpapahiwatig,
ng̃ maraming bagay, ng̃ luha't pag-ibig.
Ako'y manghuhula sa bagay na iyan,
pagka't nababasa, sa hugis, sa galaw
ng̃ mg̃a titig mong halik ng̃ kundiman
ang ibig sabihin at pita ng̃ buhay.
Ikaw'y nagtatapon nang minsa'y pagsuyo,
minsa'y pang-aaba't minsa'y panibugho,
minsa'y paanyaya sa tibok ng̃ puso
nang upang sumamba't sa iyo'y sumamo.
Ang mg̃a titig mo'y may saklaw na lihim,
at maraming bagay ang ibig sabihin,
ng̃uni't sa palad ko'y isang suliraning
nagkakahulugang ako'y ginigiliw.
Magsabi ang Lang̃it kundi ikaw'y talang
Nagbigay sa akin ng̃ tuwa't biyaya,
Magsabi ang lahat kung hindi diwata
Ikaw ng̃ lalo mang pihikang makata.
Ikaw'y maniwalang ang musmos kong puso'y
Natuto sa iyong humag̃a't sumamo,
Sisihin ang iyong dikit na nagturo
Sa kabuhayan ko, ng̃ pamimintuho.
At sino sa iyo ang hindi hahang̃a?
Ikaw'y paralumang batis ng̃ biyaya,
Pakpak ng̃ pang̃arap at Reyna ng̃ awa.
Ang dilim ng̃ gabi sa aki'y natapos,
Ng̃umiti sa tangkay ang mg̃a kampupot,
Gayon ma'y narito't puso ko'y busabos.
Noo'y isáng hapon! Ikaw'y nakadung̃aw
At waring inip na sa lagay ng̃ araw,
Ang ayos mo noon ay nakalarawan
Sa puso kong itong tigíb kalumbayan.
Anománg gawin ko'y hindi na mapawi
Ang naging anyo mong pagkayumi-yumi,
¡Itóng aking pusong nagdadalamhati'y
Tinuruan mo pang umibig na tang̃i!
Kung nang unang dako'y hindi ko nasabi
Sa iyo ang aking tunay na pagkasi
Ay pagka't ang aking puso ay napipi
Sa haráp ng̃ dikít na kawiliwili.
Sa ng̃ayo'y naritó at iyong busabos
Ang aking panulat at aking pag-irog;
Ang aking panitik: walang pagkapagod,
Ang aking pag-ibig: walang pagkatapos.
Kung pang̃arapin ko ang lamlam ng̃ araw
At nagíng anyo mo sa pagkakadung̃aw
Ay minsang sumagi sa aking isipang
"¿Ikaw kaya'y aking magíng Paraluman?"
Tinatakhan mo ba ang aking pag-irog?
Dinaramdam mo ba ang aking paglimot?
Huwag kang mamangha't di mo masusubok
ang kadalisayan ng̃ aking pagluhog.
Sa aki'y di sukat ang mg̃a babae,
sa aki'y di sukat ang iyong pagkasi,
ako'y inianak sa pagkaduhagi
kaya't magagawa ang minamabuti.
Ako'y malilimot kung siya mong nais
at pakasumpain sa silong ng̃ lang̃it,
ikaw'y may laya pang sa iba'y umibig
pagka't may ganda kang hiraman ng̃ awit.
Subali't alaming... ikaw'y masasayang
kung mahihilig ka sa ibang kandung̃an,
sapagka't ang ating nang̃agdaang araw
ay di malalanta sa iyong isipan!
Ang lahat sa lupa'y iyong mahahamak
at maaari kang magbago ng̃ palad,
ng̃uni't susundan ka sa iyong paglakad
ng̃ isang anino ng̃ ating lumipas.
Iyong magagawa ang ako'y limutin
at matitiis ko ang pagkahilahil,
Páhiná 48
iyo mang isangla ang iyong paggiliw
sa ibang binata'y... di ko daramdamin!
Kung tunay mang
lang̃it
ang iyong pagkasi'y
isang
Infierno
ring aking masasabi,
bihira sa mg̃a magandang babae
ang di salawaha't taksil sa lalaki.
Limutin mo ako kung siya mong nasa't
saka pa umibig sa ibang binata,
ang pagtataksil mo'y di ko iluluha
pagka't ang babae'y taong mahiwaga.
Ang paglilihim mo'y aking kamatayan,
ang ginagawa mo'y parusa ng̃ buhay,
kundi ka tutupad sa bilin ko't aral
ay ako'y walin na sa iyong isipan.
Di ko tinatakhan ang palad ng̃ tao
sapagka't ang lahat ay mayrong Kalbaryo
kung ang aking puso'y iyong
Paraiso
,
ang iyong pag-ibig ay aking
Infierno
.
Parang isang pilas ng̃ lang̃it na bughaw
ang namamalas ko kung ikaw'y magpaypay,
parang isang "mundo, ang pinagagalaw
ng̃ napakaputi't nilalik mong kamay.
Iyan ang pamaymay na iyong ginamit
nang ako'y darang̃in ng̃ dila ng̃ init,
diyan napasama ang patak ng̃ pawis,
diyan napalipat ang pisng̃i ng̃ lang̃it.
Anopa't sa aki'y naging malikmata
ang buhay kong iyong binigyang biyaya,
nalimot kong minsang ang tao sa lupa
ay may kamataya't sariling tadhana.
Ang sung̃it ng̃ gabi, sa aki'y napawi
at bagong umaga ang siyang naghari,
ang damdam ko baga'y pawang nanaghili
sa akin ang mg̃a taong mapagsurí.
