Title : Ang Pag-ibig ng Layas
Author : Jose N. Sevilla
Release date : August 20, 2014 [eBook #46639]
Language : Tagalog
Credits
: Produced by Marie Bartolo, Tamiko I. Rollings, and the
Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net
(This file was made using scans of public domain works
from the University of Michigan Digital Libraries.)
Paliwanag ng Tagapagsalin
Ang e-text na ito ay gumagamit ng UTF-8 na file encoding . Kung may mga bahagi ng teksto na hindi maayos na nakikita, tiyaking UTF-8 ang nakasaad na file encoding sa iyong browser . Maaari ring kailangang palitan ang font na iyong gamit.
Maaaring may mga bahagi ng teksto na hindi maayos ang mga titik o karakter. Magpalit ng font sa inyong e-book reader upang subukang makita na maayos ang mga ito.
May bahagi ng XXI Kabanata, sa mga pahina 110–112 ng orihinal, na duplikado ng bahagi ng XXII Kabanata, sa mga pahina 116–118, na may bahagya lamang na pagkakaiba. Tinanggal ang duplikadong teksto sa XXI Kabanata at inilagay sa Talâ ng Tagapagsalin sa hulihan ng e-text na ito. Minarkahan ang orihinal na posisyon nito ng [Duplikadong teksto].
Ang
Pagibig
Ng
Layás
Si Maneng yata yaong dumarating......
₱0.60 Bawa’t Sipi
ANG PAG-IBIG NG LAYAS
PAKSA:
(NOBELANG TAGALOG)
KATHA NI
Nagtamo ng̃ medalyang pilak at
«
Diploma de honor
» sa
Tanghalang Pandaigdigan sa Panama.
UNANG PAGKALIMBAG
IMPRENTA SEVILLA
nina Sevilla at mga Kapatid,
603–607
J. Luna, Tundo, Maynila,
K. P.
1921
ARING TUNAY NG KUMATHA
MAYNILA, K. P. , 1918.
Mahal kong X...
Bago kang dumudungaw sa madawag na tahakin ng maliligoy at balabalahong landasin ng buhay; para namang tiniyap na “Ang pag-ibig ng layás” ay kasalukuyang nayayari sa aking diwa; at yamang di mapipigilan ang panahon upang sandali pang umidlip ka sa pinakamaligaya at pinagpalang panahon ng kawalan ng malay ay sinikap kong makasalubong mo at makaulayaw na agad ang salisalimoot na pangyayari sa aking PAG-IBIG NG LAYAS upang iyong mapanalaminan at matiyak na agad ang bunga niyang mga hibo at anyaya ng pita na di kakaunting luha ang pinadaloy; di kakaunting kulang palad ang ipinasulat sa mahabang talaan niyang mga “kahihiyan” ng kapisanang ating pinakikipamayanan, at libolibong anak na...... pagdaka’y ulila pagka’t walang amang matunton ang sa lahat ng dako ay nangaglisaw.
Tunghayan mo X... at pagaralang mabuti ang mga aral sa PAG-IBIG NG LAYAS na di ko dadaliriin sa iyo kung alin at saan ang layon at tungo ng pinakabunsong bunga ng panitik ng nagmamahal mong amain; hangad ko sa gayon ang magkaroon ka ng ganap na kalayaan ng pagpili at paghalaw ng mapapakinabang na halimbawang nais mong tangkilikin.
Ang handog ko sa iyo’y isang pagkain ng diwa; pagkaing iba’t-iba ang uri at lasa, lalong-lalo na sa kakanyahan ng mga hugis, bikas at paguugali ng mga babai ng PAG-IBIG NG LAYAS na tubo at mulat sa iba’t ibang anyo ng kabuhayan, mga babaing may kanikaniyang likas na gawi na naghantong sa bawa’t isa sa kanila, sa palad na iba’t iba, na hangang libingan ay maghahatid sa kanila upang tabunang kasama ng kanilang katawan ang mga lihim na naghandog sa kanila ng maraming kapaitan, at tamis man, bakit hindi? nguni’t iisang iglap sa piling ng walang pampang na kadalamhatian.
Matuto ka sanang magpakasiya sa alay kong ito sa iyo, nguni’t huwag kang lalalo kailan man, at sa pagpili ng palad, na ito’y na sa iyong kamay, pagka’t pinagpala ka ni VENUS na binahaginan ng kaniyang kahilihiling ganda; at ni MINERVA na di nagpabayang sa diwa mo’y naggayak ng dakilang tanglaw ng talino, at ng mabuti mong tala na binigyan ka ng isang kalagayang di naman api; ang mga biyaya sanang iyan na kaloob sa iyo ng Bathala natin kalakip ng pantas na hinuha sa handog kong ito, ay magamit mong isang mabuting paraan upang ang kaligayahan sa buhay na ito ay manatili sa iyong tahanan.
Kung magkagayon, X... ang binhi ng mabuting layon ay di nasabog sa kabatuhan, ang aking kapagalan ay di naaksaya, at mapasasalamatan ko ng boong kasiyahang-loob ang sandaling ilinikha ko ng mga pangyayaring naging mapakinabang para sa iyo, libangan ng aking mga mambabasa at karagdagan sa panitikang tagalog na kasalukuyang pinayayaman.
Nguni’t bago ko tapusin, X... nakikilala mo ba kung sino ang bayani ng PAG-IBIG NG LAYAS?
Hindi mo nasisinag?...... Hindi?...... Yan. Siya nga.
Ang kaniyang mga gawa, ay nagdaan sa mga mata mong noo’y pikit pa. Ang luha ng kanyang mga sinawi ay di miminsang pinahid ng mapuputi mong kamay, ang kaniyang mga sangol ay di miminsan mong iniwi, at kahit wala ka pang malay noon, ay ninasa mo nang bihisin ang mga hirap ng kanyang mga “ Mater dolorosa ”.
At magpatuloy ka ng pakikibaka diyan sa kaaway ng iyong damit na kung tawagin ay lalaki.
Huwag mong lilimuting sila’y may pulot ng pangako sa bawa’t pangungusap; may pang-gayuma sa kanilang mga titig at may lakas at tapang upang panoorin kang kagaya ng isang sampagang luoy, na samyo at kulay man ay wala na.
Ang nagmamahal mong amain,
SIKAT-UNA.
Kabanata | |
---|---|
I. | Gising Mayaman |
II. | Sa Bahay nina Selmo |
III. | Ang Bulungan ng Dalawang Puso |
IV. | Si Orang |
V. | Si Selmo at si Yoyong |
VI. | Ang Matuling Bwick |
VII. | Nang Hapong Yaon |
VIII. | Pagtatapat |
IX. | Noo’y Lingo |
X. | Ang Pagkainip ni Selmo |
XI. | Sa Bailuhan |
XII. | Babaing Politiko |
XIII. | Kung Maglaro ang Puso |
XIV. | Nahule sa Bitag |
XV. | Sinagpang ang Pain |
XVI. | Noo’y Karnabal |
XVII. | ¡Oh!, ang Panibugho |
XVIII. | Sapantahang Nagbago |
XIX. | Ang Luhog ni Orang |
XX. | Ang Sigwa |
XXI. | Kailan Tayo Pakakasal? |
XXII. | Ang Paghihiñgalo ng mga Kalolwa |
XXIII. | Isang Matibay na Puso |
XXIV. | Ang Pulot at Gata |
XXV. | Ang Higanti ni Tomas |
XXVI. | Nabigo ang Paglalakbay |
XXVII. | Ang Impierno sa Lupa |
XXVIII. | Ang Pagguho ng Tahanan |
XXIX. | ¡Walong Taon! |
L AYO; layo alaalang malungkot. Bayaan mong tumahimik yaring puso na tulad sa bangkay na walang karamdaman. Bayaan mong yaring diwa ay malayang magyao’t dito sa matitimyas na pangarapin; huwag mong balakiran ang aking mapayapang sandali, at yayamang nagugumon na rin lamang, ay bayaan mong maganap yaong kasabihan na: KUNG SAAN NARAPA AY DOON MAGBABANGON .
Pagibig!..... Oh pag-ibig! sumpain nawa ang sandaling ikaw ay dinamdam niyaring puso, yayamang wala kang nagawa sa akin kundi ang iwanan mo ako ng isang kaligaligang di magpatahimik. Kay lupit mo para sa aba kong palad!
Naririto ako ngayon sa pinakamaligayang bahagi ng buhay. Ang mga halamanang aking tinatahak ay panay na hitik ng bulaklak; pawang mababangong samyo ang kanilang ihinahatid sa akin saan mang dako ako humimpil; pawang masasayá ang kanilang kulay; busog sa pangako ng ligaya, at animo ba’y sa ganitong kalagayan ang kamatayan ay di kabati. Isang balitang di pinapansin... Walang katunayan.
At..... Oh!.... May tago palang mga tinik ang mga bulaklak. Ako’y dinuro, ako’y sinaktan, ako’y binalisa. At isang sugat na di na mababahaw mandin ang kaniyang lagak sa akin.
Lunas ang aking kailangan. Pag-ibig ang dahil ng aking pag-tangis, at pag-ibig din ang mainam na pandampi. Sinugatan mo ang aking puso, pinatangis mo ako at lagi nang pinabalong ang agos ng pighati; at nais mong ako’y malunod at suminghapsinghap; [8] nguni’t ayokong tumangis, ayokong mamatay. Magbuno tayo.
At ano sa akin kung sa bisa ng aking matibay na tika ay maraming kalolwa ang maghingalo?
Humanda kayo. Humanda kayo mga lipi ni Eva; at daraan ang isang pusong walang karamdaman. Panahon namang kayo ang magsiluha.
Ang buko-bukong ito na nagsalimbayan sa hinagap ni Maneng, ay ginambala ng pagtawag sa pintuan ng isang alila.
Kinabig ni Manéng ang pintuan ng silid at sumungaw pagdaka, ang ulo ng utusan:
Isang binatang siksik ang katawan, maigsi ang liig, pungok at bilugan ang mga bisig, na tinutulutang mabilad ng mga mangas na maigsi ng kaniyang kamisetang halang-halang ang guhit at itiman ang kulay.
Pagsungaw niya sa silid ni Maneng ay inabot pa niya roon na nakasuot panghiga ang kaniyang panginoon.
Isang baro at salawal na magkabagay na kung tawagin ng mga bandiala ay PIJAMA . Sangayon sa kintab at lambot na ipinamalas sa tuwing kikilos si Maneng, ay mapagkikilalang yao’y yaring sadya sa Bombay at pawang sutlang pili ang ginamit at di man lamang sinalitan ng sinulid na bulak, gaya ng karaniwang nabibili sa mga naglalako, o sa mga tindahan ng Hapon.
Sa isang palalo at mayamang hihigang asana ay nakalatag pa at kuyamos ang isang manipis na kumot bilang pambawas ng init na dadanasin kungdi sasapnan noon, ang isang makapal na colchon na kulay sikulate at nasasabugan ng madidilat na bulaklak; ang mga unan ay naghambalang sa hihigan at isang hapag na mabilog ang kinapapatungang walang ayos ng bihisang kaipala’y ginamit ng gabing yumaon.
Noo’y umaga at boong sipag na nagmadali ng pagsikat ang araw, tanda ng mabuting panahon.
—Anó ang ibig mo Gorio?—ang tanong ni Manéng sa kaniyang utusan.
—Iniabot po sa akin ni mang Selmo ang liham na ito at [9] pagkaramdam ko raw pong kayo’y gising na, ay ibigay ko sa inyo agad.
—Dalhin mo rito.
Si Gorio ay yumaon pagkabigay ng sulat, tandang siya’y di maaaring makapaglaon doon sangayon sa kaugalian.
Agad pinilas ang sobre.
Gayari ang kaniyang nabasa:
“ Maneng ”
“Sa Marilao tayo manananghali.”
“Nauna na kami ni Yoyong. Si Nati at si Mameng ay kasama ng nanay.”
SELMO
Malaong di nakaimik si Maneng, na parang sinambilat ng isang karamdamang nakalilitó ng diwa, niyang karamdamang sumisikdo sa ating puso kung ang kaba ay nagbabalita sa atin ng isang pangyayaring parang nakikinikinita .
Tiniklop ang sulat at isiningit sa isang aklat na nasa ibabaw ng hapag, binatak ang kahon noon at hinalungkat sa isang imbakan ng mga larawan, ang larawan ni Nati.
Malaon sa gayon anyo na parang binabakas sa larawan ang dilag ng kapatid ni Selmo, nang sa di kawasa ay parang ginising siya ng isang bagong munakala.
Minalas ang larawan, at binitiwan pagkatapos sa ibabaw ng aklat, na pinagipitan ng tinanggap na kalatas.
Naghilamos, nagbihis ng isang mambisang abuhin, pinigta ng pabango ang kaniyang barong pangloob, at isinukbit ang isang munting revolver na may puluhang nakar sa isang makisig na suksukan ng kaniyang pamigkis na katad.
Nang siya’y lumabas sa kaniyang silid ay magalang siyang sinalubong ni Biyang at aniya:
—Nakahain na po.
Sa hapag na kainan na nasasapnan ng isang maputing mantel ay naka-ayos ang isang mayamang almusal.
Ang usok ng sikulate na may taglay na bangong nagaanyayang ako’y higupin mo , ay namumukod sa sinag ng araw na nagtatagusan sa iba’t-ibang kulay na salamin ng kakanan, ano pa’t animo’y bahaghari na umaalon sa ibabaw ng hapag.
Lumikmo si Manéng at nagmamadaling hinigop ang sikulate ng wala sa loob at kaipala’y nasa ibang dako ang kaniyang ala-ala.
— ¡¡Demontres!! Napaso na ako—at sinabayan ng tindig na parang humihigop ng hangin upang mapawi ang init na nakapaso.
Si Biyang ay napatangá sa takot na makagalitan.
Nguni’t hindi man lamang siya pinagsalitaan ni Manéng ng ano man.
Inabot sa sabitan ang kaniyang Kodak at matapos na isakbat sa balikat ay lumulan sa isang auto na malaon nang naghihintay sa tapat ng pintuan.
At sa kaniyang hinagap ay nagsasalimbayan ang malulungkot na tanawin. Para niyang nakikita ang isang babaing napakaganda, kawiliwili, nguni’t kakampi ni Kataksilan at pinaglagot-lagot ang tanikala ng pag-ibig na sa kanila’y naka bibigkis.
Sa isang dako’y lalaboy-laboy ang isang sangol na hiwaga ng gandá, ulilang ganap mandin; ang isang inang walang kalolowa, at amang walang puso. At ang amá ay siya.... Oh kay lungkot!
Nguni’t paanong babalikan ang isang babaing pagkalipas ng isang panahon ng sumpaan ay nagtaksil? Paanong babalikang muli ang salangapang na babai na naglaro sa kaniyang karangalan, naglustay na walang pakundangan ng kaniyang salapi at nagkait sa kaniya ng matimyas na sandaling magiwi sa kaniyang tangi at unang-unang sangol?
Ang ala-alang baka ang anak na ito ay hindi niya sarili ay nagpapasakit sa kaniya ng gayon na lamang. Kulang palad na sanggol!
Ang kawawang si Manéng na patungo sa ligaya, ay batbat ng sakit; ito ang unang tinik na tumimo sa puso ni Maneng nang siya’y biruin ng Pag-ibig.
G ULONG gulo si aleng Tayang sa paghahanda ng babaunin sa Marilao.
Ang mga kahon ng alak, mga bayong ng cerbeza , mga lata ng pansahog sa ulam, tangkal ng kapong manok at banlat ng litsuning bagong walay ay nakahanay nang lahat sa tabi ng pintuan at handang ilulan sa sasakyang kaipala’y di na malalaunan at darating.
Sa kabilang tabi nama’y nakahanay na rin ang dalawang malalaking tampiping yantok; nababastang gapós na gapós, para bagang ang damit na natitiklop na kaniyang iniingatan ay ibig na magpumiglas at itanghal nang agad ang kanilang dingal, gayon din ang kanilang maiinam na tabas.
Ang mga biik ay nagiiyakang parang mga sinumpa at animo’y kanilang nakikita ang bunton ng baga na sa kanila’y pagiihawan sampu ng duruan na nakahanda nang ituhog.
Ang mga kapóng manók ay nagtutukaan, samantalang parang tanod na sa kanila’y nagbabantay ng boong talino ang matangkad na GALGO na nakaupo at nakalawit ang dilang humihingal at palingas-lingas.
Sa itaas; sa loob ng silid ng maringal na bahay nina Selmo ay ibang iba ang mapapansin.
Si Nati ay nakabalabal ng isang manipis na kimonong kulay burok at sa gilid ng mangas at liig hangang laylayan ay namumukod ang parang listong kulay kapeng giniling.
Mga bakas ng mabibilog niyang dibdib ang di magapi ng pamigkis niyang sutla rin na nagpapaliit na lalo ng maliit niyang bayawang na bumubukod sa malamáng balakang na nagbibigay kintab sa sutlang balabal kung sapyawan at paglaruan ng simoy ng umaga na naglalagusan sa bintana.
Isang painitán ang kasalukuyang nagaalab at kinasasalangan ng dalawang sipit na bakal na pangkulot ng buhok. Sangayon sa alab na walang liwanag ay mapagsisiyang ang gatong ay aguardiente na kaipala’y yari sa alakang “ La Copa ” ng masipag na industrial na si Agapito Zialcita.
—Mag-alis ka ng panyo Mameng—ang anyaya ni Nati sa kaniyang pinsan na bihis na at nakalikmo sa isang dako ng silid. At parang utos na di matutulan ay ginampanan kaagad sanhing ikinabilad ng kaniyang mabilog na batok na animo’y nagaanyayang KAGATIN MO AKO .
Lumapit si Mameng nang mainit-init na ang mga sipit at kinulot ang maitim na buhok ni Nati na noo’y nakalugay. At sa ilang salang ay napaalon ang dating parang sutlang buhok upang mabigyan ng isang anyong lalong kahangahanga ang talaghay ni Nati. Kay ganda ni Nati nang mga sandaling yaon!
Pinusdan ni Mameng ang kaniyang pinsan ng isang pusod na napakainam, na maituturing na bagong likha, pagka’t ang gayon ay di pa nakikita sa alin mang ulong babai.
Animo’y isang magandang putong na sutlang itim na sinuksukan ng mga mariringal na pantoches at suklay na nahihiyasan ng batong nagkikinangan.
Si Nati ay isang hiwagang gandá na malilikha lamang ng mga pangaraping diwa. Animo’y isang tala na nahulog buhat sa langit.
Ang kaniyang mga matang animo’y dalawang duhat sa iitim ay binabalungan ng walang tilang pangako at yinuyunyungan ng malalagong kilay na tinitingala ng malalantik na pilikmata.
Sa kaniyang mga pisngi ay nanganganinag ang salisalimuot na ugat na iba-ibang kulay sa magkabilang dako ng isang mahayap na ilong na binabagayan ng isang maliit na bibig na laging kinababakasan ng isang masayang ngiti.
Ang kulay ng kaniyang mga labi ay pinananaghilian ng saga na lalong nagpapaputi sa maayos na hanay ng maliliit na ngipin na manakanaka’y dumudungaw kung siya’y magsalita.
Sa kaniyang baba ay may isang maliit na puyo na tinutungkuan ng dalawang puyo rin ng kaniyang mga pisngi kung siya’y tumawa.
Sa salaming nasa ibabaw ng hapag na kaniyang suklayan ay nasisiyahan siya sa magandang anyo na ipinakikita ng kaniyang larawan.
—Ikaw naman Mameng ang aking susuklayan—ani Nati na punong puno ng galak.
At si Mameng ay lumikmo sa dating kinauupuan ni Nati.
Si Nati ay lalong bihasa kay sa kay Mameng sa gawaing itó, at kung di lamang sila ay may mabuting kabuhayan, ay kay inam nilang maging peinadora ng isang bantog na Fotografia ng kay Mariano Gomez halimbawa. Walang salang di pinagdayo disin.
Pinunggos ni Nati sa kaniyang mahahabang daliri ang buhok ni Mameng na kulay balat ng kastanyas, binahagi sa dalawa, na ibinukod ang dakong ibabaw sa dakong ilalim at saka ipinulupot ito sa isang bahagi, samantalang sinusuksukan ng maliliit na ipit na animo’y buhok din na di matamaang malas. Buhat sa gitna ay isinampay sa ibabaw pagkatapos malulon na parang sutlang namamadeha at isinipit ng mga ipit ding di nakikita, tinuhog sa magkabila pagkatapos ng dalawang pantoches na aniyong kukong kabayo na pawang perlas na mabibilog at sinaló sa dakong likuran ng isang suklay na media luna na nahihiyasan din ng dalawang hanay na batong lungtian. At nang yari na ay saka sinuro ang paligid ng pangulot hanggang sa boong kasiyahang nayari ang isang mainam na bukle .
Pagkatapos ng mahirap at matagal na pagsusuklayan ng magpinsan ay isinakbat ni Mameng ang kaniyang alampay at hinawakan ang isang munting payong na kabagay at kakulay ng saya, baro at panyo na payak na bughaw.
Hinubad naman ni Nati ang kaniyang balabal na kimono at sa isang iglap ay isinuot ang baro at panyo na nakahanda na.
Sa di kawasa’y nakaringig sila ng isang angil ng auto kasabay ng tahol ng aso na nasa silong ng bahay.
T UMIGIL ang auto sa tapat ng bahay ni Selmo at maliksing lumunsad si Maneng.
Si aleng Tayang ay nagmamadaling tumawag sa silid ni Nati:
—Ano ba kayo riyan? Hindi pa ba kayo nakatatapos?
—Tapos na Inay. Sandali na lamang—ang tugon ni Nati na papihitpihit na kasalukuyan sa tapat ng isang malaking salamin.
—Nariyan na siya !—ang bulong ni Mameng kasabay ng isang maliit na kurot kay Nati.
Ang siya na binigkas ni Mameng na parang bugtong ay nangangahulugan ng maraming bagay.
Si Nati ay namulá at hindi man lamang tumugon sa aglahi ng pinsan; wari may iniisip na mahalagang bagay na nakaguguló ng pagiisip; ang kaniyang puso ay sumasal ng sikdó hindi niya maturol kung sa galák ó sa isang hindi mahulaang bagay na mangyayari.
Si Manéng sa kabilang dako ay lalo manding mabikas. Ang kaniyang mga kilos ay pawang kahilihili. Ang lungkot na wari’y sumalubong sa kaniya pagkagising na, nang umagang yaon, ay naging parang ulap na itinaboy ng hangin.
Sinalubong siya ni aleng Tayang ng boong lugod at si Manéng nama’y magalang na bumati.
—Umupo ka Manéng. Sinabi na marahil sa iyo ni Selmo na sila’y nauna na. [16]
—Opo, aleng Tayang; nguni’t nagmamadali akong naparine upang ihandog sa inyo ang aking “ Bwick ”.
—Katakot-takot na kagambalaan iyan Manéng. Talagang mauuna na sana kami. Nakita mo na marahil na nakahanda nang lahat.
—Dinamdam ko po sana ng gayon na lamang kungdi ko kayo inabot. Hindi ko patatawaring kasalanan ang hindi dagliang ihandog sa inyo ang aking “ Bwick ”..... Si Selmo naman, hindi na ako hinintay—ang bale.
—Pinauna ko na si Selmo at si Yoyong upang makapagayos sila agad at datnan na natin nakahanda ang lahat ng walang kabalaman.
Ang malas ni Maneng ay pasulyap-sulyap sa silid na kinaroroonan nina Nati at wari bagang nananabik na makita ang hiwagang ganda na hantungan ng kaniyang mga pangarap.
Nahulaan mandin ni aleng Tayang ang nasa ni Maneng at nang mapalugdan ang inaasam niyang mamanugangin, ay tinawag pagdaka si Nati.
Ang pintuan ng silid ay nabuksan at ang magpinsan ay sabay na lumabas gaya ng mga artista sa isang tanghalan kung sabik na sabik na ang mga nanunuod.
Tumindig kaagad si Maneng at sinalubong ang dalawang kagandahan dumarating.
Iniabot ang kamay kay Mameng muna baga mang ang mga mata ay nasa talaghay ni Nati. Iniabot pagkatapos dito ang kamay at ang kanilang mga mata’y nagusap ng lihim bagamang ang kanilang mga labi ay bumigkas ng bating panglahat.
—Kay gaganda ninyo ngayon. Mapalad ang mga matang sa inyo’y makakita.
—Naman si Maneng—ani Nati.
—Napakabulaan!—ang salo ni Mameng.
At ang magpinsan ay nagtinginan.
—Ang “ Bwick ” daw—ani aleng Tayang—ang sanhi ng ipinarito ni Maneng.
—At nais ko rin po namang sa inyo ay makipagkita.
—Talagang kay buti nitong si Maneng—ani Mameng.
—Buti na ba iyan?.... Siya ko lamang kayang ihandog kaya’t malakihin na ninyo.
—Tugtugin mo nga Mameng yaong tugtuging sinasanay mo kahapon, samantalang ako’y naghahanda—ani aling Tayang.
At sinabayan ng tindig.
—Sandali lamang Maneng—ang habol at nagpatuloy nang paglabas.
Si Mameng ay lumapit sa piano, pinihit na sinukat ang taas ng likmuan samantalang ilinapit-lapit naman ni Maneng ang kaniyang likmuan sa kay Nati.
Ang mga daliri ni Mameng ay naghabulan sa mga tecla ng piano at ginising doon na nagsikip sa boong bahay ang isang marikit na tugtugin ni Lohengrin .
Ang kamay ni Nati na nakapatong sa kamay ng likmuan ay hinawakan ni Maneng at ang init noon ay parang lumaganap sa kaniyang boong katawan.
—Kay ligaya ko Nati!... Ano? Hindi ba?
—Siya nga ba?... Bakit Maneng? May nababago bang bagay?...
—Sa pagka’t ako’y nasa piling mo.
—Naku?... Ito naman...
—Maniwala ka; sa piling mo’y hindi ko maala-ala ang kamatayan, ang luha ay isang bugtong na hindi ko makakabati sa piling mo Nati. Kay palad ko kung loobin ni Bathalang...
Ang piano ay patuloy na parang sumasaliw sa dalawang inaalo ni Kupido.
—Kung ang mga sumpa mo ay tunay Maneng ay makaaasa akong ang langit ay dadanasin natin sa buhay na ito.
—May alinlangan ka ba Nati? Di ka ba naniniwala?...
—Alinlangan ay wala... nguni’t...
—Nguni’t ano?... Turan mo Nati.. Hali na.
—Isang piping bulong ang sa aki’y hindi magpatahimik...
—Na ano yaon? Maaari bang malaman?
—Sa Marilao na. Doon na natin pagusapan Maneng.
Ang tugtugin ay natapos at si Aling Tayang ay muling nasok.
—Nati, Mameng. Hindi pa ba tayo lalakad ay mainit na ang araw?
—Bakit po hindi?
At ang apat na kilala natin ay nagsilulan sa auto na naghihintay sa tapat ng bahay.
S A POOK ng mga mangingisda sa dakong ibaba pa ng Bangkusay, sa isang bahay na namumukod na sadyang ipinatayo ni Maneng upang maging pugad nila ni Orang ay ibang-iba ang kasalukuyang namamayani.
Mahigit na isang taon na doo’y nagsikip ang ligaya sa pagsusuyuan. Di miminsang si Maneng ay inantabayanan nina Gorio at Biyang, nguni’t hanggang umaga’y di dumating ng bahay; pagka’t kay Orang natulog, doon tumunga at nagpakalasing sa mga alo ng kabataan.
Si Orang ay isang magandang bulaklak sa halamanan ng mga kulang palad. Ang kaniyang ama ay isang mangingisdang manlalasing; ang kaniyang ina ay kakambal mandin ng apat na hari nang ipanganak kaya si Orang ay sa mga bahay pangingihan lumaki.
Ang kanyang kabataan ay namulat sa kanilang “inuman” na parang isang baklad, sa mga mangingisda, na siyang karaniwang namamayan sa mga pook na yaon.
Ang takalan ng anisado, ng ginebra at sinunog, ang pag-gawa ng mga pulutan, ang panghalina sa mga mamimili na mga bandibandilaang papel na iba’t ibang kulay na itinutusok sa mga suhang sungsong kung magpapasko, ay mga kasangkapan at gawaing hindi na niya ipinagtatanong.
Nang siya’y tumatahak na sa pagdadalaga ay binigyan niya ng ibang anyo ang kaniyang tindahan. Ayaw na siya ng mga manlalasing lamang ang kaniyang suki.
Nagbukas siya ng isang “ fonda ” tindahang ibang iba ang kahulugan ng pangalang hiniram sa mga kastila kay sa tunay na kahulugang ibinigay ng kaugalian.
Yao’y isang tindahang munti ng talaghay ng may tinda, may isa ring munting hapag na kinahahanayan ng ilang pingang naguumapaw sa sari-saring bungang kahoy, mga dalandan, dalanhita, siko, suba; mga bandeha ng sarisaring matamis, mga inumin gaya ng limonada, soda at iba pa, mga kakaning iba’t ibang lasa na likha ng mga anak dukha lamang; at hindi kabati ng mga inalo sa duyan ng ligaya.
Hapon pa’y parang nahahalina ang mga binatang hindi litaw sa bayan; mga anak ng pag-gawa, mga kampon ng bisig at mangilan-ngilang aralan na nagaaksaya ng kanilang panahon.
Mga bigkis ng tubo ang kanilang pinagaaliwan. May nagbibiyakan, may nagsusukatan, may nagtutuksuhan, may nagtutuktukan ng itlog, may naghuhulaan ng liha ng dalanhita, ng buto ng siko at iba’t iba pang libangang pinaguubusan nila ng sandali hanggang lumalim ang gabi.
Hindi rin naman kakaunti ang nagmimiron at lumiligaw ng ligaw mata sa magandang kay Orang.
Ang pangalang Orang ay sumapit sa pangdingig ni Maneng; noon ay kasalukuyang nababantog. At si Maneng ay natukso. Nahalinang kilalanin ang magandang fondista .
At isang hapon ay di na nabuksan ang tindahan ni Orang.
Isang magandang bahay na ipit ang nahalile at isang auto ang tuwina’y nakatigil sa tapat ng bahay: Ang auto ni Maneng.
Buhat noon ay lalo nang palaging lango ang ama ni Orang. Natuto ng magmonte ang kaniyang ina at ang upo sa pangingihan ay lalong nagulol. Hindi na umuupo sa “poso-poso” kungdi sa peseta at piso buhat noon.
Nguni’t ito’y hindi naglaon at isang pakanang likha ng masamang nasa ang nagtanim ng panibugho sa puso ni Maneng.
Ito’y si Yoyong, si Yoyong na lumalangit kay Orang nguni’t di naman tinutumbasan.
At isang araw nang hindi na yata niya matiis ang pagtatamasa [21] sa galak ni Maneng at ni Orang, noon ay isinagawa ang kaniyang balak.
Sinulatan si Orang ng matatalinghagang liham na tumutukoy ng iba’t ibang panahon na parang tugon sa mga sulat ng birhen ni Maneng. Mga sulat na sa kahangalan ni Orang ay iningatan at hindi ipinagtapat kay Maneng, palibhasa’y di niya tarok ang mga pangungusap na may dalawang kahulugan ni kung yao’y dapat na matalastas ng kaniyang giliw. At ang mga sulat na ito’y natuklas ni Maneng nang si Orang ay nagdaramdam at manganganak ng isang sanggol na bunga ng kanilang pag-iibigan.
Ang panibugho ay nagtagusan sa puso ni Maneng agad-agad at pagkabasa ng mga sulat ni Yoyong ay hinatulan pagdakang taksil si Orang at di man lamang diningig ang kulang palad na binagsakan ng poot.
Dito siya nangaling nang gabing nagdaan at dito na nagsimula ang mali niyang pagsumpa sa lipi ni Eva.
Nguni’t si Orang ay walang kamalay-malay sa mga ipinararatang sa kaniya, at nasa banig palibhasa ay nanatili sa paghihintay na magkausap silang muli ni Maneng.
Samantalang ang kulang palad na si Orang sa sandaling pagiging ina niya sa anak ni Maneng ay binagsakan ng poot noon nang walang kadahilanan at kasalukuyang linulunod ng luha at iniinis ng dalamhati; ang ina niyang walang kalulwa ay galit at nagtutungayaw sa pagka’t walang pupuhunanin.
—Buisit na lalaki iyan—anya—Walang araw na di mo makikitang lasing na lasing. ¡Pueh!
—Ang nanay naman. Manong pagpasiensiahan na ninyo ang himaling ng tatay. Wala na siyang aliwan kungdi yaon.
—Kung ganitong wala akong mapuhunan ay hindi ko maala-ala ang magpasiencia... ¡Pueh!—Ilinura ang sapa at ang habol.
—Wala ka bang kualta diyan Orang? Wala akong mapupuhunan.
—May apat na piso pa rine nanay, nguni’t wala na tayong ipamimile kung inyo pang pupuhunanin. (Si Orang ay nagsinungaling at di ipinagtapat na siya ay may natitipon.)
—Bigyan mo ako kahit na dadalawang piso at kahiyahiya sa sumusundo sa akin; meron pa naman kaming “ concierto ” ngayon.
—Mano nanay na huwag ka ng maglaro ngayon at alagaan mo na lamang itong inyong apo. Oh tingnan mo nga’t kay ganda-ganda. Tingnan mo nanay ang ilong at kay tangos-tangos, walang pinagibhan sa ilong ni Maneng. Ano nanay?—at siniil ng halik ang sanggol.
Nang mga sandaling yaon ay nasok ang matandang lalaki na hinog na hinog sa alak at parang baliw na nagsabi:
— Ang ibig ko bang sabihin , kung mayroon ay nagpapasasa at kung wala ay tumunganga.
—Kung anoanong kaululan ang pinagsasabi nitong lasengong ito—ang yamot na pakli ni aleng Ninay.
—Lasengo! ibig sabihin ay malinaw ang isip. Si Simon ay parang parol na maraming langis; sa makatwid ang ibig kong sabihin ay maliwanag.
—Maliwanag ang isip... Tumahimik ka na nga’t ako’y hindi nakikialam sa iyo. Baka paliwanagin pa kita.
—Eh kung ayaw ka bang makialam sa akin... Ang ibig kong sabihin eh...
—Kerami mo namang ibig sabihin... Kung natutulog ka ba’y di mabuti... ¡Pueh!...
—Matulog; mabuti nga; nguni’t ang ibig kong sabihin ay maghintay ka ng ulan kung wala ng tubig—at sinabayan ng alis.
Ang ibig kong sabihin , ay siyang palamuti ni Tandang Simon sa kaniyang pangungusap.
