The Project Gutenberg eBook of Si Rizal at ang mga Diwata: Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org . If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title : Si Rizal at ang mga Diwata: Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto

Author : Jose N. Sevilla

Release date : July 22, 2006 [eBook #18887]

Language : Tagalog

Credits : Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Handog
ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga
ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK SI RIZAL AT ANG MGA DIWATA: ZARZUELANG TAGALOG NA MAY DALAWANG YUGTO ***

  
Advertisement Manuel de Leos/Libreria de R. Martinez

Cover

Si Rizal at ang mga Diwata

(ZARZUELANG TAGALOG NA MAY DALAWANG YUGTO)

TUGTUGIN NG

Gurong Manuel Lopez

AT TITIK NI

Jose N. Sevilla

Printer's mark
( Unang Pagkalimbag )
MAYNILA, 1913.

Imp. SEVILLA, Ilaya 601 Tondo, Manila .


TALAAN NG NILALAMAN

UNANG YUGTO
I Tugma
II Tugma
III Tugma
IV Tugma
IKALAWANG YUGTO
I Tugma
II Tugma
III Tugma
IV Tugma
V Tugma
VI Tugma
VII Tugma
VIII Tugma
Huling Tugma

Dr. José Rizal y Mercado Dr. José Rizal y Mercado

Ala-ala sa dakilang Bayani, bilang pamimintuho sa kanyang mga banal na mithiin.

Ang Kumatha


MGA TAONG GAGANAP

Rizal 14 na taon
Filipinas
Anangki
Sakim
Ingit
Minerva
Panahon
Mga Diwata { Kagandahan
Karangalan, Kasayahan at
Kayamanan
Coro Ng { Kabataan
Kabinataan
Mga Panganay
Decorative motif

TAGUBILIN:

Ipinagbabawal ang pagtatanghal na walang pahintulot ng Gurong si G. Manuel Lopez at ng Kumatha.


Decorative motif

SI RIZAL AT ANG MGA DIWATA

Decorative motif

UNANG YUGTO

Sa kabilang dako ng tanawin ay kakahuyan at bundukin at sa kabilang dako'y bahagi ng dagat BAY.
Isang bangkang lunday ang nakapugal na bay-bayin.
Lalabas ang Coro ng Kabataan na boong lugad na nagaawit.

I TUGMA

AWITIN

( Lahat )
Tayo na't magpaliguan
Dito sa dagat na tabang
Tubig niya'y sakdal linaw
Anong sarap! Anong inam!
( Lalaki )
Banka'y atin nang ibunsod
At sabayan ng pag-gaod
Kapit kayo't mahuhulog
Mahirap na ang malunod.
( Babai )
Anong sarap na aliwan
Ng mamangka sa dagatan
Huwag kayong magagalaw
Ang bangka ay gumigiwang.
( Lahat )
Tayo na't maglusungan
Sa tubig na sakdal linaw
Hayo na't maglundagan
Anong sarap manimbulan!

Magpapasukang lahat sa loob. Si Rizal ay lalabas sa kabilang dako na wari'y may hinahanap.

Páhiná 6

II TUGMA

Rizal :—
Ako ay iniwan.... Hindi na inisip,
Ang nagsisiluhang Ina at kapatid,
Nagpasasang lahat sumimsim ng tamis
Ng pagliliwaliw.... at kami'y sa sakit.
Anong pagkahirap ng ganitong buhay
Maraming kapatid ay di maasahan,
Ang nangatuturing na mga panganay
Na dapat huwarin sa mabuting asal,
Sa landas ng puri'y dapat na mag-akay
At dapat magsikap ng ikararangal,
Ng kanyang kaanak, ng kanyang pangalan,
Ay siyang nagiging masamang huwaran
At dumog sa hilig na napakahalay.
Ang tanang pag-asa ng Ina kong giliw
Ang kabinataang dinaladalangin,
Siyang tatawagan, aking ituturing
Yaring kalagayang balot ng hilahil.
Nguni't hindi kaya ariing aglahi
Ng mga kapatid ang gayong mungkahi?
(Mag-iisip ng boong alinlangan)
Sa ano't ano ma'y aking luwalhati,
Ang agad malaman yaring pagwawari.

