Anim na binibini ang nang̃akálupasay sa lilim nang isáng puno ng̃
manggá sa bayang Antipulo nang taóng nagdaan. Pawa siláng magágandá;
pawa siláng mahíhinhín; ng̃uni't ang katakátaká, ang apat ay nakátawa
at ang dalawá ay nakásimang̃ot. Sa lihim kong pagsísiyasat ay naunawa
kong kaya palá gayón, ang apat ay nakápagdalá ng̃ mg̃a babasahing
Tagalog at ang dalawá ay nakalimot. Walang pagáalinlang̃an na yaóng di
nakápagbaon ay siyáng nakásimang̃ot, pagka't wala ng̃ masaráp na
aliwan sa bayan ng̃ Antipulo na para ng̃ magbasá ng̃ aklát. Maligo,
pagkatapos ay magduyan, bago magbasá ng̃ aklat: iyán ang buhay
mayaman.
Kaya kayóng maglíliwalíw sa Antipulo, nang huwág kayóng sumimang̃ot
pagdatál doón, ay magbaon kayó ng̃
Pinatatawad kitá!, Ang Mananayaw,
Mga Anák Bukid, ¡Duwág! Sa tabi ñg bañgin, ¡Tadhana!, Halina sa
Lañgit!,
¡Sawíng Pagasa!
,
Larawan ñg Pagirog, Pañgarap ñg
Buhay, ¡Walang Diyos!, ¡Higanti at Pagsisisi!, ¡Enchang!, ¡Kristong
Magdaraya!, ¡Parusa ng̃ Diyós! ¡Imbing Kapalaran! Bahág-Hari,
¡Milagros!
at
Lihim na pagluha!
Sa gayón, tang̃i sa maáalíw
ninyó ang inyóng sarili ay makatútulong pa kayó sa masisikap na kawal
ng̃ pagpápalaganap ng̃ wikang minana natin.
Masaráp ang wikang Ingglés, ang turing ng̃ Ingglés; lalo na ang wikang
Kastila, ang saló ng̃ Kastila; lalo pa ang wikang Pransés, ang habol
ng̃ Pransés, palibhasa'y para-para siláng may damdamin at marunong
magmahál sa mg̃a kalulwá ng̃ kaníkaniláng bayan, na alinsunod sa mg̃a
pantás na sinásamba ng̃ marami, ang wika, ay siyáng kalulwá ng̃ bayan.
Ng̃uni't ... sa bibíg ng̃ ilang mg̃a Tagalog, ay hindi ganitó ang
namúmutawi. ¡Katiwaliang lahát at balót ng̃ mg̃a kahang̃alán ang
lumálabás! Pawáng kapalaluan na anyá'y masaráp ang wikang Kastila at
Ingglés kay sa wikang Tagalog kaya't ni di ko tinitisod ang mg̃a katha
dito, ng̃uni't masdán mo ang aking mg̃a nobelang Ingglés at Kastila ay
hindi na mabilang.
Iyán ang mg̃a kaaway ng̃ bayan; pagka't silá ang pumápatáy sa kalulwá
nitó. Dahil sa kayabang̃ang masabing sila'y nakaiintindí ng̃ wikang
dayo, ay ipinagpápalít na, ang kaniláng dang̃ál....
¡Mg̃a kamánunulát! ¡Kahabághabág ang ating katayuan! ¡Sa lahát ng̃
sandali'y nakaumang sa ating mg̃a ulo ang tabák ni Damokles; nanunuláy
tayo sa pang̃anib na guhit ng̃ mg̃a batás; kalaban natin ang mg̃a
dayuhan at sampu ng̃ kalahi, ay kalaban pa rín!...
—¡Kung ayaw kang magpahirám ay huwág! ¡Kay dami mong rekubeko! ¡Pag
ikáw namán ang nanghirám sa akin, ay tatawagin kitá ng̃ TUSO, pagka't
para mo ríng tinuso ang kuwartang ibinilí ko, na nabasa mo ang aking
binayaran ng̃ di ka nagkagastá!...
Ganyán ang taltalan ng̃ dalawáng magkaibigan, kaya't ikáw na bumábasa,
upang huwág tawaging TUSO ó MASAMANG KRISTIYANO, ay bumilí ká ng̃ mg̃a
kasaysayang: "¡
Halina sa Lañgit
!" ni
Gat-Dusa
: "¡SAWÍNG
PAGASA!" ni
Bb. Francisca Laurel
; "¡
Duwag
!" ni
Gerardo
Chanco
: "
Larawan ñg Pagirog
" ni
Simplicio Flores
: "
Sa
Tabi ñg Bañgin
" ni
José María Rivera
; "¡
Imbing
Kapalaran
!" ni
Angel de los Reyes
; "
Tadhana
!" ni
Democrita P. Antonio
; "¡
Walang Diyós
!" ni
Honorato de
Lara
: "¡
Parusa ñg Diyós
!" ni
Angel de los Reyes
; "
Mga
Anak-Bukid
" ni
Ros. Almario
; "
Pañgarap ñg Buhay
" ni
Simplicio Flores
; "¡
Enchang
!" ni
Honorato de Lara
; at
"¡
Kristong Magdaraya
!" ni
Angel de los Reyes
.
Si Petra at si Petring ay magkapatíd. Minsáng nalálapít ang Paskó, ay
binigyán silá ng̃ kaniláng amá ng̃ muntíng halagá upang magugol sa
dakilang araw. Si Petra ay ibinilí ang kanyáng bahagi ng̃ isáng hikaw,
at si Petríng ay pawang babasahing tagalog ang pinakyáw.
Dumatál ang araw ng̃ paskó, at gaya ng̃ karaniwan, ay nagdalawán ang
dating mag-kákaulayaw. Sa dampa ng̃ magkapatíd ay mayroón díng mg̃a
panauhin. At ¿anó ang naisalubong ni Petra? ¿Naipagparang̃alan bá ang
kanyáng hikaw? ¡Hindi! Subali't si Petríng ay naipagmalakí niyá ang
kanyáng mg̃a aklát at tang̃ing nakápagsabing "Mamiyang hapon na kayó
umuwi at tayo ay magbasá nitóng masasaráp na kasaysayang bagong labás
..."