Ang dalawang pisong hinihingi ni aling Ninay ay ibinigay ni Orang at parang itinaboy ang babaing alipin ng apat na kaharian na di man napigil ng ligayang handog ng magandang apo.
At si Orang sa gitna ng mapait na pamamanglaw at pagmamalas sa sanggol ay tila nawawalan ng diwa at walang tigil ang pagdaloy ng mga unang luha ng puso.
K AHOG na kahog si Selmo sa pangangasiwa ng pagyayaman ng tahanang pagpaparanan ng ilang araw na liwaliw ng kapatid niyang si Nati at ng binubuko niyang maging kapalad na pinsang si Mameng.
Ang larawan ni Mameng na siyang laman ng boo niyang diwa, yaong musmos pa’y naging kalarolaro niya ng “takip-silim”, ng sungka, at sintak, ngayo’y parang isang dakilang tanglaw na bumabalisa at nagpapasigla sa masusi niyang karamdaman.
Ang grupo ng magpinsang dalaga ay iniayos niya sa ibabaw ng isang mainam na consola at sa tapat noo’y ginayakan niya ng isang maringal na kalangi ang isang malaking harong bombay na boong ingat niyang pinagyaman. Si Yoyong sa kabilang dako ay parang isang tunay na bihasa; iniayos sa magkabilang dulo ng galeria ang dalawang munting hapag at linigid ng tatlong taburete, para bagang sa kaniyang nasa ay dumudungaw na ang tunay na dapat pairalin sa mga lipuna’y ang tatluhang umpok at di ang dalawa na siyang pinagbagay ng kalikasan at salinsaling panahon at paguugali.
At sa loob loob niya ay nakatutupad siya sa isang kautusan ng moral na bagamang hindi pa naisusulat nino mang moralista ay dapat isagawa sa ating kapisanan na lubhang nagpapakasagwa sa pagsasarilinan at pagkakalayaan tuwi nang ang dalawa katao’y magkaharap.
Ang sumagabal, ay isang mabuting gawa at isang bagong [24] kabanalang kanyang itinuturing upang maingatan ang bini ng ating mga dalaga sa katampalasanan ng ating mga mapagsamantalang binata sa kasalukuyan.
Ang tahanang napili nina Selmo sa Marilaw ay natitirik sa gitna ng isang maaliwalas na halamanan sa dakong likuran ng Balneario naliligid ng ilang-ilang na nagdudulot ng samyo ng kaniyang malalabay na sanga na hitik na hitik ng mababangong bulaklak, sa dako roon ay mga puno ng atis at manga na naghahandog ng malaking lilim lalo na sa katanghalian: sa dakong hilaga ay sagingan na animo’y gubat na mainam paglibliban ng lalong mahiwagang lihim ng pagibig; at sa pagpasok na ng tarangkahan ay iba’t ibang kiyas na San Francisco , at begonia, na sa kanilang masasayang kulay ng dahon ay wari bagang talagang sumupling upang maging palamuti at makaakit sa lalong pihikang panauhin; ano pa’t ang pook na yaon ay bagay na bagay pagaksayahan ng panahon ng mga liping iniwi sa kasaganaan.
Nang maiayos na ni Selmo at ni Yoyong ang tahanan ay nasisiyahan kapuwa na kanilang pinanood buhat sa lupa at hanggang sa lalong tagong sulok kung sila’y may nakaligtaang di napagyaman.
—Tila wala na tayong naligtaan—ani Selmo sa kanyang pinsan.
—Wala na marahil? Sampu ng mga gagamba na nangagbabahay sa mga sulok ng bintana ay nabulabog na nating lahat. Ang akala ko’y wala ng ibang kailangan kungdi ang magsidating na sina Nati.
—Maaga pa naman Yoyong. Tila lalong maigi ay iakiyat natin ang dalawang pilon ng malvarosa sa dalawang dako ng galeria . Ano ang wika mo?
—Mainam nga at makapagdudulot pa ng masamyong halimuyak.
At ipinatuloy ng dalawa ang mga huling pagaayos.
Samantalang ito’y nangyayari ay sadaraan ang isang karretelang patungo sa Maynila na kinalululanan nina Binay.
Ito’y isang magandang bulaklak ng Bukawe, Barrio ng T... na patungo sa Meykawayan upang dumalaw sa kanyang [25] ama na may isang tindahan doon. Siya’y mulat sa paaralang bayan na likha ng Bill Gabaldon .
Sa kanyang madilaw na kasuotan ay nayaya ang malas ni Yoyong na di napigil ang sabing:
—Hoy, Selmo. Tingnan mo ang babaing yaon: kay ganda! Ano?
At ang dalawa ay napatigil na ihinatid ng malas si Binay.
Kasakay ng dalaga ang isang magulang nang babai at ayon sa kanilang anyo at kiyas ay angkan ng pag-gawa; nguni’t kabilang diyan sa mga taong marunong makibagay sa panahon, sangayon sa kaayusan ng kanilang bihis, kahit na pawang babarahin lamang at murang kayo at tapis na baliwag ang taglay na kasuotan ay bagay na bagay naman at pawang malinis.
Isang sayang may madidilat na guhit na dilaw at cafe na halang-halang; barong madalang na dilawan din at may guhit na magkaagapay ang laylayan ng mangas, panyong malambot na sutlang Baliwag na nakasampay sa balikat, ang kabuoan ay animo’y isang kulliawang masaya, sa loob ng isang hamak na tangkal: Ito ang bihis ng dalaga.
Kay inam ng bihis ni Binay gayong kamumurang damit ay bagay sa kanyang siksik at bilugang katawan, balat na kayumangi at kulot na buhok. Mga tagong bulaklak ng ating mga lalawigan. Mga larawang nalalabi ng dalagang tagalog; mga buhay na sagisag ng kakanyahan ng ating lahi na ilinigaw ng Bagong Panahon.
Nawalay sila sa malas nina Selmo nang lumiko ang karretela na kinalululanan.
At ang dalawang magpinsan ay nagpatuloy pa din ng kanilang pag-aayos.
N APAKAINAM na tanawin ang idinudulot ng umagang yaon.
Ang mga taga-bukid na nagluluas ng gulay na galing sa dakong Kalookan, Maypajo at Gagalangin ay masisipag at boong tulin na ihinahabol ng panahon ang kanilang munting lako. Bawa’t isa sa kanila’y kakikitaan ng ilang patola, pumpong ng sitaw, mumunting tangkal ng ibon, atis, at dalawa o tatlong sisiw na bagong walay; puspos karangalan nilang tinutuklas ang pangagdog buhay. Mayroon din naman sa kanilang nalahiran na ng pagdadaya ng malalaking tikma gaya halimbawa ng ginagawa ng ilan na namimili ng mga itlog ng manok na buhat sa Sunsong na di kalugdan ng mga tagarito sa pagka’t lubhang malansa, iniuuwi nila sa bukid upang buhat doon ay muli nilang iluwas sa Maynila ng boong pagyayaman at ipagbile na gaya ng tunay na itlog ng manok bukid na lubhang pinaghahanap at inaabangan kung umaga ng mga may kayang kabuhayan. Ang daya mandin ay talagang talamak na rine sa atin at sampu ng mga tagabukid ay nahahawa na. Sino kaya ang may dala dine ng pagdaraya? Ang mga insik nga kaya?
Hindi rin naman nagpapahuli ang maggagatas at magpapatis na may kanikaniyang talino sa pagbibile ng kanilang lako. Ang maggagatas at magaalak ay magsingtulad sa dunong.
Ang maggagatas ay may tindang binyagan at hindi. Ang binyagang gatas ay kasama na pati inumin ng mamimile. ¡Ang tubig ay nagagawa rin namang gatas! Ang magaalak ay gayon din. Ang magpapatis sa kabilang dako ay may dalang tatlo o apat na sididlan ng patis na tangi pa sa isang galunggalungan na siyang pinakaimbakan; at kung dumating sila ng bayan at ang ninili ay nangangailangan ng patis Malulos, Malabon o Kabite kaya, ay maaasahan mo giliw na mambabasa na ang patis na gawa kahit na saang kamalig ng kapit bahay mo, ay magiging galing sa Malulos, sa Malabon o sa Kabite, salamat sa pagkabukodbukod ng sisidlan.
Ang hugos na parang agos ng mga anak ni Pag-gawa na tungo sa mga iba’t ibang tikma o gamlayan ay parang isang pelikula ng Revista Pathe na kung umaga ay masasala ng iyong paningin, ang mga trambia ay punuan at animo’y talaksanan ng kahoy; kay dami ng nangagsabit na animo’y panike, salamat at ang ating Hunta Munisipal ay nagising din at naglagda ng isang kautusan sa bagay na ito. Matanda at bata, lalaki at babai ay maagang dumalo sa kanilang tuklasan ng buhay nang araw na yaon.
Ang mga karro ng tinapay ay humihinto sa bawa’t tindahan at nagrarasion ng tinapay; ang mga karihan, bibingkahan at mga tindahan ng suman at sampurado ay pawang puno ng mga suki; gayon din ang mga magpuputo bungbong ay di makaagad ng pagluluto: Badha ng sipag.
Subali’t ang lahat ng mga tanawing ito ay di na inabutan nina Maneng at tangi sa mangisangisang magbabakiya na buhat sa Pulo at Meykawayan at ilang mga dalagindeng ng Panghulong Ubando na nagtatawag ng: Kalamay kayo sa latik diyan, ampaw, suman, atsara’t puloot... na parang nagaawit ay wala nang iba pang makikita sa pagka’t mataas na ang araw.
Ang matandang monumento ng mga kastila sa kanal de la Reina sa pagakiyat ng tulay ng Pretil ay gaya ng lahat ng lipas na bagay ay linulumot at parang isang tuod na nakatayo nang walang saysay. Katapat pa naman ng libingan ng Tundo na nakalapat din ang pintuan at aayaw ng tumanggap ng panauhin; bangkay ma’y hindi na dumadalaw doon.
Naggugubat ang makapal na damo at mga kalasutse na naglalaganap ng isang samyo na nakaliliyo. Ang monumentong yon marahil na labi ng yumaong panahon ng kastila ay itinayo doon upang magbantay sa mga kaloluwang nagmumulto at nagsisipanakot sa mga paniwalain.
Ang lipas na ring kamalig ng dating tren sa Malabon na katungko ng libingan at ng monumento ay parang isang kasangkapang luma at puno ng kalawang.
Ang mahabang lansangan ng Gagalangin na ngayo’y Juan Luna ay tahimik na tahimik patag na patag at matangi sa nagpapapangit na mga sasabunging nangatutulos sa mga looban at sa mga pulupulutong na nagkakahig at nagbibitaw upang subukin ang kanilang mga tinali ay pawang kawiliwili ang handog na tanawin kung umaga.
Malalagong punong kahoy na nagbibigay lilim; mga sampalok at kamatsile na nagdidilim sa tataba; kawayanan sa dakong likuran ng mga bahay; mga mumunting kubo na halos dikit-dikit habang nalalayo sa Maynila ang nagtitimpalak ng karukhaan; para bagang ang kahirapan at pagsasalat ay di makalipat, natatakot at lumalayo sa kamaynilaan na siyang pinakamaringal sa boong Kapuluan at umaapaw sa kasaganaan, salamat sa matalinong VETO ng Alkalde.
Nadaanan nila ang malalaking sabungan sa Maypajo. Yaong kalipunan kung linggo at pista ng ating mga tahur at magsasabong: punong puno ng panglaw at maliban sa maminsanminsang hunihan ng tuko at ng tilaok ng mga sasabungin ay walang ibang katangian. Yaon ang malalaking baklad na pinapasukan ng boong tinipid ng ating mga manggagawa sa boong sanglingo. Di iilang maganak ang pinatatangis kung natatapos ang sabong sa mga kamalig na yaon. Libolibong mga mananabong ang pangagaling doon ay pigta ng pawis, malalim ang mata, at ang bulsa’y baligtad; di kakaunti sa kanila ang di pa nanananghali. Mga manok na pinakaalaga-alagaang taunan ay duguan at nahinainan nang bitbit sa dalawang paa at parang idinayo lamang doon upang patain at ng magawang pakang.
Ang simbahan ng Kalookan na napinsala ng mga digmaang [30] yumaon, ay kababakasan pa ng mga tanda ng mga punglo ng kanyon na nagbuhat sa mga kastila na rin noong una at pagkatapos ay sa mga americano na pinamamahalaang kasalukuyan noon ng imperialismo.
Nadaanan nila ang Sangang-daan at kaaya-ayang palayan magkabila na parang isang malapad na balabal na lungtian na doo’y ilinatag ay nagsimula na. Ang sikap ng mga tagabukid na pangbuhay sa mga taga-bayan. Kay inam na tanawin.
Ang mga maya ay nalalabugaw sa hagibis ng “ Bwick ” at parang inaalon ang palayan at ang alikabok ay animo’y usok na nagdidilim. Ang tahulan ng aso na humahabol pa kung minsan ay namamayani.
Sinapit nila ang hanganan ng Rizal pagkatapus na masampa nila ang tulay na matarik ng Tinajeros at sandali pa’y lupang Bulakan na ang kanilang tinatahak.
Saloob na saloob ni Maneng ang pagkakahawak ng Manivela at ni hindi man lamang lumilingon kungdi manakanaka kung ang kurutan at tawanan ng magpinsan na parang kinikiliti na nakayayamot kay aling Tayang, ay nakaaakit sa kaniya na tapunan ng sulyap na pinatatagos sa nandidilat niyang salamin.
Dumating sila sa Meykawayan at ang monumento ni Rizal na unang napansin ay inukulan ni Nati ng tuligsa:
—Tingnan mo,—aniya kay Mameng—ang monumento ni Rizal na yaon, tila isang kimpal na luad lamang. Bakit ba naman pinintahan ng kulay putik.
Tinapunan ng titig ni Mameng ang tinukoy ni Nati at ang tugon:—Napakawalang sining ang Komite na namamahala niyaon. Napagkilalang malayo sa simbahan. Wala kayang kabinataan sa bayang ito?
—Malayo pa ba sa simbahan yaong halos katapat,—ang salo ni aleng Tayang.
—Malayo po sa Maynila ang ibig kong sabihin—at nangagtawanan parang kiniliti. Paano’y kinurot na naman ni Nati.
Napalingon si Maneng at pinagmasdan ang monumento na palayo na sa kanila at di napansin ang isang karretela na kinalululanan [31] ng dalawang babai na pasalubong sa kanila sa makipot na lansangan bago umakyat ng tulay. Pinisil ang bocina ni Ikong (ang Chouper ) na nasa siping ni Maneng at umangil na parang isang malaking halimaw.
Ang kabayo ng karretela ay nagulat at nagalma at nang abutin ng malas ni Maneng ay malapit na mabanga; at di na maiiwasan. Pinatigil niyang biglang-bigla ang makina; hinigit ng ubos lakas ang freno , na nagngalit at nailihis din ng kaunti nguni’t ang “ Bwick ”... ¡Oh!—ang tilian ng mga nangakakita. Ang Bwick ay nabanga.
Salamat at hindi naman nasapol ang karretela. Ang mga baras noo’y nangabali, at napatid ang rienda. Ang nagpapalakad ay gumulong sa lupa; ang kabayo ay nagtatakbo ding di napigilan at dala ang kapiraso ng karretela at guarnicion at ang dalawang babai ay nagkadaganan na parang dalawang balutang ihinugos.
Lumundag pagdaka si Maneng at ang Chouper .
Sinaklolohan nila ang dalawang babai na sa kabutihang palad, likha niyang mga himalang hindi maliwanagan kung bakit, ay hindi man lamang nangagalusan; nguni’t putlang-putla, parang dalawang bangkay sa laki ng sindak. Walang malamang gawin si Maneng sa pagsaklolo.
Bumaba rin si Nati at si Mameng na nagsidalo, samantalang ang cochero na parang sanay sa mga gayong pagkahulog, ay nagtindig, pinagpag ang alikabok sa salawal at baro, at hinabol ang kabayo na nahuli na ng mga taong bayan.
Hindi nalaunan at nagbalik na tumitika at dinadampian ang gasgas ng tuhod at mukha na kapuwa may dugo.
Dinala ni Maneng pagdaka sa Botika ng Meykawayan at doo’y tinapalan ng unang gamot na kailangan.
Dinukot ang kaniyang kalupi at itinala ang pangalan noon at dalawang dadalawang poing piso ang isinakamay ng kochero kasabay ng gayaring sabi:
—Ito’y sa mga unang gugol mong kakailanganin samantalang ang karretela mo’y sira.—At sumulat ng mga ilang talata sa isang tarheta ng gayari:
Sa Karroceria Meykawayan:
Ayusin ang karretela ng may taglay nito sa loob ng lalong madaling panahon.
Ang gugol ay ipasingil sa akin.
MANENG
At iniabot sa kochero na walang kakibokibo na nasiyahan mandin sa kabutihang loob ng Ginoong kaharap. Hinarap ni Maneng ang dalawang babaing inaaliw ni Nati at ni Mameng at pinagbigian ng boong kasiyahan ng loob na pagmamatwid.
Ihinandog ang kanyang auto upang ihatid sa paroroonan ang dalawang babai; nguni’t tinangihan ng mga ito sa pagka’t malapit na rin lamang ang kanilang paroroonan.
Binigian din ng kanyang tarheta ang mga babai na dili iba’t ang nakadamit kuliyawan na napansin ni Yoyong at ni Selmo. Kinalag ni Nati ang isang alfiler na “imperdible” at iniabot din sa babai. Samantalang ang auto ay sinisiyasat ni Maneng.
—Ang ala-ala pong yari—ani Nati—ay magiging tanda ng ating pagkikilala.—Tinangihan ito ng dalaga; nguni’t sa matimyas na samo ni Nati ay tinanggap din at pinasalamatan.
Kungdi balisa si Maneng napansin marahil niya na ang lulan ng karretela ay isang babaing hindi karaniwan ang ganda at gayon din ng imperdible na iginawad ni Nati na di iba’t ang kanyang sanla na taglay ang kanyang pangalan.
At sila’y nagpatuloy na parang walang anomang nangyari hangang sila’y dumating sa Marilao; pagkatapos siyasatin ni Maneng na muli pa ang auto ay nagsabi kay Ikong: Dalhin mo ang auto sa “ Estrella Auto Palace ” at kumpunihin ang tapa-lodo at lagyan ng bagong lente ang parol.
A NG balita ng pagkakabangaan ng “ Bwick ” at karretela ay siya na lamang halos napagusapan ng maganak sa unang pagkakatipon at masasabi, na walang ibang mahalagang bagay na nangyari; nguni’t ang pagkasira ng tapalodo ng “ Bwick ” at ang pagkabasag ng parol ay naging dahilan ni Maneng upang magpalumagak, bagay na napaayos naman sa nasa ni Nati na sila’y magkaniig.
Sa kabilang dako, si aleng Tayang ay isang inang di maingat, dahil sa talagang tapat na sa kaniya, na manugangin si Maneng; pangalawa’y parang di siya napapansin nino man at natatakpan siya ng dingal ng anak niyang bukod sa bata ay talagang maganda, kaya’t para niyang ibinubunsod sa pagaasawa.
Sa magdadalawang taon na pagkabao ni aleng Tayang ay mapapansin nang makasalanang mata ng mga mapagmalas, na higit pa sa dalaga ang kanyang kilos, sa nasa marahil na magasawang muli; nguni’t wala pang nalalabuan ng mata na sa kaniya’y nagmamalas sa piling ng talaghay ni Nati at ni Mameng.
Si Selmo na sa kalakhan ng pagibig kay Mameng ay di makapagsalita at parang napipipi sa harap ng pinsang kasambahay, ay nasisiyahan na sa mga salitang pangmaramihan, makaharap lamang siya ni Mameng, at ang damuho namang si Yoyong sa nasang makasabagal ay di humihiwalay kay Mameng, [34] bunso niyang kapatid na kanyang kinakatluang palagi upang pagharian ng Moral sangayon sa kanyang pagkakilala.
Sa pagka’t sila’y lilima nang hapong yaon na nasa halamanan ay hindi namayani ang magtatlo-tatlo, at ang kakaniyahan ng tao na pagkamakaako ay nakatulong kay Yoyong na si Maneng at si Nati ay magkaniig upang si Orang, ang magandang “ fondista ” ay malimutan ni Maneng.
Sa silong ng isang matabang punong manga ay nagkaniig; nagkasarilinan si Nati at si Maneng at nang matiyak ng binata na silang dalawa’y nawawalay sa malas ng tatlong magpinsan na di magkatapos sa balita ng bangaan ng auto at karretela, ay nagnakaw si Maneng ng isang halik sa nakatungong si Nati.
—Naman si Maneng!... Bakit ba naman ganiyan—ang malamyos na tumbas ni Nati—Nakayayamot ka naman.
—Sa ako’y bulag na Nati, sa ang kapangyarihan ni Kupido ay siya na lamang nagpapagalaw sa akin, patawarin mo ako.
—Pasasaan ba yaon Maneng kung yao’y mangyayari nguni’t biglaw, hindi maaring mahinog kailan man. Sa iyo at sa akin ay may malaking hadlang.
—At bakit Nati? Sino ang makapipigil? Alin ang itinuturing mong hadlang?
—At di mo ba nalalaman? Ibig mo bang sa akin pang bibig mangaling?
—Ang alin Nati? Pinapamamahay mo ako sa alinlangan.
—Ang alin daw, kay inam mong mandudula, kay inam mong magmaang-maangan hindi ka nga mahuhuli; nguni’t sa harap ng katotohanan...
—Sa harap ng katotohanang ano? Liwanagan mo nga. Kung ako’y nagkamali Nati ay talastasin mong marunong akong umamin ng kasalanan. Ang pagsisinungaling ay kaaway ng aking ugali at makaaasa ka, paniwalaan mo nang walang agam-agam na aaminin ko sa harap mo, kung aking kasalanan at tatanggapin ko ang iyong minamarapat na parusa, kahit na ikamatay ko ang katotohanan nang sinasabi.
Sinabi ito ni Maneng ng boong liwanag na parang totoong-totoo nga, at nang nagaalinlangan pa si Nati, pagka’t di umiimik, ay dinukot ang makisig na revolver at aniya:
—Naririni Nati, masdan mo. Sa loob niya’y mayroong limang magkakapatid na kambal. Isa lamang sa kanila, ay labis upang matapos sa akin ang lahat. Hawakan mo nga at gamitin kung inaakala mong kailangan.—At iniaabot kay Nati ang revolver .
—Itago mo Maneng, itago mo’t ako’y natatakot sa kasangkapang iyan.
—Kung gayo’y ipagtapat mo kung ano pa ang nakapipigil sa iyo sa anyaya kong tungain natin ang pulot at gata ng pagsusuyuan?
—Yayamang nais mo Maneng ay manainga ka: Talastas mo marahil na ang ninanasa mo ay siya kong tanging karangalan sa buhay na ito at talagang talastas ng Diyos, na sa iyo ko itinataan; subali’t maari ka bang makapamangkang sabay sa dalawang ilog?
—Ano ang ibig mong sabihin?—ang pakli ni Maneng.
—Kaawaawa naman ako Maneng, at papaano naman SIYA ?
—Kaawaawa ka!... Papaano siya —ang ulit ni Maneng—Kaawaawa ka sa pagka’t hindi ako karapatdapat sa iyo marahil; sa pagka’t may lalong mapalad na ibang linikha kay sa akin Nati; nguni’t sinong siya ang iyong tinutukoy?
Tumungo ang dalaga at ang daliri niya’y iginuhit ang isang “O” sa lupa.
—Ano ang kahulugan niyan Maneng?—ang tanong.
—Kung ganyang nagiisa ay nangangahulugang balon na pagbubuliran mo sa aking puso at pagibig na magkasamang diya’y malulunod. Nangangahulugan din naman ng gayari—at itinundo ang kaniyang revolver sa piling ng malaking O , at ang kanyon ng revolver ay gumawa ng isang O din nguni’t maliit nga lamang. At ang patuloy:
—Kung ang dalawang ONG iyan ay magkahiwalay, ay kilabot ng kamatayan ang balita, nguni’t kung magkasunod at sa mga labi mo mangagaling upang pikit matang tangapin [36] ang aking luhog, yayamang si Kupido, ang Diyos ng Pag-ibig ay bulag din at di nakakikita, ay isang ligayang di maisasaysay, isang langit na walang kasing-ligaya, isang kaganapan ng ating pangarap.
—Nguni’t Maneng, kung ang Ong iyan ay simula ng pangalan ng isang babaing umiibig at iniibig naman?
—Umiibig at iniibig naman!—ang ulit ni Maneng na nag-iisip ng imamatwid.
—Oo; umiibig at iniibig—ang patibay ni Nati na waring nagtagumpay bagamang sa puso ay naghahari ang pangingimbulo.
—Eh kung mapabulaanan ko ang paratang mo Nati?
—Maaasahan mong ningas ma’y susugbahan ka kahit na ipaging abo ng boo kong katawan; nguni’t sa kasawian ko ay hindi paratang yaon Maneng... Saan ka galing at hindi kita namataan maghapon, at magdamag halos ay hindi ka natagpuan ni Selmo sa iyong tahanan? Saan ka naparoroon?
Nalito ang isip ni Maneng. Hindi malaman ang isasagot. Nasaling ang sugat ng kanyang puso.
—Bakit hindi ka tumugon?... Paano si Orang?—Ang bulalas ni Nati.
Tinutop ni Maneng ang labi ni Nati at anya:
—Huwag mong dungisan ang mga labi mo ng pangalan ng isang hamak. Huwag mong ulitin Nati at babagsak sa akin ang langit. At yayamang nasalang mo na rin ang pinakamaantak na sugat niyaring puso ay pahintulutan mo ako na minsan pa’y patunayan sa iyo na ang pagsisinungaling ay di ko kabati.
At pagkapukol ni Maneng ng malas sa boong paligid at napagsiyang hindi sila binabantayan nino man, ay sinimulan ang malungkot niyang pagtatapat.
Ang pook ng bakuran ay tahimik; ang hangin ay palaypalay na naglalampasan at pasasang humahalik sa kanilang mga noo; ang langit ay malinis at animo’y isang bubong na bubog, kasalukuyang nangaguuwian ang mga ibon sa kanikanyang hapunan, at sa ulunan nila, ay palipat-lipat sa sanga ng manga ang dalawang pipit na naghahabulan ng boong ligsi.
— N ASA Kolehio ka pa noon at ang kapisanan ay di pa nagkakapalad na sumilay sa iyong hiwagang ganda. Bago magbakasiyon ang mga nagaaral ay binawian ng buhay ang pinagpipitaganan kong mahal mong ama, na sanhi ng unang pagtatama ng ating malas na ikaw ay dalaga na, nguni’t ang mata mo’y pigta sa luha ang puso mo’y iniinis ng sakit, kaya’t wala akong nasabi kungdi: “Ako po’y nakikiramay”. At ang kamay mo’y iniabot mo sa akin na tandang napasasalamat, bagamang ang mga labi mo’y di pinulasan ni isang salita man lamang. Nakasaklit ang kamay ko sa baiwang ni Selmo, na tapat at mahal ko sa tanang kababata at hinahandugan ko ng aliw...... Kay lupit na kaugalian na naguutos sa atin, na sa mga gayong sandali ay magliponlipon; para bagang ang pagdamay na yaon sa kadalamhatian ng mga naulila at pinapanawan ng lalong pinakamamahal sa buhay ay dapat panoorin o saksihan man lamang nino mang kaibigan o kakilala.
—Maniwala ka Nati—ang patuloy—na, nang mga sandaling yaon, kungdi lamang natatakot akong maparatangang isang masamang kaibigan at di tapat na kapwa bata, maniwala ka Nati, na bawa’t luhang nanalong sa mga mata mo, sa mga mata ni Selmo at sa mga mata ng nangungulila mong ina ay umiinis sa aki’t naguudyok mandin na lisan ko ang inyong malungkot [38] na tahanan, at ako’y yumaon na nga sana. Kay panglaw na ala-ala ng aking napupukaw!
Ang binibini ay tumungo at idinampi ang kanyang panyo sa mga mata upang salubungin ang mga luhang naguunahang dumungaw.
—Talastas ko Nati na ang bagay na ating pinaguusapan ay labas na labas sa ala-alang itong napupukaw ko ngayon; nguni’t dito ko sisimulan at nang magkaroon ng lalong dakilang uri... Huwag kang tumangis.
Naaala-ala ko pa hangang ngayon ang mga pangaral ng nasira mong ama sa aming dalawa ni Selmo kung siya’y dinadaanan ko upang kami ay maglibot sa madadawag na landasin ng buhay.
Aniya:
“Ang babai ay isang bato balaning bumabatak sa mga lalaki; lumayo kayo sa kanila, sa layong ang bisa ng kanilang lakas ay huwag umabot sa inyo, sa pagka’t kung kayo ay mabalot ng kanilang mga panghalina ay mahirap nang lubha ang sa kaniya’y humiwalay”.
—Ang ama mo—ang dugtong ni Maneng—ay isang dalubhasang talaisip, nguni’t ako’y isang aralang aayaw maniwala, at di dumingig sa mga aral ng Guro. At pagdating sa lansangan, ay nagkabiyak bunga kami ni Selmo; tumungo siya sa ibang landas at ako naman ay sa iba rin. Isang Sirena ang aking kinahulugan, hindi ko napansin ang kanyang mababang uri. Sinilaw ako ng kanyang ganda. Ipinagtatapat ko sa iyo Nati na siya’y maganda; at sinumpaan kong sa kaniya’y magsuob ng dalisay na pag-ibig.
—Luksa kayo noon at ang laging pagdalaw ko sa inyong bahay ay napigil—ang patuloy.—Kami ni Selmo ay magkita dili, panahong ikinalaya kong magpasasa sa tagayan ng maitim kong kapalaran. Naniwala ako gaya ng sapantaha mo, na, ako’y kaniyang iniibig, kaya’t nang muli ninyong buksan ang inyong mga pintuan at magkapalad akong muli ninyong makahalobilo sa inyong lipunan ay nagbaka sa aking puso ang iba’t ibang damdamin. Ang lalaki ay talagang salawahan at halos lahat ng babaing tamaan ng malas ay nasang bathalain. At ako’y [39] isang lalaking di naligtas sa kasalanang yaon, at ang kagandahan mo ay bumalisa sa akin ng gayon na lamang , bagamang sa harapan mo ay di ako nagsasalita; di ako nagpapahayag. Naging dungo ako tuwina at pinalayulayuan kitang parang kinatatakutan. Tinika kong sariling tangisan ang aking pag-ibig, yayamang wala sa panahon ay naialay ko na sa iba; nguni’t ang gayo’y di ko napaglabanan. Sumapit ang sandali na naidaing ko sa iyo ang damdamin ng puso na di mo man diningig ng lubusan, ay di mo naman itinakwil. Naaala-ala mo ito at di mo malilimutan, at sa dapat na ako’y palulong ay lumayo ako ng lumayo; di miminsang nakarating sa akin ang sinasabi mong ako’y malaking tao dahilan sa ako’y mayaman, at ang gayon ay pinapapasok ko sa isang tainga at pinalalabas sa pangalawa, pagka’t ikaw naman ay mayaman din na gaya ko. Nagkausap pa tayong muli. Ito’y magdadalawang buwan ngayon... Noong magpista sa Santa Cruz. Naaala-ala mo pa ba?
At ang parungit mo’y gayari: “¡Talagang malaking tao!” Nalalaman kong ako’y binigyan mo ng isang anino na umakibat sa akin tuwina at nang malaman mo ang ibig mong malaman ay nanglamig ang pakikiharap mo sa akin, nguni’t ako’y patuloy din sa patumbetumbeleng na pagsuyo na kailan ma’y di mo nagipit na sa iyo’y magtapat. At di mo pa rin ako itinatakwil.
Ang binibini ay taos na taos sa loob nang pakikingig kay Maneng at ito nama’y nagpatuloy:—Lumakad ang panahon na di mapigilpigilan. Ang aking lihim ay mabubunyag na. Ang tanging kublihan na nasa kong panghawakan, upang makipag isang puso sa kaniya ay di malalaunan at sisilay na sa sangmaliwanag. Handa na akong matali sa loob ng bahay, paalipin sa isang puso, magmahal at mahalin. At ang mapanganib na sandali ay dumating, ang kabuwanan ay sumapit, at nang ang pintuan ng bilanguan na pagiging ama ay papasukin ko na, ang aking mabuting tala ay nagising, isinakamay ko sa isang pagkakataon ang isang bungkos na sulat na di ko nabasang makalawa. Ako’y ginising sa isang mahimbing na tulog at napagtanto kong siya , ang inaakala mong inibig ay isang taksil . Binulag niya yaring mga mata.
At sa pagka’t si Nati, ng mga sandaling yaon, na iba’t ibang karamdaman ang dinadanas samantalang di natatapos ang salaysay, ay di umiimik, ay binuksan ang kalupi na dinukot sa lokbotang dakong likod ng salawal at iniabot kay Nati ang mga liham na sanhi ng kanyang pagsumpa kay Orang. At ang sabi: Nariyan ang patotoo.
Binasa ni Nati ng boong bilis ang tatlong liham at pagkatapos ay tiningnan si Maneng ng boong tamis.
Ang kanilang mga mata ay nagusap ng lihim.
—Ngayon,—ang basag ni Maneng sa katahimikan.—Naniniwala ka na? Ngayon ano ang hatol mo sa akin? Di ba ako’y malayang makapamintuho sa iyo ng walang kabalabalakid? May lakas ka pa bang ako’y itakwil?
Bilang tugon ni Nati ay itiningala ang kanyang mukha at nang muli pang gawaran ni Maneng ng puspos pag-giliw na halik, niyaong halik na di nakaw kundi lubos na kapahintulutan; at sinilo ang liig niya ng mga bisig ni Nati at ang dalawang labi nila’y nagdaop na malaong sandali, at ang kanilang mga puso’y nagkaramdaman ng tibok.
Ang araw ay lumiblib sa kalunuran at ipinagkatiwala sa nagmamadaling gabi ang kanilang palad.
A NG paliguan sa Marilao ay lubhang masigla, maaga pa’y ang hugos ng mga autong paupahan ay nagdating-dating at sangasanganakan ang nagsisiibis sa tapat ng Paliguan.
Iba’t ibang kiyas ang handog ng tanawin; sarisaring bihis na pawang nakawiwili sa malas, at sarisaring ganda na kanikaniyang yumi at katangian ng mga dalaga ang pinagkakalipunan ng lalong mabibikas na binata sa lalawigan na tumataon sa mga gayong araw upang makipagkita sa mga taga-Maynila na dumadayo doon ng paliligo.
Ang mga dalagang pulo-pulo ay parang mga tipak ng matamis na linalamgam sa karamihan ng sunod na may iba’t ibang pakay.