(Anyong hahanapin, sa kabilang dako'y lalabas ang Kabinataan.)

Páhiná 7

III TUGMA

(ANG KABINATAAN AT SI RIZAL)

SALITAAN:

Kabinataan :—
Ang buhay ng tao ay isang pangarap
Isang kasayahang walang makatulad
Ang di magtamasa ay hangal at uslak
Laging magtitiis, laging maghihirap.
Rizal :—
(sa sarili) Ang kabinataan....
(lalapitan) Kayo 'y siyang pakay
Talagang sadya kong kayo'y tatawagan,
Sana'y isasamong si Ina'y káwaan.
(tunog) Ibig baga ninyo mga hinihirang
Na samahan ako't Siya'y saklolohan?
Kabinataan :—
Kami ay may lakad; huwag abalahin
At ang kasayaha'y dapat tamasahin,
Hindi mo ba tantong ang hindi sumimsim
Sa kanyang tagayan ay mangmang ó baliw?
(hihimukin) Sumama ka Rizal, sa ami'y sumama
At doon pahirin ang bakas ng dusa.
Rizal :—
(malungkot) Sumama pa ako?.... Paano si Ina?....
Kabinataan :—
(pakutya) Si Ina?... Bayaan. Siya ay saka na.
(Pasubali) Tawagan na muna ang mga panganay:
Rizal :—
Kayo'y kapatid ding dapat na asahan;
Kabinataan :—
Sila'y siyang unang dapat na dumamay.
Rizal :—
Samahan na ako. Tayo na't suyuan.
Kabinataan :—
Nalalaman mo nang kami ay may lakad.

Páhiná 8

Rizal :—
Matitiis kayang hindi bigyang lunas
Ang sakit ni Ina sa gitna ng hirap?
Kabinataan :—
May panahon pa rin.... (aalis)
Rizal :—
Kung tapos nang lahat.

IV TUGMA

Mapagiisa si Rizal.

Rizal :—
Ang aking pag asang mangakakatulong
Na mangag-iibis ng dusa't lingatong,
Di man nabahala sa tapat kong lungoy,
Hindi man dinigig ... Agad nang yumaon.
Masayang masayang parang walang malay,
Nagsasamantala ng galak sa buhay;
Parang mga musmos na di nalalamang
Ligayang sandali'y agad napaparam.

(Mayuyukayok sa isang dako ng tanawin na waring may iniisip.)

Lalabas Ang Mga Diwata Na Mag Aawitan Ng Kaakit-akit. Si Ingit at Si Sakim Ay Sa Kabilang Dako.

SALITAAN.

Anangki :—
Mga Diwata kong hirang
Inyong akitin si Rizal;
Akitin mo Kagandahan,
Ganda ang iyong ialay.
Kagandahan :—
Siya'y aking lalambingan.
Anangki :—
Ikaw naman Kasayahan
Pilitin mong siya'y mapukaw.
Kasayahan :—
Sa puso'y siyang bubuhay.

Páhiná 9

Anangki :—
Tulungan mo Karangalan
Gayumahi't nang masilaw
Karangalan :—
Aalayan ko ng dangal.
Anangki :—
Akitin mo Kayamanan
Ng salaping makikinang.
Kayamanan :—
Sisiluin ko ng yaman.
Anangki :—
Hayo na at siya'y lapitan
At gisinging malumanay.

AWITIN:

Mga Diwata :—
Tayo na't ating gisingin
Halina't atin siluin
Alayan natin ng lambing
Upang siya'y sumaatin.
Rizal, Rizal, gumising na
Silayan kami ng mata
Asahan mong liligaya't
Malilimot ang balisa.

SALITAAN.