Kayóng bumabasa nitó, ay inyóng hatulan kung sino ang natumpák: ang
hiyás na nagagamit ng̃ isáng tao lamang ó ang aklát na pakíkinabang̃an
ng̃ marami ang lalong mahalagá, Kauntíng pagkukuro ang inyóng
papaghariin. Tutupín ninyó ang inyóng mg̃a puso at siyáng magsasabing:
mahalagáng pagaari ang mg̃a aklat kay sa hiyás na nawawala.
Sa tahanan ng̃ isáng matalino, ay aklát ang matátagpuan; ng̃uni't sa
tahanan ng̃ isáng mangmáng ay pawáng hiyás ang palamuti. Dahil doo'y
magipon kayó ng̃ mg̃a babasahing tagalog upang mapabilang kayó sa mg̃a
pantás.
Suriin natin ang ugali ng̃ umanó'y mg̃a bantóg at pahám na manúnulát.
Ayaw siláng makariníg na mayroóng makata; ayáw siláng makakita na
mayroong bagong kasaysayan, at pauulanin na nilá ang pula, lubha pa't
isáng maliít ang sumulat. Sasabihing iyán ay mali, walang kabuluhan;
at sayang lamang ang ipinagpalimbág. Palalo at pang̃ahás ang gumawa
niyán, huwág na di masabing siyá ay
autor
.
¡At silá daw ay mg̃a kawal sa pagpápalaganap ng̃ wikang tagalog! Kung
sa habang panahón ay ganyán ang aasalin nilá, ay sumpa ng̃ bayan ang
kaniláng maáantay. Sa kaniláng pakikipagkapwa ay doon lamang uusbóng
ang pagmámalasakitan ng̃ mg̃a makatang pilipino, na, tang̃ing daan ng̃
ikátatanyág ng̃ masaráp na wika ni Balagtás.
Kung sa akin silá hahadláng ay itutulak ko silá ng̃ dalawáng kamáy at
bubulyawán kong: ¡Maaliwalas ang daan ko! ¡Nakikita ko ang aking
nilálakaran! ¡Tanglawán ninyó ang inyóng landasin at di ko kailang̃an
ang inyóng ilaw! ¡Manipís mán ang aming mg̃a katha ay piniga namáng
tunay sa aming sariling isipan at di naming ninakaw sa isipan ng̃ mg̃a
makatang kastila, ingglés, pransés, at ibá pá! ¡Mura mán ang aming
mg̃a aklát ay madali namáng maubos at di ináamag sa mg̃a aklatan!
Ang munti kong kaya at maiklíng pagkukuro ay minarapat ng̃ mahál kong
kaibigang Angel de los Reyes na magbigáy ng̃
Pang̃unang Salita
dito,
sa kanyáng bagong aklát na maliit, na noóng araw ay napalathala na sa
páhayagang "
Ang Democracia
;" at kung bagamán tinawag ko
ng̃ayon ng̃
bagong aklát
ay sapagka't ng̃ayón lamang naipalimbág at
di na paputól-putól.
Walang alinlang̃an akóng nayag sa hilíng ng̃ aking kaibigan, nang̃iti
ako ng̃ lihim ng̃ ito'y sabihin niyá, at naibulong ko sa sarili na
siya'y sadyang matalino sapagka't totoóng maalám na magbagay-bagay:
nababatid niyáng sa isáng maiklíng aklát, ay isá namáng maiklíng isip
na lamang ang dapat mag-ukol ng̃ mg̃a palagay at paghahaka. At dahil
diyán, ay sisimulán ko ayon sa makákaya, ang paglalahad ng̃ aywán kung
tumpák na aking mg̃a pagkukuro tungkól sa kanyang katháng itó.
Sa ganáng akin, ang mátutunghayán ng̃ayón ng̃ mg̃a mambabasa ay isáng
aklát na mainam, isang aklát na dapat bigyán ng̃ papuri,
Páhiná 12
hindi dahil
sa itó'y nakáwiwili lamang basahin kundi alang-alang pá sa wagás at
maníngníng na damdamin ng̃ kumatha: ang maalab niyáng nasang ang dukha
ay igalang at masugpu ang ugaling hanggáng ng̃ayon ay umiiral pa sa
ibá, at kung minsán ay sa dukha rín, na inuuna ang salapi bago ang
lahát; minámahál na higít sa puri, sa dang̃al, sa katungkulan at
wastong ugali.
Ganyáng-ganyán ang asal na makikita natin sa mag-amá ni Tuníng sa
Kasaysayang itó, na bagamán mahirap ang búhay, nang mahulí ay ayaw na
silá sa kapwa nilá mahirap at ang ibig ay ang mayaman, dahil sa may
nakápang̃ibig lamang na isang masalapi kay Tuníng at ito'y si Ruperto.
At ang kasuklám-suklám na nagíng bung̃a ng̃ kasabikáng itó sa pilak ay
ang pagkatapon ng̃ anák ni Osong, ang binatang unang inibig ni Tuníng,
pinaglagakan ng̃ boo niyáng pagkábabai at hanggáng sa nagbung̃a pa
ng̃a. Datapwa't kay Tuníng, ay nagíng bula ang salitang
puri
at
katapatan
sa haráp ng̃ yaman ni Ruperto, kayá't dito siyá napakasál
sa wakás, gayóng si Osong ay di namán tumatanggi sa pagtupád ng̃
kanyáng tapát na pang̃akó at wagás ná pagibig.
Si Osong na parang sinasakal ng̃ mg̃a daliring bakal ay hindi nakatiis
at nang araw ng̃ pagkakasál ay nagdamít-pulubing naparoón sa bahay ng̃
kasayahan nilá Tuníng at ni Ruperto
Páhiná 13
na dalá ang larawan ng̃ kanyáng
bunsóng na sagíp sá ilog, at nang makita ni Tuníng na yaón ang kanyáng
anák ay hinimatáy na bigla, bago humingí ng̃ tawad kay Osong at
hanggáng sa nalagót ang hining̃á. Samakatwíd ay oo't nagsisi ng̃á si
Tuníng kayá't huming̃í pa ng̃ tawad sa pinagtaksilán niyáng binata,
subali't dí dahil dito'y hindí siyá matatawag na babaing salawahan at
tampalasan lalo pa't isasagunita ang pagkákatapon sa tunay na dugó ng̃
kanyáng pusó.
Kung ang gayóng ginawá ng̃ babaing ito'y oo't napatatawád ng̃ Diyós,
sa mg̃a tagá-lupa'y waláng makapagpapatawad marahil.