Ang tanghalang yaon ng lalong mariringal na damit na pasaya ng pasaya samantalang tumataas ang araw, ay lalong dumadami, lalong sumisigla at ang pagtatalik sa lahat ng pulutong ay nakayayaya sa mga mapansinin.
Sa dako roon ay tuksuhan at tawanan ang nangingibabaw. Sila’y binubuo ng mga binatang buhat kung saan-saan, at parang doon nagtiyap. May kinatawan sa kanila ng kalakal; may ng tikma; may ng gamlayan, at di rin naman iilan ang kawal ng pag-gawa na sa kanila’y napapahalo sa gayong pagkakatipon. Namumukod sa kanilang pulutong ang isang binatang magilas; nakasalamin, palalo ang tindig, maringal ang [42] bihis at sa kaniya’y mababasa ang kasaganaan. Sa kalingkingan ay nagaalab ang isang batong animo’y mata ng pusa kung tinatamaan ng liwanag; bituwin manding nahulog buhat sa langit.
Gaya ng dapat na sapantahain, ang binatang magilas ay si Maneng na talagang tumiwalag kina Nati, na nang mga sandaling yaon ay nasa loob ng Paliguan.
Kaumpok din nila ang isang binatang lalawigan na sa anyo ay nababakas ang isang mataas ding uri; magilas din bagamang pawang puti ang kulay ng boong kasuotan, buhat sa sapin hangang sombrero.
Isang munting kadenang ginto ang animo’y di palamuti, kundi isang gamit na lubhang kailangan ang sa kaniyang chaleko ay nakabalatay. Nakataling walang pagsala sa isang orasang karaniwan at walang dingal na di man dinudukot. Di gaya nang marami na upang sapantahaing ginto ang kanilang orasang plake, ay maya’t maya ay sinasangunian.
Siya’y si Tomas; ang kawal ng panitik na buhat sa lalawigan ay sumusulat ng sarisaring kiyas na mga tudling sa lalong mga tanyag na pahayagan sa Maynila. Naroon siyang walang pagsala upang sumagap ng mga kasinungalingang maihahandog sa mga mambabasa, tungkol sa mga kasaysayan sa Marilao.
Sa mga ganitong tagpuan ay walang pakikilalanan at bawa’t isa ay nagsisikap na makapagpakilala sa kanyang sarili sangayon sa kaparaanang abot ng kanikaniyang kaya.
Si Selmo ay dumating at humalo sa umpukan at aniya kay Maneng:
—Tanghali na’y wala pa ang Orquesta . Hangang ngayo’y di pa nagsisidating. Nanganganib ako na baka tayo’y sinugalan ng masamang sugal.
Pinakingan ng boong katahimikan ni Maneng hangang sa natapos na parang dumidingig ng isang panalangin, at pagkatapos ay tumugon:—Mahal magkakahalaga ang kanilang masamang biro pagkakataon.
—Sina Mameng, di pa ba nakapaliligo?
Di tinugon ni Maneng ang tanong ni Selmo at wari’y may mahalagang iniisip.
Binabalak niya kung paano ang mabuti, sakaling ang mga musiko ay di magsidating. Ang bailuhan ay matatayo sa isang malaking pagkabigo. Siya pa nama’y naroroon. Kahiyahiya...
Dinukot ang kanyang orasan at sumanguni. Doo’y natalos niyang ganap na ikasampu na ng umaga.
Paliparin man niya ang “ Bwick ” ay gagahulin din sa pagtitipon ng tao. Ang mga musiko ay kalat-kalat at di natitipon sa isang tawag.
Si Nati at si Mameng ay nangagsilabas na bihis na. Ang kaisipan ni Maneng na nababalisa sa kagipitang kalalagyan ni Selmo sa kanilang bailuhan nang araw na yaon, ay parang binihis na daglian ng dilag ng dalawang mag-pinsan.
Sa unang baitang pa lamang ay sinalubong na si Mameng at aniya:
—Umakiyat ka ng kaonti Mameng at ang iyong mata ay doon mo itingin sa dakong timog nang masapol ng liwanag ang maganda mong pilipisan.—At umurong ng dalawang hakbang, upang malasin kung mainam na ang anyo; at nang masiyahan mandin ay hinarap si Nati na payak na pula ang suot.
—Ikaw naman—anang binata ng boong tamis—ay hawakan mo ang kanyang kaliwang kamay na kunwari’y inaalalayan mo siya ng pagbaba. Dito ka sa pangalawang baitang.
—Eh ako naman?—ang salo ni Yoyong; at sinabayan ng upo sa isa sa mga baitang ng paliguan. Tiningnan ng isang makabuluhang tingin ni Maneng na parang nagsasabing: nakasasabagal ka naman , at pinaglabanan naman ng titig ni Yoyong na parang tumutugong: EH ANO?
Tinapatan pagkatapos ng kodak at sa isang pindot ay nakuha ang larawan.
Pinagala ni Nati ang kaniyang malas sa mga lupon at nang makakita ng mga kilalang mukha ay nagsabi:
—Inaanyayahan ko kayo ngayon sa bahay. Mayroon kayong isang sandaling kasikian na aming ikaliligaya at ikararangal. Isama ninyo ang mga kakilala.
Boong ayos ang pagkasabi, at ang lahat ng mata halos ay sa kaniya tumingin nang mga sandaling yaon.
Naala-ala ni Maneng ang mga musiko, at sandaling gumuhit sa kaniyang ala-ala ang kabalisahan.
Nang ang magpinsan ay patungo na sa kanilang maringal na tahanan, si Maneng laban sa dating ugali niya ay lumapit kay Ikong at ang sabi:
—Ngayon din ay lumipad ka sa Bukawe at bumalik kang kasama mo ang komparsa roon, upang magamit sa sayawan. Nalalaman mo?—at dumukot ng isang Mayon ; isang dadalawang puing piso na isinakamay ni Ikong—Iyan ay patinga na ibibigay mo, at kung gaano pa ang kulang ay singilin, wika mo, sa akin. Walang salang di mo sila aabutang nagsasanay.
—Opo; ngayon din po.
—Hintay ka; huwag mong kaligtaang di sabihin na magsipagbihis ng malinis na damit, hane. Yaong pamista wika mo.
—Hindi ko po malilimutan.
At ang “ Bwick ” ay humagibis na animo’y nakikipaghabulan sa lakas ng hangin.
A NG magandang halamanan at malawak na bakuran ng bahay nina Selmo ay nagdudulot ng isang kaaya-ayang tanawin. Animo’y yaong mga likha ng mga Hada o mga halamanan ng pangarap sa Mil y Una Noches , na ang mga halaman ay namumunga ng mga granadang ginto, bagamang sa halamanang ito’y pawang mga parol na papel na iba’t ibang kulay lamang ang nagsabit na tagabalita dito sa ating masaganang lupain ng kasipagan ng mga hapon. ¡Kailan pa kaya tayo gagamit ng sarili nating yari!
Kahanga-hanga at kagila-gilalas ang banta ng pista. Lubhang marami na, ang dalong panauhin, na buhat sa iba’t ibang pook. Mga lalong tanyag sa mga bayang kalapit. Mga dalagang lalawigan na may kanyang sariling tatak na pagkakakilanlan, maging sa yumi, sa kilos at sa pagsasalita; may mga tingig silang nakakikiliti, may mga pangungusap silang kawiliwili, mga anyong kapintupintuho, talaghay na nanghahalina at mga ngiti at titig na tumitigatig sa mga pusong pangarapin; yumayayang umawit sa may diwang makata, at manikluhod, sumuyo at sumamba sa mga kawal ng kapanahunan. Mga binata na parang kakambal ng mga babai sa mga gayong pistahan na di rin naman nagpapabaya. Sa kanilang anyo, ay mababasa ng mga mapapansinin ang tatlong kiyas na iba’t iba.
Mayroon doong mahahabang buhok, amerikanang mahahaba [46] rin, nguni’t makipot at maigsi ang salawal na natatapos sa isang saping malapad ang dulo at tikwas. Sila’y ang mga yari ng bagong panahon, ang bunga ng civilización moderna , sa kapanahunang ipinakikipamuhay natin sa mga inakay ng dakilang lawin ng mga Washington . Ang kanilang mga salita ay maingay, mapalalo ang anyo at magaslaw ang mga kilos na salungat na salungat sa yumi ng tagalog, nguni’t mga diwang maliwanag, o matang malilinaw, bagamang marami’y gumagamit ng salamin, at may mga kaisipang mapapangahas.
May pulutong namang binubuo ng kaugaliang yumao niyaong mulat at aral sa mga paaralang kastila at ang kanilang mga anyo kahit hindi palalo ay kagalang-galang at mapipitagang makipagusap, at pihikan ang mga kilos. Mga buhay na Bantayog ng limang daang taong pagkaidlip.
Nguni’t ano mang kapangyarihan ng dalawang civilizacion na nagsumikap pumatay ng ating likas na kakanyahan, ay nababakas din ang dati nating mga kiyas maging sa mga magugulang na, na nangakabarong tagalog, sa mga binatang nadaramtan ng mga damit na pang antipolo, at sa mga dalo na gumagara sa pamamag-itan ng kanilang mga kasuotang pinya, husi, at sinamay, sangayon sa pahintulot ng kanilang kalagayan at kaya.
Sa lahat ng ito’y bakit ang mga musiko’y di nagsisidating?
Balisa si Selmo at di mapatahimik, parang dinuduro ng karayom, yao’t dito at palaging sa malayo ang tingin. Si Maneng ay poot na poot sangayon sa ibinabadha ng kaniyang nangungunot na kilay na nagbibigay sa kaniyang mukha ng isang anyong mabalasik. Si Nati at si Mameng at sampu ni aleng Tayang ay dinadalaw ng lungkot sa malaking kahihiyang sasapitin. Tumugtog ang orasan at bumilang ng labing isa; labing-isang palo ng bakal na nagbigay ng taginting na nanunuod sa mga buto ni Selmo, nagpapalungkot ng gayon na lamang kina Nati at Mameng, gayon din naman kay aling Tayang, na lumapit kay Selmo na nasa tabi ng tarangkahan at aniya:
—Kundangan ka lamang ay kung bakit kumatikati pa [47] ang balat mong sa Maynila pa sumita ng Orkesta sa dito naman sa Marilao ay may kamada din ng musiko.
Si Selmo ay hindi umiimik at isinungaw pang muli ang kanyang ulo sa tarangkahan.
Si Maneng, ay hindi makausap. Malayo sa karamihan. Kay bilis mandin ng lakad ng orasan.
Si Yoyong sa kabilang dako sa nasang makasabagal ay maya’t maya’y naghahandog ng mga hititin at cerveza sa mga binata, at bulaklak naman at vermouth sa mga babai. Ang kasaganaan ng alak at iba pang kailangan ay hindi na mahuhuli sa isang lalong maringal na piging; nguni’t piging na walang musiko ay piging na walang pinagibhan sa isang halamang malago nguni’t walang bulaklak, o bulaklak kayang napakadidilat gaya ng gumamela nguni’t wala namang samyo.
Kung nang mga sandaling yaon, ay may humarap na Tikbalang kay Maneng, ipinagpalit niya disin ang kaniyang kaluluwa, huwag lamang matayo sa kahihiyan si Selmo.
Nang mga sandaling yaon ay para silang iniinis kapuwa ng iisang kabalisahan, kapuwa nginangat-ngat ang kanilang puso ng isang di makitang kaaway, at nagpapasasa sa kanilang kahinaan.
Tumugtog na pamuli ang orasan at ang balita’y isang mataginting na “tang” ibig sabihi’y kalahating oras na naman ang yumaon.
Lumapit si Selmo kay Maneng ng boong lungkot at hinarap naman kaagad ng linapitan na parang di man lamang nababahala.
—Huwag kang malungkot Selmo at iya’y isang malaking subok sa atin. Tinataya lamang kung gaano kalaki ang ating diwa.
—Maneng... Hindi na ako mahuhulog na muli pa sa ganitong katayuan.
—May pinagsulatan ba kayo ng Nangangasiwa ng Orkesta?
—Oo. Mayron.—at dinukot ang isang tiklop na papel ng kasunduan nila ng “Orkesta San Juan.”
Hindi pa nababasa ni Maneng nang makitang “Orkesta San Juan” ay aniya:
—Si Kapitang Kikoy ay isang taong mahal at di maaaring magpakasira.—At tinunghan ang kasunduan. Nang mga sandaling yaon ang magkaibigan ay parang wala sa isang malaking pista, katulad nila’y ang mga Patnugot ng kalakal na bumabasa ng isang babala tungkol sa mga bagay na tatanggapin sa isang sasakyang dumadaong at nasang makapamahagi agad sa mga suki, o niyang mga Pamunuang digma na nagmamasid ng boong ingat ng mga balak, ng labanan.
—Talagang hindi magpapakasira si Kapitang Kikoy—ang patunay ni Maneng at ang dugtong—O, basahin mo—at itinuro ang tanda ng oras.
“Sayawan pag-kapananghali hangang sa hating gabi.”
—¡Leekat!... Ako ang may kasalanan kung gayon; hindi ako dapat mabahala at mainip, sila’y walang salang di lulan ng tren sa a las doce . Ano ang wika mo Maneng?
—Yaon ang inaasahan ko.
Ang angal ng “ Bwick ” ay nagbalita sa kanilang si Ikong ay dumarating at walo kataong manunugtog ang kasama. Isang comparsa ng mga bandurrista na binubuo ng panay na binata na pawang nakabarong madalang. Parang tiniyap sa isang piknik.
A NG mga hapag ng kainan ay pulupulutong tandang matalinong nangangasiwa ng tanghalian ay nagpapakilala ng kanyang kasanayang maghanda upang ang lahat ng panauhin ay sabay sabay kumain at wala isa mang malipasan ng gutom sa gayong kasaganaan. Ito’y isang mabuting aral sa ating mga piging na boong dingal na idinaraos, nguni’t umasa ka nang madadayukdok pag di ka nabilang sa unang dulugan.
Ang mga bandurristang Bokawe ay nagpamalas ng kisig sa pamamagitan ng malilinis nilang tugtugin at mga bagong likhang higing silangang pawa. Dumating din kagaya ng inaantabayanan, ang mga orkesta sa kalahatian pa lamang ng pagkain.
At bago natapos ang piging ay nagtalumpatian na sa mga ganitong pagtitipon ay sinasamantala ng mga binata natin.
Hindi rin naman nagpabaya ang kababaihan: Si Bg. Laurel ay nagparingig ng isang magandang tula niya na bilang paligsa sa mga tula nina Ben-Ruben at Gatmaitan na isinasalit sa bawa’t talumpati.
Si Tomas ay isang mabuting Toastmaster na sa boong panahon na sila’y nagsasalosalo ay di nagpabayang di ang piging na yaon ay maging isang makabagong lamayan, na ang tula, talumpati, alak, tugtugin at lapang-lapang na ulam na ilinilibot [50] ay tumapos ng kulang kulang na tatlong oras; panahong labislabis upang ang mga orkesta ay makakain, makapaglatag ng mga atril at sa isang kisap mata pagkaliban ng sandaling salitaan at pagiimis ng mga hapag ay pasimulan na ang pagsamba kay Tersipcore sa malawak na Halamanan.
Ang rigodon na siyang unang bilang ay binuo ng maraming pareha at nagkatapat na vis si Mameng at si Nati; kaabay nitong huli si Tomas.
Bakit si Maneng ay hindi sumayaw kay Nati?
Tumugtog ang isang mainam na hesitation , isang “ rag ”, isang “ fox-trot ”, mga “ one step ”, at iba pang pawang nakakayag sa mga mawiwilihin sa sayaw. Sa kalagitnaan ay nagkaroon ng isang “ extra ”. Si Mameng at si Selmo ay sumayaw ng Tango argentino ; nasiyahan sa kanilang ipinakitang kasanayan na hinangaan ng lahat. Si Maneng ay di nakita sa mga Sumamba kay Tersipcore . Bakit kaya? Saan kaya nagsuot?...
Kay Nati ang kanyang tingin buhat sa isang sanga ng manga na kaniyang pinangublihan.
Naglisaw ang mga mapagsamantala sa liklikin ng halamanan. Kaipala’y nangagtatago sandasandali sa mga makasalanang malas upang doo’y magdaos ng mga panandaliang kalayaan na di dapat masaksihan nino man.
Si Nati ay nabalisa at hindi matahimik sa bagong inaanyo ni Maneng, na ngayon ay parang suya na at di man lamang lumalapit sa kanyang piling. Bakit kaya?... Minasama kaya niya ang pagkasayaw ng rigodon kay Tomas? Tunay nga at si Nati ay hindi sumayaw na muli pa, nguni’t bakit si Maneng ay malayo, pinanawan niyaong dating masiglang pakikiharap at pagkamairugin tuwi na?
Sinuliyapan ni Nati ang “ Bwick ” at nasa sa kaniyang dating tayo na parang isang kimpal na bakal na walang buhay. Animo’y isang kanuno na nagpapangilabot sa kanyang katawan.
Hindi siya matahimik. Hinanap niya sa lahat ng sulok at parang nagtatagong hindi niya mahuli.
Ang hapon ay hapo na. Ang mga parol ay nagniningningan na sa mga sanga ng halaman na parang mga alitaptap na nangakadapo. Ang mga ilawang gasolina na nakatirik ng [51] layo-layo sa mga baybay ng bakuran ay nakikibanga at di nanaghili sa maniningas na voltaico ng Kamaynilaan.
Gugol na walang patumanga ang ibinadha saan mang dako. Lahat ay sakbibi ng tuwa at ligaya; nguni’t bakit si Maneng ay hindi makisalamuha sa karamihan?
Patuloy ang paghanap ni Nati at nang dinalaw na yata ng yamot ay lumikmo sa lilim ng puno ng manga at doo’y handang tangisan magisa ang kaniyang kulang palad na kalagayan.
Dito nababakas niya na sa isang iglap na ligaya ay tali-taling hirap ang kakambal, sa gitna ng langit-langitang yaon ng tuwa ay isang malawak na dagat ng kapanglawan ang kaniyang tinatawid.
Dalawang mabangong kamay ang sabay na tumutop sa kaniyang mata buhat sa dakong likuran, na parang siya’y pinapanghuhula.
Hinawakan niya ng banayad na parang kinikilala at saka nagsabi:
—Maneng!... Naku si Maneng naman!... Saan ka ba nagsuot?
—Nati. May kasalanan ka sa akin, kasalanang walang kapatapatawad. Alalahanin mo.—Ang boong tamis na sabi ng binata.
—Ano kaya ang ginawa ko, na isinukal ng iyong loob?... Wala akong maala-ala Maneng!... Wala akong maala-ala!
—Wala kang ma-alaala?...
—Wala nga Maneng, ano ba yaon?
—Ano yaon!... Salamat Nati, talagang wala nga.
—Bakit ba naman ganyan ka Maneng!... Ngayon pa namang ako’y umaasang ang ligaya ko’y ganap ay saka ka pa nagalit. Bakit di mo sabihin kung ano yaon?
Tinitigan ng binata ng ubos kayang pag-irog at saka nagpatuloy:
—Ako’y talagang iyong-iyo Nati at talagang dahil sa iyo lamang kaya ko minamahal yaring buhay... nguni’t...
—Nguni’t ano? Kay tatalim ng iyong pangungusap.
—Nguni’t hindi mo ako iniibig Nati.
—Hindi kita iniibig? Kung ang mga dahon ng mangang [52] ito’y maaaring magsalita, sinaksihan ako marahil ngayon at pinabulaanan ang paratang mo. Huwag mo akong pahirapan Maneng. Para mo nang awa.
At nayukayok na luhaluhaan ang mata.
Sinapupo ni Maneng ang kaniyang giliw; pinahid ng saganang halik ang mga luha, at saka tumugon:
—Nati—anya—Natalastas kong wala kang kasalanan at ang kamalian mo’y ang di mo pagkakilalang ganap sa akin.
—Ano ba yang naging kasalanan ko, Maneng?
—Inaantay ko sanang ako ang kasayawin mo sa Rigodon , Nati .
—Ah!... Oh patawarin mo ako Maneng. Patawarin mo ako at di na muling mangyayari ang gayon.
—Wala na sa akin yaon Nati. Talagang wala, isang kabaliwan ko lamang yaon.—At sa bawa’t patlang ng salita’y binubusog sa halik ng boong pagpapasasa ang magandang binibini.
Isang mainam na “ hesitation ” ang ipinaringig ng orkesta at buhat sa puno ng manga ay binagayan nila ng bugso bugsong halikan, ang tugtugin.
—Siya na naman Maneng, ako’y hapong hapo na—ang boong lamyos ni Nati.
—Isa na lamang—ang tawad ni Maneng—Isa na lamang!
—Siya na!... Oh! ano pa naman ang ibig mo...
—Isa pa, Nati, isa na lamang... Totoong-totoo na isa na lamang.
—Naman!... Maano namang siyana... Naku!... ito namang si Maneng.
At kapuwa nalasing ang dalawang puso sa kanilang pagka lingid sa mga malas ng matang makasalanan.
Si Maneng na talagang linikha yata upang pasakitan ng mga lipi ni Eva ay may napapansing isang maliit na bagay na ipinanglalamig ng kanyang puso. Bakit di ginagamit ni Nati ang imperdibleng kaniyang binile upang gamitin pa naman sa Marilao?
Hindi niya napansin na yao’y ibinigay kay Binay at nang kaniyang mapuna na di ginagamit ay kinabukasan na sa sayawan. [53] Tinutupok mandin siya ng nasa na alamin kung bakit di ginagamit ni Nati, nguni’t iginalang niya ang lihim na yaon, manatili lamang sa kanila ang katahimikan.
Si Nati naman ay tiwalang tiwala na ang kaniyang kabiglaanang yaon ay maaaring ikagagalit ni Maneng, kaya di makapangahas na yao’y ipagtapat at ang imperdible sa ganang kay Maneng at kay Nati ay umidlip sa sinapupunan ng isang lihim na mahiwaga.
At sa tuwi na silang magtatagpo ay lalong maningas ang pag-ibig ni Nati, lalong malambing, lalong boong tiwalang isinasa kamay ni Maneng ang boong buhay.
Nguni’t ang imperdibleng yaon ay nagiging ulap kay Maneng.
Usisain ko na kaya kay Nati? ang tanong sa sarili. At ang tugon: Oh! Hintay. Ang lalaking mapagusisa ay hangal. Ang lalaki ay dapat makiramdam at gumawa.
A NG magandang tala sa Bokawe na sinasamba ng pihikang manunulat na si Tomas ay inanyayahan ni Sandiko na magparilag sa kaniyang miting. Anyayang di tinangihan at pinairugan ng boong kaya. At sa pagka’t si Sandiko ay isa riyan sa mga politiko na may sariling kakanyahan, ay maituturing na ang miting ay di sinimulan na gaya ng lahat ng miting politiko, na may mesa presidencial na pinangangasiwaan ng toastmaster , at may mga leader na natatalang sunodsunod upang gumamit ng pangungusap tangi pa sa mga talumpaterong pagkakataon na humahanap ng mga pulong upang doo’y ipagmarangya na sila’y isang malaking imbakan ng mga iba’t ibang lumang simulain na bagamang kailan ma’y di naisagawa ni nang nagsalita ni nang mga nakikinyig ay may isang kahulugang kaakitakit sa maraming pandingig na lubhang nakahahalina diyan sa tinatawag na bayan, diyan sa karamihan na siyang baytang na hagdanan ng ating mga politiko upang ang kanilang mga munakala ay bigyan ng katawan kung talagang may banal namang nasa, o ng pagpasasaan naman ang gayong paghahawak ng kapangyarihan sa kapakinabangang sarili at ng kaniyang mga kapanalig kung talagang politiko de profesion .
Ang miting ni Sandiko yamang wala pa sa tadhanang oras ay nabunsod sa uring entre familia sa tapat ng maliit, nguni’t makisig na tindahan ni Binay na dinaluhan ng maraming mga taga Bokawe sa tapat ng Plasoleta sa bayang yaon.
Si Mendoza at si Montenegro ay nagkakaharap sa tapat ng tindahan at pinaguusapan ng boong init at ingay ang mga kabulastugan ni Osmeña; kumatlo sa salitaan si Tomas, ang pangbato ng Bokawe at ang tudyuhan ay lalong uminit, at ang taong nagbumilog sa kinalilikmuan ng tatlo ay dumami ng dumami upang pagosiosohan ang mainit na matuwiranan.
Si Sandiko ay wala pa at pagdating nito ay umugong ang: ayan na ang heneral bagay na ikinapatindig ni Montenegro na naging heneral din naman, at nagtaglay pa ng kartera ng secretaria de estado sa ating di malimutang Biyak na bato .
Kasama ni Sandiko ang komparsa ng Bokawe, at sa pagka’t ang arte ay gumigising sa artista ay ipinakilala ni Montenegro, sa mga taga Bokawe, tanging tangi sa magandang si Binay, na kung nang panahon ng digma ay ginamit niya ang talibong upang ang ating kalayaan ay matuklas, sa panahon ng kapayapaan ang kaniyang panitik at dila ay katulong sa pagpapanatili ng ating bahagyang kaginhawahang bunga ng madugo, nguni’t kagalang-galang na himagsikan; sa panahong ito naman ng mga mumunting paglilipon, ang kaniyang mga daliri ay lubhang bihasa at boong ligsing kumakalabit ng mga bagting ng gitarra, at siya’y isang trovador ding marunong tumawag sa mga pintuang nakalapat ng mga pusong maawain at dagliang dumiringig sa mga malulungkot na “kundiman” na busog sa kasaysayan at tamis at may uring sariling atin.
Pagkatapos ng palakpakang tumbas sa kundiman ni Montenegro sa kung kaninong Laura ay nagtindig ang Heneral gaya ng lahat ng mapagsamantala at nagpasalamat ng gayari:
—Mga kaibigan:—anya—Lumalaki ang aking puso kung nakikita ko ang kasiglahan ng ating mga kababayan sa sariling atin.
Palakpakan ang pumutol. At ang dugtong:
—Kung ang mga Osmeñista ay hindi tumalikod sa ating makasaysayang sumpa sa Inang Bayan, ang Bill Jones No. 1 [57] sana ay nagtagumpay—at saka hinarap ang makisig na si Mendoza kasabay ng tapik sa balikat at anya— Que le parece á Vd. compañero? —hinarap pagkuwan ang ilang binatang estudiente ng paaralang ingles at anya— This is the way to show our people the parasite politicians. Watch them closely, my young men for the ruin is yours.
Si Montenegro ay labas na lahat ang tinago kung makipagusap sa bayan.
Isa sa mga dumalo ay tumugon:
—Simulan na po natin ang miting at marami ng tao.
At sa isang iglap ay nakapagtayo ng mesa presidencial at ang inanyayahang mag- toastmaster ay ang binatang si Tomás.
Ang mga bantog na leaders ng TERCERISTA ay doroong lahat; sina Villalon, Lara, San Jose, Mendoza, Montenegro, Gil , Balmori, Santiago at iba’t iba pang mga Ginoo na pawang may maluwag at mariringal na pangungusap, at matatapang sa paglalahad ng mga tuligsa sa mga Osmeñista at ng kanilang mga kabalbalan .
Isang panauhin ang laging malayo sa karamihan at nang ang miting ay sinimulan na ay kumubli sa isang dako ng tindahan na naging pook na palamigan ng mga binayani sa pulong na yaon. Ang binatang ito’y si Maneng, ang binatang mayaman na kasintahan ni Nati. Sinilaw siya ng kagandahan ni Binay na nang mga sandaling yaon ay namamayani sa gitna ng lupon kadalagahang Bokawe na inanyayahan ng General Sandiko. Si Binay ay larawang buhay ng “Bagong Babai.”
Lumapit na banayad sa lupon ng mga babaing palamuti ng pulong at mamaang-maang na nagusisa.
—Huwag pong ikagalit ng inyong mga kamahalan; ano pong pulong ito? Pulong po ba ito ng mga Osmeñista?
—Hindi po Ginoo. Wala pong Osmeñista dito sa Bokawe—ang matapang na sagot ni Binay.
—Kung gayon po’y mga federal po pala ang nagpupulong na iyan?
—Aba hindi po; iyan po’y pulong ng mga tercerista .
—Ah!... yan po pala ang mga tupa ni Sandiko. Noong Gobernador na nagpatanim ng mga acasia upang pangublihan [58] ng mga aso, noong General na napakatapang,—at sinundan ng isang tuyong ngiti.
—Kahit na po walang nagawang mabuti si Sandiko, Ginoo gaya ng inyong sabi—ang pakli ni Binay—ay inaanyayahan ko kayong dumaliri ng kanyang kamalian at baka mayroong kaming nalilingid na di nalalaman.
—Ang tao po, mahal na binibini, na walang nagagawang mabuti at walang nagagawang masama ay tao na di dapat ibilang ni sa karamihan man lamang.
—Alalahanin mo po Ginoo na nang panahon ni Sandiko, ang Constabularia dito sa Bulakan ay di kinailangan. Sa makatuwid, ay malayo ang Bulakan sa kapanganyayaang nangyayari sa Kabite ng panahon nina Baker , na di miminsang isinakdal ng Renacimiento at Muling Pagsilang sa apat na dako ng pinangagalingan ng hangin. Alalahanin mo po Ginoo, nang sa likod ng bayan ay pagtibayin ng Kapulungan sa Bagyo yaong di malilimutang Bill Borja , na nagbibigay bisa, at tumatangkilik sa isang kabulastugan ng ating naging Gobernador General na si Forbes ; sino po ang tumutol ng boong tapang? Alalahanin mo rin po Ginoo na nang ang puhunang mangagawa sa Katubusan ay aagoy-agoy na at tinampalasan ng mga bata ni Osmeña, kung sino ang nagbangon.
—Aba!... Dito po pala sa Bokawe ay may mga babaing politiko. Sayang at di kayo sa Amerika ipinanganak, sana’y nakapagharap kayo ng kandidatura; nguni’t dito sa atin, kahit na maaring kayo ay ihalal at idagdag ko pa ang aking “ voto ” ay di ako umaasang tayo’y magtatagumpay. Paano ang ating pagtatagumpay sa ang mga Osmeñista ay nakagawa na ng mararaming bagay na mahahalaga; naipayari nila ang Bill Jones No. 2 na nagbigay sa kanila ng boong kapangyarihan. Nakayari na sila ng isang Quezon, nakapatay sila ng isang Gomez na naging kastila kahit na tunay na tagalog, at marami pa pong libolibong bagay na mahalaga para sa Pilipinas, gaya halimbawa ng kasalukuyang dictadura ni Buencamino, nguni’t hindi nila ginawa o talagang ayaw nilang gawin ang isang Batas upang ang babai ay makapaghalal at mapahalal naman.
Itutuloy pa sana ni Maneng ang pagsasalaysay; nguni’t binagabag ng palakpakan ng mga tao ng miting na tumutuligsa sa pagkakahandog ng 25,000 katao sa Presidente Wilson upang dalhin sa digmaan sa Europa, kahit walang pahintulot ang Kapulungan.
Magsalita si Maneng!... ¡Magsalita si Maneng!... ang hiyawan ng lahat. At bumaba sina Villalon at Lara upang salubungin ang katungali ni Binay.
Isang di matapos-tapos na palakpakan ang sumalubong, sa binatang napitang gumamit ng kanyang dilang ginto: Laki ng pagkahanga ni Binay.
— M ANENG—ang ulit sa sarile ni Binay na parang may isang malungkot na ala-alang napupukaw.—Ang ginoong yaon ay di miminsan kong nakita; ang gayong tingig ay hindi bago sa aking pangdingig. Saan ko nakilala ang taong yaon?
Ang talumpati ni Maneng ay nagsimula sa kagitingan ng mga babaing Bokawe, niyang mga babaing nakalimot sa manang ugali na: “ang bahay at simbahan lamang ang dapat marating”; mga babaing dapat uliranin ng lahat, sa pagka’t ang kanilang mga dila ay di natatalian, ang kanilang galawan sa pagtatangol ng karapatan ng kanilang anak ay lubhang malawak na maaasahan ng lubhang mapakinabang na bunga.
Ang puso ni Binay ay sumisikdo ng sikdong nagbabalita ng isang bagong bagay na dadanasin sa buhay.
Si Maneng sa piling ni Tomas na kaniyang kasintahan ay isang malaking tao sa lahat ng anyo ng buhay. Lalong mainam ang tindig, lalong mabikas, mataas ang uri at paham mandin sangayon sa mga bigkas niyang animo’y matamis at pigta sa pulot; nguni’t namumulupot na parang ulango sa mga taong kaniyang tinutuligsa.
Nang ang miting ay natapos ay wala nang naging bulaklak ng usapan sa lahat ng dako kungdi ang talumpati ni Maneng.
At si Tomas nang málapit sa umpukan nila Binay ay nagsabing:
—Napakadalawa ang talim ng mga pangungusap ng palalong yaon—tinutukoy niya si Maneng.
—Ang kanyang ipinahayag ay nasasalig sa mga simulaing matitibay—ang tugon ni Binay.
—Alin ang simulaing matitibay na tinukoy mo?
—Ang kanyang ipinahayag na sa politika ay di dapat tuligsain ang mga tao kundi ang kanilang mga pananalig at batayan na itinitimpalak ng kanilang mga hayag na gawa na di maililihim.
—Ah!... Yang paraang yan ay totoong napakalawak; kung baga sa mandidigma ang ganyan ay naghahanda ng uurungan, hindi niya tinitiyak ang tagumpay na sarili, kungdi ang tagumpay ng kalaban.
—Hindi ko napansin kung saan mo hinagilap ang hinuha mong iyan. Ang napansin ko at di ako namamali ay ang sinabi ni Maneng na: si Osmeña, ay lálaki ng malaking malaki kung siya nating papananagutin at siyang dadaganan ng sagutin na dapat lamang panagutan ng bayang nasionalista. Ang aking isinasakdal sa iyo bayang Bokawe—anya—ay ang kalaswaang inaasal ng mga nasionalista ngayong sila’y maakiyat sa kapangyarihan; masdan ninyo ang kanilang mga gawa gaya ng gawa ng isang lapian at di gaya ng gawa ng iisang tao. Sa kanilang pagka-nasionalista ay sinikangan nila ang mga manghahalal sa Maynila na nasionalista rin dahilan lamang sa aayaw doon ng lukban ; at ang lukban na ipinipilit na kanilang ihandog ay talaga yatang matamis sa mga nasionalistang pinagpala, kaya si Lukban din ang kanilang pilit na binibihisan hangang sa ngayo’y magkaroon na ng tawag na “ Veto ” na kung mabibigla ka’y masasabi mong “ Veto-veto ”.
—Ginang,—ang pakutiyang tawag ni Tomas—Buhat pa po kailan kayo naging Abogada ng inyong defendidong si Maneng? Kay haba po ng inyong natandaan sa kaniyang talumpati na nagpapakilalang siya lamang ninyong pinagukulan ng boo ninyong pagiisip.