Anangki :—
Rizal, Anó't namamanglaw?
Baki't ka ba nagdaramdam?
Sabihin mo, iyong tura't
Ako'y handa sa pag-damay
Rizal :—
Dahilan kay Inang mahal
Na nagagapos ng lumbay.
Anangki :—
¡Ah! Yaon ang dahilan
Ng di mo ikatiwasay?
Ibig mong aking lunasan
Ang mga sakit sa buhay?

Páhiná 10

Rizal :—
(sa sarili) ¡Oh pusong napakarangal!
(sa kausap) Kayo ay pagtatapatan
Ang tanging pag-asa, ang Kabinataan,
Ang nangatuturing na mga panganay
Ang dapat lumunas, ang dapat dumamay
Ay na nga hihimbing, at nalilimutang
Sila'y may ina pang dapat paglingkuran.
Anangki :—
Dahil lamang doon, ikaw ay nalumbay?
Ayokong makitang sino may lumuha,
Kaya't tangapin mo ang aking kalinga.
Ako'y si Anangki. Ako'y si Tadhana.
Nariyat kasama ang tanang Diwata.
(tatawag) Kagandahan: Siya, kayo'y magpasasa
Pawiin kay Rizal ang bakas ng luha
Iyong ipatantong ikaw ang Hiwagang
Hinababol-habol ng tanang Makata.
At siya'y suyuin ng boong pag-giliw,
Sa kanya'y idulot ang timyas ng lambing,
Siya'y dalhin mo sa mga tanawin
Ng mga pangarap.
Kagandahan :—
Akin pong gagawin.
(Lalapit at hahawakan si Rizal)
Halína, halina sa bayan ng tuwa,
Limutin na Rizal ang mga pag-luha,
Puso ko't puso mo'y mag-iisang diwa
At magasusumisid sa dagat "biyaya".
Ikikitil kita ng mga bulaklak
At siyang idadampi sa pusong may hirap
Páhiná 11
Kita'y susuubin ng aking pag-liyag
Ng sa pighati mo'y siyang maging lunas,
Siya na ang sakit.
Rizal :—
(alinlangan) Hindi ko magawang
Agad na sumimsim ng ala'y mong tuwa;
Ang Ina ko'y siyang sumasagunita
Mandi'y nakikitang lunod na sa luha.
Kagandahan :—
Pawiin sa loob ang tanang ísiping
Makapagdudulot ng dusa't hilahil
At ngayo'y panahong ating tamasahin
Ang galak sa buhay na sumasaatin.
Buklatin ang pusong iyong iyo lamang,
Tanging makikita'y pagsintang dalisay
Tahas masasabing tanging-tanging ikaw
Ang itinitibok ng puso ko't buhay.
Pawang tuwa't suyo, ang ipakikita
Ng nananabik kong puso sa pagsinta't
Di ka babahiran bahagya mang dusa.
Rizal :—
Tunay ang sabi mo?
Anangki :—
Yao'y nasulat na,
Nang lalong maganap ang dulot kong alay
Ngayo'y kilalanin ang isa pang abay.
(Tatawag) Kasayahan ... Lapit: Siya ay alayan
Ng tanging samyo mong kabangubanguhan.
Ang mga mata mong kapilas ng langit,
Ay tanging kay Rizal dapat mong ititig;
Ang masayang ngiting sa dusa'y pambihis,
Ang mabining kilos na nakasakit
Ang mahinghing anyo, ang timyas ng halik,
Páhiná 12
Ang gandang sariwang laging nagtatalik,
Ang matang mapungay, ang diwang malinis,
Idulot kay Rizal.
Kasayahan :—
Ganap na ang nais!
Rizal :—
(Hangang-hanga) Ito kaya'y tunay?
Kasayahan :—
Hindi panaginip.
Anangki :—
(tatawag) Karangalan ... Siya ay iyong putungan
Ng nakahihiling iyong katangian:
Gawin mong si Rizal ay laging hangaan
Sa boong daigdig ng lalo mang paham.
Ibig kong makita na siya'y kapiling
Ng lalong Bayaní, ng lalong Magiting,
Ibig kong makitang siya'y pintuhuin
Ng tanang linalan....
Karangalan :—
Ang gayo'y gagawin.
Anangki :—
At kulang pa yata ... (mag-iisip) Ah! si Kayamanan!
Kayamanan :—
Ako po'y utusan.
Anangki :—
Ngayon di'y gampanan,
Yarin tagubilin, sa íkatitibay
Na kanyang ligayang walang katapusan;
Sinupin mong lahat, na ang kayamanang
Mahahagilap mo sa boong tinakpan,
Ang lahat at lahat ay iyong ialay
Kung kailanganin ng batang si Rizal.
Rizal :—
(magalang) Bago ko tangapin ang tanang biyaya'y
Bayaang ialay ang aking paghanga.
Anangki :—
Sila'y alipin mo; ang mga Diwata'y
Iyong iyo lamang. Hayo't magpasasa.