Sa haráp ng̃ ganyáng paglálarawan ng̃ kaibigan ko, ay labis niyáng
ipinakilala ang lubós na kabagsikán ng̃ salapí na waláng dí naituturó
sa tao, pati ng̃ lalóng kasamasamaan.
Subali't ¿ang hang̃ád kayá ng̃ mahál kong kaibigan sa paglalarawang
itó ng̃ nakáririmarim na ugalí ay upang pulutin namán itó ng̃ mg̃a
mambabasa?
Kayóng tumútungháy ng̃ayón ang makásasagót, at kayó rin namán ang
dapat makábatid sa túnay na layon ng̃ ¡
Nasawing Pagasa
!
Ang mithí ng̃ aklát na itó ay walá ng̃áng ibá sa warí ko, kundí ang
turuan ang mg̃a dukhá sa pagpapakárang̃al sa kaniláng sarili, sapagkát
kung ang mg̃a dukhá'y marang̃ál,
Páhiná 14
kung ang lahát ng̃ dukha'y hindi
nagbibili ng̃ puri ni napaaalipin sa salapí, ang mg̃a mayáyaman ay
hindí maaaring magpákatayog-tayog na para ng̃ madalás nating mapánoód
ng̃ayón.
Ang isinasamá ng̃ mg̃a mayayaman ay na sa mahihirap, at ang isinasamá
ng̃ isáng pamahaláan ay na sa pinamamahaláan dín. Iyán ang mg̃a
katótohanang kailán má'y dí magkakabula at dapat dasalín ng̃ bawá't
tao; katótohanang aywán kung kanino ko unang nadiníg o nabasa at
ng̃ayo'y inankín ko na tulóy pagka't nakilala kong tapát.
Kung magkakagayón, siyá at akó'y maghahandóg sa inyó ng̃ masaganang
pasalamat, palibhasá'y siyáng túnay na adhiká ng̃ tapát kong katoto.
Mapangláw ang lahát, ang gabí'y tahimik
at ang buwán noóng dapat nang sumilip,
nagtatago pa rí't
sa sangkatauhan ay nagmámasung̃it
bitui'y gayón dín at nakíkiwang̃is.
Ni isáng himutók walang mapakinggáng
sukat gumambala sa katahimikan;
¡oh, ang aking lahi!...
payapangpayapa sa kanyáng hihigán
habang nawíwili ang mg̃a kalaban.
Huni ng̃ kuliglíg, tinig mán ng̃ ibon
ay kapanglawan dín, dinadalit noón;
mg̃a makata mán,
siyáng tinutula ng̃ sandalíng yaón
ang sung̃it ng̃ pangláw, lagáy ng̃ panahón.
Anó pa't ang lahát ay yapús ng̃ lumbáy
hihip mán ng̃ hang̃in, mandi'y palaypalay;
habagat má'y salát
at pawáng dalita, ang balitang tagláy
na kung pakikinggán ay taghóy na ¡ay!... ¡ay!...
sa bayang Malabóng saksí ng̃ pagtula:
nagáalimpuyó,
ang lugód, ang sayá, ang galák, ang tuwa
sa piling ng̃a noóng dalawáng nunumpa.
Itó ay si Tuníng na piling alindóg
kapiling ng̃ kanyáng tang̃íng iníirog,
pang̃ala'y si Osong
na lipi ng̃ dukha't di lahing matayog
at binatang Udyóng na ulilang lubós.
Payapa ng̃á silá, sa pagkákaupo
siyáng ináani; galák ng̃ pagsuyo,
pinagúusapan,
ang ikárarangál ng̃ kaniláng puso
na ganitóng saád nang minsáng mahinto:
«Kay damot mo namán,» kay Osong na sabi,
«isáng halík lamang, itulot mo kasi,
nang ako'y maalíw
at nang magkaroón ng̃ isá pang saksí!...»
«¡Ayáw ko! ¡ayáw ko!...» kay Tuníng na tanggí.
«¡Halina irog ko!» «¡Ayaw ko! ¡ayaw ko!...»
«¿Diyata't ayaw ka?» «¡Talagáng totoó!»
«¡Halina! ¡halina!
¡isáng halík lamang!...» «¡Kay ulitulit mo!»
«¡Isáng halík lamang!...» «¡Tawad ko sa iyó!»
«¡Ah! at iyán bagá, ang lagi mong turing
na lubháng dalisay pagibig sa akin ...
¡Ikáw ang bahala!...
kung natuto akóng sa iyó'y gumiliw
magisá sa dusa'y matútutuhan din ...»
Páhiná 19
«¡Nagtampó na namán!...» «¿Sino bagáng puso
ang makababatá ng̃ asal mong liko?»
«¡Huwag kang magalit!
ang ginagawa ko, ay mg̃a pagsuyo ...»
«Pagsuyo sa iyó; sa aki'y panghapo ...
Ikáw ang bahala, ako'y mapagtiís
at ipatay mo mán ang lahát ng̃ sákit
ay tatanggapín ko;
ng̃uni't ang hiyain, ang isáng ninibig
libong kamataya'y labis pa ng̃ tamís ...»
«¿Hiniya ba kitá? ¡Di ko ginagawa!...»
«¿Ginaganáp ng̃ayó'y di bagá paghiya?»
«Hindi, aking giliw,
at ang aking puri ang nagugunita
na baka kung ...» «¿Kulang bang tiwala?»
«Di lamang sa gayón,» «¿Sa anó pang bagay?»
«Katungkulan naming maging̃at na túnay,
at ang unang halík,
ang katimbang noó'y sampu nitóng buhay
sa pagka't daig pa, ang gawáng pakasál.
¿Hindi bagá Osong?» «Tapát ang turing mo,
at ang pagkakasál ay pakitang tao;
subali't ang halík,
saksíng akin ikáw, at akó ay iyó,
kaya itulot na; halina irog ko ...»
Iláng pang «¡Ayaw ko!» at iláng «¡Halina!»
bago pinagusap ang labing dalawá;
tumunóg ang halík;
nilimot na yatang silá'y may hining̃á
na dapat malagót sa daratning dusa.
Páhiná 20
Hayán ng̃a ang tuwang nag̃hari sa puso
ng̃ dalawáng yaóng isá sa pagsuyo,
kaya ang paalam
ng̃ ating binatang anaki ay biro:
«¡Sarili na kitá, búhay má'y mapugto!...»