—At buhat kailan po naman, Ginoo, kayo nagkaroon ng kapangyarihan sa mga kaisipan ng inyong kapuwa?
—Talagang ang salapi nga nama’y malakas at makapangyarihan.
—Ay ano ba ang ibig mong sabihin noon Tomás?
—Na si Manéng ay mayaman.
—Kung mayaman ay ano?
Ang tudyuhan ng dalawang dating magkasintahan ay umasim ng umasim hangang sa sina Montenegro, Mendoza, Sandiko at iba pa ay dumating. Huling huling sumungaw si Maneng na parang hindi kasali sa talaan ng mga “ leader ” baga man siya’y isang bantog na mananalumpati. Si Binay sa nasang lalong pasakitang loob si Tomas ay umumpok sa kinalalagyang dako ni Maneng at di naglaon at silang dalawa na lamang ang nagusap.
—Natanto ko po kay Angko mahal na binibini, na ako’y may malaking utang sa inyo, at ang gayong bagay ay ihinihingi ko sa inyong pahintulot na mabayaran ko ng isang dalaw sa inyong tahanan bukas ng hapon—ang sabi ni Maneng ng boong pitagan.
—May utang kayo sa akin ang sabi ninyo at idinugtong pang ang maysabi sa inyo ng gayon ay si Angko? Sino pong Angko at anong utang ang inyong sinasabi?
—Isang bagay pong hindi mapaguusapan ng sangdalian kaya ako humihingi sa inyo ng pahintulot at kung kailangan pa’y magsasabi din ako sa inyong mga magulang, lalong lalo na sa inyong ama, kahit hindi ko pa nakikilala upang malaman ninyong ang nasa ko’y tapat.
—Sayang po’t si tatang ay wala po rine at palagi sa Meykawayan, kung naririne po disi’y nagkaroon ako ng karangalang ipakilala sa inyo. Siya po’y may malayang pananalig na gaya ko rin.
—Sa Meykawayan!—ang ulit ni Maneng—¡Meykawayan! Oh malaking suliranin ang handog sa akin ng bayang yaon.
—Sa Meykawayan. Talaga pong sa mga binata ang lahat halos ng bayan ay may suliranin. Marahil po’y may Celia kayo roon?
—Celia po at sa Meykawayan?... Opo may matuwid kayo. Doon ako nakakita ng unang hiwagang mahigit pa kay Celia, ng taga Panginay na si Kiko, ngunit ako’y isang hangal, hindi ako makata, ang umawit ay isang sining na di ko kilala at ang Celiang nakita ko ay parang kinain ng laho; nawalang animo’y ulap na itinaboy ng hangin, nguni’t walang pinagibhan sa pangarap na muli akong pinalad na sa kaniya’y sumilay.
—Maaari po bang makilala Ginoo? Marami po akong kakilala sa Meykawayan na mababayani nating kung kailangan ang tulong.
—Bakit po hinde? Makikilala po ninyo bukas kung pahintulot ninyong ako’y makaparine.
Sa lahat ng ito ay parang nasa isang hurno na nabalisa mandin si Tomás.
Si Binay ay napakaganda sa malas ni Maneng. Ang kanyang malalamang dibdib, na nasisinag sa maninipis na barong madadalang, ang bilugan niyang katawan at mabilog ding bisig, ang kulot niyang buhok, ang kaniyang kiring lalawigan at malayang kaugalian, mainam na pakikiharap; ang lahat ng yaon ay tulong tulong na sumilo kay Maneng na nang mga sandaling yaon ay bihag na bihag na ng talaghay ni Binay.
Ang patalim na kuko ng panibugho gayon din ang matatalas na pangil noon ay kasalukuyang humihimay sa puso ni Tomas. At ang isang ginintuang pangarap na busog sa pangako ay nagpasiglang lalo kay Binay.
Nang ang mga panauhin ay yumaon nang lahat ay mapitagang lumapit si Tomas at anya:
—Binay ang imperdible mong kaloob sa akin ay maaasahan mong igagawa ko ng isang malungkot na kasaysayan.
—Yao’y di ko kaloob sa iyo; dapat mong malaman na di ko maipagkakaloob kangino man ang kaloob lamang sa akin, kaya’t kung mangyayari, utang na loob, na aking kikilanlin sa iyo ay mangyaring isauli lamang sa akin. Sinasabi ko na nga bang may kahulugan ang mapiling hingi mo.
—Hindi mo kaloob sa akin ang inaasahan kong isang sanla?
—Hindi, Tomas, hindi nga.
—Sa sanla man at sa hindi; ang isang bagay na galing sa iyo ay pahintulutan mong aking mahalin pa...
—Mahalin!....
—Oo, Binay mahalin ang iyong imperdible.
—Yao’y hindi akin inuulit ko sa iyo at ipinaala-ala ko rin na yaon ay hiniram mo lamang sa akin. Isauli mo sana, hane Tomas.
—Binabawi mo ba?
—Kung gayon ang ibig mong ipalagay ay maaari. Nakapangungupinyo ka naman.
—Tila ka may ipinagmamalaki Binay.
—Kahit na wala... At kung mayroon ma’y ano?
—Talagang ang kiyas nga naman ng pilak. ¡Oh! ang tanikalang ginto ay kay daling ipanali...
—Tomas...... Labis na yata iyan.
—Kulang pa Binay; kulang pa.—Ang boong galit na animo’y baliw na sagot ng binata:—Kulang pa lahat yaon. At kung magagawa kong luran sa mukha, sa harap mo, ang hamak na si Maneng, kungdi lamang ang gayon ay isang kaimbihan, nakita mo sanang ginawa ko.
—Labis na yan, murahing patalikod ang isang tao ay nalalaman mong di ko pahihintulutan, kaya yumaon ka na. Yumaon ka na Tomas.
—Ang imperdible ay di na masasauli sa iyo kahit saan tayo dumating. Ang letra noo’y “M” at “S”, at animo’y “Nati” ang may-bigay sa iyo noon. Hindi ko mapaniwalaan. Malaman mong yao’y isang hiwaga para sa akin. Isang suliraning balot ng lihim at ngayon lamang nagliliwanag. Ang imperdibleng yao’y ipapalpal ko sa kaniyang mukha nang malaman niya kung gaano kahirap tumangis ang puso.
—Hindi mo gagawin ang gayon Tomas. Wala siyang kinalaman sa imperdible.
—Gagawin ko alang-alang sa aking karangalan.
—Huwag, hindi dapat.
—Saka mo makikita, Binay; saka mo makikita.
At yumaong gaya ng isang frances na di man nagpaalam.
G AYA ng pinagkasunduan ni Maneng at ni Binay, kinabukasan ay kapuwa sila nagsihanda sa isang pagtatalastasan gaya ng dalawang bihasang magsamantala sa buhay.
Kung ang mga mandidigma sa ganitong tagpuan ay nag-uubos ng boong talino, sandata at mga paraan sa ikapagtatamo ng tagumpay, si Maneng at si Binay sa ganang kanila ay may mga pambulaga na nakahanda bawa’t isa sa kanilang hinahandaang kabaka na nasang mahuli ng buhay.
Ang katakot-takot at libolibong paraan na naisagawa na ni Maneng sa kung ilan nang kulang palad na napasusuko ng kanyang panghikayat ay di niya nasang gamitin sa tala ng Bokawe, na pagka’t ang kalolwa nito ay ibang iba kay sa kanyang mga sinawi. Si Binay ay baga man talagang pusong babai ay may isang malayang bait na gumagalaw sa isang malawak na galawan, na kinakailangang pagaralan niyang lahat upang makalatan ng balahong katitisuran. Inaakala rin naman niya na ang pagpapahayag ay dapat niyang papanimulain sa tungalian yamang si Binay mandin ay nakatatagpo ng ligaya sa ganitong aksayahan ng panahon ng mayaman at mahirap man, at tanging pinakikinabangan lamang niyaong mga pantas at talaisip na nakakukuha ng mapapakinabang na bagay sa mga lalong walang saysay na pangyayari.
Hindi nakuha ni Binay ang matulog ng tanghali; at si Maneng ay hindi man lamang nakakain ng boong kapayapaan. Kapuwa binabalisa ng nasa ang dalawang pusong ito na hindi pa man halos nagkakawatasan ay nagtitibukan na at nagkaramdamang ang isa at isa’y nagkakailanganan.
May isang kasabihang tagalog na aniya’y: “ Huwag palapit (sa apoy) at madadarang, huwag palayo at magiginaw ” at ang bisa ng salawikaing ito ay siyang sa kanila, sa gayong mga sandali, ay namayani.
Ang pinakamainam na damit ni Binay ay isinuot maaga pa, nagtuhog ng masinsing-masinsin ng mga tikom na kampupot at ipinulupot sa kaniyang liig. Kay-inam na panghalina ng napili ni Binay. Ang mabangong samyo.
Sa kabilang dako naman si Maneng na sawang-sawa na sa mariringal na bihis ay nagsuot na lamang ng isang kasuotang sutlang puti na siya niyang pangkaraniwan, nguni’t sa kaniyang “ Supersix ” sumakay upang huwag namang masuya ang matang laging nakakikita sa kaniyang “ Bwick ” na talagang panglakbay bayan.
Napakalaki ang sasakiyang yaon sa iisang tao. Pangyayaring nagpatinkad na minsan pa na ang kaniyang pananagana ay labis na labis at lutang na lutang siya sa kaligayahan ng mga iniwi ng biyaya.
At ganap na ikaapat ng hapon ay nagkaniig na ang dalawang tinipon sa Bokawe ng kapangyarihan ni Kupido.
—Sinasabi ninyo—ani Binay—na kayo’y may utang sa akin. Hindi ko ito nalilimutan, at sa pagka’t hindi ako makatatanggap ng bayad sa isang pautang na di ko talastas, kung mamarapatin ninyo ay mangyaring ipaliwanag upang magkawatasan tayo.
—Tunay mahal na Binibini—anang binata—Tunay na ako’y may utang sa inyo at utang na napakalaki, at kailan ma’y di ko mapatatawad ang kapabayaan ko na yao’y di ko pa nababayaran, hanga ngayon. Noo’y ihinandog ko sa iyo ang boo kong kaya, at tinugon ninyo ako ng boong tamis na sa iba ng kataon . Naala-ala pa po kaya ninyo?
—Tunay pong hindi. Ibig ba ninyo akong tulungan upang alalahanin?
—Naparon kayo noon sa Meykawayan. Ang damit ninyo’y payak na dilaw at ang kasama ninyo’y di ko kilala; lulan kayo ng isang karretela at ang inyong kotsero ay si Angko.
—Ah!... Noo’y nabanga kami ng isang “ auto ” na kamuntik na kaming patain. Opo naala-ala ko na.
—Ang “ Auto ” po ay akin at ako ang nagpapalakad. Ako ang may kasalanan Binay—hindi na pinupo ni Maneng—Napakahangal ako noon. Ang bait ko’y pumanaw sa aking katawan at ang gayong kapanganyayaan ay naging bunga ng aking kapaubayaan. Ninais kong tuntunin ang iyong tahanan, ang Meykawayan ay naliglig ko, nguni’t sino ma’y walang nakapapaghatid sa akin sa kaganapan ng aking nasa, pagkapalibhasa’y ngalan man lamang ay wala akong natandaan kundi ang kay Angko lamang at ito’y dahilan sa itinala ko sa aking Memo . Datapuwa’t isang kataon na hindi ko sinasadiya ay napasuot ako sa pulong nina General Sandiko at nang di ko sinasadya ay natagpuan ko ang aking pakay. Narito nga ako sa harap mo Binay at handang tumupad ng aking handog na paglilinkod. Minamarapat mo baga?
—At kung magalit ang inyong Celia na taga Meykawayan?—ang biro ni Binay.
—Hindi magagalit ang aking Celia, Binay, sa pagka’t siya’y kilala mo rin. Dala ko rine ang kaniyang larawan. Ibig mo bang makita?
—Tignan ko nga; saan ba naroon?
Dinukot ni Maneng ang kaniyang kartera at pagkatapus makalingap sa boong paligid ay boong pitagang nagsabi:
—Binay!... Ang larawang ito’y malaon kong iniingatan sa aking diwa. Sa aking dilidili’y di mawawalay at ngayon ko pa lamang naipahayag kaya’t pahintulutan mo akong hingan kita ng isang pangako. Tinutulutan mo baga?
—Pangakong ano?
—Na ako’y tutulungan mong lumuhog upang ang aking pitang banal ay huwag mawakawak.
—Kung kilala ko’y inyong maaasahan.
—At di mo papayagang ako’y siphayuin?
—Ah... yao’y kahit hindi ko kilala ay katungkulan kong ipagsangalang ang sinisiphayo.
—Kung gayo’y...—at iniabot ni Maneng ang isang kahitang balat na agad binuksan ni Binay.
Doo’y may isang salaming talihaba na nakakalupkupan ng isang gintong lantay na gilid.
Ang mukha ni Binay ay sumungaw pagdaka. Mukhang natina ng pula sa kabiglaanan; nguni’t buhay palibhasa ang dugo ay tumugon ng boong kapayapaan.
—Maneng—aniya—ako’y napaglalangan mo. Nguni’t gaya ng isang tapat na mangako ay tutupad ako kung sa aking itatanong ay tumbasan mo ng pagtatapat din.
—Ano yaon aking giliw?
—Ilan nang babai ang dumungaw sa salaming iyan, magbuhat ng ingatan mo?
—Iisa pa lamang. Tanging ikaw Binay.
—Hoy!... Ni hindi mo na inisip ang isinagot mo sa akin.
—Papanong iisipin ko pa’y siyang totoo.
—Papano ko mapapaniwalaan.
—Inaakala mo bang ako’y napakabulaan?
—Ipalagay natin na di ikaw ang may sabi at inaakala kong nagsisinungaling.
—Kung ang recibo ng platero na gumawa niyan ay makikita mo, disin maniniwala ka, na kangina ko lamang kinuha iyan at inantabayanan ko pa bago ako naparine; nguni’t.....
—Nguni’t ano?
—Ang recibo ay di ko ipakikita sa iyo upang huwag mong malaman ang halaga.
—Nguni’t ibig ko sana’y walang ibang mukhang babaing dumungaw sa salaming yan Maneng, lalong-lalo na yaong magagandang lulan ng auto nang kami’y mabangga.
—Oh, yao’y huwag mong pagkasalanan. Sila’y para kong mga kapatid.
—Naniniwala ako Maneng at di na natin muli pang paguusapan yaon; datapuwa’t paano ako makapapaniwalang wala nang [71] babaing dudungaw sa salaming iyan. Ipangako mo man lamang.
—Hindi kailangan ang pangako; ang salamin ay iiwan ko sa iyo bilang sangla ng aking patunay.
Di nakaimik ang binibini sa biglang tugong yaon ni Maneng. Ang salaming yaon ay isang mayamang hiyas, gintong lantay na pinakintab ng pait, ilang talsik na diamante ang sa mga palamuting bulaklak ay nangasaubod. Hindi niya nasang hingin at siya’y napahanga ng ialay sa kaniya.
—Ya’y ipinagawa kong para sa iyo Binay. Kung di mo tatangapin ay daramdamin ko at aakalaing isang pagsiphayo.
—Hindi ko maaaring di tangapin ang isang alaalang galing sa iyo Maneng; at mamahalin ko sa pagka’t galing sa iyo.
At ang dalawa gaya ng lahat ng alagad ni Kupido ay malaong nagusap ng panay na kahibangan lamang.
At bago umalis si Maneng ay hinubad ni Binay ang tuhog na kampupot at ilinagay sa leeg ng binatang mapalad, at aniya:
—Mamahalin mo ang bulaklak na yan at ingatang maging laging sariwa, hane?
—Siyang papatnubay sa aking mabuting tala.
—¡Sayang at ang bulaklak ay dagling maluluoy!—ang habol ni Maneng sa sarili nang siya’y nasa ibaba na.
K AILAN ma’t si Maneng ay may isang himaling ay hindi natatahimik samantalang di napalulugdan ang pita.
At nang mga sandaling ito’y binubuko niya kung ano ang mabuting paraan upang ang magandang taga Bokawe ay pagtamasahan yayamang ang pakikiayon ay ipinagkatiwala na rin lamang sa kaniyang himok.
Yaong ugaling halaghag na kinahihimalingan niya ay hindi magpatahimik.
Nakalikmo sa isang likmuang tikwasin at nakapatong sa kaliwang tuhod ang kanang paa at ang isang pahayagan ay hinahanapan mandin ng balita; nguni’t ang kaniyang ala-ala ay naglalayag na kasalukuyan sa lawak at ligoy ng mga pakana na kaniyang binubuko upang ipagtagumpay ang nasa niyang ang dilag ni Binay ay pagsamantalahang pupulin, kahit na sa kabila noo’y magugol ang gaano man.
Katapat ng kaniyang likmuan ang isang sopa na kinahihiligan ng isang kaibigang may malaya ring gawi na bilang sinasangunian niya sa binabalak na balahong pagbubuliran kay Binay.
—Paano po kaya ang mabuting paraan sa babaing yaon, Kabisang Terio?
Si Kabisang Terio ay isang matandang pusakal na sa gulang na apat na puong taon ay may tatlong puong anak na pawang [74] panganay. Isang bihasa sa sining na mandaya; kaya’t siyang ipinatawag ni Maneng upang hingan ng hatol.
—Napasagot na ba ninyo ng: Oo?—anang matanda.
—Yaon po’y de cahon . Wala pa po akong babaing linigawan na sumagot sa akin ng ayaw.
—Eh bakit hindi ninyo hingan ng isang tagpuan?... Tatanggi po kaya kung ito’y inyong hingin?
—Hiningan ko na po at di rin naman tumangi, nguni’t...
—Para pala naman kayong di lalaki. Di yata’t tumangap na ng anyaya ninyo sa tagpuan ay di pa ninyo naitirik ang watawat ng tagumpay?
—Hindi ko magagawa, Kabisang Terio ang gumawa ng ano man nang walang lubos na pahintulot. Ang hinihintay ko’y boong puso at walang tutol na ihandog sa akin ang saro ng ligaya.
—Eh ano ang tugon niya ng inyong hingin sa huli ninyong tagpuan?
—Isang talinhaga, Kabisang Terio.
—Isang talinhaga?
—Opo isang talinhagang makatuwiran.
—Na ano po?
—Na kung maipakikita ko raw pong sariwa ang tuhog na bulaklak na kaniyang sanla sa akin ay makaaasa akong kamatayan ma’y kanyang tatahakin sa aking kahilingan.
—Ay ano po ang isinagot ninyo?
—Ang pagwawalang kibo po.
—Yaon po’y bugtong, mang Maneng, baka hindi ninyo naturingan.
—Hindi po ba ang ibig sabihin noo’y pakasalan ko siya?
—Yaon na nga ang kauuwian noon sa pagka’t yaon lamang ang tunay at matibay na tanda na ang pag-ibig, na sa bagay pa ito’y ang bulaklak, ay di malalanta.
—Yan ang nakababahala sa akin, Kabisang Terio. Hindi ako matahimik kung hindi ko siya kakamtan at ipalalagay kong napaka-hangal ako.
—Inumangan na po ba ninyo ng salapi?
—Hindi masisilo ng salapi Kabisang Terio. Napakaingat [75] sa karangalan na hindi mapapantayan ng anomang yamang mahahaka.
—Iisa ang daan mang Maneng. Dayain.
—Dayain po?
—Opo, dayain. Sundin ninyong lahat ang nasa, lunurin ninyo sa pakitang loob at gawin ninyong maging kailangan niya kayo sa buhay.
—Napagkikilalang hindi ninyo nakikilala ang kaluluwa ng babaing yaon. Siya’y lubhang mainit na umibig; sabik marahil makipagkita; nguni’t batong buhay mandin na di dumaramdam ang kanyang puso. Iisa ang kanyang pangungusap, at laging mapalalo na laging umuuwi sa gayari; “Hindi ako natatakot sa sasabihin ng sino man; nguni’t iniingatan ko ang ako’y masisi ng sariling budhi”. Sa pag-ibig Kabisang Terio, si Binay, ay isang matatag. Kung ako lamang ay handa nang matali, disin ay napabilango na ako sa kanyang piling.
—Isipin ninyong mabuti mang Maneng. Isipin po ninyong mabuti’t ang magasawa’y di biro .
Nang mga sandaling ito’y nasok si Gorio at dalawang sulat ang isinakamay ni Maneng.
Ginapak ni Maneng ang sobre at ang unang sulat ay nagsasabi ng gayari:
“Maneng:
“Ano ang nangyayari sa iyo at ang mag-ina mo ay hindi mo na naala-ala. Kung makailan akong magpabilin upang ipasundo ka, nguni’t minsan ma’y hindi nagkapalad ang inutusan ko na ikaw ay matagpuan. Alin sa dalawa o ako’y pinagtatapatan o ako’y di sinunod; kaya nangyaring ako’y sumulat sa iyo kahit na kabilin-bilinan mong huwag akong susulat ano mang mangyari.
“Papaanhin mo naman kung ang init ng iyong pagyupyop ay ikinakait mo na mandin. Alalahanin mo sana na ang luha ang lagi kong kasalo-salo sa pagkain, kasiping ko sa pagtulog at kaulayaw naming mag-ina sa araw at gabi.
“Buhat nang ang bata ay sumilang sa maliwanag ay kinatakutan mo manding makita at di na ako nagkapalad na kita’y masilayan pang muli.
“Ano ba ang ipinagtatampo mo aking Maneng?
“Nalalaman kong ang nanay ay totoong napakabigat sa loob mo, nguni’t minsan ma’y di ka nagpahalata sa akin. Ang tatay nama’y isa pa. Oo, sila’y napakalabis; nguni’t maitatapon ko kaya sila?
“Parine ka sana Maneng kahit na sasandali. Yupyupan mo si Nene, na naghihintay ng iyong init at makikita mong ang ligayang maging ama ay napakasarap. Siya lamang ang umaaliw sa akin tuwina. Ang kaniyang maliliit na mga kamay ay palagi ng nakaangat at parang humihingi ng halik at ang bango niya’y hindi lumilipas at hindi ka sasawa na makipaglaro sa sinungaling na sangol natin.
“Huwag mong akalain na dahil sa dalawang buwan na ang lumipas, kaya kita pinaparirini, ay dahilan lamang sa kailangan ko ang kuwalta; hindi. Ang kaonti kong natitipid na napapautang sa mga magiisda, sa tubo lamang ay nakapagtatago pa ako ng kaonti.
“Umiyak na si nene.
“Adios Maneng. Paparini ka, hane?”
Ang iyong
ORANG.
Sinabayan ng punit ang sulat pagkabasa at nagkiskis ng fosforo at ipinalamon sa apoy.
—Bakit?—ani Kabisang Terio.
—Naku.... Kung padadala kayo sa suyo niyang linikhang mahaba ang buhok na kung tawagi’y babai, ay mahuhulog kayo sa balong malalim at lulumutin ang ulo ninyo roon.
—Bakit napakainam po bang maglamyos?
—Ang akala ninyo’y totoo ang sinasabi; nguni’t alalahanin ninyong sa tunay na katotohanan, ay kayo’y mapapadual... Naku talagang ayoko nang makipagtalo riyan sa babai. Sa babalutin kayo sa katamisan ng pananalita at luha hangang kayo’y maalipin;—at pinunit ang sobre ng pangalawang liham.
Ito ang nababasa:
“Maneng niyaring buhay:
“Kay sarap ng magmahalan at magkasamang mangarap ng gising kapuwa at sa lahat ng dako ay tulain ang sumasatitig.
“Hayon masdan mo. Sa dako roo’y animo ahas na pilak na gumagapang ang mumunting ilog na umaahon sa mga bukirin upang hagkan ang talampakan ng mga lalong tagong halaman. Kay inam, ano, hindi ba? At ang halamang maawain ay linalaglagan siya ng mga hinog na bulaklak na kanyang yinayakap at itinatakas hangang sila’y kapuwa may buhay. Kay inam na halimbawa na panalaminan ng nangagsisiibig.
“Nguni’t ano yaong aking nakikita. Kay inam na paroparong paligid-ligid at padapo-dapo sa mga bukang bulaklak na sinisimsiman nila ng samyo at tamis. Gayon kaya ang pag-ibig? Salawahan kung gayon. Hindi ba Maneng?
“At Maneng, ako pala’y nanaginip:
“Ako raw ay may isang halamang bumunga ng isang kay gandang bunga, ninasa kong tikman, nguni’t... Oh kay askad. Animo ba’y tinipon ng kanyang ganda ang askad. Namunga uli at nang manibalang na ay tinikman kong pamuli, at asim naman ang namayani. Kay ganda; nguni’t kay asimasim. At hinintay ko uling bumunga. Iginalang ko ang kabiglawan, nang manibalang na’y pinagyaman ko at iningatan hangang mahinog... at Oh! kay tamis marahil... ¡kay sarap kaipala! ¡Kay linamnam!
“Hindi ko pa kinakain.
“Kailan mo ba nasang ating pagsaluhan?”
Ang iyong
BINAY.
—Oh tignan ninyo Kabisang Terio ang sulat na iyan. Kay talas ng matang magwari at kay bihasang mag tahi tahi ng mga halimbawa.
At binasa ni Kabisang Terio ng basang panalangin, animo ba’y may sakit na malubha si Maneng, na nakikinyig ng taimtim sa puso. Animo ba’y nasasarapan din si Kabisang Terio.
At di nga ba si Maneng ay may-sakit at sakit na walang lunas kungdi ang tagumpay ng pita?
Ilang lingo ang nakaraan at si Binay at si Maneng kahit lihim na lihim ay nagisang puso sa harap ng isang Pastor Protestante, sa kapilyang nasa Avenida Rizal .
Pinagkasunduan nilang manatiling samantala sa dati nilang kalagayan, huwag ipagmakaingay na parang walang ano mang nababago: Tatak ng bagong panahon.
D INALAW ni Maneng ang makisig at bantog na Casa de Modas at doo’y kanyang pinanonood ang dalawang suot Turko na animo’y babala ng “Omar”.
Dalawang kasuotang babai na payak na sutlang kulay ginto ang isa, at ang isa’y kulay perlas; at kapuwa may guhit na pula at bughaw. Salawal at baro na pawang maluang at napupungos ng hugos hugos sa laylayan upang matapos sa isang sandallas o babuchang turko, na itim na nahihiyasan ng bulaklak na gintong lantay mandin. Ang talukbong ay payak na puti na sa nipis at lambot ay nagtutulot na mabakas at masinag ang magandang mukha ng kukulubungan; nguni’t sa sinsin noo’y di mangyayaring maaninaw.
Tanging ang mata, ang handang makipagtitigan at siyang tulad sa dalawang durungawang kababasahan ng puso at kalulwa ng nakabalatkayo.
Sa dako roon ay isang pierrot na payak na puti ang linulutangan ng malalaking bitones na itim, at itim ding apat na dali ang lapad ang sa laylayan ng baro at salawal ay bilang palamuti.
Ang tatlong balatkayong ito’y ipinagawa ni Maneng upang magamit nila sa dakilang sayawan ng mga balatkayo.
Sa lahat ng dako ng Maynila, ang “biro” ay siyang namamayani, [80] animo ba’y ang lahat ng tao ay nakalimot na sandali sa dakilang asal at ang araw ay mataas pa halos, ang mga “ confetti ” ay nagliliparan na, at nagdadapuan sa mga maiitim na buhok ng magagandang dalagang naglalakad, at ang mga serpentina ay kasalukuyang naninilo, datapuwa’t silong marupok, kasing dupok marahil ng isang panandaliang bulong ng pita. Iisang iglap.
Nagkapantay-pantay manding lahat ang mga tao sa loob ng isang maskarang nakatawa kung minsan o nakangiwi kayang animo’y kumagat ng isang bungang kahoy na maasim.
Sa dako roon ay pulutong ng mga lungtian dimonyong animo’y tumakas kay Mandagaran; isang pulutong namang demonyo rin nguni’t mapupula naman ang animo’y mga kawal ni Fausto na nakatakas mandin sa bayan ni Pluton; at mga dimonyo pa rin na payak na itim buhat sa sungay hangang buntot. Talaga yatang ang taong natutuwa ay mahilig sa mga kawal ni Pedro Botero. Ang kamatayan ay di nila gunita. Ang lahat ay inaaglahi.
Ang mga Pierrot na sarisaring kulay, mga dominó, mga suot Principe at iba’t ibang libolibong likha, buhat sa lalong maringal hangang sa kamuramurahan, ang siya lamang halos laman ng lansangan. Kay raming Colombina na nakapangingiki.
Sa dakong Timog ay doon natatayo ang palalo at maringal, na bayan ni Momo. Nakaharap sa bagong Luneta na nagtaboy ng dagat sa dako pa roon.
Panggagaling ni Maneng sa Casa de Modas ay nagtuloy kila Selmo at doo’y ihinatid ang dalawang kasuotang babai na boong kasiyahang tatangapin nang kaniyang mga pinaguukulan.
Gaya nang dapat ng malaman, ang isa noo’y kay Mameng at ang isa’y kay Nati.
—Tayo’y maglinawan—ani Maneng—Ya’y dalawang balatkayong wala akong malamang itulak kabigin. Ibig kong malaman kung alin diyan sa dalawa ang gagamitin mo Nati. Hale mamili ka na.
—Alin ba Maneng ang ibig mong aking gamitin?
—Ang ibig ko?.......... Nalaman mo na Nati na ang mainam [81] sa iyo ay siya kong ibig. Tangi sa kapuwa mainam ang dalawang iyan.
—Nalalaman mo rin naman na kung alin ang mapili mo ay siya kong mamainamin. Alin ba ang ibig mo Maneng na aking gamitin?
—Hindi ba mainam Nati itong kulay perlas?
—Yan nga, yan din ang aking napipili. Talagang iisa yata ang ating diwa.
—Siya mong isuot, hane?...
—Eh ikaw ba ano ba ang iyong karamtan?
—Ako’y isang pierrot na maputi. Nguni’t ang kasuotang ito’y maraming kamukha.
—Eh ano ang ating palatandaan?
—Ang singsing kong panganan na dati mong kilala. Ang auto ay ipadadala ko rine mamayang a las cuatro , gamitin ninyo sa paglilibot at sa Ciudad na tayo magkita.
—Sa Ciudad ?
—Oo, sa Ciudad na.
—Saan doon? Lubhang malaki ang kaharian ni Momo.
—Siya nga; nguni’t buhat sa ikapito hangang ikasiyam ng gabi ay sa boong paligid ng gusali ni “ Meralco ” tayo maghihintayan.
—Bakit hindi ka pa ba sumabay sa amin?
—Marami akong lulutasing gamlay, ngayon, at di ko maipagpapaliban.
Nang matapos ang biling ito ni Maneng ay yumaon ng parang hinahabol. Paano’y may tiyap siya kay Binay, na doon manananghali sa araw na yaon.
Nang si Mameng ay nasok ay nadatnan si Nati na nagsusukat ng balat-kayo at gaanong pagkahanga ang kaniyang dinanas ng makita niyang si Nati sa kulay perlas ay lubhang kaakit-akit.
—Halika, Mameng, isukat mo nga yang balat-kayo mo. Hali na.
At isinukat ni Mameng ang kaniyang karamtan na di rin napahuhuli sa dingal at ganda sa karamtan ni Nati.
—Talagang pihikang mamili yaong si Maneng, ano Nati. Tignan mo at kay gaan sa katawan, maluwang at di nakaiinis.
—Talagang may pihikan siyang gawi Mameng. Ito’y kaniyang katangian. Nguni’t Mameng, hindi ba ang mga araw na ito’y araw ng “biro”.
—At araw ng “tawa”.
—Kung gayon ay bibiruin ko si Maneng.
—Ano bang biro ang naisip mo?
—Ang ibig niya’y ito ang aking isuot at doon na raw magkita sa Ciudad . Ang iniisip ko’y gayari. Ang balat-kayong ito na pinili niya para sa akin ay siya mong isuot at yang balat-kayo na para sa iyo ay siya kong gagamitin. Ano ang sabi mo Mameng?
—Magpapalit tayo kung gayon?
—Oo, magpapalit tayo, at walang salang di ikaw ang lalapitan na iisiping ako.
—Baka magalit Nati?
—Hindi; pagkatapus ay sasabihin kong nagustuhan ko ang iyong damit at siya kong ginamit.
—Eh ano ba ang kanyang balat-kayo?
— Pierrot , nguni’t sa singsing makikilalang agad. Hindi mo ba natatandaan ang kanyang singsing?
—Bakit hindi?
—Iyan ang kanyang ipakikita paglapit.
—Eh ano ang aking gagawin Nati?
—Huwag kang pakikilala at tignan mo lamang kung ano ang kanyang gagawin.
Kung natatalos ni Nati ang magiging wakas ng komediang yaon na kanyang naisip na hangang sa isang birong kaibigan lamang sa kanyang akala, nguni’t maaring maging daan ng isang di inaantabayanang gusot o kagampanan ng mga lihim na tadhanang di talastas ng tao, disin ay di niya isinagawa.
Ang kanilang komparsa ay binubuo ng maraming babai na pawang nasa kapanahunan at payak na mga kapit-bahay si Nati at si Maneng ay siyang namumukod sa inam ng balatkayo na nagtitimpalak ng kapangyarihan ng salapi.
S A lilim ng lihim na kasal ni Maneng at ni Binay ay nagtatamasa sa likod ng malas ng madla ng masarap at napakaligayang alo ng pagsusuyuan.
Ang kanilang mga gawi ay bubo sa bagong kaugalian at ang ganito’y pinagpasasaan nila ng boong pagtatamasa, bagamang ang lalaki’y isang Don Juan din sa kaniyang tahanan; at ang babai, ay ang dati ring mayuming dalagang tagalog sa halamanan ng kanilang anak.
Kapuwa sila bihasang maninining na di mawawalan ng malilikhang pakana upang magtagpuan, bagay na di nila sana kailangan, danga’t ang kanilang himaling, ay ang paglalangan ang lahat, nguni’t simula sa kanilang sarili. Anong ligaya ng kanilang sandasandaling pangangarap!
Ang buhay ay ginagawa nilang isang laruan, at laruang mapanganib. Isa’t isa sa kanila’y parang tunay na may laya baga mang ang tanikala ng pagiisang puso, sa kanila ay nakabigkis.
Sa lahat ng ito’y ang kulang palad na si Tomas ay humahanap ng isang kataon upang si Maneng, ay matagpuang muli pa, bagay na di pa yata tulot ng tadhana, sapagka’t ngayon pa namang araw-araw ay na pasa sa Bokawe, ay ngayon pa niya hindi makita; paano’y hindi na gaya ng dati na humahayag, [84] kungdi ang auto ay laguing tumitigil sa labas ng bayan at doon na niya natatagpuan tuwina, ang magandang si Binay.