Subukang igawad ang Sangkatauhan
at hindi sasaya itong kabuhayan,
ng̃uni't kung ang iyong "abanikong tang̃an,
patay ma'y babang̃o't ikaw'y aawitan.
Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas
upang ang lang̃it ko'y mawalan ng̃ ulap,
ang iyong pamaypay kung siya mong hawak,
ako'y dinaraíg ng̃ mg̃a pang̃arap.
Huwag nang sabihing ang tang̃ing Julieta
ng̃ isang Romeo'y batis ng̃ ligaya,
huwag nang banggitin ang isang Ofelia't
hindi mapapantay sa irog kong Reyna.
Subukang buhayin ang lima mang Venus
at di maiinggit ako sa pagluhog,
tinatawanan ko si Marteng umirog
sa isang babaeng lumitaw sa agos.
Ang pulá ng̃ labi, ang puti ng̃ bisig,
ang kinis ng̃ noong wari'y walang hapis,
ang lahat ng̃ samyo sa silong ng̃ lang̃it
ay isinangla mo kung ikaw'y umibig.
Ang lahat sa iyo'y kulay ng̃ ligaya,
ang lahat sa aki'y ng̃iti ng̃ sampaga,
kung magkakapisan ang ating pag-asa
ay magiging mundong walang bahid dusa.
Hindi mo pansin na ako'y lalaki,
hindi mo naisip na ikaw'y babae,
paano'y talagang kung ikaw'y kumasi
sa tapat na sinta'y nagpapakabuti.
Páhiná 54
Gabing maliwanag at batbat ng̃ tala,
maligayang Edeng bahay ng̃ biyaya,
iyan ang larawang hindi magtitila
ng̃ iyong pag-ibig sa balat ng̃ lupa.
Ang buhay ng̃ tao'y hindi panaginip,
ang mundo'y di mundo ng̃ hirap at sakit,
aking mapapasan ang bigat ng̃ lang̃it
kung sasabihin kong:
Kung ikaw'y umibig
.
May nang̃agsasabing masama ang ulan,
may nang̃agagalit sa lusak na daan,
ako ang tanung̃i't... aking isasaysay
na ang tang̃ing
gloria'y
ang pagtatampisaw.
Ang mg̃a halama'y nang̃ananariwa
sa patak ng̃ ulang hindi nagtitila,
ang aking pagkasing ibig mamayapa
kung ganyang tagula'y nagbabagong diwa.
Walang kailang̃ang sa aki'y magtago
ang mukha ng̃ araw na di ko makuro,
sa aki'y sukat na ang iya'y maglaho
upang pasayahin ang kimkim kong puso.
Walang kailang̃ang sa Sangmaliwanag
ay laging maghari ang dilim at ulap,
ang patak ng̃ ulan sa imbi kong palad
ay bang̃ong masansang na di mang̃ung̃upas.
Kung may mag-uulat na sa kalang̃itan
ay may unos, baha, at patak ng̃ ulan,
ay kunin na ako't hindi mamamanglaw
pagka't masasama sa kawal ng̃ banal.
Ang patak ng̃ ulan ay awa ng̃ lang̃it,
lihim na biyaya sa mg̃a ninibig,
laman ng̃ panulat sa mg̃a pag-awit,
sariwang bulaklak sa pitak ng̃ isip.
Kung ang tang̃ing Musa'y may tampo sa akin
at ayaw sumunod sa aking paggiliw,
ang patak ng̃ ula'y sukat ang malasin
upang ang
lira
ko'y sumuyo't sumaliw.
Kung sakasakaling ako'y maging bangkay
at saka ilagak sa isang mapanglaw
na labi ng̃ libing... mangyaring ang ula'y
bayaang tumagos sa aking katawán.
Anang mg̃a tao:
Ang mg̃a makata'y
Sadyang isinilang upang magsiluha.
Nang una'y ayokong dito'y maniwala
Subali't sa ng̃ayo'y nakita kong tama.
Ang luha ng̃ tao ay may mg̃a dahil,
May luhang nagmula sa pagkahilahil,
May sa pagkaapi sa isang giniliw,
May sa pagkalayo sa inang butihin.
Ang luha ng̃ aking nagsisising puso
Ay hindi nanggaling sa pagkasiphayo,
Ni sa pagkaapi ng̃ aking pagsuyo,
Ni sa pagkagahis ng̃ isang palalo.
Ang luha ko'y buhat sa di pagkataya
Na ang tao'y mayrong
balon
ng̃ parusa,
Ang pagsisisi ko ay bumabalisa't
Bumawi sa akin ng̃ aking ligaya.
Talagang ang tao'y sadyang walang tigil,
Namali nang minsa'y ibig pang ulitin,
Ang tanaw sa
mundo'y mundong
walang lihim
At sa
Dios
ay
Dios
na di matandain.
Páhiná 60
Ang mundo ng̃a nama'y batbat ng̃ paraya't
Nagkalat ang silo sa balat ng̃ lupa,
Dito kung mayron mang sampagang dakila
Ay may tinik namang pamutol ng̃ nasa.
Ang pagkamasakim sa bang̃o at puri
Ang isinasama ng̃ lalong mabuti,
Ang pagting̃ing labis sa pagsintang iwi'y
Siyang pagkabagsak ng̃ isang lalaki.
Oh!
bang̃ong
pang̃arap ng̃ uhaw na puso!
Oh!
puring
nagbuwal sa lalong maamo!
Kayo ang
berdugong
may bihis-pagsuyo
Ng̃uni't iyang loob ay pagkasiphayo.
Ang sabik sa bang̃o ng̃ isang sampaga't
Ang uhaw sa puri ng̃ isang dalaga'y
Siyang sumusunog sa kanyang pagasa't
Siyang nagsasabog niyong mg̃a Troya.