Páhiná 13

Rizal :—
(Magalang) Anangki, salamat.
(sa mga Diwata; boong tamis) Halina kay Ina
Oh! mga giliw kong panglunas sa dusa,
Tayo na't piliting siya'y lumigaya,
Yamang ako'y inyo, kayo nama'y kanya.
Lahat :—
(sabay) Di kami nanayag. Kami'y iyo lamang.
Kagandahan :—
Ang kahi ma't sinong magnais umagaw
Ng biyayang iyo, iyong iyong tunay
Ay aming kagalit gagawing kaaway
Rizal :—
Sa makatwid, ay ...
Lahat :—
Iyo nang nalaman.
Kagandahan :—
Na sino't sino mang sa iyo'y pumiling,
Sino mang aagaw ng sariling amin
Ay sisiphayuin ng siphayong baliw.
Rizal :—
(magalang) Anangki, Tadhana, ako'y patawarin.
Ang tanang Diwatang kaloob sa akin
Ay di maaaring aking tamasahin,
Náiyan, kunin na, muli mong bawiin.
Anangki :—
Sa anong dahilan?
Rizal :—
Sa malaking bagay.
Ako ay di akin, ako ay kay Inang,
Ang kanyang tiisin ay akin ding tunay,
Ang aking ligaya'y kanyangkanya lamang
Kaya't di maaring ang tanan mong alay
ay tamasahin ko at pagpasasaan.
Anangki :—
(matimyas) Ano pa ang ibig? pinawi kong lahat
Ang mga hirap mo ng mabisang lunas.

Páhiná 14

Rizal :—
Di ko kailangan ... Nais ko pa'y hirap
Kung akin sarili. Aanhin ang galak
Na di maihandog sa Ina kong liyag?
Anangki :—
(payamot) At tumatangi ka sa mga biyaya?
Rizal :—
(boong saklap) Hindi maaari, di ko magagawang
Ako ay mag isang lumasap ng tuwa.
Anangki :—
(boong poot) Ako'y ginagalit.
Rizal :—
(mayumi) Ikaw ang bahala.
Anangki :—
(galit) Ang ngit-ngit ni Sakim, ang poot ni Ingit
Ang aking higanti'y siyang mag-uusig
Asahan; asahang ano mang masapit
Kita'y tatalian ng mga pasakit.
(tatawag) Ingit, Sakim, Ayan: (ituturo) Siya'y kilalanin
Siya'y higantihan ng ngit-ngit ng baliw
Sa hapis na buhay, huwag pagitawin
At ipaglubugan sa tanang hilahil.
Sakim :—
(boong kasiyahan) Ako ang bahala; aking nalalaman
Ang aking gagawin upang pasakitan.
Sakim :—
Di ako tutugot na siya ay gumitaw
Aking pipilitin na siya'y mamatay.

TABING.

Decorative motif

Decorative motif

Páhiná 15

SI RIZAL AT ANG MGA DIWATA

Decorative motif

IKALAWANG YUGTO

I TUGMA

Pagbubukas ng tabing ay makikita si Rizal nayuyukayok. Lalabas ni Filipinas na nag-aawit ng isang mapanglaw na karaingan.