Doon nila sinisimulan ang malayang pagsagap ng hangin kung saan saan dako at maituturing na wala silang naging sariling pugad sa pagsasaliw ng awit ng puso, at tulad sa mga ibon na kung saan tawagin ng pita ay doon idinadaos ang kanilang mga kalayaan. Sampu nang sa kanila ay magpahiram ng tahanan ay ibinububulid nila sa pagkakasala.
Ito’y isang bagong paraan ng “pulot at gata” na maituturing na napakaligaya sa ganang kay Maneng at kay Binay, sa pagka’t tuwina’y parang bagong tagpo, tuwina’y pinaniningas ang kanilang nasa ng kasabikan, at animo’y nakaw lamang ang lamyusan nilang pinagtatamasahan. Talaga yatang ang nakaw sa pagtagay sa saro ni Kupido, ay napakasarap.
Tumutungo na ang araw nang si Maneng ay bumalik sa Maynila at nang si Binay naman ay umuwi sa Bokawe na parang may ginawa lamang na anomang kailangan sa kalapit na bayan na pinananahanan ng kaniyang ama.
Linipad ni Maneng ang Maynila. Nagbago ng damit pagkatapos na makapagalis ng alikabok sa katawan, binalumbon ang pierrot at pamuling lumakad, pagkasiyasat na ang Supersix ay wala na roon at ipinadala na ni Gorio kina Selmo sangayon sa kanyang utos.
Sumagi sa kanyang nasa na sa La Campana magminindal gayong sa sarili ay iniwang nakahain ang lalong masasarap na pamatay gutom na ihinahanda ni Biyang.
Ang bahay ni Maneng ay parang isang Babel gayong sila’y lilima halos. Di sila nagkawatasan kailan man gayong doo’y di dumadalaw ang pagtatalo.
Araw-araw halos ay banquete para kina Gorio, sa pagka’t maigagamot ang araw na doon ikinakain ni Maneng; nguni’t di naman nagbibigay ng bilin kailan man na di darating at di naman pumapansin ng gugol kumain man siya o hindi sa bahay.
Ang kanyang katiwala ay ubos kay Gorio na nakakikilala sa kanya ng ganap, kaya’t naglilingkod naman ng higit pa sa isang aliping binili.
Dumating si Maneng na parang hayok na hayok sa gutom [85] sa minandalang La Campana at pagkatapos na maituro sa utusan ang mga bilang ng Menu na kanyang napili ay tinunghayan ang isang linguhan na nasa ibabaw ng lamensang bubog na minandalan.
Di pa man halos natutunghan ang linguhan ay para siyang dinagukang bigla at tinamaan ng malas ang hambog na si Tomas na nasa kabilang dako at parang ipinagmamalaki sa kanyang korbata ang imperdible na nakikilala na natin.
Napakalaki ang imperdibleng yaon upang gamitin sa korbata; nguni’t kinusa yaon ni Tomas sa nasang pasakitang loob si Maneng kung makatagpo sa paniwalang yaon ay sanla ni Maneng kay Binay na kasintahan niyang tumalikod sa salitaan.
Kung may matuwid si Tomas o wala ay bayaan natin, sa pagka’t ang mga akay ng panibugho may matuwid o wala man ay walang ibang nagagawa kungdi kapanganiban.
Pinagmalas-malas ni Maneng ang binata na nagpapalamig na kasalukuyan sa tulong ng isang copang sorbetes.
Sinusukat niya buhat sa paa hangang ulo, na animo ba’y ibig na tirisin nang walang tanong-tanong at sa pagka’t yao’y ibinabawal ng dakilang asal ay nagtindig na gahasa na nangapalingon ang mga nagmiminandal na kasabay nila, linapitan si Tomas at boong kabanayaran, nguni’t punong-puno ng kutiya na tinanong:
—Ginoo. Kung di po isusukal ng inyong loob ay maaari po bang sabihin sa akin kung saan galing ang imperdibleng yan ng inyong korbata?
Si Tomas ay sumandal. Minasdan pamula sa ulo hangang sa paa si Maneng na nang mga sandaling yaon ay baliti na ng poot, at saka tumugon:
—Ginoo; tinatanong ninyo ako ng isang tanong na nakatatawa; at nang huwag naman kayong magmukhang api ay malaman ninyo, na sa isang daang libong bagay na di ninyo dapat malaman ito ay isa. Hindi ninyo dapat na malimutan na kapag saya ang napagitna sa mga salawal ay pangit na totoong ibuyangyang.
—Ninanais kong malaman Ginoo—ani Maneng ng boong [86] galit—at kung hindi ako bibigyang liwanag na ikasisiyang loob ko ay......—at ang kamay ay ipinakitang higpit na higpit.
Tumindig si Tomas na handang magtatangol, nguni’t ang kamay ni Maneng ay bumagsak na bigla sa mukha ni Tomas.
Lamensa, tao at kasangkapan ay nangagsigulong sa lupa kasabay ng tilihan ng mga babai, at tindigan ng mga lalaki, na handang aawat.
Namagitan ang mga suki ng La Campana at ang dalawa’y di na nagabot na muli pa; nguni’t ang dugo sa mukha ni Tomas ay nagdadanak.
Nagbigay paliwanag sa may-ari ng La Campana si Maneng at pagkatapos na nakapagbigay ng pangungusap na babayaran niya ang kapinsalaang nangyari ay lumulang pamuli sa kanyang auto at iniwan si Tomas sa gitna ng gulo.
Nang dumating ang mga pulis na tagapagpapatili ng kapayapaan si Maneng ay malayo na. Wala nang makatugon kung saan siya napatungo.
N AGPATULOY si Maneng sa Luneta upang magparaan ng oras yamang maaga pa rin.
Ang araw ay kasalukuyang lumiliblib na sa mga bundukin ng Bataan at ang kaniyang mga huling sinag ay naglalagak sa langit ng mga bakas na pula na parang anag-ag ng isang malaking sunog.
Ang mga balatkayo sa kabi-kabila ay nangagtatawanan, nangagsasayawan, at ang kanilang mga boses na iniimpit upang huwag mangakilala ay nagpaparingig ng isang tinig na nakapamumuhi.
Ang mga confetti ay parang gamogamong nagliliparan ng boong saya at ang isang angaw na ilaw na napipiit sa loob ng kaharian ni Momo ay nagsisikip at nasasaklaw niya sampu ng papawirin na sa kanya’y tumutunghay at nanunuod mandin ng kahangalang ginawa ng mga tao na hibang na hibang sa malaking kasayahan.
Ang mga kuwitis na pagputok ay animo’y bituing nadurog ay naglalaganap sa sapot na itim ng gabi ng mga sarisaring kulay na animo’y lumulutang sa dagat ng hangin na na sa papawirin.
Ang mga pananglaw ay nagsalisalimbay sa apat na sulok ng kaharian ni Momo, at ang kanilang liwanag ay gumagapi sa angaw angaw na ilaw na nagpaparingalan.
Ang taong parang hinahalo ay parang agos na sinasakmal ng malalaking pintuan ng Ciudad , na boong Maynila ma’y makapagsasayaw marahil sa loob ng maaliwalas niyang mga lansangan.
Ang mga takilla ay punuan at bawa’t isa ay nagsusumiksik na makapaghulog doon ng kanyang buwis kay Momo, upang makapasok; kung ganito ang sigasig ng tao upang mamili ng bono ng Kalayaan, sampuong Alemania man marahil ay napuksa na sa pesepesetang sa kanila ay tatabon.
Ang mga tramvia ay parang prusision na di makalakad halos, ang mga auto at karromata ay nagsisikip sa boong hinabahaba ng Bagong-bayan at taong lubhang makapal na halo-halo, may balat kayo at wala man, ang animo’y alon ng isang sinisigwang dagat.
Parang hinahalina si Maneng ng gayong kasiglahan.
Nang bagot na si Maneng sa loob ng auto ng panonood ay humandang siya naman ang panoorin at nagkubling sandali sa isang lansangang madilim at ang kanyang katawang may kasuotang buo ay isinuot na pamuli pa sa kanyang taglay na Pierrot at ang gorra at antifas ay isinuot pagdaka.
Pinatigil ang auto sa salikop ng San Luis at Daang Bago at saka ipinagbilen kay Ikong na maghintay doon hangang siya’y bumalik. At lumusong nang napatangay sa agos ng tao na naguumugong sa loob at labas ng Ciudad .
Ang biruan sa loob ng Ciudad ay nasa kanyang kainitan. Ang babaing walang balat-kayo at naparoon upang manood ng kasayahan ay siyang nagiging panoorin ng madla kung pagdumugan ng isang kawang balat-kayo at bombarheohin ng kanilang confetti na pambati.
Lubhang maraming tao, ang magsaya lamang ay di marunong, at sa ganitong kataon nakikilala ang mga taong may uring mahal.
Ang pulutong na unang tinamaan ng malas ni Maneng ay pulutong ng mga taong hamak, na, sa loob ng balatkayo nila ay nanganganinag ang isang kaugalian at asal na binatbat ng kasamaan.
Ang mga babai ay boong kalapastanganan nilang binibiro [89] ng birong malalaswa, at kung may lalaking magtangol ay kanilang tinatampalasan at ang gayon ay sinasamantala upang ang lokbotan ay linisin. Lupon daw yaon umano ng mga Apaches .
Nagmamadali si Maneng na lumayo sa kawang yaon na nakaririmarim, at lumibot sa ibang dako ng Ciudad upang humanap ng ibang panoorin na makasisiya ng loob.
At talagang napakasarap na maglibang na parang isang ulol sa gitna ng kanyang mga kasamahan sa loob ng isang Ampunang ganoong kalaki.
Kilala niyang halos ang mga mukhang hindi natatakpan ng maskara o antifas man lamang, samantalang siya’y nakalalapit sa siping ng lalong matalik na kaibigan ng di man lamang siya napapansin.
Magdadalawang oras ang nakaraan nang di man lamang siya nainip, at nang sumagi sa kanyang ala-ala ang lumapit sa gusali ng Meralco ay malapit nang tugtugin ang ikapito ng gabi.
Napaurong siya nang mapagmalas na ang mga kawan ng mga Apaches ay naroon pa rin at umuugong na parang mga sinumpa at ang hinaharap ay isang pulutong ng mga balatkayong may mariringal na karamtan.
Malayo pa siya’y napansin na niya ang kulay perlas na damit ni Nati na napatiwalag sa mga kasama na siyang hinaharap ng pulutong ng mga masasamang kaugaliang tao.
Halos kinapos siya ng panahon sa paglapit sa inaakala niyang si Nati na pagkakita sa kanya ay isinaklit kaagad ang bulak niyang kamay sa bisig na kanyang ihinandog.
At itinulak sila ng agos ng tao na ilinayo nang ilinayo sa liwanag na kinalalagyan ng palalong gusali ng mga ilaw.
At ang kanyang kamay ay isinaklit sa bayawang ng balat kayo na di pa nagsasalita hangang noon, upang pagtamasahan marahil ang handog ng pagkakataon na pawang pangpapasariwa sa kanyang pita na pinaglalabanan ng gayon na lamang.
At sila’y lumabas sa pintuan ng Ciudad sa dakong timog na walang lubhang maraming tao, di gaya nang nakaharap sa kalunuran.
At sa di na yata mapaglabanan ni Maneng ay ilinilis ang talukbong ng balatkayo at boong bilis na ibinunto sa magandang mukha ang busog sa suyong halik.
—Maneng!... Ano naman iyang ginagawa mo?—ani Mameng na dili iba’t ang nagsuot ng balatkayo ni Nati.
Si Maneng ay natigilang sandali at di nakaimik, nguni’t gaya niyang mga lalaking walang sawa sa mga handog na di inaantabayanan ng pagkakataon ay boong tapang na tumugon.
—Huwag kang magtaka Mameng, at kung hindi ko ipinahalata sa iyo noon pang araw ang bukong ito ng puso, ay dahilan sa walang pagkakataon na gaya nito.
—Oh Maneng!... Kalupitan na yang ginagawa mo sa akin.
—Hindi Mameng; hindi, maniwala ka. At kung ang ikasampung bahagi man lamang ng mga lihim na tadhana sa tao ay iyong makikilala kaipala’y di mo pagtatakhan.
At isinakay pagdaka sa auto at sa laki ng pagkahanga ni Ikong ay napahatid sa bahay si Maneng.
—Ito lamang ang babai na dadalhin ng aking panginoon sa sariling tahanan—anang Chaufeur , samantalang ang auto ay parang limbas na lumalayo sa kaharian ng tawanan, at si Maneng at si Mameng ay naglalatang kapuwa sa pagkakapagisang yaon na lingid sa mga malas ng tao.
—Hindi mo nalalaman Mameng ang isang malaking bagay na nangyari. Oh! kay lungkot gunitain.
—Ano yaon Maneng?
—Na si Nati ay di tapat sa akin.
—Si Nati?... At bakit?
—Ah!... Ang babai ay babai kailan man—at isang katahimikang kakilakilabot ang naghari.
—Si Nati ay di tapat sa akin—ang patuloy—at linoob ni Bathala na kita’y magkaniig upang sa iyo ko maihinga ang sama niyaring loob.
—Bakit? Ano ang nangyari? Dapat ko bang malaman?
—Bakit hindi? Ang imperdible na ihinandog ko sa kanya’y kanyang winalang kabuluhan; hindi niya minahal at pinalibhasa dahil marahil sa yaon ay galing sa akin.
Naala-ala ni Mameng na ang imperdible ay iginawad kay Binay nang mabangga ng auto ang karretelang kinalululanan noon; nguni’t di man umimik.
—Talagang ako’y sawi sa pag-ibig Mameng. Kailan kaya ako makatatagpo ng isang magtatapat sa akin.
—Si Nati ay tapat sa iyo Maneng.
—Tapat!... Nalalaman ng Dios...
Si Mameng ay nanliliit, hindi makakibo man lamang.
At sa piling ng binatang yaon ay waring natatakot at nababalisa. Ang puso niya’y tumitibok ng pangamba.
—Ang imperdible ko ay nasa kamay ng ibang lalaki, nguni’t pinagbayaran niya ng mahal ang paggamit ng di sarili. Sinukat niya ang mga baldosa sa La Campana at kumain siya ng lupa, sa pamamagitan ng isang suntok na di ko napigilan.
—Ano ang wika mo Maneng?
—Na ang imperdible ko ay nakita ko kay Tomas, yaong manunulat na kinasayaw ni Nati ng Rigodon sa Marilaw.
—Oh! hindi; hindi magkakagayon. Nalalaman ko kung kangino niya iginawad ang imperdible.
—Kangino Mameng? Kangino? Turan mo.
—Sa babaing nabangga ng ating Auto —ang salo ni Mameng—Naaala-ala mo pa ba?
Hindi mawatasang gaano ni Maneng ang pabulaan ng babai. Lalong nagdilim ang liwanag na kanyang natataho. Ang auto ay sumapit sa kanyang bahay.
Si Orang sa kabilang dako na di man lamang tumatangap ng kasagutan ng kanyang mga pabilin at liham kay Maneng ay nagbihis ng tapang at lakas ng loob ina. Binihisan ang kanyang mutyang sangol at nagpaumat-umat na nagbabantay sa tapat ng bahay ni Maneng.
At nang makitang may tumigil na auto , ang pintuan ay nabuksan at nakiyat ang dalawang balatkayo ay para siyang dinagukan.
Wala na siyang agam na di si Maneng ay may ibang kalaguyo kung kaya siya pinababayaan.
At lalong sumasal ang nasa niyang makipagkita upang kanyang tapunan kahit na iisang irap, sa harap ng sangol niyang anak, na bunga ng sinumpang sandali, na siya’y parahuyo sa binatang walang kaloluwa.
Si Gorio ay sumalubong kay Orang at anya:
—Mahal na Ginang: Patawarin po ninyo ako na huwag ko kayong papasukin; bilin po ng aking panginoon na huwag kong papasukin kahit sino.
—Ang biling yaon ay hindi kakapit sa ina ng kanyang anak.
At sa pilitan at pakiusapan, upang huwag mabulahaw ang dalawang pusong kaipala’y naglalasing na kasalukuyan, ay pinahintulutan din si Orang na makapasok, nguni’t mapayapang naghintay ng kanyang oras, na ikapagkikita kay Maneng.
At sa gitna ng maringal na bahay ni Maneng na punong-puno ng mga palamuti at hiyas ay dalawang puso ang kasalukuyang nabibilanggo: Si Mameng na bago pa lamang tumutungga sa saro ng buhay at si Orang na nakakilala na ng mapait na bunga ng gayong ginintuang pangarap na panandalian.
—Naku Maneng!...... Ang ginawa mong ito sa akin. Paano ako ngayon?
—Ano ang iyong inaala-ala Mameng? Natatakot ka bang tumangis sa piling ko?
—Natatakot ako Maneng sa nahahandang bukas sa aking palad.
—Sa piling ko Mameng ay walang sawi. Maniwala ka.
—Ano ang mukhang ipakikita ko kay Nati?
—Si Nati ay isang babaing malihim Mameng, at sa kanyang mga himala ay ipinatibong niya ako sa isang kahalay-halay na katayuan.
—Ano ang sabi mo, Maneng?
—Na si Nati ay di tapat na umibig. Oh wala pa akong natatagpuang tapat na umibig hangang ngayon.
—May patunay ka ba noon Maneng?
—Bakit wala?
At hinalungkat ang retrato at doo’y ipinalpal kay Mameng ang kanilang dalawang larawan na sa isang pagkakataon ay nakapisan si Tomas.
—Oh... Eh ano ang ibig mong sabihin niyan Maneng?
—Nakikita mo ang lalaking yaon?
—Oo nakikita ko, nguni’t hindi ko nakikilala.
—Hindi mo nakikilala ang nakasayaw ni Nati ng Rigodon sa Marilao?
—Ah!... Ang manunulat.
—Oo, si Tomas ang kanina’y kamuntik ko ng binunutan ng dila.
—Naku?
—Sa pagka’t ang imperdibleng sadyang ipinagawa ko upang gamitin ni Nati sa Marilao ay ipinagkaloob sa kanya, at ano ang malay ko kung ano ang kasama noon nang kanyang ipagkaloob.
—Oh, iyan ang di ko matutulutang paniwalaan mo. Ang imperdible ni Nati ay nakita ng dalawa kong mata ng ibigay sa kulang palad na babaing nabanga natin ng auto . Sinabi ko na ito sa iyo kangina pa; si Nati ay hindi taksil.
—Oh Mameng anong pagkabutibuti mong pinsan—at sinilsil na muli ng halik si Mameng. Walang salang di ang huling halik na yaon ay patungkol kay Nati.
At sinabayan ng tindig at parang inaanyayahan ang babai na magbihis na at muling ihatid sa pinangalingan.
Ang larawan ni Binay na pumipiling kay Orang sa pagkataksil ay nakikinikinita mandin.
—Hindi na ako makauuwi pa Maneng.... Hindi na nga.
At tinutop ni Maneng ng dalawang palad ang ulo na puputok mandin.
Anong laking gusot ang nakabanta sa kanyang palad.
S I Maneng, ay napapasuot sa isang lansangang walang labasan; Hindi na ako uuwi — ani Mameng .
Paano ang mabuting gawin? Tumakas kaya? Ipagtabuyan ang dalaga ay hindi magagawa nino mang may kalolwa. Isang babaing dinaya sa bulong ng isang pangakong pinaniwalaan , pinagpasasaang sinaid ang samyo at bini, at ngayon, maari kayang itapon na tulad sa isang bagay na lipas?
Si Maneng ay salawahan at di nasisiyahan kailan man; subali’t isang lalaking hindi nakagagawa ng gayong pag-api baga mang laging naniniwala at napadadala sa mga sapantahang mali, at lubhang paniwalain lalo na’t kung ang panibugho ang masasalang. Sa kanya’y walang ibang matuwid tangi sa ipinapalpal sa kanya ng kaniyang sapantaha sa alin mang sapiyaw na mapansin. At lalo na sa babai, ang kaniyang PAUNANG HATOL na mga bulaan at mapaglalang at kailan ma’y di magtatapat, ay siyang laging nagpapadalamhati sa kanyang puso.
Sa ganitong kalagayan ay lumikmo sa piling ni Mameng at aniya:—Anong samang masdan Mameng na ikaw ay madungawan dini ng lahat ng makasalanang mata at ang bulong-bulungan ay iukol sa iyo sa pagalipusta. Talastas mong ang gayo’y di ko matutulutan. Paanong ikaw ay mapahihintulutan kong matira dine?
—At itinataboy mo ako Maneng? Ngayong natapos mong simsimin ang kalataklatakan ng iwi kong dangal sa pagkababai ngayong ang aking bini ay nasaid mo nang lahat at napagpasasaan ay tulad sa isang hamak na laruan mo akong itatapon? Nasaan Maneng ang iyong puso? Nasaan ang iyong kalolwa? Lingapin mo ang aking kahinaan at huwag gamitan ng lupit.
Pagkasabi nito ni Mameng ay itinago ang mukha sa dalawang palad at tulad sa isang Magdalenang pinadaloy ang di mapigilang unang luha ng puso. Si Mameng ay isang babaing napakarupok.
Sinapupo ni Maneng na parang hinahatdang ginhawa na sinuklay ng kanyang mga daliri ang buhok na napalugay at parang nasisiyahang ibinulong ang gayaring lalang:
—Mameng. Talagang sa malalaking pangyayari na sa buhay ng tao ay sumasapit, ang luha ay madalas na manguna, upang ibalitang sa kabila’y namimitak ang maligayang araw ng ligaya. Aasahan mo Mameng ang katotohanang yaon, na sisikapin kong maging isang pangyayari.
—Maneng!...
—Oo Mameng, asahan mo; at ang pangako sa ganang akin ay utang na kinasasanlaan ng karangalan ko at di mangyayaring di ko pagbayaran sukdang ang buhay ko’y kailanganin.
—Maneng ang malabis na pangako ay hindi kailangan kung ang mabuting nasa ay siyang papamamayanihin.
—Ang aking pangako Mameng ay itaga mo sa bato, at si Maneng ay mawawala at di mo na makikitang muli pa kung magkukulang sa kanyang pangungusap.
—Salamat Maneng at pinaniniwalaan kong ang kahinaan ko’y di mo sasamantalahin upang maapi.
—Oh kailan ma’y di ko magagawa ang gayon.
—Ang mga luhang ito na iyong pinapahid nang napakasarap mong halik ay di na muling dudungaw, kung ikaw ay di magbabago sa iyong masuyong anyo.
—Hindi na dadaloy kung dahil sa akin. Asahan mo Mameng na di ako magbabago.
—Ngayon, ano ang ibig mong aking gawin?... Utusan [97] mo Maneng ang giliw mo at susundin kang pikit-mata, kahit na sa hukay ay lulusong ako nang boong kasayahan kung yaon ang linoloob mo.
Si Maneng ay natigilan sa lakas ng diwa ni Mameng. Hindi niya akalaing sa pag-ibig, si Mameng ay may isang pusong napakalaki at isang kaloluang napakatibay, kung laki ng puso at tibay ng kalolwa matatawag ang paubayang tumugon sa tawag ng pita.
Ang kangikangina’y inaari niyang isang PAMATID UHAW ngayon ay lumalaki sa kanyang malas at karapat-dapat manding sambahin.
Ang unang talsik ng pamimintuho ay naglalatang sa kanyang puso at di niya maapula ang paglalagablab. Tutupukin manding ang boo niyang katawan ng bagong karamdamang yaon na ngayon pa lamang dinadanas. Magpapatuloy yatang pamayanihan siya ng kagitingan ni Mameng.
Si Mameng sa harap ng pagwawari ni Maneng ay isang babaing uliran ng kapuwa babai. Isang babaing marunong paalipin ng ganapan sa udyok ng budhi at walang agam-agam na lulusong sa lalong malalim na bangin ng siphayo kung yaon ang linoloob ng kanyang pinagkatiwalaan ng kanyang dilag. Siya’y isang bulag na mangingibig.
Sa pagwawaring ito’y napagulantang na bigla si Maneng nang sa di kawasa ay nakaringig ng tangis ng isang sangol sa loob ng kanyang bahay.
—Ano yaon Maneng?—ang tanong ng dalaga na animo’y ginising sa isang mahimbing na pagkakatulog.—Ano yaong nariringig ko?
—Aywan, aalamin ko. Diyan ka munang sandali. Huwag kang lalabas hane?—At si Maneng ay lumabas sa silid.
At sa diwa ni Mameng ay gumuhong lahat ang mga pangaraping binubuko... Di yata’t sa bahay ni Maneng ay may isang sangol? Sino ang batang yaon, at sino ang kanyang ina, at bakit naroroon?
Si Maneng ay boong kapalaluan at poot na lumapit sa panauhin na di iba’t si Orang.
—Orang—aniya—Bakit ka naririto?
Si Mameng ay lumapit sa dako ng silid na kinaulinigan niya ng iyak ng sangol at pinakingang lahat na walang naaksaya ng salitaan.
—Oo, Maneng—anang babai—Magtataka ka na ako’y maparini, nguni’t ang pusong ina ay hindi lumilingon sa sasabihin ng mga tao. Naparito ako nang maidalaw ko sa iyo ang iyong anak yayamang di ka na nagkaloob na dumalaw sa amin. Ikinagagalit mo ba ang gayon?
—At di mo nahahalatang kaya ako hindi napaparoon ay nahayag na sa akin ang iyong lihim na ikinukubli sa aking kaalaman?
—Lihim ko?—ang taka ni Orang.
—Oo, ang lihim mong pakikipagsuyuan kay Yoyong.
—Kay Yoyong?... Oh!... Yao’y kabulaanan. Si Yoyong ay di ko sinisinta.
—Oo si Yoyong na isang kaibigang di marunong tumupad ng kanyang tungkulin. Si Yoyong na pinagkatiwalaan kong makatalastas ng ating pagsusuyuan. Doon ka nasungabang.
—Ang aking kapatid ang pinaguusapan—ani Mameng sa sarili—at kanyang inaalipusta. Oh iyan ay di ko dapat tulutan.—At handang lalabas, nguni’t mabubunyag ang isang pagkakataong parang tiniyap; na si Yoyong ang umagaw ng dilag ng kasuyo ni Maneng, at siya, si Mameng na kapatid ni Yoyong ay siya namang umugaw ng katahimikan ng kasuyo ni Orang. Kay lungkot na tungkulin ang ginagampanan nilang magkapatid sa dulang yaon ng buhay. Ang kaniyang kapatid ay siyang lumustay sa kalolua ng kanyang Maneng at siya nama’y siyang sanhi ngayon ng mga pagtangis ni Orang.
—Oh, iyan ay isang paratang na walang patunay, Maneng. Maghunos dili ka.—Ani Orang.
—At kulang pang patunay ang mga sulat na iniingatan mong higit sa isang mayamang kiyas. Bakit mo ilinilihim sa akin ang mga sulat ni Yoyong?
Namutla si Orang pagkabangit ng sulat. Yao’y di niya akalaing natuklas ni Maneng.
Tunay nga na ang mga sulat ni Yoyong ay iningatan niya, nguni’t si Yoyong ay walang maipakikitang sulat na sa kanya galing.
Pagkaraan ng isang saglit ay tumugon.
—Ang mga sulat ni Yoyong, Maneng ay hindi patunay ng aking sa iyo’y pagkukulang. Isinusumpa ko sa harap ng sanggol natin na ako’y tapat sa iyong pag-ibig, at kung naging kahinaan ko man ang paglilihim sa iyo ng mga sulat ni Yoyong ay dahilan sa pinagiingatan kong huwag kang dalawin ng sukal ng loob. Talastas ito ng langit, Maneng, na ako’y hindi nagkukulang sa pagtatapat sa iyong pag-ibig.
—Di ka nagkulang ng pagtatapat, pagkatapos magkaroon ng lihim sa akin? Ah! Orang ang kasalanan mong ginawa ay walang patawad. Humihiyaw sa langit at humihingi ng parusa.
—Hinahamon kita Maneng na makapagharap sa akin ng isa man lamang sulat ko kay Yoyong; kung ito’y magawa mo bagay na di mangyayari ay igawad mo ang parusang minamarapat mo sa akin.
—Hindi kailangan yaon Orang. Si Yoyong ay maaaring pinagbilinan mong sunuging lahat ang mga sulat mo sa kanya lalo na nang matalastas mong ang mga sulat niya ay natutop kong lahat; at sa pagka’t siya’y ninibig ay sinunod ka niya marahil sa iyong samo. Ano nga ang kailangan na bungkalin ko pa ang baho na iyong ilinilihim?
—Ah! Maneng, tapatin mo na sa akin na ako’y iyo ng pinagsawaan. Na, diyan sa loob ay may isang babai na higit sa akin at aapihin mo rin kung siya’y pagsawaang gaya ko. Nguni’t talastasin mong kawawa naman ang ating sangol. Lingapin mo sana siya. Siya’y dugo ng iyong mga dugo; buto ng iyong mga buto at hinog na bunga ng ating suyuan. Lingapin mo si Nene—at humagulgol ng iyak.
—Namamali ka Orang. Kaming lalaki ay hindi nagaanak, sa pagka’t yao’y di itinulot sa amin ni Bathala. Ang anak nga ay iyo; wala akong alinlangan noon—ang aglahi.
—At itinatakwil mo si Nene?
—Siya’y iyong tunay.
—May lakas kang magtakwil sa sangol na itong buhay mong larawan?
—Ipinaglihi mo marahil siya sa akin.
—Oh lubos na yan. Maaari mo akong dustain, maaaring ang sumpa ay ibabaw mo sa akin kung naging kasalanan ko ang malabis kong pagiingat na ikaw ay dalawin ng masamang sandali, nguni’t dustain mo ang walang malay nating sangol, ito’y isang kalupitang di ko matutulutan. Ikaw ay isang amang walang kalolwa.
—Nang wala ng maraming salitaan, ay mabuti pa Orang na umuwi ka na at bayaan mo akong tumahimik. Hindi dapat pagtalunan ang bagay na yan.
—Oo, babayaan kitang tumahimik sa piling ng iyong bagong Bathala na naririyan at saksi ng ating salitaan ngayon; talastasin niya na siya’y babai din at magiging ina rin siyang paris ko at kung ang palad ko’y kaniyang sapitin ay siya at ako’y magkakasama din sa dagat ng walang pangpang ng pagtangis ng puso.
—Sulong na Orang—napakahaba ng sermong yan. Nalalaman mo nang sa iyo at sa akin ay pitong matatarik na bundok ang namamagitan. Hindi ka na nga dapat pang lumapit sa akin gaya ng ako’y di magkakamaling lalapit sa iyo. At tayo’y kapuwa patawarin ng Panginoon.
At tinawag si Gorio pagkatapus at aniya:
—Gorio. Ihatid mo ang babaing ito sa pintuan.
At sinabayan ng tindig ng boong kapalaluan at tinalikuran ang kulang palad na babai.
Ihinatid ng malas hangang pintuan at anong laking pagkamangha ng makitang ang SUPERSIX na kanyang ihinandog kila Nati ay tumigil at si Selmo at Yoyong ay nanagsilunsad.
N APAURONG si Orang nang masalubong ang nangagsidating na baga mang nangakabalatkayo ay walang antifas at bilad na ipinakikilala ang kanilang mga mukha.
Si Yoyong na lalong mukhang hangal nang mga sandaling yaon si Nati na animo’y larawang lilok na nagbabadha ng PANGANIB , at si Selmo na sa gayong mapanganib na pangyayari ay tahimik na tahimik na animo’y walang anomang malaking bagay na nangyayari ay sunodsunod na lumunsad.
Si Mameng sa kabilang dako ay gulilat na sumaklit sa leeg ni Maneng na noo’y nasok sa silid.
—Mameng—ang anas—Ang sigwa ay dumarating.
—Nalalaman ko nang lahat Maneng. Nalalaman kong ang puso mo’y linuray ng babaing yaon na kinatulong ni Yoyong na kapatid ko sa paghukay sa libingan ng iyong puso. Ang kanilang kamalian, ó sa malinaw na sabi, ang kasalanan ng kapatid ko sa dulang ito ng buhay ay binayaran ko na ng labis at labis.
—Yaon Mameng ay naligtasan na natin. Si Orang ay yumaon na tumatangis at nagugunita marahil ang kaniyang pagkakamali na ako’y kanyang paglaruan; nguni’t siya rin ang hangal sa kanyang sarili; ang kanyang palad ang kanyang pinaglaruan at siya rin ang humukay ng libingan ng kanyang pag-asa. Nguni’t si Anselmo, si Nati at si Yoyong ay narito na [102] at tayo ang pakay—at ang dugtong—Ayoko nang ako’y kanilang abutan. Wala akong mukhang ipakikiharap sa kanila kung aking mababasa sa kanilang anyo na sila’y may hinala sa GINAWA natin.
—Ay paano ang mabuti?—ang tanong ng dalaga.
—Lumabas kang agad at ikaw ang bahalang magtangol ng karangalan natin. Sabihin mo ang lahat mong naringig kay Orang at sabihin mo ring ako’y yumaon upang sila’y paghanapin. Magsinungaling ka kung kailangan. Gamitin mo ang lahat ng paraan upang maligtas ang ating puri.
At si Mameng ay lumabas pagdaka, samantalang si Maneng ay nagkubli sa isang sulok na kanyang mapagtataguan; sulok na malapit sa kabahayan at nagtutulot na kanyang maringig ang lahat ng paguusapan. Ang sulok na kinalagyan ni Mameng. Nagpalit sila ng papel; ngayo’y siyang makikingig ng paguusapan.
Sina Selmo at Nati ay nakiyat samantalang ang ugaw na si Yoyong ay sumunod kay Orang sa nasa marahil na gumanti sa kapanganibang kinatatayuan ni Mameng at kahit na sa sapantaha man lamang ay pagkasanlan siyang kasintahan nga ni Orang.
—Aling Orang—ang bati ni Yoyong—Pahintulutan ninyong kayo’y maihatid at nang maipagtangol ko kayo sa aglahi ng mga balat-kayo.
—Salamat po. Hindi ko po kailangan ang inyong pangangalaga.
—Bakit naman aling Orang.
—Aba!... Nakayayamot naman ang taong ito—ang asik ni Orang—Sinabi ko nang hindi ko kailangan ang inyong pangangalaga eh.
—Lason ba ako sa inyo, aling Orang. Ngayon pa naman na ang paninibugho ni Maneng ay nagtatagumpay na ng ganap...
—Huwag nga kayong maulit. Kagisagisa ninyo’y...—at pinukol ng irap.