Dakilang bulaklak: Ako'y naniwala
Na ang nagawa ko'y kahibang̃ang pawa,
Ng̃ayon ko natantong
birhen
kang dakila,
May wagas kang puso't banal na akala.
Ako'y naririto't pinagsisisihan
Ang aking nagawang mg̃a kasalanan,
Aking babaunin hanggang sa libing̃an
Ang hinanakit mo't magagandang aral.
Talagang nalisya ang aking pang̃arap,
Puso ko'y inabot ng̃ bagyo sa dagat,
¿Ano't ikaw pa ng̃a yaong binagabag
Gayong ikaw'y isang
anghel
na mapalad?
Páhiná 61
Pawiin sa puso ang mg̃a nangyari
At iyong alaming may bang̃o ka't puri,
Samantalang gayon, ako'y nagsisisi
At binabawi ko ang mg̃a sinabi.
Ng̃uni't isang tanong: ¿Kaya ang patawad
Sa namaling puso ay iyong igawad?
Ang mg̃a
luha
ko'y siyang ihuhugas
Sa napaligaw ko't nagsisising palad.
Aywan ko kung ikaw'y magtaglay pang awa
sa nagsisi ko nang lakad at akala,
aywan ko kung ikaw'y kulang pang tiwala
sa mg̃a nasayang at natak kong luha.
Kung natatalos mo ang luhang nasayang
sa mata ko't pusong laging naglalamay,
sana'y nasabi mong mayrong katunayan
ang dinaranas kong mg̃a kahirapan.
Ang hinanakit mo, sumbat at paglait
ay pawang nakintal sa dila ko't isip,
at ang ating lihim sa silong ng̃ lang̃it
ay siyang sa aki'y nakakaligalig.
Pinag-aralan kong ikaw'y kausapin
nang upang ihayag ang buo kong lihim,
lihim ng̃ sa wari'y nagbigay hilahil
sa napakabatang puso mo't paggiliw.
Páhiná 62
Ang pagtatapat ko'y di mo minarapat
ang kawikaan mo, ako'y isang hamak,
ang naging ganti mo sa aking pagling̃ap
ay isang
libing̃an
at
kurus
ng̃ hirap.
Ang hamak ng̃a nama'y hindi naaayos
umibig sa isang Reyna ng̃ Kampupot,
ang
hamak
na palad ay dapat umirog
sa kaisa niyang
hamak
di't
busabos
.
¿Maaari kayang ang isang
granada'y
maihulog sa di gusto ng̃
princesa?
¿maaari kayang ang isang sampaga'y
makuha at sukat ng̃ taong bala na?
Kay laki ng̃ agwat ng̃ palad ta't uri,
ikaw'y isang lang̃it na kahilihili
at ako ay isang hamak na pusali,
ikaw ay sariwa at ako'y unsyami.
Ang panghihinayang ang siyang nagtulak
na kita'y mahalin ng̃ buo kong palad.
Ang panghihinayang ang siyang nagatas
na kita'y itala sa aking pang̃arap.
Kung ikaw sa akin ay walang hinayang
sa aki'y sayang ka at sayang na tunay,
sabihin na akong kasakimsakiman
at ikaw sa iba'y di mapapayagan.
Lalo pang mabuting kanin ka ng̃ lupa
kay sa mahulog ka sa ibang binata,
¿Iba pa ang iyong bibigyang biyaya
gayong ako'y uhaw sa iyong kaling̃a...?
Páhiná 63
Ipinipilit mong tayo'y pupulaan
kung sa lihim nati'y mayrong makamalay,
¿at sinong pang̃ahas ang pagsasabihan.
nitong ating lihim sa sangkatauhan?
Ako'y nagsisisi't nabigyang bagabag
na naman ang iyong tahimik na palad,
kundang̃a'y ang iyong bang̃ong walang kupas
sa pagiisa ko'y siyang nasasagap!
Sa kahiling̃an mo, kita'y lilimutin
kahit nalalaban sa aking damdamin,
ng̃uni't ang samo ko'y iyong idalang̃in
ang papanaw ko nang ulilang paggiliw.
Kung may kasayahan ang tao sa lupa
naman ay mayron ding pagkabigo't luha.
Kaya ng̃a't ang tao, sa aking akala
ay laruan lamang ng̃ kanyang tadhana.
Yamang walang taong likas na mabuti't
walang nang̃amaling hindi nang̃agsisi.
Sa ikasisiya ng̃ iyong sarili'y
itatakwil ko na ang aking pagkasi.
Lulunurin ko na sa hukay ng̃ puso
ang aking yayaong nasawing pagsuyo,
ipagluluksa ko ang pagkasiphayo
ng̃ aking pag-ibig na di mo inako.
Páhiná 64
Pag-aaralan kong lumang̃oy sa dagat
na puno ng̃ aking sariling bagabag,
pag-aaralan kong lumaban sa hirap
yamang siyang takda ng̃ buhay ko't palad.
Aking natatantong walang pagkasayang
sa iyo ang aking maralitang buhay,
sa iyo'y ligaya ang aking pagpanaw,
sa iyo'y lwalhati ang
kurus
ko't
hukay
.
Kung ikaw ay walang hinayang sa aki't
wala pang hinayang sa aking paggiliw,
ay iyong asahang aking sasapitin
ang ninanasa mong balón ng̃ hilahil.
¿Di mo nalalamang itong umi-ibig
sa lahat ng̃ bagay ay di nang̃ang̃anib,
ang kamatayan ma'y kanyang malalait
kundi na makaya ang taglay na hapis?