Nang isáng umaga'y sa pangpang ng̃ ilog
ay may nakaupóng binatang malungkót:
itó ay si Osong;
kanyáng inaalíw ang dusa ng̃ loób
sa pagkákawalay kay Tuníng na irog.
At ang naglalaro sa kanyáng isipa'y
ang dilág ni Tuníng na gayón na lamang,
minsáng mapadagok;
minsáng mapang̃iti at ipinagsaysay:
«¡Oh, anóng gandá mó, aking paraluman!...»
Subali't nabigláng nabakás ang lungkót
sa masayáng mukháng nagulap ng̃ lubós:
«¡Ay, palad na sawi!...
¡Oh, buhay ng̃ dukha!...» sunód na himutók,
«sa dusa ni Tuníng, ikáw ang managot ...
Kung akó'y mayama't sagana sa pilak
tatanuran siyá sa baníg ng̃ hirap,
hanggáng sa sumilang
ng̃ lubháng hinahon ang unang bulaklák
ng̃ aming pagsintáng dalisay at wagás....
¡Ay, Tuníng kong irog, di ko kasalanan
na sa iyóng dusa'y di ka madamayan;
ang karukhaan ko,
ang dapat sisihi't dapat managutan
at oh, anóng sakláp, dustáng kapalaran ...»
Páhiná 22
Sandalíng tumigil at kanyáng námalas
ang dalawáng ibong naba sa bayabas,
na sabáy umawit;
yaóng kanyáng dibdib ay halos mawalat
sa pananaghili sa ibong mapalad.
Saká nang magsiping ng̃ lubháng payapa
mg̃a titig niyá'y di tumagál yata't
mulíng naghinagpís:
«Mapalad pa siláng may ganáp na laya
at hindi gaya kong may sumásansala ...
At kahi't mán silá'y walang pagaari
ginapas namá'y pawáng luwalhati;
dí gaya ng̃ taong
ang binabaníg má'y maraming salapi
ay lumuluha rin ng̃ dusa't pighati.
At ¿anó ang yamang sadyang hinahanap
sa akin ng̃ amá ni Tuníng kong liyág?
¡isáng talinhaga!
at di niya talos: sa Sangmaliwanag
ang puri ng̃ tao, ang mahál sa lahát.
Hangád niya'y pilak, kahi't mang̃ulimlim
ang dang̃ál ni Tuníng na sinta ko't giliw;
wala sa gunitang
lalong mahalagá sa yaman mang alín
ang dang̃ál ng̃ tao kung lubháng maningning.
¡Oh, taksíl na pita sa dang̃ál at yaman,
ang nililikha mo'y laksang kamatayan;
kung hindi sa iyó,
disi'y kapiling ko si Tuníng ng̃ buhay
at kasalosalo sa pinggán ng̃ lumbay!...
Páhiná 23
¡Oh, buhay ng̃ buhay, Tuníng ko at lugód...
na sa karukhaan, ang sukal ng̃ loób
na ating sinapit;
libong kamataya'y masaráp pa irog
huwág lang mariníg ang iyóng himutók!...
Palasóng may lason ang nakákaanyo
ng̃ dusang sa dibdib ng̃ayó'y pumapako,
tuwing mabúbuklát
sa aklát ng̃ isip ang pagkasiphayo
ng̃ banál na layong núnukál sa puso.
At magmulá rito'y aking nakikita
sa baníg ng̃ hirap ay nagiisa ka;
waláng dumadamay,
at kung pumapasok ang mahál mong amá
sa iyóng pagdaíng ang tumbás ay mura.
Naririníg ko ring kanyáng inuulit
ang pagalipusta sa palad kong amís:
¡sa aba ng̃ dukha!...
at nananariwa sa puso ko't dibdíb
ang pagtabóy niyáng kapaita'y labis.
At námamalas ko, ang lubháng masakláp,
luhang mapapaít sa matá mo liyág,
di anóng gagawín
sa itó ay utos ng̃ masamáng palad
pawang pagtitiís ang gawíng kalasag.
Ibalita lamang sa tapát mong giliw
kung makaraan ká, sa gabíng madilím,
upang matalós ko
kung ano ang bung̃a ng̃ pagsinta natin
at kahi't malayo'y kapalaran ko rin.
higit pa sa riyan, itong umaaba
sa tapat kong puso,
at ang bawa't patak ng̃ perlas mong luha
ay timbang ng̃ buhay kung manaw sa lupa.
Dito napahinto't kanyang napanood
yaong isang kaban na tang̃ay ng̃ agos,
at pinagsikapang
iyahon sa pangpang ng̃ upang matalos
na baka may lihim doong natutulos.
At ¡oh, anong gitla nang kanyang mamasdan
na bangkay ng̃ isáng bagong kasisilang!...
tumang̃is ang puso;
nagluksa ang dibdib at ipinagsaysay
na: «¡Baka ng̃a itó, ang anak kong hirang!»
Kanyang ikinubli doon sa pangpang̃in,
pumasok ng̃ bayang may ing̃at na lihim
at nakibalita;
sa tinanongtanong ay kanyang nalining
na ¡itinapon ng̃a ang anak ni Tuning!...
Lalong nagibayo, lagablab ng̃ poot,
ang daing at sumpa'y di malagotlagot
«¡Inang walang puso,
Tuning na nagtaksil sa anak ng̃ irog
dapat kang mamatay, dapat kang matapos!
Diyata't masarap sa puso'y matamis
anak mo'y pataying sa ilog ihagis,
maturan na lamang
ikaw ay dalagang may puring malinis,
nang upang giliwin ng̃ bagong ninibig.....
Páhiná 25
¡Oh, taksil na sinta! ¡pusong magdaraya!
¡oh, hang̃ad sa yaman! ¡inang walang awa!
pananagutan mo,
sa harap ng̃ Diyos ang masamang gawa't
may araw din naman kaming mabababa!....»
At kanyang hinagkan ang bangkay ng̃ bunso
kasunod ang patak ng̃ luhang natulo,
«¡Oh, sawi kong supling!....
¡di ko kasalanan ang pagkasiphayo
managot ang iyong inang walang puso!...»