—Ngayon pa namang handang handa na akong maging ama ng iyong sanggol... Ay! aling Orang, kung ipahihintulot [103] mo po lamang ay asahan mo pong aking aariing akin ang sangol na iyan.
—Sinabi ko na mang Yoyong na huwag kayong makabuisit eh... Para naman kayong aso na susunod-sunod sa akin. Manong lumayo kayo—at tinulinan ang lakad na parang hinahabol.
Si Yoyong ay nagmadali ring sumusunod; nguni’t napansin yata niyang napakapangit ang kanyang papel na tinutupad kaya’t nagbalik na pumisan sa kanyang mga kasamahan na nagsituloy sa bahay ni Maneng.
Walang kapangit-pangitang tanawin gaya ng inasal ni Yoyong na susunodsunod sa isang babai na sa kanya’y naririmarim at binayaan sa kapanganiban ang kapatid niyang gaya ng isang sisiw na dinagit ng limbas.
Inabutan niyang nangagkakaumpok doon ang nangagsidating at ang dinatnan, at samantalang parang inaantabayanan nila si Maneng ay nangaguusapan ng malakas at pangkaramihan.
—Eh ano ang nangyari sa inyo Mameng—ang tanong ni Nati.
—Ang mga apache na gumulo sa atin ay kasalukuyang namamayani at ako gaya ng dapat ninyong sapantahain ay napalayo nang napalayo at ninanasa ko mang masagasa ang kapal ng tao ay di nagawa nang aking kahinaan at sa takot namang malamog sa nagaalimpuyong kapal ng tao. Walang ano-ano ay isang pierrot ang lumapit sa akin. Ipinakita ang kanyang singsing, ihinandog sa akin ang kaniyang bisig at ibinulong sa akin ang gayari:
—Araw natin Nati. Hindi ko nawatasan ang kahulugan noon. Ako’y kanyang isinama—ang patuloy ni Mameng—Sumakay kami sa auto at; naku! Ang aking puso’y sumisikde ibig ko nang pakilala, nguni’t umaali pa rin sa akin ang bisa ng pagbibiro. At sumapit kami dini na hindi pa niya ako nakikilala.
—Si Maneng naman—ang dugtong pa rin—ay isang lalaking may dangal, pagdating namin ay dahan dahan niyang inalis ang aking kulubong at nang makilalang ako ang kanyang inakalang si Nati ay napaurong at anya’y: Ikaw ba Mameng. [104] At di ako nakapigil ng pagtawa, nguni’t siya ay walang malamang gawin. Wari sinalakay siya ng kahihiyan at sumamo sa akin ng gayari:
—Mameng!... Patawarin mo ako. Isang kamalian itong dinaramdam ko ng labis, nguni’t paano kaya ang mabuting gawin? At nang palulugdan na niya ang hatol kong kayo’y hanapin ay sa darating ang isang babai. Isang ina na kandong ang kanyang sangol at itinututol ang kanyang katuwiran. Nguni’t ang inang ito’y isang TAKSIL sa pag-ibig at ¡Oh! Yoyong ikaw ang katulong niyang lumuray sa puso ni Maneng.
Si Yoyong ay nagwalang bahala.
—Oo, Mameng nalalaman ko na ang buhay na iyan—ani Nati—huwag mo nang buklatin. Ang mga sulat ni Yoyong ay nasa akin at iniingatan ko, sa pagka’t siyang patunay sa akin ni Maneng na siya’y walang anomang katungkulang dapat gampanan kay Orang.
—Orang!...—ang ulit ni Selmo na parang gumuhit sa kanyang gunita ang larawan ng magandang fondista .
—Eh paano—ang dugtong ni Selmo—hihintayin ba natin si Maneng?
—Bakit hindi?—ani Nati.
Noo’y sapapasok ang isang tao na sa kanyang anyo, ang kapangahasan ay makabakas. Siya’y isang kagawad na lihim.
Ang bagong dating ay tumanong.
—Si mang Maneng po ay saan naroroon?
—Bakit po Ginoo? Siya rin po naming inaantabayanan.
—Wala pong ano man, may isang tao po silang ipinahatid kangina sa Pagamutan at dahil dito’y kailangang humarap sila sa kagawaran namin, upang managot sa harap ng Hukuman sa kasalanang Maltrato de Obra .
—Bakit po kaya?—ani Selmo—Bakit po kaya?
—Dahil po sa politica marahil na kanilang pinagtalunan ng boong init.
—Pagdating po’y sasabihin namin.
—Inaasahan ko pong ako’y hindi nila itatayo sa kahihiyan; ang bilin po sa akin ay dakipin ko sila; nguni’t inaasahan kong ito’y di kailangan at bukas ay haharap sila at ang [105] kanilang tagapagtangol upang lutasin ang usap na ito, na sa palagay ko’y multa lamang ang kailangan.
—Mabuti na lamang kung magkakagayon.
At ang panauhin ay yumaon pagkatapos magpaalam nang boong galang.
At ang magpipinsan ay yumaon na rin; nguni’t nagbilin kay Gorio na paparonin si Maneng pagdating na pagdating o pagkaumaga kung umuwi nang malalim na ang gabi.
Si Nati samantala ay hindi naniniwala sa kuwento na boong kabihasahang ipinahayag sa kanila ni Mameng. Ang pusong ninibig ay panibughuin at ang panibugho ay dumadagang kasalukuyan kay Nati.
—Ako ang may sala—anya sa sarili—Kung hindi ko naisipan ang masama at mapanganib na biro na ang saplot ko’y siyang isuot ni Mameng, disin di nangyari ang kung ano man ang nangyari.
At boong magdamag halos na naguusisaan ang magpinsan, nguni’t si Mameng ay lubhang maingat na di tinulutang mahalata ni Nati na siya’y nahulog sa kamay ni Maneng, bagkus pinatitingkad niya ang katayuan ni Orang na lubhang kawawa bagaman naniniwala siyang yaon ay salarin .
Nguni’t sa kabila noon, kay Mameng ay naglaho mandin ang liwanag. Ang mga pangako ni Maneng ay parang nakikinita niyang sa tubig lamang napaguhit. Hindi naman tumpak na ang kaligayahan ay agawin niya kay Nati.
Natatayo siya sa isang kalagayang alanganin, at, walang wala nang nalalabi sa kanya kungdi ang bakas ng yumaong pagkasungabang.
M AGDAMAG na papihit-pihit si Maneng sa kanyang malambot na hihigan; ginugunita ang magusot na suliranin ng buhay na likha ng pagkakataon. Ang kanyang maling sapantaha kay Nati na inakala niyang siyang naggawad ng imperdible ay bumabalisa ng gayon na lamang; at sa isang kapusukan na hindi niya pinagtatakhan, si Tomás ay nasa pagamutan ngayon at siya ang dahil. Pagkakataon din ang naghatid sa kanya upang si Mameng ay samyoing di kinukusa, at ang palad na di pa nasisiyahan mandin ay iliniwanag pa sa kanya ang magusot na kasaysayan ng imperdible na nang magkalupit-lupit ay ang babaing ngayo’y asawa na niya bagaman lihim na lihim ay siyang di tapat sa kanyang pag-ibig at pangalang kanyang ikinatiwala.
Mga pakana ito ng magusot niyang palad na naghahatid sa kanya sa pook ng lagim, bagamang siya’y kasalukuyang lumulutang sa mga alo ng kapanahunan.
Parang isang mahabang pelikula na humaharap sa kanya nang gabing yaon ang kapalaran ng mga birhen niya, na may iba’t ibang anyo at kiyas.
Si Orang at si Binay na kakampi ng kataksilan sa kanyang mga malas ay nasa kabilang dako. Tumatangis ang una na nakayupyop sa kanyang sanggol. Si Binay ang pangalawa ay nagagalak na ipinagwawagi ang kasulatan ng kanilang pagiisang puso.
Sa kabilang dako ay si Nati na natutupok sa panibugho [108] dahil sa pangyayaring di inaantabayanan nang gabing yaon, at ang kulang palad na si Mameng ay walang ibang panimbulan sa lawak ng pagkasawi kungdi ang tangisan ng lihim na lihim ang kanyang pagkapariwara.
Wala siya nang kaligayahang makahayag man lamang at makapagsabing Ang makata ko ay si Maneng .
Nagsisikip sa ulo ni Maneng ang kaniyang kapalaran na napakagusot at anya sa sarili: Kung si Orang ay naging isang babaing tapat, sana’y natipid ang pagdaloy ng maraming luha; sana’y kakaunting puso ang tumangis at kaipala’y di ako ang sanhi.
At pinilit na hinanap si Morfeo , nguni’t ang Diyos na yaon ng pag-idlip ay mailap sa kanya at magdamag siyang pinagtampuhan.
Si Nati ay balisang balisa rin, ibig niyang makita si Maneng. Ibig niyang mabasa sa anyo noon ang bakás ng mga nangyari ng gabi ng mga BIRO . Ibig niyang maringig na muli pa ang bulong na: INIIBIG KITA sa kabila ng hinala na ang imperdible ay ibinigay niya kay Tomas, yaong binatang pagkakilala na niya ay panay nang sigalot ang dulot sa kanilang kalagayan.
At si Nati ay nagtindig at sumulat kay Maneng ng gayari:
“Maneng niyaring buhay:
“Magdamag akong di pinatulog ng pangyayaring nagdaan.
“Talaga nga yatang sa pagkakamali nagbubuhat ang ikinasasawi ng tao.
“Nagkamali ako ng pagkagawad ng imperdible na ala-ala mo sa akin, sa babaing nasawi na ating nabangga noong paroon tayo sa Marilao, kamaliang naghatid sa iyo sa isang panibughong lihim hangga sa mabulalas at isang kulang palad ang natampalasan. Ito’y natanto ko kay Mameng.
“Nagkamali akong muli nang pakikipagpalit ng balatkayo sa aking pinsan, at kamaliang naghatid sa akin sa nalalaman mo na di ko ikaidlip sandali man.
“Parini kang agad Maneng ko at pabulaanan mo ang aking mga sapantaha. Kawawa naman si Mameng na hindi ko pa pinaniwalaan kahit na ano ang sabihin sa akin. Kung bakit bumigat [109] na biglang bigla ang loob ko sa kanya, gayong kung siya ay napanganyaya man ay walang ibang may kasalanan kung di ako.
“Parine ka Maneng sa lalong madaling panahon at hanguin mo ako sa lawak na ito ng kapighatian.
“At ako’y may ibabalita sa iyo na isang malaking bagay na iyong ikagagalak. Hindi ko maipagkatiwala sa liham ang lihim na ito. Ibig kong basahin sa iyong mga mata ang dudungaw na ligaya kung ang balitang ito’y iyong tanggapin.
“Hulaan mo Maneng kung anong mabuting balita yaon, at sa unang pagkikita natin ay siya mo agad sabihin sa akin, hane?
“Pipilitin kong huwag mahalata ni Mameng na ako’y nagaalinlangan sa kanyang kalinisan at kung nais mong mailigtas siya sa maling sapantahang ito ay parine kang agad at pabulaanan mo nang mawala sa aking gunita ang makasalanang paratang na tumutupok sa aking kalolua.
“Tanggapin mo ang talagang iyo lamang na ala-ala ng iyong”
NATI
At pagkaumaga’y dalidaling dumalo si Maneng sa tahanan nina Selmo, pagkatangap ng liham.
Si Mameng ang tinamaang unang-una ng kaniyang malas, ang mukha ay namamarak at mandi’y magdamag na naglamay.
Kawawang si Mameng na hindi man lamang maisilay ang titig sa makisig na binata.
Sino ang makapagsasabi na ang binatang yaon ay siya na lamang laman ng diwa ng apat na dalagang bayani ng ating kasaysayan?
At sino ang di maniwala sa mga lalang ng panibugho sangayon sa iba’t ibang anyo na dinadanas ni Maneng?
Kung nababasa lamang natin sa mga pangyayari ang mga bunga ng maling hinala, kaipala’y iniwasan natin na huwag tayong maging parang isang kasangkapan na iyinayari ng Tadhana ng kapangyayaan ng mga walang malay na madalas na maging sawi.
Disin ay naiwasan nating ang maraming kalunos-lunos na pangyayari na pawang utang sa mabilis nating hatol.
Di naglipat sandali at dumating si Nati at ang dalawang puso’y nagkaniig:
—Ako’y binalisa ng iyong sulat Nati, at narito ako upang hugasan agad-agad ang marurumi at makasalanang sapantaha mo laban sa kulang palad na si Mameng . Siya ay isang matimtimang babai, tapat na pinsan at taga-pagtanggol mo tuwina. Nalalaman mo bang may kasalanan ka sa akin?—Si Maneng nang mga sandaling yaon ay guro ng kabulaanan.
—Ano yaon?
—Ang imperdibleng gawad ko sa iyo ay hindi mo minahal dahilan lamang sa galing sa akin. Ano?
—Maneng, huwag mong sabihin yaon. Ang imperdible ay ipinagkaloob ko sa babaing kamuntik mo nang mapatay. At bagaman ako’y nabigla nang pagkakaloob ng isang bagay na ala-ala mo, ay inaasahan kong yaon ay di mo dapat na ikagalit.
—Kung hindi ipinaliwanag sa akin ni Mameng, disin ay sinumpa na kita. At talagang iliniligtas din tayo ni Bathala; at kung nagkataong ikaw ang aking natagpuan nang mga sandaling [113] yaon na si Tomas ay pinagulong gulong ko sa palamigang “ La Campana ”, kaipala’y nalagot ang tanikala ng ating pagiibigan; nguni’t nakatagpo ka ng isang tagapagtanggol: si Mameng.
—Salamat na lamang Maneng at naniwala ka, disin ay naging sawi ako kung napadala ka sa iyong maling sapantaha. Maala-ala ko Maneng, nahulaan mo ba ang aking ibabalita sa iyo?
—Ano yaon Nati, tunay na hindi ko mahulaan. Ano kaya yaon?
—Ilapit mo ang tainga mo at aking ibubulong...
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
—Nakú?...
Si Maneng ay parang binusan ng tubig sa balitang tinanggap.
—Oo,—ang dugtong ni Nati—at kinakailangang lutasin mo kung kailan natin pagiisahin ang ating puso nang huwag mabunyag ang lihim. Kailan tayo pakakasal?
Kung isang lintik ang bumagsak sa harapan ni Maneng ay di marahil nabahala ng gayon na lamang; ngunit....... ¡Ama na naman!... At kailangang pakasalan si Nati, upang maikubli ang lihim na yaong nagtitimpalak ng kanyang kasalanan.
Si Selmo ay mahal ni Maneng at di ibig dulutan ng anomang sama ng loob, dangan at ang puso niya’y napakarupok sa harap niyang Bathalang may laman at may buto, at may mga ngiti at titig na naghahatid sa lalaki hanggang sa kahamakhamakang kalagayan.
Paano ang kasal nila ni Binay? yaong inaakala niyang taksil na asawa, at lilo sa pagibig ay siyang may ganap na karapatan sa kanyang palad.
Ang mga batas ay napakalupit sa ganitong mga kasalanan, kaya’t di siya nakasagot kay Nati, at anya pagkaraan ng ilang saglit:
—Bahala na...—at napaalam na parang may humahabol. Nagmamadaling yumao.
At ang bulong sa sarili:
Bakit walang Batas na nagsasauli sa dating kalagayan ng lalaki kung ito’y pinagtataksilan ng asawa? [1] .
Sukat na ba ang ipagbunyagan na siya’y isang sungayan , sa pamamagitan ng pagbibilanggong ilang taon na hindi naman lumalalo sa kahatulan lamang ng Hukuman na takda ng mga batas pagka’t kinakalag naman pagdaka ng Gobernador General sa pamamagitan ng pagpapatawad? [2] .
L INISAN si Nati sa isang alanganing katayuan. Ang puso niya’y nanggigipuspos at sisinghapsinghap sa dagat ng sakit.
Bakit hindi man lamang siya tinugon ni Maneng? Bakit yumaong sakbibi ng lungkot? Bakit di linutas ang kanyang kahilingan?
Ngayon pa namang ibinalita niyang ang bunga ng kaniyang kasalanan ay tumitibok na at nagtitimpalak, at di na malalaunan ay sisilang.
Gaanong kalunos-lunos na sandali ang bumibigti sa puso niyaong kulang palad na bihag ng malupit na pag-ibig ni Maneng!
May mga tao na likhang talaga mandin upang maging sanhi ng kapahamakan ng kanyang kapuwa at sa ganitong pangyayari palibhasa’y nagiging kasangkapan siya ng tadhana upang sawiin ang may maiitim na palad ay di naman niya matuklas ang katahimikan.
Sa mga ganitong likha ay kabilang ang kasuyo ni Nati, ang sanhi ng mga luha ng kulang palad na si Orang, ang kasawian ng dapat maging mapalad na si Mameng, at ano ang malay natin kung siya ring maging dahil ng mga maiitim na sandali ng masayang si Binay.
Nagkulong si Nati sa kanyang silid nang huwag mahalata ng kanyang mga kasambahay ang kasalukuyang pagbabakang nagwawasak ng kanyang puso, nagpapalumo sa kanyang kalolwa [116] at gumugutay sa lahat ng ginintuang pag-asa na kinalaro-laro tuwina ng kanyang diwa.
At nang siya’y nagiisa na at wala ng kinatatakutang malas na makapapanuod ng kaniyang pang-gigipuspos ay binigyang laya ang dalamhati sa pamamagitan ng luhang naguunahan sa kanyang mga mata, mga unang luha ng kalolwang naghihingalong kasalukuyan dahil sa dagok ng sakuna na lalang ng isang kapangyarihang lumilikha ng mga kapinsalaan ng palad.
Anang ibang talaisip ang luha daw ay siyang buntuhan ng dalamhating umiinis sa atin kung ang puso ay nalulunod na sa kadalamhatian, kaya’t ang luha’y siyang dagliang dumadaloy kung ang ating katawan at kalolwa ay inuunos na ng sakuna.
At ang kulang palad na si Nati na pinahihirapang kasalukuyan ng pagaalanganin ni Maneng ay nangungunyapit na kasalukuyan sa maiinit na bagting ng tanikala na dulot sa kanya at isinilo ng Anangki niyang nakapangingilabot.
Si Maneng namang yumaon na ay tulad sa isang sasakyang walang ugit; susuling suling na hindi matukoy kung anó ang dapat na gawin.
May mga taong mahihina at agad sumusuko sa mga bayo ng dusa at kung magkabihira’y walang ibang pinagbubuntuhan kundi ang kabiglaanan, dagliang hatol o ang dagliang pagbibigay sa mga udyok ng pita. Sa diwa ni Maneng ay nagsulpot-sulpot ang mga ala-ala niyaong mga sawi na nagpapatiwakal dahil sa pag-ibig.
Sa lahat ng yaon ay walang mapili si Maneng na dapat niyang uliranin. Nasusuklam siya sa palad nang mga nagpapatiwakal na kanyang binabawan ng tawag na duwag at nangagsisitalikod sa katungkulang banal ng tao na makibaka sa buhay.
At boong tapang na tinungo ang kanyang tahanan at nagkulong din sa kanyang silid at yao’t ditong di mapakali, na sinusukat ng kanyang banayad na hakbang ang maaliwalas niyang pahingahan.
—Paano ang mabuti kong gawin?—Ani Maneng sa kaniyang sarili. [117] — Pakasal na muli kay Nati pagkatapos ng kasal kay Binay, ay ganap na pagpapatiwakal din sa kapisanang ito na aking pinakikipamayanan. Kami’y may mga batás na napakalulupit sa ganitong paglabag. Bakit ba’t di pa ako sa mga bayang tumatangkilik ng Poligamia sumilang? Disin ay di ako naghihirap ng paglutas ngayon nitong magusot na suliranin ng aking buhay.
At napatigil na sumandali; lumikmo sa kanyang maringal na likmuan at pinagwawari ang dapat na gawin.
Mayamaya, ay napatampal sa hita at aniya:
—Lutas na ang suliranin kung papayag ang Pastor na nagkasal sa amin ni Binay. Ano ang mawawala sa kanya kung ang talaan ng aming pagkakasal ay mawala halimbawa? Ang salapi ay isang mainam na panilaw. Atuhan natin sa paraang ito. Limang puong libong bagay ang kay daling lutasin, nguni’t ang tao ay napakahangal na sa isa lamang dito, ay natutulig na, at di magkatuto ng paglutas.
At nagmadaling nagbihis.
Sinidlan ng maraming salaping papel ang kanyang kalupi at nagsilid sa dalawang sobre ng tiglilimang daang piso na handang pansuhol sa Pastor ng Iglesia Metodista na kanyang handang upatan.
At nanaog na daglian, nguni’t nasalubong siya nang cartero na nagabot sa kanya ng isang sulat.
Lumulan sa kanyang auto na laging nakahanda at doon na binasa ang liham pagkatapos maipagbilin kay Ikong na paroon sa bahay ng Pastor, sa Avenida Rizal .
Gayari ang nasasabi sa liham:
“Maneng ko: Parine kang agad at nang maaga tayong makabalik at ang tatang ay darating daw ngayong hapon.”
“Kung pahintulot mo ay ihayag na natin sa kanya ang lihim nating pagiisang puso.”
“Siya ay isang taong marunong maghunos dili at kung kanyang makita na huli na ang kanyang tutol ay maaasahan nating ang kaniyang pakikiayon sa atin, bagamang hindi na yaon kailangan.”
“Mabuti na rin ang walang pinangingilagan at inaala-ala. Ano ang sabi mo Maneng?”
“Ako’y uhaw na uhaw sa iyong masuyong alo na inaasahan kong di mo ipagkakait sa iyong tapat at tuwina’y mairuging asawa.”
BINAY.
Sinabayan ng punit ang liham, pinaggutay-gutay at ipinalipad sa hanging humahagunot sa matulin niyang sasakyan.
At ang sabi sa sarili:
—Tapat na asawa!....... Kung ang lahat ng tapat ay gaya niya, ay baligtad na ang daigdig. Wala ng taksil; wala nang maituturing pang pagkakanulo sa puring dapat na ingatan at mahalin tuwina...... ¡¡Tapat na asawa!!.......
At ang bali—Hindi ako pahahalata. Makikipagkita ako kay Binay at kung siya’y madaya ko yamang ako’y dinaya din lamang niya, ay walang salang di magiging mapalad ako sa piling ni Nati.
Samantalang ito’y nangyayari si Nati naman sa gitna ng gayong dagok ng kapighatian ay waring walang ikakaya at ang kaniyang pihikang katawan ay linulupig ng dalamhati.
Ang ulo niya’y parang iginigiba sa paniwalang siya’y pinaglalaruan ni Manéng at di siya marahil nasang pagtapatan. Ang paniwalang si Mameng ang siyang pinaguubusan niya ng suyo at sanhi ng gayong alinlangan ay uutas mandin sa kanyáng buhay.
At ngayon pa namang ang kanyang kalagayan ay napapanganib.
Ang lagnat ay katulong din namang sa kanya’y gumagahasa at mahina palibhasa ang loob at mairugin tuwinang magbasá niyang mga balitang “ nagpatiwakal dahil sa pag-ibig ” ay nagwawaging kasalukuyan sa kanyang diwa ang nasa na magkitil ng sariling buhay.
At gaya ng ibang hibang na sumusulat muna bago pugtuin ang hininga ay hinawakan ang panitik at ang inaakala niyang HULING PATI ay itinitik:
KAY MANENG
“Ang di mo pagtugon sa aking ilinatag na suliranin sa iyo na di mo linutas; Ang katayuan kong talastas mo na ; Ang iba’t ibang pangyayari na alam mo na rin, na siyang nagudyok sa iyo ng pagbabalintulot. Ang lahat ng ito ay tulong tulong na humahatol sa akin na dapat na akong magpahinga .
“Kung ang sulat na ito ay sumaiyong kamay, kaipala’y ang kaluluwa ko’y kaharap na ni Bathala upang kanyang litisin.
“Yayaon ako Manéng na taglay ko ang maningas na pag-ibig sa iyo na ipinunla mo sa aking puso. Ang ating... ay di na tunay na malaking kahihiyan natin.
“Iligtas ka ng Panginoon sa anomang kapanglawan at sa libingan ko’y ilagay mo lamang ang gayari:
“ Isang kulang palad na ayaw maging iná ng isang anak na walang amang tatawagin ”.
Si Mameng ay parang tinutupok sa anyo ng kanyang pinsan na pagkaumaga na’y di man lamang siya kinakausap, at sa hinala na baka may ipinahahayag na si Maneng na sanhi ng gayong pagwawalang imik ni Nati, ay di siya mapalagay. Waring siya’y napapaso.
Sapagka’t si Nati ay nagkulong sa kanyang silid ay ginahis din si Mameng ng ugaling babai na tumaho ó magnais na tumaho ng lihim ng ibá, kaya’t sinilip niya sa butas ng susian ng pintuan kung ano ang nangyayari sa loob ng silid.
At ang kanyang nakita ay ang pagsulat ni Nati ng kanyang liham. Nakita ni Mameng na binabasa ni Nati ang kanyang sulat at pagkatapos ay nakita niyang may binubuksang isang kahita at doo’y kumuha ng isang pastillas na pikit matang isinamual. Sa kahita ay ang mapulang bungo ang napapansin.
At naramdaman yata sa lasong isinamwal na kasama noon ang kamatayan ay napahindusay na agad na ang dalawang kamay ay napabitin na parang pinanawan ng lakas.
Napahiyaw si Mameng ng ubos lakas at ang tanang kasambahay ay nagkagulong dumaló sa silid ni Nati.
Kay lungkot na tanawing nagbabalitang ang bahay na yaon [120] ng katahimikan ay may isang panauhing kakilakilabot: Si Kamatayan.
Dumalo si Anselmo at si Mameng na sinaklulohan ang hibang na si Nati na sa pagkagulat ay bumagsak sa hihigang walang diwa at hawak sa kamay ang tagasiwalat ng lihim na kanyang huling liham.
Binasa ni Anselmo ang liham na nagbubunyag ng pagtatapat ni Nati at nang kakilakilabot na gagawin na ginanap na at nang ito’y natalastas ay isinalokbotan ang kalatas nang huwag matalastas nino man.
Ipinagbilin ni Selmo kay Mameng na huwag hihiwalayan si Nati ano mang mangyari, samantalang hindi siya dumarating at tinungo ang tahanan ni Maneng na sanhi ng lahat ng yaon pagkatapos na matawag si Dr. F... upang dumalo nang daglian sa kanilang tahanan.
At dinatnan ng Doctor na pinagaagaw si Nati, at sa bibig na bumubula ay dinudukot ni Mameng ang lason na nadurog na at animo’y gabok na mapula na kanyang hinuhugasang palagi kung sa kanyang kamay na idinudukot sa bibig ni Nati ay pumigta ang sublimado corrosivo na nagdadanak sa laway ng nagpatiwakal.
Pinainom ng pangpasuka ni Dr. F... at sa panahon, ay pinalabas sa kanya ring pinasukan si Kamatayan na piniging ni Nati upang siya’y ilipad na sa bayang payapa.
Si aling Tayang ay walang malamang gawin at gahol na gahol na pinatawag si Yoyong ng Pare.
D UMATING si Maneng sa bahay ng Pastor at doo’y humingi siya ng pahintulot na sila’y magkaniig lamang. At siya’y pinahintulutan at malugod na tinanggap.
—Ako’y naparine mahal na Pastor—ani Maneng—upang makipagtalastasan sa inyo ng isang bagay na bagamang maselang ay kailangang lutasin agad.
—Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Ginoo?—ang tugon ng Pastor.
—Ako po ba’y inyo pang naaala-ala?
—Patawarin po ninyo ako kung ako’y may mahinang pananda. Kayo po ba ay sino?
—Lalo pong mabuti na huwag na ninyo akong makilala.
At dinukot ang isang sobre na kinalululanan ng dalawang puo at limang Mayon at isinakamay ng Pastor.
—Mabuti mahal na Pastor ang magkatalastasang agad. ANG PANAHON DAW PO AY GINTO ANANG MGA INGLES.
—“At talastasan daw pong pagbasa ay sinigang manding may lasa” anang salawikain—ang tugon ng Pastor samantalang binubuklat ang mga dadalawampuing piso na sadyang ihinanda ni Maneng upang bulagin ang Pastor at magamit niyang kagaya ng isang kasangkapan sa kapakinabangang sarili.
Pagkatapos na mabilang ng Pastor ng boong ingat ay inalis ang salamin sa mata na nakasasagabal mandin kung wala siyang ginagawa at aniya:
—Limang daang piso!.....
—Opo, limang daang piso, na inyong tunay—at dumakot pang pamuli at iniabot sa Pastor ang isa pang sobre.
At binilang pang pamuli ng Pastor ang bungkos ng salapi:
—Isang libong piso po ang kabuoan.
—May matuwid kayo at iyan ay ipinadadala sa inyo ng isang kaibigan ko, bilang kapalit sa isang bagay na hihilingin naman.
—Ano po yaon—at binitiwan ng Pastor ang salapi na pinatawan ng isang pabigat upang huwag manambulat at humingi ng kalayaan kung pahiramin ng hangin ng kaniyang pakpak.
—May isang Ginoo po na ikinasal ninyo ng lihim dini sa isang binibining taga Lalawigan.
—Ay ano po?
—Ang kasulatan po ng kasal na yaon ay nasang mawalan ng bisa o punitin ninyo kaya nang wala ng matunton; at katumbas po noon ang salaping yan na bilang papala sa inyo....
At ang dugtong pa ni Maneng:
—At maaasahan po ninyo ang bulag na pagkakalinga sa inyo ng isang makapangyarihang kaibigan na magagamit ninyo sa panahong kailanganin.
—Mahirap pong totoo ang nasa ninyong bilhin, Ginoo, at di ko po kayang gampanan; kaya’t likumin mo pong muli ang salaping yan na hindi makakatumbas ng nasa ng inyong kaibigan na aking gawin.
—At isang libo pa po na idaragdag ko mahal na Pastor upang mahango kayo sa pagaalanganin. Isipisipin mo po ng banayad.
—Huwag na kayong mabahala Ginoo—anang Pastor ng buong katiwasayan.
—At aayaw ninyong tanggapin ang handog kong ito?
—Itago mo po at marahil ay kakailanganin ninyo sa mga araw na haharapin o sa ibang bagay na lalong mahalaga.
—Labis po sa akin ang salaping yan, at di yan ang lalong dapat panghinayangan. Ang kalinga ng isang kaibigang makapangyarihan ay di madaling makita sa buhay na ito.
—Tunay po Ginoo; nguni’t lalo pong mahirap na hanapin ang isang payapang budhi.
—At kayo po ba’y natatakot sa ano man? Yaon po’y isang himaling lamang at di sa nasang makaligalig kangino man. [123] Huwag nga kayong magala-ala na ang Hukuman ay makikialam sa bagay na ito.
—Hindi po ako nababahala sa mga Hukuman, hindi rin ako natitigatig sa kalupitan ng mga batas na kung minsan ay naiinis din sa tambak ng salapi.
—Tunay ang inyong sinabi at kung kayo’y mapapanganyaya, ay marami tayong salaping magugugol. Maaasahan ninyo ang aking tulong at yamang di naman tayo maaapi ng sino man, ang payapang budhi ay saka na....
—Salamat po Ginoo sa inyong walang pangingiming pagwawaldas ng sariling kayamanan na walang salang labis na labis sa mga gugulin ninyong karaniwan, nguni’t...... Lalong mabuti ang inyong gugulin sa ano mang pakikinabangan ng tao at di sa ikapapahamak.
—Ang kinatatakutan ko po—ang dugtong pa—ay ang tutol ng sariling budhi, ang pananalig na sarili, at ang malabis kong paniniwala na ang Diyos ay di mapaglalalangan. Sa Kanya’y walang nalilihim.
—Ang Diyos mahal na Pastor ay hindi nakikialam sa mga tao.
—Patawarin kayo ng Dakilang Manunubos, Ginoo. Hindi ko po matutulutang lumawig ang ganyang panunungayaw sa bahay na ito na kanyang liniliwanagan ng masaganang biyaya.
—Kung gayon po’y......
Hindi natapos ang sasabihin at ang kamay ng Pastor ay iniabot sa kanya pagkatapos na masamsam ang salapi at sa kanya ay maisauli.
Yumaon si Maneng na ngitngit na ngitngit at di na nagpatuloy sa Bokawe gaya ng kanyang tangka.
Pinihit ang auto at umuwi sa bahay na taglay sa kaloluwa ang isang malaking ligalig.
Dumating siya nang boong pagkahanga nang madatnan niya roon si Anselmo at ang kanyang Abogado na nagkakaniig at siya ang pakay.
—Limang puong piso po lamang ang multa na kinawian ng basagulo ninyo kahapon mang Maneng—anang Abogado, sa dumating [124] na binata, at isinasauli ang kalabisan ng salaping kanyang ipinagkatiwala sa kanyang taga-pagtanggol.
—Itago ninyo sa inyo kaibigan, at saka na ninyo liwanagin sa akin sa ibang panahon. Iya’y di dapat makabalisa sa inyo.
—Dahil lamang dito kung kaya ako naparini; tangi sa roon upang kayo nama’y matahimik at handugan ko ng maligayang bati.
—Itinawag na lamang sana ninyo sa telefono , sana’y hindi na kayo nagabala.... Ang bagay na yan ay inaasahan kong talagang sa gayon mauuwi, lalo na’t sa ilalim ng inyong pantas na pamamatnugot.
—Wala ka pong sukat alalahanin. Nalalaman ninyong ako’y laan sa inyong utos kailan man. Siya po, upang kayo nama’y magkapanahon sa inyong mga ibang kailangan ay yayaon na ako.
At ang Abogado ay umalis pagkatapos na makamayan ang dalawang magkaibigan.
—Hindi ka umiimik Selmo, ano ang nangyari?
—Walang malaking bagay Maneng. Nasa kong pumanatag ka at magusap tayong sumandali.
Ang ulo ni Maneng ay nalito. Inakala niyang baka natalastas ni Selmo ang kanilang kasalanan ni Mameng at dahil dito’y natigilan at di makaimik halos.
—Tumahimik ka Maneng at walang malaking bagay.
—Ano kaya ang maipaglilingkod ko sa iyo Selmo? Bakit kaya sa mukha mo’y nababakas ko ang lumbay?
At si Maneng ay naupong balisang-balisa. Natatakot siya sa hiyaw ng sariling kasalanan.
—Maneng—ani Selmo—kagabi ay nasalubong ko dine ang magandang fondista , at buhat kagabi ay napapansin kong balisa si Nati. Kangina ay nanggaling ka sa bahay at tayo’y hindi man nagkausap dahilan sa agad kang umalis. Pagkaalis mo’y nagulo na ang ulo ni Nati. Bakit kaya? Ibig mo bang liwanagin sa akin, Maneng?