AWITIN:

Filipinas :—
Rizal, Rizal, bunsong hirang
Ina mo'y huag bayaan
Ina'y iyong saklolohan
Sa dagat ng kahirapan.
Ang Ina mong tumatangis
Nalulunod na sa sakit
Wala nang kayang magtiis
Sa lingap mo'y nagnanais.

SALITAAN.

Rizal :—
(alinlangan) Anong aking magagawa
Sa ako'y mus-mos pang bata.
Filipinas :—
Sukat ang banal mong nasa
Kung iyong isasagawa.
Rizal :—
(susuyuin) ¡Ina! siya na ang pag-luha
Handa akong kumalinga.

Páhiná 16

Filipinas :—
Ay Rizal ng aking buhay.
Sa tanang kong katiisan,
Hininga mandi'y papanaw;
Mga binata'y tawagan
Nang ikaw ay matulungan.
Hanapin, tawagan sila,
Ibalita yaring dusa
Nang kanilang maalalang
May tumatangis na Ina.
At sa kanila'y isulit,
Ang pighating tinitiis
Ng Inang tanging ninibig
Sa libinga'y maghahatid;
Kailangan ko ang tangkilik. (malulugmok)
Rizal :—
(aalalayan) Ina ... Inang minamahal
Huag mo akong iiwan
Aanhin ko yaring buhay
Kung ikaw ay mamamatay?

Lalabas ang mga Panganay na may dalang manok, baraha at bote ng alak.

II TUGMA

Ang Mga Panganay, Si Rizal at Si Filipinas

SALITAAN:

Panganay 1.º :—
Mabuhay ang kasayahan!
Panganay 2.º :—
Mabuhay ang paglilibang!
Lahat :—
Mabuhay! Laging mabuhay!
Rizal :—
(luhog) Lingapin ninyo si Inang
Páhiná 17
Mga kapatid kong hirang
Ako ay inyong tulungan,
Kung kayo man ay may buhay
Ay sa kanya tanging utang.
Lahat :—
(pakutya) Ohu?... mapagdunung dunungan.
(sa sarili) Bakit malakas ang sugal
Hahanapi'y kapalaran.
Filipinas :—
(sa mga Panganay) Ay mga anak ko ...kayo'y nasisinsay
Sa dapat landasin....
Panganay 1.º :—
(padabog) Aking nalalamang
Kaliwa'y kaliwa at kanan ang kanan. (anyong aalis)
Rizal :—
Kami na'y lingapin ... Sandaling maghintay ...
Panganay 2.º :—
(kay Rizal) At ibig mo yatang kami pa'y turuan?...
Panganay 3.º :—
Kung sana'y marunong ó kaya'y mayaman
Disin ay agad kang pinaniwalaan.
Panganay 1.º :—
Tayo'y tanghali na.
Panganay 2.º :—
Halina at iwan
Rizal :—
(boong lungcot) At kami ni ina?...
Panganay 3.º :—
Kayó?
Lahat :—
Ating lisan.
(sabay ng alis)

III TUGMA

Si Rizal at Si Filipinas

SALITAAN

Rizal :—
Ituro sa akin Inang ginigiliw
Kung sino ang dapat na aking suyuin
At pakaasahang kahit puhunanin
Ang murang buhay kong aking ihahain.

Páhiná 18

Filipinas :—
Tanging bunsong nagmamahal
Ikaw mandin ang nahirang
Na sa aki'y tumangkakal
Noong Bathalang Kumapal.
Rizal :—
Kung magulang yaring bisig.
Kung ganap na yaring bait,
Asahan mo Inang ibig
Na sisikapin kong pilit
Ang sa iyo'y pagtangkilik.
Filipinas :—
Napakabanal ang nasa
Kung iyong isasagawa
Ang iyong layong dakila
Na sa aki'y pagkalinga.
Subalit lalong mainam
Ang ikaw sana'y tulungan
Ng aking mga Panganay
Na kapatid mo ring tunay.
Kailangan mong tanglawan
Ang isip na nadidimlan.
Tumawag ka kay Minerva
At sa kanya ay pasama
Tiising mawalay muna
Sa nalulunos na Ina.
Siya kita na'y iiwan
Di na ako makalaban
Sa dahas ng kahirapan. ( anyong aalis )
Rizal :—
Ina, Inang minamahal
Ang bunso mo'y huag lisan.