At kanyang kinalong ng̃ hanggang sa bayan
upang ipakuha ng̃ isang larawan;
subali't ang loob
ay di mapanatag kahi't bahagya man;
ang daing at sumpa'y walang katapusan....
Sa ilog ding yaon na kinasagipan
ni Osong ng̃ kanyang bunsong minamahal,
ang magamang Tuning
minsan ay nagaliw sa masayang pangpang
na siyang sumaksi sa lihim ng̃ buhay.
«Talusin mo irog» ang turing ng̃ ama,
«sa panukala ko, kung hindi nayag ka,
disin hanggang ng̃ayo'y
lumalagok ka pa ng̃ luha ng̃ dusa
at di lumalasap ng̃ mg̃a ginhawa.
¿At di mo ba tantong sa buhay na ito:
salapi, salapi, ang Diyos ng̃ tao?
¿Bakit ka iibig
sa hang̃al na Osong na dukhang totoó
gayong may mayamang iirog sa iyó?»
«¡Ama ko! ¡ama ko!» ang saad ni Tuning,
«¡kay inam ng̃a pala ng̃ inisip natin!
salamat Diyos ko
at ang mayayamang ninibig sa akin
ay hindi natalos ang nangyaring lihim ...»
«¡Talaga! ¡talaga» ang sa amang tugon,
«daig ang nagtiyap ng̃ pagkakataon,
¿at aling pang̃ahas
dilang sinung̃aling magsasabi ng̃ayong
ikaw ay naglaho sa tangkay kahapon?
Páhiná 27
Para din ng̃ dati ang tindig mo't bikas,
katutubong ganda'y lalo pang tumingkad;
pagmasdan mo iyang
halamang nilikha ng̃ Hari ng̃ lahat,
pawang yumuyuko sa taglay mong dilag.
Sa mabining agos ikaw ay makinig
may ibinubulong na masayang awit,
saksi ng̃ paghang̃a
sa iyong himalang inimbot na dikit
na waring pinilas sa ganda ng̃ lang̃it.
Ng̃uni't ¡anong saklap sa puso ko't buhay
ang kataasan mo kung iyaagapay
sa piling ni Osong!
¡masarap pang ako ay magpatiwakal!
¡oh, Tuning! ¡oh, Tuning!» at siya'y papanaw.
Pinigil ng̃ bunso: «Amang pinopoon,
ako'y kaayon mo sa dakilang layon,
at isinusumpang
lilimutin ko na ang hang̃al na Osong
at ako'y dalaga na naman sa ng̃ayon ...»
Sila ay nagyakap at siyang tumunong
ang halik ng̃ ama, at halik ng̃ irog;
sigabo ng̃ tuwa
ay hindi magkasyang sa puso manulos
kaya't napatabi, ang panglaw, ang lungkot ...
¡Saka magkaakbay silang nagsilakad
sa dukhang tahana'y nagtuloy umakyat;
mahiwagang ilog
na nilisan nila'y bago humalakhak
na waring inuyam ang nangyaring usap.
Bagong namimitak sa kasilang̃anan
liwayway ng̃ araw, batbat ng̃ katwaan,
yaong mg̃a ama
nagsisikilos na't nang̃agtutulinan
sa pagtuklas noong pangtawid sa buhay.
Sa gitna ng̃ parang namá'y namukadkad
ang hinirang bang̃ong magandang bulaklak
at isinusuob
sa gintong liwayway ng̃ bagong ninikat
nagsasayang araw sa bayan kong liyag.
Ang napanaginip ng̃ mg̃a bayani
na tadhanang araw sa lahi kong api,
wari'y sumisilang
ng̃ sandaling yaong lahát ay nagwagi
at pawang naawit ng̃ mg̃a pagkasi.
Sampung mg̃a ibong payapang magdamág
ay iniyunat na ang kaniláng pakpák;
sandalíng dumalit
bilang isang bati sa nagharíng galák
na sinasayawan ng̃ palundaglundag.
Tinig ng̃ bating̃aw ay sa Konsepsiyón
noó'y nagbalita na may kasal doón;
sa bibig ng̃ madla
narinig ng̃ lahat ang kasál na yaón
di iba't kay Tuníng na lang̃it ni Osong.
Páhiná 29
Ng̃uni't ¿sino kaya ang lubhang mapalad
na makikisumpa sa dambanang harap?
at ¿si Osong kaya?
¡oh, hinding hindi ng̃a't isang taong pantas
na kinasilawan sa bunton ng̃ pilak!...
Ito'y si Ruperto na tukod ng̃ yaman
kung kaya nasilaw si Tuning na hirang;
kanyang kinalakal
pagibig at buhay; puri at katawan
na sampu ng̃ ama'y nakiayon naman.
Wala ng̃a sa isip ng̃ sandaling yaon
ang pinang̃akuang binatang si Osong
at kahi't bahagya
wala sa gunita ang nasawing sanggol
na tunay mang anak ay ipinatapon.
¡Inang walang awa, pusong salawahan
sa tunay mong supling di ka na nahambal!.....
¡mg̃a kulang palad!...
¡oh ang nililikha niyang kayamanan!
at ¡oh, ang babai, kung siyang masilaw!...
Huwag nang ling̃uni't bayaang tumang̃is
ang pusong dinaya ng̃
Oong
matamis,
mahalin mo lamang
ang naging bulaklak ng̃ iyong pagibig
at dakila ka rin sa matang nagmasid.
Sa pagka't ang inang walang pagmamahal
sa tunay na supling na sa puso'y nukal,
daig pa ang hayop,
na lubhang malupit, marung̃is ang asal
ng̃uni't kung sa anák ay handog ang buhay.
ang isang dalagang sa tangkay nagulap
di gaya ng̃ isáng
babaing magtapon sa ilog ng̃ anak
bukod sa may dung̃is, sumpaan ng̃ lahat ...
Subali't ang lahat, di man sumagimsim
sa diwa at puso ng̃ magandang Tuning,
natang̃ing nagdiwang
sa kanyang isipang naglayag sa aliw
na «siya'y yayaman kay Rupertong piling.»
Sampu ni Ruperto'y di kaya ang lugod
sa pagka't kakamtan ang aliw ng̃ loob;
boong pananalig:
ang kanyang si Tuning ay piling alindog
at wala pang dung̃is sa ng̃alang pagirog.