—Wala akong maala-alang ikabagabag niya, Selmo. Si Orang ay isang babaing kilala mo at kilalang lalo ni Nati. Hindi ko matalastas kung ito ang sanhi ng kaniyang kalungkutan. [125] Noong kamakailan ay iliniwanag ko na kay Nati ang katayuan namin ni Orang. Ang mga sulat ni Yoyong ay natuklas ko at ang mga sulat na ito ay nagsasalitang mag-isa. Ito’y nasa sa kanyang lahat.
—Huwag nating pagusapan iyan Maneng, at may iba tayong bagay na dapat lutasin. Binanggit ko lamang si Orang sa kadahilanang baka ikaw ay may mahigpit na katayuan sa kanya ay nang huwag naman siyang maapi. Narito Maneng, basahin mo ang sulat ni Nati at saka mo ako tugunin kung ano ang dapat nating gawin.
Binasa ni Maneng nangangatal ang liham ni Nati at pagkatapos ay nagsabi:
—Selmo tayo na at di ko mapapayagang ang isang anghel ng kabaitan ay tumangis; lalo na kung dahil sa akin.
At ang magkaibigan ay sabay na nanaog at tinungo ang tahanan ni Selmo.
Kapuwa hindi umiimik na tinahak ang lansangan at dumating silang napapahanga sa kanilang dinatnan.
Ang Doctor na na sa bulwagan ay kausap ni aling Tayang at ni Mameng. Tahimik na tahimik. Halos anasan ang salitaan.
Isang Pari ang nasa loob ng silid at nakayupyop kay Nati; isang sakristan ang nakaluhod na nananalangin at dalawang kandila ang nagniningas sa dambana. ¡Kay lungkot na sandali!
Maya-maya ay tumugtog ang kililing ng sakristan na nagbabalitang ang Katawang mahal ni Jesus ay itinatanyag at ang lahat ay nagluhuran at ang pakikinabang ay ginanap ni Nati ng boong pitagan.
Natalastas ni Maneng kay Dr. F... ang nangyari at paglabas ng Pari ay binalak nila ang isang dagliang kasal kung nabibingit sa kamatayan.... Ito ay isang mabisang biyaya anang Pare.
At si Maneng sa gayong katayuan ay parang isang tupa [126] na maamong-maamo na sumusunod saan man dalhin; kahit na sa dambana na sa kanya’y pagsusunugan.
Sandali pa ang nakaraan at si Nati ay asawang tunay na ni Maneng, pagkatapos ng basbas ng Pare.
G UMUHIT sa diwa ni Maneng pagkatapos ng basbas ng Pare at kakilakilabot na wakas na nakahanda sa kanyang palad sa pagkapakasal na yaong muli; hindi kaila sa kanya na pinaguusig at pinarurusahan ng boong lupit ang lumabag sa kautusang yaon; nguni’t sa harap ng mga pangyayari, sa kanyang alang-alang kay Selmo na kanyang pinagkulangan sa tungkuling dapat taglayin ng isang kaibigang tapat, at sa pag-asa niyang si Nati ay walang salang di niya ipagluluksa sa lalong madaling panahon, siya ay napanibulos na lumusong sa balon ng kapanganiban. Nguni’t ang palad niya gaya ng sa lahat ng halaghag ay talagang linikha mandin upang huwag tumahimik; at si Nati laban sa pag-asa nang lahat, na mamamatay na walang sala, ay gumaling pagkakasal niya kay Maneng.
At ang lahat ng pangyayari na dapat ikatuwa ni Manéng ay lumilikha sa kanya ng lalong kakilakilabot na sandali, para niyang nakikita na sa kabila ng kaniyang pagkadupilas na yaon ay nabuksan ang mga pintuan ng Bilibid upang siya’y bigyan ng puwang na makapasok, at ang nakapangingilabot na damit bilanggo na halang sa katawan ang guhit, sa lahat ng dako ay siya mandin niyang namamalas. Siya’y kinilabutan.
Nguni’t isang kaisipan ang kanyang naaala-ala at anya sa sarili:
“Kung tayo’y mamamatay din lamang bukas ano’t di samantalahin ang araw ngayon?”
At sinikap niyang limutin ang lahat.
Ang tag-init ay nagmamadaling sumasapit pagkaraan ng Karnabal. Ang alinsangan, lalo na dito sa Maynila ay gumagambala sa tanan. Wari lalong mainit ang araw, sampu ng simoy ng hangin ay wari sinasala sa isang malaking siláb: at ang gayari sa lahat ng may mariwasang kabuhayan ay parang nagtataboy upang lumayo sa matao at maingay na Kamaynilaan at humanap ng mga pook na may malamig na singaw. Sa mga piling ng bundok at mga batis.
Ang Bagyo ay siyang dayuhan ng mga kagawad ng Pamahalaan, niyang mga pinagpalang mabuhay at magliwaliw sa pamamagitan ng salaping bayan, at ang Marilao, Silang, Sibul, Los Baños at Antipulo ay nagpapangagaw sa ganitong panahon upang kanilang maging panauhin ang nangagsisilayo sa Pangulong Bayan kung tag-init.
Si Nati ay magiliw na lumapit kay Maneng at aniya:
—Napapansin ko Maneng na palagi kang matamlay; bakit kaya?
—Hindi ko maalaman Nati kung bakit; sa katotohana’y hindi ko nararamdamang ako’y namamanglaw. Marahil ang lagim na bumalot sa aking kaluluwa nang tanggapin ko kay Selmo ang huli mong sulat sa pagkadalaga, ay siyang hangga ngayon ay sumusukob sa akin.
—Ah Maneng, yaon ay lumipat na sa mga pangyayaring yumaon. Huwag mo nang ikabalisa ang isa kong kabiglaanan ay yao’y bunga ng pagpanaw sa akin ng pag-asa. Subali’t ngayon, ngayong sariling sarili natin ang buhay at walang sagwil na ano man, ang langit ng ating palad ay dapat ng magliwanag, hindi ba?
—Yaon ang dapat na mangyari Nati, at ang puso ko’y tigib na tigib sa ligaya, aywan nga lamang kung bakit ang tingin mo’y malungkot ako.
—Ang pusong ninibig Maneng ay di madadaya, nararamdaman kong ikaw ay malungkot at kahit na sabihin mong hindi, sa nakikita ko ako maniniwala; ang mga mata mong dating maningning ngayo’y lumamlam ang kiyas mong dating masigla ngayo’y waring hapo at nanlolomo, sa iyong mga masasayang [129] pangungusap na dinudungawan mandin ng masasaya mong diwa, ngayo’y napalitan ng isang pananahimik na kakilakilabot. Ipagtapat mo sa akin Maneng kung ano ang sanhi at nang kita’y madamayan.
—Wala Nati, maniwala kang wala—at pinilit na pinadungaw sa kanyang mga labi ang isang ngiting pilit na pilit at binusog sa halik ang mairuging asawa.
—Aywan Maneng kung bakit at sa aking puso’y kumakaba ang isang ala-alang nakalulunos. Hindi ba katungkulan ng isang babai ang magtapat sa kanyang pinipintuhong asawa?
—Oo, Nati, sa asawa ay walang dapat na ipaglihim.
—Yan din ang paniwala ko kaya’t ako’y hindi matahimik.
—At bakit Nati, may ilinilihim ka ba sa akin?
—Maneng—ani Nati ng boong tamis—Nahulaan mo Maneng ang iwi niyaring puso, gaya nang lahat na mapagmahal na asawa ay nabasa mo sa aking anyo ang isang pagiingat ng karamdamang di maipagtapat, nguni’t yao’y nagbubuhat sa malabis na pagmamahal ko sa iyo Maneng. Hindi ko nais na dahilan sa aking mga kamusmusan ay dalawin ang puso mo ng bakas man lamang ng dalamhati; at di mo pa man ako asawa ay pinagingatan ko nang gayon na lamang ang huwag makapagdulot sa iyo ng anomang isusukal ng loob at yaon ang dahilan ng kung bakit ninasa kong taglayin sa libingan ang kakilakilabot na maling sapantaha na ayaw humiwalay sa akin; nguni’t hinango ako sa libingan ng kabutihan mo Maneng, ng katapatang loob mong umibig, ng karangalan mo sa pagkalalaki na bihirang taglayin ng iba; at dahil dito’y nagkaroon ako sa iyo ng isang kautangang dapat kong gampanan tuwina at ito’y ang lubusang pagtatapat. Hindi ba ikaw ang suhay ng aking kahinaan?
—May matuwid ka Nati at ang lahat ng mabuting asawa ay di dapat na magkaroon ng lihim niya na di matatalos ng kanyang kasi sa kanyang kusang loob na pagtatapat.
—Eh kung ang lihim Maneng ay makapagkukulimlim ng katahimikan at kapayapaang naghahari?
—Ang lalaki Nati ay dapat tuwinang magtaglay ng isang pusong napakalaki at isang diwang matibay upang magkatulong [130] na ibalikat sa ano mang anyo ng unós sa buhay na makagagambala ng kasalukuyang ligaya.
—Pinalakas mo ang aking kalooban Maneng at ang lihim ko na kaipala’y siyang tanging sagwil ng ating katahimikan ay pakinggan mo ngayon at kusang loob kong ipagtatapat.
—Ano yaon aking giliw? Turan mong agad at sabik na sabik akong magbigay lunas kung ang lihim na yaon ay umiinis nang iyong puso.
—Nalalaman mo Maneng. Magmula ng huling gabi ng Karnabal na sa kamusmusan ko’y naisip kong kita’y biruin sa pamamagitan ng pagpapalit ng balatkayo namin ni Mameng; ang araw sa akin magbuhat noon ay nagbawas ng liwanag; ang mga bituwin ay nawalan ng kanilang ningning, at sampu mandin ng mga bulaklak ay nawalan ng samyo at naghubad ng kanilang mariringal na damit. At parang hindi pa nasisiyahan ang maitim kong palad ay inalis sa mga labi mo ang ngiti, kung ako’y iyong kausap; pinawi sa mga kilos mo ang sigla, at ang lalong kalunos-lunos, ay ang dapat na magtapat tuwina sa akin, ang dapat kong paglagakan ng katiwala, damdam ko ba’y siyang mahigpit kong kabasangal. Ito ang sanhi ng kung bakit ninasa ko ang pumayapa. Tulutan kayong magkaroon ng laya at huwag ako ang maging hadlang ng ligaya.
—Tulutan kaming maging malaya? Sino ang tinutukoy mo Nati?
—Huwag kang magagalit Maneng, hane?—at isinilo ang kanyang mga bisig sa liig ng asawa at sa gitna ng malamyos na titig, ng matitimyas na halik at boong pusong pagpaparamdam ng kanyang tapat na pagsuyo ay ilinapit ang kanyang mga labi sa taynga ni Maneng at ibinulong ang isang pangalan.
Si Maneng ay nanglamig. Ang lihim nila ni Mameng ay natatalos ni Nati, nguni’t hindi tumpak na yaon ay patotohanan, kaya’t ngumiti ng isang ngiting napakatamis at anya:
—Nati!... Huwag mong papamahayin sa loob mo ang maling hinala. Kawawa naman ang pinsan mo. Inaakala mo bang ako’y pakabababababa hanggang sa gayong kalagayan? Hindi ba Nati at panibulos at pikit mata kong linusong ang [131] pagbabagong kalagayan, maitindig lamang ang kapurihan mong malulugso kung mahayag; at mabigyan naman ng marangal na pangalan ang magiging bunga ng ating pag-ibig?
—Oo, Maneng, ang lahat ng iyan ay tunay; nguni’t nang huwag mapatlangan ang ating ligaya, tayo ay lumayo rito, malayong malayo; at nang huwag nilang mahalata, ay pasa Sibul tayo na parang nagpaparaan lamang ng taginit, nguni’t buhat doon ay alamin mo na’t ayusin ang mga kailangan sa isang paglalakbay at paglilibot sa boong daigdigan upang malimutan natin ang mga bakas kapanglawan na dulot sa atin ng Tadhana sa lilim ng sariling Langit. Ibig mo ba Maneng?
Si Maneng ay nabunsod at nakakita ng lunas sa kanyang mapanganib na katayuan. Natuklas din niya ang paglayo kay Mameng na sa pagkakataon ay naging bihag ng kanyang walang pitagang pita, gayon din ang pag-ilag sa mga malulupit na bala ng mga Batas na maghahatid sa kanya doon sa bayan ng lagim, sa libingan ng mga buhay na tao.
At sila’y yumaon upang gampanan ang pinagkasunduan sa Sibol, liwaliwan kung tag-init ng mga mariwasang tao.
S I Tomas ay nagbuko ng isang walang maliw na higanti kay Maneng . Una ay dahilan sa ang kaniyang mutyang si Binay ay inagaw sa kanya, at ang inaasam niyang dilag noon, ay napariwara; pangalawa’y dahil sa pagkakatampalasan sa kanya ni Maneng isang hapon sa minandalang La Campana .
At buhat na noon ay naging anino siya ni Maneng at ang pangangamoy ay higit sa isang masigasig na tiktik ng mga kagawad na lihim.
Natalos na ang Pastor sa malaking Sambahan sa Daang Avenida Rizal , ay sinusuhulan ng halagang dalawang libong piso at pagkaalis ni Maneng ay sinulatan yaon ng isang walang lagda na anya’y:
“Natatalos nang lahat na ang salapi ay makapangyarihan, nguni’t ang balaraw ng mapaghiganti ay di magiging mabilis gaya ng malilikha ng panitik na ang mga batas ay pagalawin upang ang mga lumalabag ay ibukod sa karamihan.
“LAGING DILAT”.
At nang tanggapin ng Pastor ang liham na ito ay itinuloy sa basket at anya sa sarili:
“Kailangan ko kaya ang ganitong mga paala-ala upang gampanan ko ang aking katungkulan? Patawarin kami ng Panginoon”.
Natatalos ni Tomas ang lihim na kasal ni Maneng sa magandang taga Bokawe, bagay na sanhi ng kanyang di na idinalaw na muli kay Binay. Subali’t ang gayaring lihim na kanyang [134] hinahawakan ay iniingatan niyang tulad sa isang mainam na sandatang pamuksa.
At nang kanyang matalos na si Nati ay pinanumpaang muli pa ng salawahang kanyang naging kabasangal ay gumawa ng isang tudling sa mga pahayagan na gayari:
LIHIM NA PAGIISANG PUSO
“Gaya nang ang bulong ay mahigit sa hiyaw ay sumapit sa aming kaalaman na ang makisig na binata at mayamang mangangalakal na si G. Manuel San Juan, ay nanumpa ng isang di magmamaliw na pag-ibig sa matalino, marilag at napakagandang bulaklak ng ating Kapisanan na si Bb. Natividad Lopez. Ang gayo’y ginanap nang nabibingit sa kamatayan ang babai.”
“Ang pulot at gata na napataon sa tag-init ay idaraos ng dalawa sa pinagdadayong bukal sa Sibul, gayon din ng pagpapalakas ng galing sa sakit na Ginang.”
“Ang aming maligayang bati sa mga kaibigang nasabi.”
Sa biglang tingin ang balitang ito ay waring walang pangalawang hangad, nguni’t sa mapapansin ng aking giliw na mambabasa sa dalaw na ginawa ni Tomas sa masayang si Binay ay mapagtatanto ang laki ng saklaw ng gayong balita.
—Binay—ani Tomas—Naparito ako upang isauli sa iyo itong imperdible na ninanasa mong sa iyo’y aking isauli, sapagka’t di lihim sa akin ang sa lahat hanggang ngayon ay lihim pa na ikaw ay Ginang na ni San Juan.
Ngumiti si Binay sa pagtanggap ng balitang yaon sa dating kasintahan, at boong kakirihang sumagot:
—At di mo man ako hinahandugan ng isang maligayang bati, gayong talastas mo pala ang di pa natatalos ng marami?...—at tinitigan si Tomas ng isang titig na kagaya ng kanyang panghalinang ginagamit tuwina na, kung nais niyang siluin ang alin mang puso.
Si Binay ay may isang ugaling ibang-iba sa ibang mga kababai. Hangad niya ang magtamasa sa buhay, pagaliwan ang lahat ng makikisig na binata, nguni’t kailan man ay di siya napabibihag upang siya’y labilabian pagkaraan noon. Ligaya [135] niyang itinuturing ang marami siyang mangingibig lalo na’t kung ang mga ito’y nangagbabangay. At ang lahat ay nababahaginan niya ng pangako at ngiti.
Ang kaniyang nabalitaang pagaaway ni Tomas at ni Maneng ay inaakala niyang siyang sanhi ng kung bakit ang kaniyang dating mairuging asawa ay di dumalo sa kanyang tiyap na hiling.
Nagagalak siya ng gayon na lamang, sapagka’t inaakala niyang si Maneng ay nalulunod sa panibugho. Kung nalalaman yata niyang si Maneng ay nasusuklam sa kanya at tumatalikod na tahasan, kaipala’y nagbago ang kanyang kasalukuyang galak.
At hinarap si Tomas at anya:
—Hindi ka na tumugon. Nagtatampo ka ba sa inyong dating kapuwa bata?
—Hindi Binay, nguni’t ang magpakunwari ay hindi ko ugali at yaon ang sanhi nang hindi ko maibati sa iyo ng maligaya, sa pagka’t sa katotohanan ay wala akong ibang hangad kundi ang kayo’y maging sawi.
—Ohu?... At may hinanakit ka sa akin kung gayon?
—Wala Binay. Nguni’t pakinggan mo ang aking ibabalita sa iyo:
Noong ikaw ay tumakwil sa aking pagsuyo ay wala na akong nasabi sa sarili kundi ang ikaw ay isang salawahan, nguni’t nang matalastas kong ikaw ay lihim na nakipagisang puso at sa isang binatang haligi ng yaman, ay nasabi ko sa sarili na: “May matuwid si Binay, tumpak ang siya’y mamili ng makabibili ng ligaya”. At ano nga ba ang maihahandog sa iyo ng isang kawal ng panitik kundi pawang panagimpan lamang. Kita’y iniibig ng boong puso. Ipinagtatapat ko sa iyo. Datapuwa’t ang panahon ay lumakad sa hindi niya mapipigil na pagtanda, at... ako sa hindi mo nahuhulaan kung bakit niya ako ihinatid dito sa iyong harapan.
—Sinabi mong upang isauli ang imperdible , hindi ba?
—Oo; nguni’t ang pangalawang hangad, yaon ang iyong turingan.
—Pangalawang hangad? At may iba ka bang nasa tangi [136] sa tumupad ng dapat mong gawin?
—Yan ngang dapat kong gawin ang pinatuturingan ko sa iyo?
—Ang iyong ginampanan; ang isauli ang isang bagay na hiniram lamang.
—Yaon ay nagampanan na; nguni’t ano pa ang dapat kong gawin?
—Ah, huwag kang magnasa ng anomang masamang nasa sa akin at kay Maneng—ang biro ni Binay—Hindi ba Tomas?
Hinaplos ni Tomas ang kaniyang buhok na naglalaguan at saka tumugon.
—Huwag magnasa ng anomang masamang nasa sa inyong magasawa?
—Oo, Tomas, yaon nga.
—Kung gayon ay hindi ko magagampanan ang inaakala mong dapat kong gampanan.
—Bakit, labag ba ang gayon sa dakilang asal?
—Oh, hindi Binay, hindi, nguni’t paano maihahatid sa iyo ang mabuting balita na ikagaganap ko ng aking kautangan, sa pagka’t kita’y iniibig pa hanggang ngayon, kung ang balitang ito’y malalaban naman sa kanya?
—Iniibig mo ako hanggang ngayon? Salamat Tomas, salamat, nguni’t hindi mo ba talastas na ako’y isang may asawang tao, na di makaiibig pa, ng pag-ibig na iba ang hugis kay sa sa kahilingan lamang ng mabuting gawi?
—Nguni’t ang pagka mayasawa mo Binay ay ibang iba.
—Natatalastas ko Tomas, na kami ay may ibang himaling. Na sa ganang amin ni Maneng ang pagmamahalan ay dapat pagingatan na huwag makasuya, ang ganitong himaling marahil ay di mo minamainam at itinuturing mong ibang iba ako sa lahat ng babai, nguni’t; anong ligaya ng manabik!
—Hindi Binay, lahat ng paraan ay di ko pinapansin, at wala akong ibang tinitiyak kungdi ang wakasin. At banta ko’y hangad ninyo sa ganyang paraan ang lalong maging matimyas ang mga sandali, lalong maging maringal sa ganang iyo ang bihis ng mga bulaklak, lalong maging masaya ang mga gabi at ang langit ay maging tuwi na’y maaliwalas, hindi ba?
—Oh, may matuwid ka Tomas.
—Nguni’t Binay ang palad ay sumalungat sa iyo. Ang Anangki ay napakalupit na nagguho ng iyong mga pangarapin.
—Ano ang sabi mo Tomas?
—Basahin mo ang balitang ito ng mga Pahayagan.
Binasa ni Binay.
—Ah!... Tomas ang pahayagan ay napakasinungaling. Hindi magagawa ni Maneng na siya’y magasawang muli. Si Maneng ay hindi hangal.
—Hindi nga, nguni’t may kasabihang: ANG HUMAHANAP NG PANGANIB AY DOON NAMAMATAY .
—Ano ang ibig mong sabihin?
—Na ang mapanganib niyang libangan ay nagbunga na. At kung ayaw kang maniwala sa pahayagan at animo’y sinungaling, ay maniwala ka sa katotohanan na siya’y nagasawang pamuli sa MAGANDANG si Nati.
Liniwanagan ni Tomas ang salitang magandá upang mangimbulo si Binay.
—Kapag ang balitang yan Tomas ay kabulaanan ay nalaman mo nang ako’y walang pakundangan. Mananagot ka Tomas mananagot ka.
—Alamin mo at saka mo hatulan kung ako’y tapat sa iyo. At kung matalastas mo na ang katotohanan, ay humihingi ka ng isang sipi ó patunay ng kasal na yaon at saka mo makikita kung si Tomas ay tapat sa iyo.
Nagalimpuyó sa diwa ni Binay ang di maisaysay na poot at anya kay Tomas:
—Bukas ay parini ka at nang tayo’y magkaniig.
—Alipin mo ako sa iyong ikaliligaya Binay.......
—Hangang bukas.—anang babai.
—Hangang bukas.—ani Tomas naman.
At ang dalawang pusong nagkakalayo ay pinaglapit ng iisang hangad na dili iba’t si Maneng ay pahigantihan.
Samantalang ang mga maya ay nagaawit sa Sibul animo’y wala ng kamatayan ang bagong kasal na nagpapasasa sa pulot at gata ng kapanahunan.
Si Tomas ay naglalamay sa ikapanganganyaya ni Maneng at walang pinatawad na pangyayaring di sinamantala.
Si Binay naman na nginangatngat na kasalukuyan ng panibugho ay nagmadaling lumuas sa Maynila upang alamin ang katotohanan.
Palibhasa ay totoo ang balita ni Tomas ay di siya nahirapan na magkaroon ng isang sipi ng pagiisang puso ni Nati at ni Maneng.
Kasulatang kanyang iningatan na parang isang sandata upang ipalpal kay Maneng at ito’y gawing isang kasangkapang hamak na pakikilusin ng kanyang diwa.
I NIWANG sandali ni Maneng sa kanyang biyanang babai ang mutya niyang si Nati at sa pagka’t talastas na kung ano ang sanhi ng pagyao ni Manéng na dili iba’t ang paghahanda ng kanilang paglalakbay na binabalak, ay di man tinutulan muntik man.
Pagdaan ni Maneng sa Bokawe ay napataong nakadungaw ang masayang si Binay, kaya’t lumunsad si Maneng na parang doon talaga ang kanyang pakay.
Naganyong mabalasik si Maneng na animo’y larawan ng lupit, samantalang si Binay naman ay parang sabik na sabik at walang anomang nangyayari na sumalubong sa asawang dumarating. Kay inam nilang magpakunwari.
—Maneng—ani Binay—Anong laon nang di mo idinalaw sa akin. Bakit nga kaya’t tila nagtatampo sa akin ang tanging giliw ko?
—Dapat mong mahulaan—ang saad ni Maneng ng boong saklap.
—Dapat kong mahulaan ang ano Maneng? Ako’y ginugulo ng iyong anyo. Tinanggap mo ba ang liham kong kita’y inaantabayanan?
—Oo, Binay, at talagang tinikis kong hindi dumalo upang yumaon sa akin ang masamang sandali.
—Masamang sandali? Ano ang dahilan aking Maneng?
—Ang dahilan?...
—Oo, ang dahilan Maneng. Linawin mo nga sa akin?
—Naaala-ala mo ba ang kalagimlagim na sandali nang ang auto ko at ang sasakiyan mo’y nagkabangga, ay iginawad sa iyo ng aking mga kasakay ang isang imperdible ?
—Oo, nguni’t kasintahan ang sabihin mo at hindi kasakay.
—Kahit na gayon. Ang imperdible ay saan naroroon?
—At ipinababawi ba? Pinagsisihan ba ang pagkakagawad noon sa akin... Dapat niyang malamang yao’y hindi ko hiningi.
—Hindi nga, nguni’t ibig ko lamang makita ang imperdibleng yaon.
—Nakatago at aking minamahal, sapagka’t sa Kaniya galing.
—Nakatago at iyong minamahal?
—Oo Maneng at nagtataka ka?—Si Binay ay nagagalak sa panibugho ni Maneng.
—Bakit hindi? Ang imperdibleng yaon na gawad niya ay minamahal ko pagka’t yao’y kaloob mo sa kanya at sa paggagawad niya sa akin ay parang naging paraan na ikaw ay nahilig sa aking pagmamahal, hindi ba Maneng?—At ilinapit ang kanyang katawan kay Maneng na animo’y naglalambing.
Lumayo si Maneng at pinagmalas ng isang malas na punong puno ng kutiya si Binay, at saka nagpatuloy.
—Kay inam mong magpakunwari. Sinabi mo ng boong katiwasayang ang imperdible ay iniingatan mo. Ito’y isang kabulaanan; sapagka’t ang imperdible ay nasa isang lalaki na pumupugay ng aking karangalan kung ako’y nakatalikod, nasa isang duwag na magnanakaw ng dangal....
—Maneng!.... Dahan-dahan; ang isang lalaking marangal ay hindi parang isang hampaslupa na nagtutungayaw sa likod ng tinutungayaw. Tangi sa roon ay hinahamon kita na di mo mapatutunayan ang mga paratang mo; samantalang ang aking sa iyo’y ipinararatang ay patutunayan kong lahat.
—Nasan ang imperdible ? Ipakita mo sa akin at nang mabunyag ang kabulaanan mo.... Ako’y hindi nalulungkot kung ikaw ma’y nagbago ng suyo. Makaaasa kang di kita titigatigin; nguni’t ang di ko matutulutan ay ang ako ang maging tagabayad ng mga sirang kasangkapan.
—Ikaw ang bulaan Maneng—at nagtindig at nangangatal na kinuha ang imperdible na isinauli ni Tomas.
—Narito—anya—kilalanin mo ang sangla mo kay Nati na kanyang pinalibhasa at pinawalang halaga. Minamahal ko sana, sapagka’t ang pangalan mo’y naririyan; nguni’t palabintangin ka at inialis mo sa akin ang kita’y pagpitaganan... Naririyan ang iyong imperdible —at ihinagis sa kandungan ng binata.
Nagulat si Maneng sa di inaantabayanang nangyari at sa dapat na siya’y magalit ay siya ngayon ang di makaimik sa harap ng katotohanang kanyang nakikita.
Aling imperdible ang kanyang nakita kay Tomas? Ito rin, itong ito; nguni’t bakit na sa kay Binay?
Samantalang ito’y nagsalimbay sa kanyang hinagap, si Binay ay nagpatuloy:
—Nalalaman kong gaya ng lahat ng bulag na asawa ikaw ay lubhang panibughuin, salamat Maneng sa tandang ito ng pagiingat mo ng karangalan, mainam yaon kahit na ako’y ipinalagay mong isang maawain ; nguni’t ang dito’y natatago, ang nalalaman mo, ang iyong tangka na aking nahulaan, ay ang makipagkagalit ka sa akin sa gayong paraan; nguni’t Maneng, maghunos dili ka. Alalahanin mong ikaw at ako ay iisa sa harap ng Dios. Alalahanin mo na maaari nating paglalangan ang iba, nguni’t tayong nakatatalastas ng ating ginawa, tayo’y di natin madadaya.
At lumapit, na pamuli kay Maneng.
—Ngayon Maneng, ang imperdibleng yan na hinahanap mo ay may matuwid kang mainis nga sa panibugho, nguni’t di sa akin, kungdi sa iyong Nati, na di natutong magmahal sa iyong alaala.
—Aking Nati!...—ang pakunwari ni Maneng.
At inakbayan ng kanyang bisig si Binay na hinigpit sa kanyang dibdib, upang mapaamo marahil.
—Hangal!...—ani Maneng,—Maaari bang ang ibang babai ay aking mahalin samantalang ang panunumpa ko ay sa iyo iginawad?
At ang babai, babai palibhasa ay napalamuyot sa mga alo ni Maneng at ang kangina’y nagkakagalit mandin, ngayo’y pamuling nagsilusong sa dagat ng ligaya.
At sinamantala ni Binay ang ganoong kahinaan ng puso ni Maneng, na linasing na mabuti sa suyo at lamyos at nang makaraan ang ilang sandali ang lalaki ay nangusap:
—Binay—aniya—Patawarin mo ako sa aking kabiglaanan. Ang imperdible ay tanggapin mo at di ako sino upang bumawi ng isang bagay na di sa akin galing.
—Itatago ko at tatanggapin ng boong puso bagamang umaapaw sa akin ang poot sa pinanggalingan niyan, sa babaing nagnanasang umagaw ng aking ligaya; nguni’t sa kasawian niya Maneng ay nasa piling kata at ako’y iyong minamahal, ano hindi ba Maneng?
—Nang boong puso Binay, ng boong kaluluwa.
—Ayaw ko nang mawalay pa sa iyo Maneng. Ang tukso ay lumiligid sa akin at ang panganib ay lumiligid sa iyong ibig kang iwalay sa aking piling.
—Bakit Binay?
—Ipinatatalastas ko sa iyo Maneng na ni isang sandali ay di na ako makapagiisa. Natatakot ako sa mga katotohanang umaagaw sa aking katahimikan.
—Ano yaon Binay, ipagtapat mo sa akin at aking lulunasan pagdaka.
—Sa ikaw ay nasa ibang piling Maneng, at gaya ng asawang mairugin ako’y nananaghili.
—Na ako’y nasa ibang piling ngayong ako’y naririto at iyong iyong magisá?
—Oo, Maneng ikaw ay nagkamali, nguni’t pinatatawad kita. Di na ako hihiwalay sa iyo isang saglit man.
—Ano Binay ang ipinagkamali ko?
—Napakasal ka kay Nati. Hindi ba? Pabulaanan mo sa akin Maneng ang katotohanang iyan, at alang-alang sa salita mo’y paniniwalaan kita.
—Oh, hindi, hindi; kailan ma’y hindi ko magagawa ang gayon—ang animo’y baliw na tugon ni Maneng.
—Pabulaanan mo Maneng ang Pahayagang iyan na nagbabalita [143] ng isang paninirang puri—at iniabot ang Pahayagan.—Pagusigin mo kung sino ang naglathala.
—Oh.... yan ay kabulaanan ng mga manunulat. Pag- uusigin ko....
—Oo, kabulaanan nga; at hayan pa ang isang pakana ng mga kaaway mo—at iniabot ang kasulatan ng kasal nila ni Nati.
Kung ang lupa ay mabuka at linamon si Maneng, kaipala’y minabuti niya kay sa nangyaring yaon. Malaong di umiimik at napalagmak sa panlolomo. Ang pawis niya sa noo ay butil butil na sumisibol.
Si Binay ay agad lumapit at anya:
—Maneng, huwag kang malumbay. Ano sa akin kung siya’y isang hangal na sumugba sa ningas? Ang karangalan ay akin at ang kapintasan ay nasa kanya , sa kanya babagsak ang pula. Makalilibo ka mang ibigin ng ibang babai ay di ko pinipigil ang iyong laya. Ibahin mo ako Maneng, nguni’t sapagka’t ako’y asawa mo, ay dapat na ang gabi ay ibigay mo sa akin, sapagka’t yaon ay akin. Hindi ba Maneng?
—Salamat Binay, kay laki ng iyong puso.
At ang dalawang magasawa ay magkasamang lumuwas sa Maynila pagkatapos na makuhang lahat ang mga ari-arian ni Binay.
Napatayo si Maneng sa isang katayuang mapanganib, nguni’t ano ang magagawa sa yaon ay likha ng mga pangyayaring di maiiwasan?
D UMATING na maluwalhati si Maneng at si Binay sa tahanan ng lalaki. Si Gorio ay hangang-hanga kung bakit at kakakasal lamang ng kanyang Panginoon, ay iba na namang babai ang kasama at sa sarili pang tahanan iniuwi.
—Makikita mo Biyang—ani Gorio—Makikita mo at basagulo na naman ang taglay ng Mang Maneng.
— Siya nga Gorio; sa tuwing ang ating Panginoon ay magdadala ng babai dito sa bahay ay kawil-kawil na gulo ang dumarating. Nakita mo noong Karnabal?
—Oo, at lalong kataka-taká ay iba ang dinala, iba ang naanakang naghahabol at iba ang naging asawa.
—At ngayon ay iba na naman ang dala rito. Ano kaya ang magiging buntot ng dalaginding na ito?
—Hintayin natin at makikita mo’t komedya na naman itong walang pagsala.
Hindi pa natatapos ang salitaan at bago pa lamang halos nagiinit ang pagkaupo ng dalawang magkalaguyo sa isang maringal na sofa ay satatawag sa bahay ang isang lalaking anyong buhat sa lalawigan na may kasamang dalawang kagawad na lihim at isang sa bikas ay Abogado mandin.
Sinalubong ni Gorio at nang mapagtanto na ang pakay ay ang kanyang Panginoon, ay ipinagkaila at sinabing wala roon , sapagka’t kinakabahan siya mandin; nguni’t tinangaan siya ng kagawad ng kanyang revolver at anya:
—Maiwan ka rine at kami ang aakiyat upang mapagalaman natin kung wala nga.
Kumalat sa boong katawan ni Gorio ang isang kahambal hambal na kagitlahanan at pagkasilip ni Biyang sa nangyayari ay nasabi sa sarili ang gayari:
—Sinasabi ko na’t ang basagulo ay di malayo,—at nagdudumaling tumawag sa silid ng kanyang Panginoon.
—Mang Maneng po.... Mang Maneng. Marami pong tao sa lupa at si Gorio ay dinadakip mandin. May mga revolver pang hawak.