Gayon man, gayon ma'y hindi masisira
sa akin ang iyong hiling at pithaya,
gaya ng̃ hiling mo, ako'y magkukusang
maghandog ng̃ iyong ikapapayapa.
Ng̃uni't manumbalik kaya ang pagling̃ap
sa aking namali't nagsising pang̃arap?
¿manumbalik kaya at hindi kumupas
ang iyong pagting̃in sa imbi kong palad?
Iyan ang isa pang di ko ikatulog
gayong nagsisi na ang aking pagirog,
iyan ang sa aki'y nagbibigay takot,
iyan ang sa ng̃ayo'y di ko mapag-abot.
Páhiná 65
Hinuhulaan kong ang iyong pagling̃ap
ay magbabago na sa imbi kong palad,
ang kawikaan mo'y ang isang nabasag
mabuo ma'y mayrong natitirang lamat.
Sa isang gawi ng̃a'y may katotohanan
kung ganyan ang iyong magiging isipan,
ng̃uni't alamin mong malinis na tunay
ang isang maruming nagbago ng̃ buhay.
Magpahangga ng̃ayo'y iyong mawiwika
na ikaw'y akin pang
sinisintang kusa
,
magiging totoo ang iyong hinala
kung ang puso'y muling hagkan ng̃ paghang̃a.
Kung muling gumiit ang panghihinayang
ikaw ay muli kong sisintahing tunay,
ang isa pa'y iyo namang nalalamang
ang
pagsisisi
ko'y
pagbibigay
lamang!
May ilang araw nang ako'y kalung kalong
ng̃ bisig ng̃ dusa't kamay ng̃ linggatong
may ilang araw nang sa mata'y nanalong
ang pait ng̃ luhang usbong ng̃ paglung̃oy.
Nakikita, mo mang ako'y tumatawa
nama'y tawang pilit at busog sa dusa,
di lahat ng̃ ng̃iti'y lagda ng̃ ligaya,
may ng̃iting singpait ng̃ luha't parusa.
Páhiná 66
Ang nakakatulad nitong aking buhay
ay mundong ulila sa sikat ng̃ araw,
katulad ko'y isang
prinsipeng
mayaman
na uhaw at salat sa aliw at layaw.
Upang pumanatag ang aking pagluha'y
aking kailang̃an ang ling̃ap mo't awa,
awang magbibigay ng̃ yutang biyaya,
awang sa lungkot ko'y tang̃ing papayapa.
Nasabi ko na ng̃ang nagsisi ang buhay
sa nais na kita'y mapagbigyan lamang,
kung susunurin ko itong kalagaya'y
di ka malilimot hanggang kamatayan.
¿Paano ang aking gagawing paglimot
sa iyong ang bang̃o'y higit sa kampupot?
Sa ganda ng̃ iyong dibdib, baywang, batok,
ay sinong banal pa ang hindi iirog?
¿Sa puti ng̃ iyong kamay na nilalik,
sa mg̃a labi mong may pulot at init,
sa mg̃a paa mo't binting makikinis
ay sinong pihikan ang hindi iibig?
Kung sinusukat ko ang ganda mong ari,
puso ko'y ninibok at nananaghili,
aking nasasabing
Talo ko ang Hari
kung ako ang iyong mamahál na tang̃i
!
Ang panghihinayang ang siyang sa aking
puso'y bumabayo't sumusupilsupil,
kung ikaw'y bigla ko't buong makakai'y
kinain na kita nang ikaw'y malihim.
Páhiná 67
Huwag mong sabihin na ako'y gahaman
kung kagahaman ng̃a ang layon ko't pakay,
para ko sabihin ang katotohana'y
walang taong hindi may
imbot
sa buhay...
Sakaling sa aki'y ayaw kang manalig
ang lahat ng̃ sumbat sa aki'y ikapit,
ang mg̃a sumbat mo nama'y itititik
sa dahon ng̃ aking lagás na pagibig.
Ikaw'y maniniwalang ang aking pagasa
sa iyo, kaylan ma'y hindi magbabawa,
sa iyo sisikat ang isang umaga
na dala ang aking magiging ligaya.
Kung walang tiwala sa aking pang̃ako'y
saksi ang halik kong iyong itinago.
halik na sa iyong pisng̃ing maaamo'y
nakintal na tanda ng̃ aking pagsuyo.
Kung kulang ka pa ring tiwala buhay,
ako'y magtitiis sa kapighatian,
magtitiis ako, kahit nalalamang
ang
lungkot
ng̃ tao'y isang
karamdaman
.
Gaya nang hula ko: ikaw'y untiunting
nalayo sa aki't nagtatampong wari,
ikaw'y umilap at nabibighaning
ako'y pakanin mo ng̃ dusa't aglahi.
Páhiná 68
Panibagong lungkot na naman ang aking
naragdag sa iyong pihikang damdamin,
talaga na yatang ang aking paggiliw
ay di matutubos sa
sala't hilahil
.
Ninanais ko nang ako'y makaguhit
ng̃ bagong palad kong walang bahid dung̃is
ay kung bakit ako'y lalong nabibing̃it
sa pagkakasala at ikatatang̃is...!
Hanggang nagiing̃at itong kabuhaya'y
lalong nabubulid sa kapighatian,
hanggang ninanais yaong kalinisa'y
lalong dumurung̃is itong kapalaran...
Hindi ko malaman itong nangyayari
sa kabuhayan kong bihag mong parati,
ang Aklat ng̃ aking tunay na Pagkasi'y
puno na ng̃ aking mg̃a pagsisisi.