Kapwa may ligaya ang magkasingpalad;
dalaga'y sa kintab at tunog ng̃ pilak,
at ang isa nama'y
sa boong pagasang ang ligayang hang̃ad,
sarilingsarili't ang pagsinta'y tapat ...
Kasiyahang lubos ang siyang umawit
sa puso ng̃a nilang hindi matahimik;
sa boong lansang̃an,
pinahang̃a nila, bawa't makamasid
ng̃ pagtatagumpay noong si pagibig.
Kapag salapi ng̃a ang siyang nagutos
ay payayanigin itong sangsinukob,
at sa pagka't kasal
ng̃ isang Rupertong sa yaman ay bantog
kung kaya ang handa'y di masayodsayod.
Páhiná 31
Papanhikang bahay ay sakdal ng̃ dilag
at sa palamuti'y natatang̃ing agad;
palibhasa'y yaman,
ang siyang naghari, ang siyang nagatas
kaya nagigitla panauhing lahat.
Lalo ng̃ dumating yaong bagong kasal
hiyas na ginamit sa yaman ay sakdal;
«¡Maligayang bati!»
salubong ng̃ lahat ng̃ sa puso'y nukal
bago nagsidulog sa isang agahan.
Sa pagsalosalo ay nakikisaliw
tinig ng̃ musikong gumagara mandin
sa mg̃a bulaklak,
ng̃ bayang Malabong noo'y nagliwaliw
na wari'y nagtipang magsabog ng̃ aliw.
At naging parayso ng̃ ligaya't lugod
pagsasalong yaon ng̃ mg̃a alindog;
na sinamantala
noong makikisig pusong umiirog
mg̃a paroparong mababa't matayog.
Ang maamong titig, ang mariing sulyap,
panibughong ng̃iti, kilos na banayad,
ng̃ sandaling yaon
wari'y umuulang palasong matalas
na di sumasala sa puso ng̃ liyag.
Anhin mang lasapin ang mayamang handa
di gaya ng̃ dilag ng̃ mg̃a hiwaga;
iyang mapamihag
kaligaligayang maningning na tala
sa lang̃it ng̃ bayang luoy sa pagluha.
Páhiná 32
Lalo na ang dikit ng̃ magandang Tuning
namamaibabaw sa madlang kapiling,
at nakikibagay
sa kislap ng̃ hiyas na lubhang maningning
kaya si Ruperto'y nagmamalaki rin.
At halos ang puso sa tuwa'y umidlip
at busog na busog kanyang mg̃a titig,
ni ang panauhin,
sampung kinakain ay wala sa isip
at walang nalabi kundi ang pagibig,
Hanggang sa matapos, agahang masarap
ay walang naghari kundi pawang galak
at sila'y pumasok;
ang isang matanda sa lupa'y tumawag:
«¡Sa isang naaba'y magdamot ng̃ habag!...»
Ang ama ni Tuning pagdaka'y nagng̃itng̃it
«¡Palayasin ninyo, matandang marung̃is,
nang di mangrimarim,
mg̃a panauhin sadyang nakisanib
sa kaligayahan na dulot ng̃ lang̃it!....»
Tugon ng̃ matanda: «Kung ako'y mayaman
ay hindi ganito yaring kalagayan,
gulanit na damit
di ko isusuot: ako'y masusuklam
ng̃uni't pagka't wala'y inyong pagtiisan.
At kung kaya lamang ako'y naparito
iyang bagong kasal ay babatiin ko
naging sumbat nama'y
«¡Huwag kang umakyat at maraming tao
na nakahihiya ang abang lagay mo!....»
huwag lang sabihin na sakim sa yaman
sa pagka't ang dukha
ay di alang̃anin sa harap nino man
at isa ring anak ng̃ poong Maykapal.
At sa mundo'y walang nalalagdang batas
sadyang nagbabawal sa pakikiharap,
ng̃ isang timawa't
kung ipang̃ing̃imi ang mukhang mahirap
ang sabik sa yama'y lalong nararapat.
Kaya itulot nang ako'y makapasok
maligayang bati'y aking ihahandog
sa mg̃a mapalad,
ng̃ayo'y nagsisumpa sa harap ng̃ Diyos ...»
«¡Tuloy na ng̃a kayo!....» maasim na alok.
Baga man masaklap sa puso at dibdib
doo'y patuluyin, matandang marung̃is,
ang ama ni Tuning
ay namayapa na't nakiayong tikis
pagka't sumusugat ang bawa't isulit.
Ipinang̃ang̃ambang baka pa lumala
pagbabang̃on puri ng̃ abang matanda
na di dumadaplis
ang bawa't ituring sadyang tumatama
sa ama ni Tuning, sa mayamang mukha.
Kaya't ang matanda nang di tumitinag
sa pagkakatayo'y nilapitan agad;
«Tayo na po kayo;
magtuloy po sila't kusang makigalak
sa dakilang araw ng̃ pagisang palad....»
Páhiná 34
At nagtuloy na ng̃a ng̃ puspos na galang
yaong bagong kasal, minatamataan;
mana'y may dinukot,
sa loob ng̃ damit na isang larawan
at anya'y «¡Oh, Tuning, tanggapin mo laman!..»
Pagdaka kay Tuning, pumulas ang luha,
mukha ay naglaho, nagapos ang dila;
si Ruperto nama'y
di rin nakakibo at napipi rin ng̃a
at ang kaing̃aya'y biglang namayapa.
Ng̃uni't ang matandang ama ng̃ babai
ay naglakas loob at ipinagsabi:
«¿Ano po ang dala
at isang larawan ng̃ batang lalaki
na siyang sa lahat ay nakapipipi?»
Tugon ng̃ pulubi'y «Inyo pong kilanlin
at ito ay isang kamaganak mo rin ...»
yaong bagong kasal,
di na nakabata't inagaw nang tambing;
«¡Ito ang anak ko, at tunay na supling!...»
Tuloy hinimatay; luhang mapapait
ang sa kanyang pisng̃i, pagdaka'y dumilig;
lahat ay nagulo't
nang mahimasmasan, mata'y itinirik:
«¡Patawad Osong ko, sa nagawang lihis!...
Sa laot ng̃ dusa, ako'y ipinadpad
ng̃ lubhang marung̃is at masamang palad;
nagtaksil ng̃a ako't
inang nagmalupit sa tunay na anak
subalit sa ng̃ayo'y ¡¡patawad!! ¡¡patawad!!»