Páhiná 19

Filipinas :—
Kailangan mawalay muna
Sa namimighating Ina. (sabay alis)
Rizal :—
(anyong hahabulin) Subali't ...May matuwid ka,
At ayaw mong ipakita
Sa akin ang pagdurusa
At aayaw kang talaga
Na ang puso ko'y magbata.
Pagsisikapan ko ano mang masapit
Na sa iyong mata'y huag ng tumigis
Ang saklap ng luhang animo ay batis,
Pagpipilitan kong magkapatid-patid
Ang tanikala mo ng mga pasakit ( papasok )

( Tabing Na Lansangan )

IV TUGMA

Lalabas ang mga Panganay

SALITAAN:

Panganay 1.º :—
Nanalo ka ba?
Panganay 2.º :—
Kung ako'y nanalo ...
Ako ay nahughog.
Panganay 1.º :—
Ako ay natalo
Sa masamang hilig tayo ay nabuyo.
Panganay 3.º :—
Hindi pa rin huli ... Tayo na'y magbago.
Maling mali tayo ng tinungong landas,
Ang lansangang yao'y patungo sa hirap;
Maligoy matinik, mabato't madawag
At pawang balahong hindi madalumat.

Páhiná 20

V TUGMA

Lalabas ang Kabinataan

Ang Mga Panganay at Ang Kabinataan

SALITAAN:

Kabinataan :—
Oh! mga Panganay ... Nasaan si Rizal?...
Kami ay samahan
Panganay :—
Siya naming pakay
Ang aming ginawing madumog sa sugal
Siyang naging sanhi ng sakit ni Inang
Kabinataan :—
At kami?... Oh! kami'y nagsisipagsisi
Panganay 1.º :—
Tayo na; halina't alayan ng puri
Ang Ina't kapatid na laging duhagi.
Halina't lunasan ang sakit ni Ina
Kalagin ang gapos ng pighati't dusa
Halina tuntunin ang himok tuwi na
Ng bunsong si Rizal
Lahat :—
Halina ... Halina, (papasok na lahat)

( Bubuksan Ang Tabing )

VI TUGMA

Sa kabilang dako'y lalabas si Rizal at sa kabilang dako'y si Minerva.

SALITAAN:

Rizal :—
Minerva.... Minerva, ako ay tulungan
Ako ay akayin sa landas ng dangal.
Minerva :—
Ano ang nais mo magiting na Rizal?
Sabihin ng agad.

Páhiná 21

Rizal :—
Ang iyong pagdamay
Ang Ina kong minamahal
Sa pighati'y mamamatay;
Minerva ako ay tulungan,
Ang hirap niya'y lunasan,
Ang isip ko ay tanglawan
Ng ningning ng karunungan,
Nang si Ina'y maalayan
Ng bahagyang kaaliwan.
Minerva :—
Ano ang aking magagawa
Sa Ina mong lumuluha?
Rizal :—
Tanglawan mo ng biyaya
Diwa kong napakahina,
Nang sa aki'y maniwala,
Kapatid kong matatanda
Sila ay nangahihimlay
Sa mga gawing mahahalay;
Kanilang nalilimutang
Mahigpit na katungkulang
Sa Ina ay tumangkakal;
Ang Ina kong minamahal
Na Ina rin nilang tunay
Sa dusa ay mamamatay ...
Minerva sila'y tanglawan
Ng iyong kapangyarihan.
Minerva :—
Kailangan magsikap ka
Kung sa aki'y pasasama;
Ang mithiin mong ligaya
Páhiná 22
Matatagpong walang sala ...
Kay Panahon ka paakay
Siyang may hawak ng buhay
(tatawag) Panahon ...
Panahon :—
(magalang) Ako po'y utusan

VII TUGMA

Si Panahon si Minerva at si Rizal.