Aking nalalamang hindi makukuha
ng̃ pagsisisi ko itong mg̃a sala,
ng̃uni't bayaan mong ang aking pag-asa'y
mag-abang sa iyo, ng̃ awa't ligaya.
Kung ikaw'y hindi ko makatkat sa diwa'y
sapagka't
lunas
ka sa aking pagluha,
ikaw sa
lungkot
ko'y kamay ng̃ biyaya,
ikaw sa
uhaw
ko'y hamog na mabisa.
Para ka mawaglit sa aking isipa'y
kailang̃an ko pa ang isang libing̃an,
at para maubos ang aking kundima'y
magbalik ka muna sa pinanggaling̃an.
Páhiná 69
Gaya ng̃ alam mo: kita'y iniibig
ng̃ isang pagsintang singlawak ng̃ lang̃it
ng̃uni... ano't ikaw'y tila nahahapis
sa pagmamahal kong wagas at malinis?
¿Nalulungkot ka ba? Di ko akalaing
iyong ikalungkot ang aking paggiliw,
di ko inasahang
dung̃is
na ituring
ang pagmamahal kong may wastong layunin.
¿At kung ikaw kaya ang naging lalaki't
ako ang pinalad na maging babae,
kung hinahamak ko ang iyong pagkasi
ay ilang puso mo ang di maruhagi?
Sana'y nalaman mo, kung ikaw'y binata
ang hirap sa mundo nang lumuhaluha,
sana'y natalos mong ang lalong dakila
ay nagiging taksil sa laki ng̃ nasa.
Huwag kang malungkot! Busugin sa layaw
ang uhaw sa iyong aking kabuhayan,
sa mg̃a labi mo, ako'y nauuhaw,
sa mg̃a pisng̃i mo, ako'y mabubuhay.
Kung marung̃isan ka ng̃ aking pagibig
ay pagibig ko rin ang siyang lilinis,
at kung nahawa ka sa taglay kong hapis,
hapis mo't hapis ko ay magiging lang̃it.
Sa huli'y natumpak itong aking puso't
natutong tumupad sa aral mo't samo
titiisin ko nang ang aking pagsuyo'y
malibing sa hukay ng̃ pagkasiphayo.
Ng̃ayon ko nalamang ang aking landasi'y
singdilim ng̃ iyong tinamong damdamin,
ng̃ayon ko natalos na ako'y sinupil
ng̃ matinding udyok ng̃ isang paggiliw.
Yamang sumikat na sa puso ko't isip
ang kaliwanagang bumihis sa hapis,
ay masasabi kong ang aking pagibig
ay handang lumagak sa pananahimik.
Magmula sa ng̃ayon, kita'y igagalang
sa ng̃alan ng̃ ating pagkakapatiran,
kinikilala ko itong kamalian
na siyang naglagpak sa aking pang̃alan.
Ituring sa wala ang mg̃a nangyari't
iguhit sa tubig ang mg̃a nasabi,
ang laki at alab ng̃ aking pagkasi,
ng̃ayo'y gawing abo nitong pagsisisi.
Hindi pagkang̃alay ng̃ aking panitik
ang naging dahilan ng̃ pananahimik,
kung hindi sa nasang huwag maligalig
ikaw pa ng̃ aking bulag na pagibig.
Napagaralan kong ikaw'y isang talang
kakambal ng̃ aking damdamin at diwa,
aking natutuhang tumpak ng̃a at tama
ang mg̃a aral mong mahalagang pawa.
Páhiná 71
Ang mg̃a lungkot mo ay aking damdamin
at ang damdaming ko ay damdamin mo rin,
ang
akin
ay
iyo't
ang
iyo
ay
akin
at tayong dalawa'y may isang layunin.
Huwag nang ituring na ako'y kalaban
pagka't nagbago na ang aking isipan,
ang puso ko ng̃ayon ay naliwanagan
pa kislap ng̃ iyong mahalagang aral.
Dapat nang lumaki ang iyong pagasa
sa pagliliwayway ng̃ bagong umaga,
ang daan mo ng̃ayo'y puno ng̃ sampaga't
ang daan ko'y puno ng̃ tinik at dusa.
Magkakahiwalay itong ating palad
na gaya ng̃ Dilim at Haring Liwanag,
ikaw'y magtatago't... sa pamamanang
at may ibayo kang gayuma't pang̃arap.
Samantalang ako'y tang̃ing magtatago
sa utos sa akin ng̃ Hukóm na Puso,
sa pagliliwayway ay talang malabo
ang makakatulad ng̃ aking pagsuyo.
Napakapait man sa aking pagibig,
kita'y iwawalay sa pitak ng̃ isip,
sa abo ng̃ aking papanaw na awit
ay babang̃on itong buhay kong malinis.
Kung walang tiwala sa aking sinabi'y
saksi ko ang bagu't bagong mangyayari,
kung muling malisya ang aking pagkasi'y
tugunin ng̃
sumpa
itong pagsisisi.
Ipahintulot mo, dalagang mayumi,
Na ilarawan ko ang ganda mong ari,
Ipahintulot mong awitin kong lagi
Ang kagandahan mong makahibang-pari.
Bulaan ang madlang balitang
Prinsesa
Kung sa ganda mo ng̃a'y makahihigit pa,
At para sa akin, ikaw'y siyang
Reyna
Ng̃ mg̃a kapwa mong masamyong sampaga.
Ang kaharian mo'y iyang kagandahan,
Ang mg̃a buhok mo't matang mapupung̃ay,
Ang paa't pisng̃i mo ay siya mong yaman.
Sa dalang ugali, ikaw'y isang birhen,
Kamia ka sa bang̃o't sa pagkabutihin,
Sa hinhi'y sampaga't sa ganda'y... tulain.