Páhiná 35
At untiunti nang, nalagot ang hing̃a
at noong maburol sumugod ang ama:
«¡Ikaw na pang̃ahas,
pulubing naghayag ng̃ lihim at dusa
dapat kang mamatay! ¡uutasin kita!...»
Ng̃uni't ang pulubi'y umurong sandali;
hinubad ang damit at noon nawari,
na siya'y si Osong
¡laking pagkamangha; lahat ay nang̃imi
at yaon ang giliw ng̃ babaing sawi!
«¡Ikaw na matanda na sakim sa yaman,
uhaw sa tungkulin at sabik sa dang̃al,
na nang̃ang̃alakal
ng̃ puri ng̃ supling ang dapat mamatay
at di akong dukhang inyong inagawan!...»
At saka umakmang tarakan ang puso
noong lilong amang masakim sa ginto;
subali't ang lahat
pagdaka'y umawat, pagdaka'y bumuno
hanggang maibaba't naglapat ng̃ pinto.
Ng̃uni't ¿si Ruperto'y saan naparoon?
at ¿bakit nawala sa sakunang yaon?
¡walang makaalam!
palibhasa'y lihim na tumakas doong
umilag marahil sa ng̃itng̃it ni Osong.
At doon natapos yaong kaguluhan
na noong umaga'y isang kasayahan;
sa bibig ng̃ madla,
pagpuri't pagkutya, pagbunyi't paguyam
ang namumulaklak na lipatlipatan.
Páhiná 36
Hanggang sa lansang̃an, noo'y sumabog na
balitang masaklap, mapait na bung̃a
ng̃ hang̃ad sa yaman;
ibang makamatyag lihim na tatawa
bago tutuguning «¡Nasawing Pagasa!»
¡Oh, mg̃a magulang na silaw sa pilak
na nang̃ang̃alakal ng̃ puri ng̃ anak,
mang̃agnilay sana,
bago magsisubo sa guhit ng̃ palad
at baka madapa sa gitna ng̃ landas!...
¡Oh, mg̃a babaing masakim sa yaman
pagibig at puri ay niyuyurakan,
bumalikwas kayo't
inyo nang baguhin ang kinahiligan
upang makailag sa kasakunaan!...
At tuloy tantoing masarap pang tikis
ang pang̃alang
dukha
o
anak ng̃ pawis
kay sa sa mayaman,
kung pinupulaan ng̃ bala na't bibig
na nakatatalos ng̃ lihim ng̃ dibdib.
Nang kinabukasan at gabing madilim
sa isang libing̃a'y naglalamay mandin,
yaong si Ruperto;
sa kinalagakan ng̃ bangkay ni Tuning
doon nakaluhod ng̃ lubhang taimtim.
Ang kapayaang naghahari doon
ay ginagambala ng̃ kanyang pagtaghoy:
«¡Ay, sawi kong palad!...»
wikang naghinagpis saka idinugtong
«¡buhay ng̃ buhay ko, patawad oh, poon!...»
At bago tumayong yumakap sa kurus,
luhang mapapait sa mata'y nanagos,
matimyas na halik
kanyang iginawad saka naghimutok
«¡Tuning ng̃ buhay ko, tanggapin mo irog!...
Iyan ay sagisag ng̃ aking pagibig
at nariyan ka man sa bayang tahimik
ay di nililimot
at sa bawa't tibok ng̃ puso sa dibdib
pang̃alan mo lamang, siyang nasasambit.....»
Mana'y napailag naganyong bayani,
lumayo sa kurus at ipinagsabi:
«¡Pusong magdaraya!...
¡papatayin kita! ¡hayo na't magsisi!...
¡kulang palad ka ng̃a, nasawing babai!...»
«¡Aba si Tuning ko, kay ganda mo pala!...»
sa harap ng̃ kurus
ay muling lumuhog at humalik siya
«¡Tanggapin mo irog at lambing ng̃ sinta!...»
Anaki'y napasong biglang itinulak
ng̃ kurus na yaon noong kulang palad
«¡Abá si Tuning ko!...
at nagtatampo na, sa aking pagliyag ...
¡ha!... ¡ha!... ¡ha!... ¡ay kahabaghabag!...
Hayo na, hayo na, gapasin ang lugod
naito ang yaman, kandung̃in mo irog;
¡aba't ng̃uming̃iti!...
¡pusong magdaraya, salawahang loob,
papatayin kita, dapat kang matapos!...
At kung ang gaya mo, ay pababayaang
lumawig sa mundo ng̃ dalita't lumbay
ay di malalagot,
ang mg̃a panaghoy, ang mg̃a sumpaan ...
¡aba si Tuning ko, nahihiya naman!...
Ng̃uni't huwag Tuning, huwag kang tumañgis,
ang pagsisisi mo'y aking naririnig;
datapwa't irog ko,
umahon ka rito't ako ay hahalik
sa mg̃a pisng̃i mong sakdalan ng̃ dikit ...
¿Di ka makalabás? sandaling magantay
at babawasan ko ang tabon ng̃ hukay.»
Lumapit sa kurus,
tinutop ang noong wari'y nagninilay
tuloy na binunot ang tanda ng̃ patay.
Páhiná 39
«Kaunti na lamang, Tuning ng̃ buhay ko,
huwag kang mainip at makakamtan mo;
mithing kayamanan,
aking hahawiin ang tabon sa iyo ...»
at nagkukutkot ng̃ang anaki ay aso.
Sa dulong silang̃an nama'y namanaag
masayang liwayway ng̃ araw ng̃ bukas,
doon sa libing̃an
ay siyang pagpasok noong kulang palad
binatang si Osong, sawi sa pagliyag.
Kanyang aaliwin ang dusa ng̃ loob
dahil sa pagasang sinawi ng̃ lungkot;
sa boong magdamag,
ay di mang nagalay ng̃ munting pagtulog
kung di pawang sakit, dalita't himutok.
Subali't nabiglang natigil sa landas
abang si Ruperto'y nang kanyang mamalas
na nagkukukutkot
doon sa libing̃an noong kulang palad
kasaliw sa hibik ang luhang nanatak.
Ng̃uni't di napigil, sigabo ng̃ poot,
patakbong lumapit sa nagkukukutkot;
«¿Sino kang pang̃ahas,
lilong gagambala, kay Tuning kong irog?
na namamayapa sa kanyang pagtulog?...»