Napaigtad si Maneng at boong galit na lumabas at sinalubong ang dumarating:
—Ano ang kalapastangang ginagawa ninyo sa aking tahanan mga Ginoo, Gorio bakit?
—Ewan po Mang Maneng, kayo po ang kanilang hinahanap.
—Kung ako ang inyong pakay mga Ginoo ay mangagsituloy kayo at huwag gagamit ng anomang kagahasaan. Huwag kayong biglabigla sa aking mga alila at ako’y handang makipagtuos kangino man.
At ang mga panauhing di kilala ay nangagsipanhik na lahat sa bahay tangi sa isang di napakilala at naiwan sa lupa; siya’y si Tomas na siyang may pakana ng lahat.
—Ano ang aking maipaglilingkod sa inyo, mga Ginoo upang magkalutas tayo agad. Sino po ang ikinararangal kong kausapin?
—Ako po Ginoo, upang tayo’y magkadalian, gaya ng inyong sinabi, ay siyang ama ng babaing inyong itinakas buhat sa Bokawe. Nalalaman na ninyo? Ako ang ama ni Binay. Saan siya naroon?
—Marami pong salamat—ang tahimik na tugon ni Maneng.—At ano po ang aking maipaglilingkod? Ipagpaumanhin ninyo ang di ko pakikiharap, sapagka’t tunay na hindi ko kayo nakikilala—at dumungaw sa silid at tumawag.
—Binay!—anya—Parini ka’t narito raw ang tatang.
Natigilan ang panauhin sa katiwasayan ni Maneng na di man nababahala.
Hinarap silang muli ni Maneng at anya:
—Ipagpatawad po ninyo sa amin ang kabiglaanan ng pagluwas; nguni’t inaakala ko pong hindi ninyo sukat ikabalisa, sapagka’t si Binay ay nasa sarili niyang tahanan. Ako ang kanya pong asawa.
At si Binay ay lumuhod sa ama, at anya:
—Ang anak mo tatang ay hindi tumakas upang pairugan lamang ang maling pita ng katawan. Ang anak mo po’y sumama sa kanyang asawa, bagay na di mo po dapat na pagtakhan. Ito’y tumpak at kinakalinga ng mga Batas.
—At kayo ba’y kasal na Binay? Bakit di na ninyo ipinatalastas sa akin?
—May ilang buwan na po tatang; nguni’t sa mga ganitong pagkakamali na ang puso ay siyang namamahala sa tao, ang agarang hatol ng iba ay nawawalan ng saysay sa harap ng katotohanan, kaya ama, patawarin mo ang aming kamalian at igawad mo sa mga nabiglaanang anak mo ang inyong pala. Kami ay nasa biyaya ng Poon.
Si Tandang Atong (ang ama ni Binay) ay natigilan.
Ang dalawang Kagawad na lihim ay naglipatan ng tingin at inakalang sila’y kalabisan na roon at madaling napaalam.
Pagkaalis ng mga secreta ay sinalubong ni Tomas at tinanong:
—Ano ang nangyari mga kaibigan?
—Ah!... Ang rapto na siya naming sapantaha ay gumuho at ang galit na ama gaya ng maaasahan ay gumuhong lahat din sa pakikiayon sa manugan na mayaman, mabikas at ang diwa’y busog sa tanglaw ng talino.
—Oh namamali kayo ng sapantaha, ang ginoong yaon na inakala ninyong isang matalino ay isang hangal na hindi marunong magpapanatili ng kaligayahan na ikinatiwala ng palad sa kanyang kapamahalaan.
—Hindi ko makita ang inyong sinasabi?
—Hindi?... Kahit ninyo ipikit ang inyong mga mata upang huwag makita, kahit ninyo takpan ang inyong mga tainga upang huwag maringig, ang dapat na mangyari ay mangyayari at gaya nang ako’y inyong kausap ngayon ay magiging panauhin sa [148] pook ng mga salarin ang palalong mayaman na inyong sinasapantahang batbat ng liwanag ng katalinuhan.
—Hindi ko malaman kung bakit at sa isang tao na may marangal na gawi, bagamang palalo; may dakilang asal at mapitagan hanggang sa lalong mapanganib na katayuan na, ang lalong malakas na diwa ay nadudupilas at nababalisa; at sa isang taong tahimik na sa gitna ng sigwa sa buhay ay di nababalino at di nakalilimot sa mga aral ng dakilang asal, kahit na magipit ng isang kagipitang likha mandin ng kanyang kapangahasan; hindi ko malaman kung bakit at sa isang tao na gaya noon ay nagbubuko ang iba ng masasamang nasa. Hindi ko malaman kung bakit dapat na mapabilang sa mga salarin.
—Ako po ang tanungin mo at ako ang makaaalam kung bakit—ang salo ng kasama.
—Turan mo nga po—ani Tomas.
—Sapagka’t isang hapon na di ninyo dapat na malimutan ay ipinasukat sa inyo ng taong yaon (tinutukoy si Maneng) ang makintab na baldosa ng La Campana .
At ang dalawang tiktik ay nagtinginan na wari naala-ala ang isang pangyayaring nakabalisa kay Tomas.
—Hindi dahil doon mga Ginoo, hindi dahil sa ako’y kanyang tinampalasan.
—Ay dahil sa ano?
—Dahil sa inaakala ko na ang batás ay may sariling bisa sa harap ng mayaman at dukha man.
—Ano ang ibig ninyong sabihin?
—Na si Maneng, ang asawa ng taga Bokawe, ang mayaman, matalino, makisig na lalaking tahimik na tahimik ay nasa sa lilim ng kapamahalaan ng mga Hukuman, pagka’t siya’y lumabag sa mga batas na nagpapanatili ng kapayapaan ng ating Kapisanan.
At nang huwag kayong magalinlangan ay alamin ninyo na si Maneng ay makalawang pakasal , at ang ganitong paglabag ay pinarurusahan ng boong higpit.
—Ah, yan po’y hindi sa amin nauukol Ginoo. Wala po kaming karapatang magusig. Kami ay mga galamay lamang [149] na ginagamit upang mapapanatili ang kapayapaan at ang mga Batás ay igalang at pairalin.
At ang tatlo’y naghiwalay.
At si Tomas ay tumungo sa Pasulatan upang yumari ng isang tudling na mahayap na magpapasakit ng gayon na lamang kay Maneng.
P AGKATAPOS na masiyasat ni Mang Donato na ama ni Binay ang patunay ng kanilang pagiisang palad at makapagmalas na pawang kasaganaan ang ibinabadha sa lahat ng sulok ng tahanan ni Maneng ay nasisiyahang nagwika:
—Pagpalain kayo ng Panginoon, mga anak ko, at nawa’y manatili kayo sa kaligayahan.
At binigkis sa yakap ang dalawang anak na pinagpapala.
Yumaon pagkalipas ng isang sandali, na di binigyang sagwil bahagya man ang inaakala niyang mga nananabik na bagong magasawa, sa pulot at gata ng bagong kalagayan.
Nguni’t sa katotohanan si Maneng ay lalong dinalaw ng balisa. Ang lihim na lihim na kasal niya kay Binay ay bunyag na ngayon.
Paano kaya siya sa harap ng kapisanan, paano ang gagawin niyang pakikiharap sa maganak ni Selmo at higit sa lahat ng ito ay paano ang gagawin niya upang ang kanyang mahal na si Nati ay manatili sa katahimikan.
Hinagkan si Binay ng boong tamis, at napaalam na sandali upang lutasin ang kanyang mga nabibiting suliranin.
At parang nakahinga si Maneng nang siya’y hagkan ng malamig na simoy at nagiisang malayo kay Binay, malayo kay Nati, naaawa kay Mameng at sumusumpa kay Orang.
Oh... ang buntong hininga ni Maneng—at binilisan ang takbo ng auto na pinalilipad halos.
Binagtas ang mga lansangan; wala siyang anomang napapansin. Sa kanyang diwa’y nagsisikip ang isang mahigpit [152] na suliranin ng kanyang buhay at sa gayong pagwawari ay parang hiyaw na tuwi na sa kanyang pangdingig, parang kidlat na gumuguhit sa kanyang pantanaw ang gayari:
Ang araw ngayon ay iyo bukas ay di mo malaman kung para sa kangino.
At sa kanyang puso’y kumalat ang isang karamdamang nakaaaliw sa kanyang diwa at nagbalak ng isang balak sa sarili:
“Kung ang sasakyan ko’y ibinubuno ng alon, ipinaghahampasan ng sigwa, at pinapaslang ng walang pitagan kong maitim na tala; kung natatalastas kong ang kaya ng tao ay lubhang maliit, ang diwa ay nagkakait ng tanglaw at ang puso’y tumitibok ng pangamba, ano ang aking magagawa?”
At nagbago ang hantungan ng diwa at pinasiyahang bumili ng isang bagong tahanan na mapagpugaran ni Binay. Hindi dapat na sinomang babai, kasakdalang kanya mang sinasamba halos, kahit na si Nati pa, na sukdulan ng kanyang pitagan, ay tulutan na ang kanyang tahanan ay dalawin.
Damdam ba niya’y ang babai ay laging nagdadala sa kanyang tahanan ng ligalig, kaya’t panibulos na nagtatag ng panibagong tahanan na laan sa kanyang taga Bukawe.
At salapi palibhasa ang namahala ay karakarakang nakapagtayo ng isang munting langit sa Manga Avenue sa Santa Mesa, at sa dambana ng tahanang yaon ang Pintakasi ay si Binay.
Pagkatapos na mailipat sa bagong tahanan ang taga Bukawe, ang tunay niyang asawa sa harap ng mga batas, ang babaing masaya na laging masunurin sa kay Maneng sa lahat ng hibo ng kalupaan, ay lumiham kay Nati ng isang lalang, upang maitago ang kanyang magusot na pamumuhay: Gayari ang nasa liham ni Maneng:
“Nati ko; aking Nati:”
“Hindi ako tumelegrama pagdating dito pagka’t iniilagan ko na matalastas ng nanay ang ating binabalak na paglalakbay.”
“Linulutas kong kasalukuyan ang mga kinakailangan upang huwag tayong dalawin ng gipit sa paglalayag sa paglilibot sa boong daigdig, upang doo’y tuklasin ang ligaya na ikinakait sa atin sa sariling lupa; at sa silong ng ibang langit, doon marahil [153] tayo tutunghan ng buwang lalong maliwanag, ng mga bituwin na lalong maniningning, at ang pagtatamasa ay di ikakait sa atin ng ating malupit na tadhana.”
“Umaasa ako Nati, na doo’y di tayo gagambalain ng mga ala-alang mapanglaw ng aking kahapon, at palibhasa ay wala tayo doong kakilala man lamang, ang pagmamahal ko’y mauubos sa iyo at ikaw naman sa akin ay maguubos ng iyong ganap na pagmamahal. Hindi ba Nati?”
“Napakasaklap ng patlang na ito ng ating kasalukuyan. Ang pagkawalay ko sa iyo’y lubhang napakalungkot sa akin at ang aking mga sandali dini sa Maynila ay nagiging malalawig at kalunos-lunos. Dini ay wala ang mga hunihan ng mga ibon, ang matuling lagaslas ng tubig sa mga batisan, ang lagitikan ng mga siit kung ginagahasa ng hangin at ang kahanga-hangang katahimikan pagdungaw ng gabi upang tayo ay malayang tulutan na makapagbubo ng samyo nang lalong banal na pagiibigan. Dito ay pawang ingay ang namamayani. Mga kaaway na dibdib ang sa kahilingan ng mabuting gawi ay yinayakap. Mga tampalasang kamay na may dungis pa ng balaraw na handang papaglagusin sa ating puso ang kinakamayan ng boong higpit. Mga ngiting pilit at pinagaralan, at ang pagkukunwari’y siyang pangkasalukuyan. Isang walang katapusang balatkayo na di ko matatalima.”
“Nguni’t ang lahat ng ito’y tulong-tulong na nagtataboy sa atin upang tahakin ang malalawak na dagat at sa ibang lupa, humanap ng ibang simoy, ibang kaugalian at doo’y itayo ang mga muog ng ating gusali ng ligaya na matibay na matibay.”
“Kung di ko pipigilin ang panitik ko Nati, kung ikaw ang aking kinakaulayaw, ay maging papel man yata ang malawak na langit at maging tinta ang kalawakan ng dagat ay di mandin matatapos ang sa iyo’y ibig kong ibalita.”
“Nguni’t huwag nating aksayahin ang panahon, ang kislap [154] daw ng ngiti ay sasandali lamang na dumudungaw sa mga labi samantalang ang bakas ng kapanglawan ay di yumayao karakaraka sa ating anyo.”
“Maghintay ka nga at ang ating mabubuting sandali ay namimitak na.”
“Ang laging iyo,”
MANENG.
Busog sa kasayahang binasa ni Nati ang liham ni Maneng, at binubusog sa halik, samantalang binabasang paulit-ulit at sinisinag doon ang kaluluwang matimtiman at pusong mairugin ng giliw niyang si Maneng.
Noon, malayo man siya kay Maneng, ay nararamdaman niya na nasa kanyang piling mandin sa lahat ng sandali at binabalot siya ng walang maliw na ala-ala. Ang pangungulilang saglit ay di naghari sa kanyang karamdaman , nguni’t ang luha ng galak ay nagsusumungaw sa kanyang mata.
Maya-maya’y isang liham na naman ang dumating.
Ang puso niya’y sumikdong muli pa.
—Talagang si Maneng—anya—ay napakamairugin—at binuksan ng boong ingat ang sobre:
Anang liham:
“Ginang:”
“Huwag mo pong pagtakhan ang kapangahasang ito; nguni’t ang isang tapat na kakilala ay di dapat maghalukipkip at di dalidaling sumaklolo kung ang isang iginagalang ng boong pagmamahal ay nababalaan ng isang sakuna.”
“Ang kalakip pong pilas ng Pahayagan ay siya nang magtatapat sa inyo ng di ko masabi; sapagka’t ako’y natitigilan sa bangis ng katotohanan.”
TOMAS.
—Sinong Tomas ito—ani Nati—at ugaling babai palibhasa na hangad na mataho ang tanang bagay kahit na lasong pangpatay ang taglay noon ay binasa ang pilas ng Pahayagang kalakip ng sulat.
ISANG MAUGONG NA ALINGAW-NGAW
“Kumakalat ang balita na ang Kagawaran ng Tagausig ( Fiscalia ) ay nababalinong kasalukuyan sa isang maingay na usapin na nasa kanyang kamay ngayon.”
“Umano’y ang tanyag na mangangalakal na si G. Manuel San Juan na nakipagisang puso kay Bb. Natividad Lopez ay nagsisikap na kasalukuyan upang iliblib sa pamagitan ng paglalagalag sa ibang lupain ang una niyang kasal na sinumpaan sa isang magandang taga Bokawe na nagngangalang Severina Francisco. Ang mga kagawad ay di umiidlip at may mga kautusan nang ilinagda upang sagwilan ang nagnanasang maglaro sa mga batas na umiiral.”
“Ang mga sumusunod na kasulatan ay siyang mga patunay na ang nasabing Ginoo, na nasiraan mandin ng bait sa mga panghalinang dilag ng dalawang babai, ay nakagawa ng isang kalapastanganan.”
“Ang isang kasal, gaya ng makita sa siping ilinathala namin ay idinaos ng biglaan at ginanap ng isang Pastor Protestante at ang pangalawa ay sa bahay ng binibining huling pinakasalan na ganap ng Cura sa mataong bayan Tundo, nang ang nasabing babai ay nabibingit sa kamatayan.”
LAGING-DILAT.
Naguló ang ulo ni Nati, ang diwa niya ay nalitó, ang puso niya ay linunod ng pighati at ang hininga ay sandaling pumanaw.
At nang siya’y pagsaulan ng bait ay ang mairuging ina, si Balong Tayang ang siyang sa kanya’y tanging sumaklolo.
—Maneng—ang hibik ni Nati—Maneng, saan naroon si Maneng? Tawagin si Maneng nanay.
At si aling Tayang ay agad nagpadala ng isang telegrama sa Maynila. Gayari ang nasasaad:
Anselmo Lopez,
Tundo, Maynila,
K. P.
Parine kang agad at ibalita kay Maneng na si Nati ay malubha.
Tayang.
A T si Maneng ay nababalisa sa piling ng magandang taga Bokawe.
Ang “ Mongolia ” ay tutulak sa ating lunsod patungo sa Hilaga at nakahanda nang lahat ang kailangan nina Maneng upang tumakas sa mga batas na walang awang kaaway sa sariling lupa.
Ang mga Pahayagan ay di nababasa ni Maneng palibhasa’y gulong gulo ang kanyang diwa at litonglito ang pagiisip sa magusot na suliraning sarili.
Inakala niya na si Binay ay langong lango sa pag-ibig na kanyang ipinagbudyakan. Inakala niyang sa kanyang pakikisamang ilang araw at sa walang patumangang pagyayaman sa kanilang langitlangitan sa Santa Mesa, ay tahimik na ang butihin niya at masayang birhen; at tahimik na nga; at lubos ang pakikiayon sa buhay na yaong sariling sarili; di man lamang natitigatig kahit sasandali; at di mandin kinakabahan na siya’y lalayasan ng giliw.
Datapua’t si Maneng ay dinadalaw ng isang alaalang nakababalino. Siya’y yayaon at kaipala’y di na muling babalik pa; magagawa kaya niyang lumayo ng malayong malayo nang di man lamang makausap si Mameng?
Si Mameng na bulag na lumusong sa libingang kanyang hinukay; si Mameng na sakbibi ng panglaw dahil sa kanya; si Mameng na di man niya iniibig ng tapat, pagka’t di na magagawa ang gayon, nguni’t pinipintuho naman ng kanyang kalolua, sinasamba ng kanyang diwa, at nais niyang [158] magawaran ng isang pahimakas; nais niyang pagpaalaman; at kahit hindi? Hangad din naman niyang bilang baon sa paglalayag at paglalagalag na parang isang Samuel Belibet ay taglain niya ang isang huling alaala, isang patibay na muli pa ng sanla na kanyang pinuti niyaong karnabal na nagdaan.
At ang bahay ni Selmo ay dinayo pagdaka; hindi siya marahil paghihinalaan nino man, magkaniig man sila ni Mameng, sapagka’t talastas ng lahat doon na siya’y asawa ni Nati. Doo’y wala marahil na makasalanang malas na maghihinala man lamang sa kanya ng sanhi ng kanyang pakay.
At napataong si Selmo ay kaalis pa lamang sa bisa ng telegrama . Umalis, na, ang tagubilin kay Mameng ay gayari:
“Kung si Maneng ay mapaparini, ay sabihin mong hintin ako”—at anya sa sarili—“kawawa naman, hindi niya dapat na malaman agád ang sakunang nangyayari sa kanyang asawa.”
Si Yoyong ay nasa kanyang gamlayan.
Pinalad si Maneng na datnan si Mameng na halos nagiisá at tangi sa isang matandang ali at mga utusan ay walang ibang tao sa bahay. Parang tiniyap sa pagkakasala.
At ang dalawang puso’y nagtibukang pamuli.
—Mameng—ani Maneng pagkaraan ng isang saglit—ang palad natin ay linikha mandin upang magdusa, ako sa kasalukuyan ay nasa langit mandin, sapagka’t ako’y nasa piling mo, nguni’t bakit ba’t ang ligaya ay saglit lamang dumungaw sa aking puso? ¡Napakaramot!
—¿..............?
—¡..............!
—Maneng!... Di ka na naawa sa akin! Muli mo na naman akong inapi at napakarupok naman yaring puso na sa luhog mo’y hindi makapaglaban. Kay itim ng aking kapalaran. Hindi na ako dapat na mabuhay pa sa kalagayang ito. Bakit pa kaya ako linalang? Talaga kayang may mga kalolwang linikha upang magdusa? Bakit kaya tayo ginayakan pa ng tigisang puso kung talagang titibok lamang upang tumangis?
—Mameng ko!... Kung nalalaman mo lamang na sa gitna ng mga suliranin ko sa buhay ay naroroon ka’t hinding hindi napapawi sa aking ala-ala, kung nalalaman mo lamang na kahit ako’y tabunan sa isang mapanglaw na libingan ay saglit pa akong dudungaw upang ang pangalan mo’y tawagin; kung nalalaman mo lamang at mabubuklat ang lalong kalihimlihiman niyaring puso, disin ay nabasa mo, na ang iyong pangalan ay na sa dambana niyaring diwa.
—¡Maneng!... Kay tamis ng iyong mga pangungusap, kay inam ng mga sumpa mo at pangako, anong bangó ng kamanyang na isinusuob mo sa akin... Oo, Maneng, kailangan ko ang lahat ng yan. Ulitin mo pang minsan, upang mawala sa aking malas ang bibitayan kong linikha ng walang awa mong pagibig—at ang mga luha’y naguunahan sa kanyang mga mata, at ang mukha’y isinusubsob na itinatago sa balikat ni Maneng.
Anong ligaya ng tinatamasa ni Maneng ng mga sandaling yaon, at anong saklap ng tangis ni Mameng.
Samantalang ang auto ni Selmo ay humahagibis na lulan si Nati na nakasandal kay aling Tayang, ay lumalapit; lumalapit sa pinagdadausan ni Maneng ng huling piging ng kanyang puso.
Si Mameng dala ng kanyang mahinang puso ay nagpatiwakal na muli at muli pa sa kandungan ng kanyang kasi.
Ang auto ay dumating nang kasalukuyang ang huling halik ay iginagawad ni Maneng sa animo’y sagang mga labi ni Mameng. Ang kanilang puso’y nagkadaop nang sumungaw si Nati na nakaakbay kay Selmo at sa mairuging ina.
At ang kidlat ng sumpa ay gumuhit sa malas ni Nati, ang kanyang mata ay nawalan ng liwanag, at parang hangal na napahiyaw:
—¡¡Maneng!!... Maneng!... Inaku!... Kikitlin mo ang aking buhay!...—at napalagmak na walang hininga.
Napa “ ¡HESUS! ” si aleng Tayang, at si Selmo ay nakalimot na sandali sa kanyang pagmamahal kay Maneng.
Ninasang sugurin, inisin sa isang mariing sakal, alsan ng [160] buhay, sa biglang sabi; nguni’t nanlomo sa kaamuan ni Maneng na anya’y “ PATAWAD ” at payukong hinintay ang ano mang mangyayari.
Handang aalis na sana, nguni’t ang mga kagawad ng Pamahalaan ay dumungaw at si Maneng ay dinakip. Nagtagumpay ang paglalamay ni Tomas sa palad ni Maneng.
Pinagsaulan si Nati pagkaraan ng ilang sandali. Ang lahat ng nangyari ay parang bunga lamang ng isang pagkahibang sa mataas na lagnat, at ang unang hinanap ng malas ay si Maneng.
Nguni’t ang unang nakita ay si Mameng, si Mameng na luhaluhaan at gaya ng isang Magdalena ay nananambitan sa pinagtaksilan niyang pinsan at inagawan ng ligaya. Siya’y nagsisisi.
—Nati!...—anya—¡Nati! Ako’y isang hamak na ginayakan ng isang pusong mahina at isang kalolwang napakaliit. Ako na dapat magsikap ng kapayapaan mo, sapagka’t ikaw ay laging mairugin sa ulila mong pinsan, ako ang nagkanulo at umagaw sa iyong ligaya... dinggin mo akong sandali, dinggin mong saglit ang aking samo. Ako’y isang kulang palad sa lahat ng anyo ng kabuhayan. Ako’y isang nahatulang tumangis magpakailan man dahil sa aking pagkasungabang. Walang bukas na nakahanda sa akin kundi pawang kutiya at siphayo. Lalayo ako ng malayong malayo upang ako’y huwag mo nang makitang muli pa Nati. Ang kasalanang nagawa ko ay sinusumpa ng kaugalian, pinarurusahan ng mga batas, at di pinatatawad ng mga walang awang mapagaliw sa dusa ng kanyang kapwa.
—Ang patawad mo—ang patuloy—ang tanging hinihingi kong baon, at ang aking karumihan ay lilinisin ko ng maputing damit ng “ Nurse ”. Pinatatawad mo ba ako Nati?
Si Nati ay walang nawatasan mandin.
—Si Maneng saan naroroon?—ang animo’y baliw na sagot ni Nati—si Maneng!... Hanapin si Maneng. Siya ay darakpin. Ipinagsuplong siya ng kaniyang unang asawa. Ako’y [161] kanyang dinaya; nguni’t siya ay aking minamahal; ayukong siya’y madakip. Inyong patakasin. Inyong itago at huwag payagang ilibing ng buhay na parang isang salarin.
Ang lagnat ni Nati ay napakataas at di man sinasadiya ay humihilig kay Mameng at yinakap ng ubos higpit.
—Mameng!... Mameng!... pinsan ko... Kilala mo si Maneng na lubhang matamis magmahal.... Kilala mo siya... Ito ay iyong talastas... huwag mong ipagkaila... Tayo’y inulila sa dagat ng walang pampang na dalamhati. Mahalin mo siya. Iyong patakasin.
Si Mameng ay patuloy ng pagtangis at paghingi ng tawad kay Nati; si aling Tayang ay walang malay gawin upang hatdang ginhawa ang anak na naratay; nguni’t si Selmo ang kaibigang tapat ni Maneng bago naging bayaw, ang lihim na mangingibig ni Mameng ay parang nauupos na kandila sa gayong panonood ng dagandagang sakit. Nagbihis pagdaka. Inalam ang sigalot ng bayaw at kaibigan, handang maglagay ng lagak, nguni’t nalugsong lahat ang mabuti niyang nasa. Nais ni Maneng ang malibing ng buhay; pagdusahan ang nagawa niyang kamalian sa loob ng mapanglaw na bilangguang handa ng kapisanan sa mga salarin.
Ani Selmo nang siya’y makausap:
—Maneng!... Maaaring palawigin ang usap, na isa, dalawa ó tatlong taon. Maaaring mamuhay ka ng tahimik at malaya... At sa panahong ito’y masisikap natin ang patawad . Maaaring ayusin ang gusot na iyong kinapasukan.
—Selmo!—ang boong tigas na tugon ni Maneng—bayaan mo akong maglinis sa tiising nakataan sa akin. Hindî ako maaaring tumahimik sa gitna ng sigalot na aking napasukan sa masamang sandali. Ang huling tawa raw ay siyang lalong masarap. Kung may buhay pa ay maaari pa ring lumigaya.
Gayon nga, samantalang ang kalagim lagim na pamamayani ng lungkot ay naghahari sa kanilang tahanan at sa bawa’t isa nilang puso, ay boong tapang na yinayakap ang kasawian.
Hiningi sa Tagausig na huwag nang palawigin ang usap; hiniling ng boong pagsamo na iharap na siya sa Hukuman at ano mang lupit ng parusa ay kanyang tinatanggap ng boong puso yayamang siya ay may sala.
At ang mga kaibigan ay nangaguunahang maghandog ng samantalang lagak upang ang hatol ay mapaglabanan, gayon din ang mga tulong upang mabawasan ang pasiya ng Hukumang siya ay mabilanggong WALONG TAO’T ISANG ARAW ay mabago, nguni’t walang ibang isinasagot si Maneng kundi: “Salamat mga kaibigan, hindi ko na kailangan ang lumawig pa kahit sandali pa ang laya na sa aki’y bumibigti at nakasasabagal. Tinatawag ako sa bayan ng mga salarin at panibulos ang aking paniniwala na yaon ang aking bayan”. ¡Paalam!
WAKAS
Basahin ang “NEOSAN” karugtong nitó.
SILANGANAN
RESTAURANT
AZCARRAGA 555 TONDO, MANILA.
Masarap na luto na tumutugon sa kaugalian at kapanahunan.
Malinis, mababa ang halaga at mabuting pagkain.
KALINGAIN NINYO ANG SARILI.
Madlang-Awa Tailor
SASTRERIA Y CAMISERIA
de
Ildefonso Madlangawa
Confeccion esmerada de trajes para caballeros y niños.
PRECIOS RAZONABLES.
Azcarraga 553 Tondo, Manila.
Amor Studio
FOTOGRAFIA REVELACIONES, COPIAS Y PASAPORTES REPRODUCCIONES AMPLIACIONES TRABAJOS AL OLEO, CRAYON Y PASTEL |
KUMUKUHA NG LARAWAN sa Araw at Gabi May tagaayos ng buhok na walang bayad. 771 Juan Luna, Tondo, Manila. Tel. 8736 |
PHOTO STUDIO DEVELOPING PRINTING AND PASSPORT REPRODUCTION ENLARGEMENT COMMERCIAL PHOTOGRAPHY |
Mayroon Kaming Sukursal
sa Baliwag, Bulakan.
Sa mga nakatapos ng pagaaral na mababalam dahilan sa di pa nayayari ng kanilang mananahi, ang “Toga”, kami ay may nahahanda at buong pusong ihinahandog sa kanila, sa lahat ng sandali.
May mga Retocador kami at Fotografo na mga sanay sa lalong maselang na gawaing ukol sa aming hanap buhay.
Bago sana magpakuha sa mga taga ibang lupain ay sa mga kalahi na muna ibigay ang tangkilik.
Isasauli namin ang bayad sakaling ang aming mga larawan ay mapintasan.
KATANGIAN SA MGA LARAWANG MAY KULAY.
Talâ ng Tagapagsalin
Ang mga ilang bilang ng pahina ay wala dahil sa mga tinanggal na blankong pahina at mga pahinang naglalaman ng duplikadong teksto.
Ang Mga Nilalaman ay wala sa orihinal at idinadagdag ng tagapagsalin.
Isinaayos ang pagbabantas ( punctuation ).
Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, paggamit ng mga tuldik, at pag-eestilo sa teksto, maliban lamang sa mga sumusunod:
Narito ang bahagi ng XXI Kabanata sa orihinal na duplikado ng bahagi ng XXII Kabanata, na may bahagya lamang na pagkakaiba:
At ang kulang palad na si Nati na pinahihirapang kasalukuyan ng pagaalanganin ni Maneng ay nangunguyapit na kasalukuyan sa maiinit na bagting ng tanikala na dulot sa kanya at isinilo ng Anangki niyang nakapangingilabot.
Si Maneng namang yumaon na ay tulad sa isang sasakyang walang ugit; susuling suling na hindi matukoy kung ano ang dapat na gawin.
May mga taong mahihina at agad sumusuko sa mga bayo ng dusa at kung magkabihira’y walang ibang pinagbubuntuhan kundi ang kabiglaanan na masamang gawi o ang dagling pagbibigay sa mga udyok ng pita. Sa diwa ni Maneng ay nagsulpot-sulpot ang mga ala-ala, niyaong mga sawi na nagpapatiwakal dahil sa pag-ibig.
Sa lahat nang yaon ay walang mapili si Maneng na dapat niyang uliranin. Nasusuklam siya sa palad nang mga nagpapatiwakal, na kanyang binababawan ng tawag na duwag at nangagsisitalikod sa katungkulang banal ng tao na makibaka sa buhay.
At boong tapang na tinungo ang kanyang tahanan at nagkulong din sa kanyang silid, at yao’t ditong di mapakali na sinusukat ng kanyang banayad na hakbang ang maaliwalas niyang pahingahan.
—Paano ang mabuti kong gawin?—ani Maneng sa kaniyang sarili.—Pakasal na muli kay Nati pagkatapos na pakasal kay Binay ay ganap na pagpapatiwakal din sa kapisanang ito na aking pinakikipamayanan. Dito’y may mga batas na napakalulupit sa ganitong paglabag. Bakit ba’t di pa ako sa mga bayang tumatangkilik ng Poligamia sumilang? Disin ay di ako naghihirap ng paglutas ngayon nitong magusot na suliranin ng aking buhay.
At napatigil na sumandali, lumikmo sa kanyang maringal na likmuan at pinagwawari ang dapat na gawin.
Mayamaya ay napatampal sa hita at aniya:
—Lutas na ang suliranin kung papayag ang Pastor na nagkasal sa amin ni Binay. Ano ang mawawala sa kanya kung ang talaan ng aming pagkakasal ay mawala halimbawa? Ang salapi ay isang mainam na panilaw. Atuhan natin sa paraang ito. Limang puong libong bagay ang kay daling lutasin, nguni’t ang tao ay napakahangal na sa isa lamang dito, ay natutulig na, at di magkatuto ng paglutas.
At nagmadaling nagbihis.
Sinidlan ng maraming salaping papel ang kanyang kalupi at nagsilid sa dalawang sobre ng tiglilimang daang piso na handang pansuhol sa Pastor ng Iglesia Metodista na kanyang handang upatan.
At nanaog na daglian, nguni’t nasalubong niya ang cartero na nagabot sa kanya ng isang sulat.
Lumulan sa kanyang auto na laging nakahanda at doon na binasa ang liham pagkatapos maipagbilin kay Ikong na pumatungo sa bahay ng Pastor, sa Avenida Rizal .
Gayari ang nasasabi sa liham:
“Maneng ko: Parine kang agad at nang maaga tayong makabalik at ang tatang ay darating daw ngayong hapon.
“Kung pahintulot mo ay ihayag na natin sa kanya ang lihim nating pagiisang puso.
“Siya ay isang taong marunong maghunos dili at kung kanyang makita na huli na ang kaniyang tutol ay maaasahan nating ang kaniyang pakikiayon sa atin, baga mang hindi na yaon kailangan.
“Mabuti na rin ang walang pinangingilagan at inaala-ala. Ano ang sabi mo Maneng?
“Ako’y uhaw na uhaw sa iyong masuyong alo na inaasahan kong di mo ipagkakait sa iyong tapat at tuwina’y mairuging asawa.”
BINAY.
Sinabayan ng punit ang liham, pinaggutay-gutay at ipinalipad sa hanging sumasalubong sa lumilipad niyang sasakyan.
At ang sabi sa sarili:
—¡Tapat na asawa!.... Kung ang lahat ng tapat ay gaya niya, ay baligtad na ang daig-dig. Wala nang taksil; wala nang maituturing pang pagkakanulo sa puring dapat na ingatan at mahalin tuwina... ¡Tapat na asawa!...
At ang bali—Hindi ako pahahalata. Makikipagkita ako kay Binay at kung siya’y madaya ko yamang ako’y dinaya din lamang niya, ay walang salang di magiging mapalad ako sa piling ni Nati.
Samantalang ito’y nangyayari si Nati naman sa gitna ng gayong dagok ng kapighatian ay waring walang ikakaya at ang kaniyang pihikang katawan ay linulupig ng dalamhati.
Ang ulo niya’y parang iginigiba sa paniniwalang siya’y pinaglalaruan ni Maneng at di siya marahil nasang pagtapatan. Ang paniwalang si Mameng ang siyang pinaguubusan ng suyo at sanhi ng gayong alinlangan ay uutas mandin sa kanyang buhay.