Ang mg̃a buhok mo'y mahahabang ahas
Kung nakasalalay sa iyong balikat,
Mg̃a ulang waring di lupa ang hanap
Kundi sampagitang humahalimuyak.
Páhiná 76
Sa itim ay gabing walang buwa't tala,
Sa haba ay halos humalik sa lupa,
Sa lago'y halamang malago't sariwa,
Sa sinsi'y masinsin at nakahahang̃a.
Naging katulad ka niyong Penelopeng
may timtimang pusong miminsang kumasi't
Ang naging aliwa'y luha't paghahabi.
Sa haba ng̃ iyong buhok nakilala
Ang kadalisayan ng̃ pagkadalaga
At ang kahabaan ng̃ isang pag-asa.
Nang ikaw ay bago sumipot sa lupa'y
Ipinanghiram ka ng̃ mata sa tala,
Dalawang bituing sa hinhi'y sagana
Ang naging mata mong mayaman sa awa.
Sa mg̃a mata mo'y aking nasisilip
Ang bughaw na pilas ng̃ nunung̃ong lang̃it,
Mababaw na dagat ang nasa sa gilid
Na ang naglalayag ay pusong malinis.
Di ayos matalim, ni hugis matapang,
Ni hindi maliit, ni di kalakihan,
Ang mg̃a mata mo'y maamo't mapung̃ay.
Kahinhina't amo ang nang̃ang̃aninag,
Kalinisa't puri ang namamanaag,
Umaga ang laging handog mo sa palad.
Ang lahat ng̃ buti'y natipon na yata
Sa kabataan mong ilag sa paraya,
Pati ng̃ pisng̃i mong pisng̃i niyong saga
Ay nakahihibang at nakahahang̃a.
Ang mg̃a pisng̃i mo'y malambot, maamo,
Mayumi, manipis at hindi palalo,
Ang sang̃ahang ugat kahit humahalo,
Ay napapabadha't... di makapagtago.
Kung ikaw'y hindi ko dating kakilala
Ako'y mamamangha kung aking makita
Ang mg̃a pisng̃i mong wari'y gumamela.
Naiinggit ako sa paminsanminsan
Sa dampi ng̃ hang̃ing walang-walang malay,
Pano'y kanyang-kanya ang lahat ng̃ bagay..!
Ang mg̃a labi mo ay dalawang lang̃it,
Lang̃it-na di bughaw, ni lang̃it ng̃ hapis,
Labi ng̃ bulaklak na kapwa ninibig
Labing mababang̃o, sariwa't malinis.
Páhiná 78
Labi ng̃ sampagang may pait at awa,
Tipunan ng̃ pulót, tamis at biyaya,
Sisidlang ang lama'y kabang̃uhang pawa,
Pook na tipanan ng̃ hamog at diwa.
Tagapamalita ng̃ lihim ng̃ puso,
May
oo
at
hindi
, may
tutol
at
samo
,
May buhay at palad, may tula't pagsuyo.
Ang̃ mg̃a labi mo'y may pulót na tang̃i
Kung iyan ang aking pagkaing palagi'y
Talo ko ang lahat, talo ko ang Hari.
Aywan kung mayron pang hihigit sa kinis
Sa mg̃a kamay mong biluga't nilalik,
Garing na mistula sa puti at linis,
Sa lambot ay bulak, sa ganda'y pagibig.
Ang mg̃a daliring yaman mo't biyaya
Ay di hugis tikin, ni hubog kandila;
Ang ayos at hugis ay bagay at tama
Sa sutla mong palad na laman ng̃ diwa.
Ang makakandong mo't maaalagaan,
Ang mahahaplos mo't mahihiranghirang,
Ang kahit patay na'y muling mabubuhay.
Mahagkan ko lamang ang iyong daliri,
Sa kapwa makata, ako'y matatang̃i
At marahil ako'y isa na ring Hari.
Takpan ma't ipikit ang mg̃a mata ko
Ay naguguhit din ang mg̃a paá mo,
Paang mapuputing nakababalino
Sa isip at buhay ng̃ payapang tao.
Paáng makikinis at makaulul-palad,
Ang hubog ay bagay sa laki mo't sukat,
Ang mg̃a sakong mo'y may pulang banayad,
Ang mg̃a paá mo'y singlambot ng̃ bulak.
Parang mg̃a paá ng̃ nababalitang
Cleopatra at Leda ng̃ panahong luma,
Pano'y mg̃a paáng sa ganda'y bihira.
Naiinggit ako sa bawa't yapaka't
siyang nagsasawa sa paá mong hirang,
¿Ano't di pa ako ang maging tuntung̃an?
Talagang natipon ang lahat ng̃ buti
Sa kabataan mong di pa kumakasi,
Páhiná 80
Ang lahat ng̃ yaman ng̃ isang babae
Ay nasa sa iyong sariwang parati.
Nasa sa iyo ng̃a ang lahat ng̃ bagay,
Ang bang̃o, ang tamis, ang kasariwaan,
Ang yumi, ang awit, ang uri, ang kulay
Ang hamog, ang sinag, ang tuwa't ang buhay.
Ikaw'y pagpalain, dalagang mapalad,
Ang kagandahan mo'y aking ikakalat
Sa silong ng̃ lang̃it, sa Sangmaliwanag.
Kung may naghahanap sa bukang liwayway
Sa kabataan mo ay matatagpuan,
¡Di ko malilimot ang ganda mong iyan!