Tugon ng̃ Rupertong wikang tumatang̃is
«¡Ay Tuning!... ¡ay Tuning! ¡maawa ka lang̃it!...»
at tuloy lumuhod,
sa harap ni Osong at siya'y humalik
kasabay ng̃ yakap na lubhang mahigpit.
Páhiná 40
Ang poot ni Osong, lalong naglagablab
kanyang iniwaksi, ang pagkakayakap;
abang si Ruperto,
sa maruming lupa'y nasubasob agad
at napahandusay sa libing ng̃ liyag.
Sinakyan ni Osong; pinigil sa batok
at ang sundang niya'y madaling binunot,
bago iniyakmang
«¡Papatayin kita!... ¡dapat kang matapos
nang makilala mo kung sino ang Diyos!...
¿At bakit nang̃ahas dito sa libing̃an?
¿bakit huhukayin ang sinta ng̃ buhay?
¡pusong walang bait!
kahi't anong sama, ng̃ taong sino man
kapagka namatay, dapat mong igalang..»
«¡Tuning ko! ¡Tuning ko!» ang nagiging tugon
«¡oh, anong lupit mo, kay lakas mo ng̃ayon!.»
tinablan ng̃ sindak,
ang ating binatang may ng̃itng̃it na Osong,
at ang yapus niya'y ¡tunay palang ulol!
Tumang̃is ang puso, nagluksa ang dibdib,
sisi, habag, hapis, sa kanya'y naniig,
kaya't ibinang̃on;
«¡Diyos ko! ¡Diyos ko! ¡mahabaging lang̃it,
pawa na bang gabi, itong tinatawid!...
At bago niyakap, kaharap na baliw
«Sa aking inasal ako'y patawarin ...»
tumbas ni Ruperto
ay isang mataos, halik na mariin,
«¡Tuning ng̃ buhay ko, kay sarap mo giliw!...»
Páhiná 41
«¡Diyos ko! ¡Diyos ko!» ang hibik ng̃ Osong,
«¡pagkalupitlupit lakad ng̃ panahon!...»
at kanyang inakay
abang si Ruperto't wikang idinugtong
«¡Tayo na! ¡tayo na!...» at sila'y yumaon.
Habang lumalakad, dalawa'y nagsabay
na isinusumpa ang abang namatay:
«¡Oh, Tuning! ¡oh, Tuning!...
¡ikaw ng̃a ang sanhi ng̃ lahat ng̃ lumbay
ng̃ayo'y tinatawid nitong aming buhay!...
At pawa ng̃ gabing lubhang masusung̃it
na kasindaksindak, tanghalan ng̃ sakit,
ang siyang sa ng̃ayo'y
laging nilalayag ng̃ palad na amis,
ikaw, ikaw Tuning, ang dahil ng̃ hapis ...
Ng̃uni't masaklap man ang nasapit naming
laging naglalayag sa gabing madilim,
pumayapa lamang
ikaw sa tahimik, mapanglaw na libing
at sa amin yao'y kapalaran na rin ...»
At doon natapos, ang lahat ng̃ sumpa
doon din tumulo mapait na luha;
¡oh, kahabaghabag
na palad ni Tuning, babaing naaba
natang̃i ang lang̃it, siyang nagluluksa!...
¡Oh, taksil na pita sa dang̃al at yaman,
ang lahat ng̃ ito'y iyong kasalanan;
ang busabusin mo,
kahi't man umidlip doon sa libing̃an
sumpang sunodsunod, walang katapusan!...
Páhiná 42
Pagka't sa bayan mang sinilang̃an niya,
bawa't makabatid ay napapatawa
at tang̃i sa sumpa,
paghabag, pagiring ay isusunod pa:
¡Nasawing Pagasa!... ¡Nasawing Pagasa!...
Nang ikaw ay di ko nakikilala pa't
Ang ilan mong katha ay aking mabasa,
Akala ko mandi'y isa kang poetang
May sapat ng̃ gulang at pagkabihasa.
Oo, akala ko, ikaw'y isa na rin
Sa mg̃a kilalang Santos, Matanglawin,
Peña, Regalado, Mariano't Ben Ruben
Na, inuuban na sa gayong gawain.
Dahil sa ang iyong mg̃a gawang katha
Ay nang̃asusulat na lahat sa tula,
Mg̃a tulang hindi pangsira sa wika
At bagkus pangayos, pangbuhay sa diwa.
Ng̃uni't sa limbagan ng̃ Pamahalaan
Nang aking mamalas iyong kabataan:
Yaong paghang̃a ko'y lalong naragdagan
At halos di kita mapaniwalaan.
Isang katulad mo! isang batangbata
Ang makayayari ng̃ maraming katha;
Mg̃a kathang busog sa mg̃a hiwaga ...
At bihibihira ang nakagagawa?
Páhiná 46
Sinong di hahang̃a sa dunong mong angkin
Lalo't sa lagay mo, ikaw, uuriin?
Ah! di sa pang̃alan lamang ikaw Angel!
Sa puso ma't diwa ikaw ay Angel din!
Angel ka ng̃ang buhat doon sa Olimpo
Na pinaparito ng̃ diyos Apolo,
Upang makatulong sa pagbungkal dito
Ng̃ mina ng̃ Wika nating Pilipino.
Na, nang̃atatago sa parang at gubat
At sa mg̃a bundok na lubhang mataas;
Sa sapa at batis sa ilog at dagat
Na puno ng̃ mg̃a magandang alamat.
Ang kasangkapan mo na iisaisa
Ang nang̃agagawa ay katakataka,
Sa sama'y pangbuti, sa dung̃o'y pasigla
Sa sira'y pangbuo't pangaliw sa dusa.
Kasangkapang laging laan sa pagdamay
Sa nang̃aaapi at nahihirapan,
Mabait na guro sa hang̃al ó mangmang,
Sulong maliwanag sa nadidiliman.
¡Oh, ang íyong diwa na nagpapagawa
Sa iyong panitik na gintong mistula,
Ng̃ mg̃a puntahing banal at dakila
Sa ikabubunyi ng̃ sariling Lupa!...
Bayaan mong ako'y magpilit tumugtog
Sa aking kudyaping mahina at paos,
Tanda ng̃ paghang̃a at pagpuring lubos
Sa mg̃a gawa mong dakila at bantog.