SALITAAN

Minerva :—
Iyong samahan si Rizal
Hangang sa bayan ng dangal
Panahon :—
Ako ay sunudsunuran
Sa hari ng karunungan
(kay Rizal) Kumapit sa akin Rizal
At sa akin ka aakbay;
Ang lakas ng kalakasan
Ang sa iyo'y papatnubay.

Magtatagpotagpo ang lahat ng personaje tangi si Filipinas ang mga Diwata na nakahanda na sa Apoteosis. Ang mga Panganay ay hahanga sa pagkamatas kay Minerva at kay Panahon. Bubuksan nito ang aklat ng buhay.

VIII TUGMA

SALITAAN

Panahon :—
Ibig mong tahuin ang guhit ng palad?...
Narito't pakingan (bubuksan ang aklat)
(babasahin) «Laging mahahabag
Sa palad ng lahi na nawawakawak,
Sa kapabayaan ng dapat magingat
Na mga kapatid, hangang mapahamak
Buhay ang kapalit sa ikakakalag
Páhiná 23
Ng lubid na gapos ng Inang may hirap
Si Ingit, si Sakim ay kakatulungin
Ng mga kaaway na mang aalipin,
Sila'y magtatalik, buhay mo'y kikitlin.
Ang lahat ay tungo sa hatol ng haling.
Ito ang palad mo na tatalimahin
Upang mailigtas ang Ina sa lagim.
Kung maganap ito, ganap na ang palad
Ng Inang alipin ng mga bagabag,
Sa inyong silanga'y muli ng sisikat
Ang araw na bagong maningning ang sinag,
Wala na ang dusa, wala na ang hirap.
Sa mga kapatid, sa mga kaanak
Ay siyang pupukaw, siyang mag-uulat
Ng dapat na gawin sa ikagaganap
Ng kanilang laya sa araw ng bukas»
Rizal :—
(boong kasyahan) Kung ang kulay pula'y kinakailangan
Na siyang itina sa sikat ng araw
Dugo ko'y ibubo, pangiti kong alay,
Nang ang kanyang sinag, lalo pang dumingal.
Nang agad mahawi ang kapal ng dilim
Na sa kanyang dilag ay nakatatabing.
Nang agad sumilay ang kanyang luningning
Na nasasaputan ng pighati't lagim.
Tangi kong pangarap siya'y maalayan
Ng saganang aliw habang nabubuhay
Nais kong makilang pawi na ang lumbay.
Páhiná 24
Tingala ang mukha at wala bakas man
Ng mga tiniis sa nasawing buhay.
Nais kong makitang siya ay hangaan
At tawagtawaging "Mutya ng Silangan".

Mabubuksang bigla ang tanawin at makikita ng lahat si Filipinas at sa kanyang paana'y nakahílig ang mga Diwata.

HULING TUGMA.

Filipinas :—
Ang sapot na itim ng aba kong palad,
Ang luha sa matang linipos ng hirap,
Ang gapos na sakit, ang tanang bagabag,
Ang mga tiisin na sumasahagap
Ang lahat ng ito'y walang ibang lunas.
Tangi sa mithi kong kayo'y magyayakap.
At magkakasamang tumungo sa landas
Ng ikalalaya sa araw ng bukas.

AWITIN NG LAHAT:

Tayo na't siya'y samahan
Samahan natin si Rizal
Sumunod sa kanyang aral
Si Ina'y ating bihisan.
Kaalipina'y ibagsak
Sukdan tayo'y mapahamak
Salubungin tá ng galak
"Bagong Araw" na sisikat.

APOTEOSIS:

Samantalang nag-aawit ay unti-unting nahuhubdan ng sapot na itim ang Inang Filipinas at si Ingit at si Sakim ay masisilaw at mahahanga. Dahan dahang ibababa ang tabing.


Advertisement E. Amador/Optico Oriental

Advertisement Farmacia del Ldo. Manuel de Santos/Optica Nacional/Crispulo Layoc Dentista