Ang lahat at lahat sa Sangkatauhan
ay may kanya-kanyang uri't kalagayan,
may ibig sabihin ang lahat ng̃ bagay
na abot ó hindi ng̃ damdam at malay,
ang panyo'y may lihim sa nagiibigan
gaya ng̃ bulaklak at mg̃a halaman,
itong abaniko'y isang kasangkapang
pangdagdag sa puso ng̃ init at buhay.
Sa Aklat ng̃ Puso't Aklat ng̃ Paggiliw
yaong abaniko'y may ibig sabihin,
may sariling uri't sariling tuntunin
may sariling layon at sariling lihim,
sa Talating̃igan ng̃ mg̃a Damdamin
ang wikang Pamaypay ay tuwa't hilahil,
palad at tagumpay, at kung kukurui'y
taga pamalita niyong bukas natin.
Kalihim ng̃ Puso't Patnubay ng̃ Palad,
ng̃iti ng̃ liwayway sa likod ng̃ ulap,
sa gitna ng̃ buhay ay "isang watawat
na kulay lungtiang pakpak ng̃ pang̃arap,
sagisag ng̃ hinhin ng̃ mg̃a mapalad,
baluti ng̃ mg̃a babaeng banayad,
kublihan ng̃ mukhang maramot maglagak
ng̃ masayang ng̃iting yaman ng̃ panulat.
Isang kasangkapang gamit ng̃ babae
at kung magkaminsa'y pati ng̃ lalaki,
bibig na malayang nakapagsasabi
ng̃
oo
at
hindi
ng̃
sama
at
buti
,
isang kasangkapang sa nagsisikasi'y
papel at panulat, gayuma't buhawi,
sangla ng̃ pag-ibig, na namamayani
sa lahat ng̃ pusong bihag na parati.
Páhiná 84
Ang bawa't ikilos ng̃ isang pamaypay
ay may isang wika, uri t kahulugan,
parang isang aklat na nagsasalaysay
ng̃ hirap at tuwa, ng̃ aliw at panglaw;
kung iyong dalasin ang mg̃a paggalaw
ang ibig sabihin:
Kita'y minamahal
;
kung biglang isara:
Ako'y nasusuklam,
huwag nang lumapit at nang di magdamdam
.
Yaong abanikong idampi sa labi,
ang ibig sabihi'y
Ikaw ang lwalhati
,
kung minsang itago'y
Hindi maaari
ang iyong pagkasi't ang sa pusong susi'y
hawak na ng̃ isang pang̃arap kong lagi
,
at kung pisil-pisil ng̃ mg̃a daliri'y:
inaantay kita't ang ama kong Hari'y
wala at sa monte'y nagbakasakali
.
Kung kagat ang borlas—
Ako'y nahahapis
dahil sa ginawang sa ati'y paglait
,
kung buksang marahan—
Huwag kang mang̃anib
at ang ating ulap ay magiging lang̃it
,
kung buksang pabigla—
Sila'y nagagalit
dahil sa sulat mong kanilang nalirip
,
kung biglang ilaglag—
Si Kulasa'y bwisit
at siyang nagsumbong nang tayo'y magniig
.
Idampi sa pisng̃i—
Huwág kang matulog
at sa sine Luna, kami ay papasok
,
idampi sa dibdib—
Ako'y nagseselos
dahil sa kasamang tila lumuluhog
,
kung biglang ipukol—
Sa iba ibuhos
ang iyong pagsinta. Ikaw'y pahinuhod
!
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Itong abaniko'y Dila sa Pag-irog,
Talatang may dusa, kamanyang, kampupot.
Gaya rin ng̃ iba, ang ina kong giliw
Ay inang mayumi't lubhang maramdamin,
Inang hindi yuko sa mg̃a hilahil,
Inang mapagbata at siya kong virgen.
Mayrong isang Diyos na kinikilala,
May isang dakilang pananampalataya,
Sa kanya ang madla'y kulay ng̃ umaga,
Ang galit ay awa't sa poot ay tawa.
Siya ang dakilang Batas sa tahanan,
Kamay na masipag, Kampana ng̃ buhay,
Susi ng̃ pag-ibig na kagalanggalang.
Sa kanya ang lahat ay pawang mabuti,
Ang dukha't mayaman ay kapuripuri
Palibhasa'y inang may puso't pagkasi.
Ang puso ni ina'y kaban ng̃ pagling̃ap,
May dalawang tibok na karapat-dapat,
Ang isa'y kay ama, kay amang mapalad
At ang isa nama'y sa amin nalagak.
Noong nabubuhay ang ina kong irog
Ang kanyang pagkasi'y samyo ng̃ kampupot,
Ang lakas ng̃ puso'y parang nag-uutos
Na ako, kaylan ma'y huwag matatakot...
Pagibig ni ina ang siyang yumari
Ng̃ magandang bahay na kahilihili,
At nawag sa palad na katang̃itang̃i.
Timtimang umirog! Hanggang sa libing̃a'y
Dala ang pagkasing malinis, dalisay,
Dala ang damdaming kabanalbanalan.
Ang mata ni ina'y bukalan ng̃ luha
Kung may dala-dalang damdamin at awa,
Ang lahi ni ina'y sampagang sariwa
Na may laging laang halik at kaling̃a.
Sa halik ni Ina ay doon nalagas
Ang tinik at bulo ng̃ musmos kong palad,
Sa halik ni ina'y aking napagmalas
Na ako'y
tao
na't dapat makilamas.
Ang bibig ni inang bibig ng̃ sampaga'y
Bibig na sinipi kina Clara't Sisa
Kaya't mayrong bisang kahalihalina.
Ang halik ng̃ ina'y apoy sa pagsuyo,
Hamog sa bulaklak, Pag-asa sa puso't
Liwanag sa mg̃a isipang malabo.
Kung mamamana ko lamang ang ugali
Ni inang sa aki'y nagpala't nag-ari'y
Marami sa akin ang mananaghili't
Sa aki'y tatang̃a lamang yaong Hari.
Ang asal ni ina'y aklat ng̃ pagling̃ap,
Salaming malinaw, bang̃ong walang kupas,
Suhay ng̃ mahinhin, sulo ng̃ mapalad,
Mundong walang gabi, gabi ng̃ walang ulap.
Ang salitang damot ay di kakilala,
Ang kamay ay lahad, hanggang nakakaya't
Tang̃ing kayamanan ang pakikisama.
Sa kanya ay Diyos ang mg̃a pulubi,
Ang dukha ay Hari't Kristo ang duhagi,
Iyan ang ugali ng̃ ina kong kasi.
Nang buhay si ina't ako'y kilik-kilik
ako'y pinagsawa sa alo at awit,
malaki na ako't may sapat ng̃ isip
ay inaalo pa nang buong pag-ibig.
Ang musmos na patak ng̃ nulo kong luha
sa kanya'y kundima't awiting dakila,
makarinig lamang ng̃ iyak ng̃ bata
sa aki'y lalapit at maguusisa.
Ako'y kakalung̃in at ipaghehele,
ang awit-tagalog ay mamamayani
hanggang sa magsawa't ako'y mapabuti.
Ang awit ni ina'y laging yumayakap,
sa mg̃a awitin ng̃ aking panulat
kaya't ang awit ko'y mayumi't banayad.
Ang buhay ng̃ tao'y parang isang araw
Na kung mayrong bago'y mayrong nang̃ang̃alay,
Ang palad ni ina'y di na nakalaban
Kaya't napatalo sa tawag ng̃ hukay.
Ang buhay ni inang inutang sa lupa'y
Sa lupa rin namang nabayad na kusa,
Ang mg̃a mata kong maramot sa luha
Noo'y naging dagat na kahang̃ahang̃a.
¡Wala na si ina! Ang lahat sa amin
Ay ng̃iti ng̃ dusa't kaway ng̃ hilahil,
Lubog na ang araw na kagiliwgiliw.
Nagtaglay si ina ng̃ dalawang hukay:
Ang isa'y sa lupang sanglaan ng̃ buhay,
Ang isa'y sa aking pusong gumagalang.
Ang tang̃ing pamanang sa aki'y naiwan
Ay malaking gusi ng̃ mayamang aral:
—Anak ko: hanapin iyang karunung̃an,
Ang dunong ay pilak, ang aklat ay buhay.
—Sa harap ng̃ bait, ay silaw ang lakas,
Sa harap ng̃ matwid ay yuko ang lahat,
Ang mundo'y niyari ng̃ paham at pantas,
Ang babae'y tinik ng̃ isang bulaklak.
—Ang palalong tao'y halakhak ng̃ hang̃in,
Ang aping mabait ay dapat ling̃apin
At pagkailagan iyang sinung̃aling.
—Huwag kakayahin ang hindi mo kaya,
Nang ikaw'y malayo sa pula at tawa,
Umibig sa baya't magpakabait ka".
Wala na si ina! Gayon ma'y naiwan
sa akin ang kanyang mahalagang aral,
aral na sa ningning ay ningning ng̃ araw,
aral na sa buti'y palad, diwa't yaman.
Larawang larawan lamang ang nalagak
sa akin ng̃ siya'y pumanaw at sukat,
larawan ni inang yaman ng̃ panulat,
larawang kakambal ng̃ aking pang̃arap.
Darakilang ina: ang iyong libing̃a'y
sinasabugan ko ng̃ tala't kundiman,
ng̃ awit na siyang bulaklak ng̃ buhay.
Sa harap ng̃ iyong larawang dakila
ay may nagnining̃as na isang kandila
panulat ng̃ iyong anak na naluha.
Hayan ang makata. Haya't umaawit
ng̃ mg̃a kundimang pang-lupa't pang-lang̃it,
hawak ang kudyaping malambing ang tinig
at pinangsasaliw sa ligaya't sakit.
¿Kung siya ay sino? Iyan ang makatang
ang tula't tulain ay matalinghaga,
mg̃a lungkot, dusa, daing, hirap, luha,
Galit, sumpa't lambing ang puso at diwa.
Ang kanyang tulai'y sing-lambot, sing-linaw
ng̃ tubig sa wawa, sa sapa't batisang
Balana'y sumimsim sa tamis na taglay.
Hayan ang makata. Kayó ang magsabi
Kundi siya'y dapat na
Dang̃al at Puri
at maging
putong
pa ng̃ Wikang sarili.
HERMÓGENES T. REYES.
(Sa
Ilaw at Panitik
)
Sa harap ng̃ iyong magarang pagsikat
ay pinaglaho mo ang aking liwanag.
Araw kang nagbang̃on sa himlayang palad
at kinasilawan ng̃ aking banaag.
Sa lang̃it mo, ako ay balang̃áw lamang,
sa ilaw mo, akó ang aninong tunay...
Diwa mo sa aking diwa ay isilay
at aawitin ko ang iyong pang̃alan.
Tulóy!... Hanggang ako'y di pa nagsasawang
umawit sa lihim ng̃ mg̃a hiwaga,
ako'y kasama mong hahanap ng̃ pala.
Sa iyong hantung̃ang lang̃it ng̃ pagasa
ay doón nároon ang mg̃a sampaga...
Pupulin mo't yao'y sa WIKA mong mana!
CIRIO H. PAÑGANIBAN.
(Sa
Ilaw at Panitik
)